NAPAPITLAG si Erastus pagkarinig sa umaatungal na ina na papasok sa loob ng kanyang private hospital room. Ang nag-aalalang mga mata nito ang agad niyang napansin. Pagkuwa’y yumakap sa kanya habang nakahiga siya sa kama. Ang kanyang ama naman ay marahan ngunit halatang proud na tinapik ang kanyang balikat.
“That’s a great job, son,” sabi pa nito sa kanya.
Isa ito sa mga heneral ng bansa kaya nasisigurado niyang ganoon na lang ang tuwa nito matapos niyang successful na ma-resolba at maipatapon sa kulungan ang utak ng international syndicate na matagal nang hindi matimbog ng mga alagad ng batas.
Nginitian lang niya ang kanyang ama. Bilang anak ng isang heneral, at bilang Head ng Task Force for Organ International Syndicate, dapat lang na matapos niya ang proyekto bago matapos ang timeline na inilaan niya roon. Iyon nga lang, napuruhan din siya sa engkwentro nang sugudin nila ang kuta ng sindikato na napapanahong sa Pilipinas namumugad.
Ah, naalala na niya. Si Jyle ang lalaking naghatid ng pagkain sa kanya. Best buddy niya iyon at kasama sa serbisyo. Nagkakilala sila noong kolehiyo at aktibong miyembro ng basketball team ng unibersidad. Bakit nga ba nakalimutan niya iyon? Saglit yatang nag-malfunction ang utak niya dahil sa naging pinsala niya sa engkwentro sa mga sindikato. Nararamdaman niya ang pagiging superior o ang pagkakaroon ng obligasyon sa nasasakupan, pero bakit hindi niya maramdaman ang damdamin na dapat mayroon siya para sa isang pamilya o kaibigan? Parang naninibago pa nga siya. Buti na lang itong ama niya ay may pagka-tough…
“Anong great job, great job na sinasabi mo diyan, Florencio?!” angil bigla ng kanyang ina sa kanyang ama. “Nakita mo na ngang kamuntik nang mamatay itong anak natin, serbisyo sa lipunan pa rin ang nasa utak mo? Maano bang tinanong mo muna siya kung maayos ba ang lagay niya?”
“Pinuri ko naman siya, at sa nakikita ko, he’s fine.”
Dumaldal pa ulit ang kanyang ina ngunit hindi na niya naunawaan ang mga sinasabi at nagiging sagot ng kanyang ama. Mas na nakapokus ang kanyang utak sa kaguluhang nararamdaman. Bakit parang bago sa kanya ang lahat ng iyon? Parang hindi naman niya kilala ang mga tao sa kanyang paligid. Bagaman sinasagot ng utak niya ang mga tanong niya patungkol sa mga nasa paligid niya, ngunit naguguluhan ang damdamin niya. Ganoon ba talaga ang pakiramdam ng taong minsan nang nanganib ang buhay at kamuntik nang tumawid sa kamatayan?
“Tao… Tao ako?” mahinang nasambit niya.
“Natural! Alangan namang hayop ka, wala ka namang buntot at pangil,” sikmat sa kanya ng ina. Narinig pala nito ang sinabi niya. “Kita mo na, Florencio? Kung ano ang idinulot ng pagiging pulis na iyan sa anak mo! Maski ang pagiging tao niya ay pinagdududahan na niya!”
His father shrugged. “Maybe he needs a vacation,” anitong parang walang anuman. Bumaling ito sa kanya. “Bahala ka muna sa over reaction ng iyong Mama, Rass. Aasikasuhin ko lang ang bill.”
“Aba’t! Itong matandang ito!”
Hindi na yata narinig ng kanyang ama ang sinabi ng kanyang ina o kung narinig man ay binalewala na lang ang tantrums ng kanyang ina dahil nagdere-deretso na ito sa paglabas ng hospital room.
“Ikaw naman, Erastus Montecillo!” sita sa kanya ng ina. “Hindi ka babalik sa serbisyo hangga’t hindi ka lubusang magaling at nakakapahinga nang maayos.”
Tututol pa sana siya sa sinabi ng ina subalit agad nitong dinugtungan ang sinabi.
“Magbabakasyon ka muna sa rest house natin sa Batangas. Kapag hindi ninyo ako sinunod ng iyong magaling na ama, magpapatiwakal na ako. Pinahihirapan n’yo lang ako sa pag-aalala ko sa inyo!” At umatungal na naman ito ng iyak. Wala tuloy siyang nagawa kundi aluin ang ina.
Ano ba itong mundong kinaroroonan niya? Tagarito ba talaga siya? Bakit wala siyang maramdaman na familiarity? At bakit… bakit parang may kulang sa kanya? May gusto siyang makita sa pagdilat ng kanyang mga mata.
Sa kabilang mundo…
“PAANO ako makakatawid?!”
Nagpalipad-lipad si Rosette paikot sa mga kaibigang sina Vymerra, Xeen, Zayleigh, Cairroa at Simone. Pito silang lambana noon na miyembro sa grupo nilang magkakaibigan. Pero dahil tumawid na si Kroen sa mundo ng mga tao at tuluyan nitong piliin ang mundo ng ama nito ay naging anim na lang sila. Sa panahong ito, patay na ang katawang-lupa ni Kroen, ganoon din ang asawa nitong si Quinn. Sabay na namatay sa aksidente ang mag-asawa habang pauwi galing sa pagdiriwang ng 25th year wedding anniversary ng mga ito. Ang tanging naiwan na lang na alaala ng mga ito sa mundo ay ang kaisa-isang anak na babae, si Shunn. Ang painting ay isinama na sa libing ng ama ni Kroen nang mamatay iyon.
Si Shunn na lang sana ang pag-asa nila para magbukas muli ang lagusan matapos ang halos tatlumpong taon na pagkakasarado noon. Subalit, paano? Hindi pagpipinta ang napiling propesyon ni Shunn kundi pagmomodelo. At kung sakali mang pagpipinta tulad ng ama nito ang nakahiligan nito, duda pa rin siya na makabubuo ito ng lagusan na tulad ng ginawa ni Quinn noon. Ni wala nga itong ideya patungkol sa mundo nila.
Nalalaman nila ang detalye patungkol kay Shunn dahil paminsan-minsan silang tumatawid sa kabilang lagusan. Kung saan may nagsisilbi silang tagabulag sa mga mortal. Nakikita nila sina Kroen at ang pamilya nito kapag naroroon sa rest house sa San Juan, Batangas at nasusubaybayan. Alam rin nila na nararamdaman ng kaibigan nilang si Kroen ang presensiya nila kapag nasa paligid sila bagaman hindi sila nakikita. At sapat na para sa kanila na malamang masaya ito sa pinili nitong buhay.
Alam din nila na ikinukuwento ni Kroen kay Shunn ang patungkol sa mga lambana kapag matutulog na ito. Pero hindi nila maaaring asahan na pinaniniwalaan iyon ni Shunn, dahil bukod sa batang paslit pa ito nang magkuwento ng paulit-ulit si Kroen sa anak. Ngayong dalaga na si Shunn, posibleng isipin nito na isa lang sa mga kuwentong pambata o bed time stories ang ikinukuwento rito ni Kroen. Manganganib ang buhay niya kung kay Shunn siya aaligid.
“Hindi ko din alam, Rosette,” tugon ni Cairroa.
“Bakit ba kasi sa `yo iniatas ng konseho ang pagsunod at paghahanap kay Erastus?”
“Bakit Vym? Gusto mo na sa `yo ibigay ang task?” sita naman ni Xeen.
“Excuse me?” Namaywang at humalukipkip si Vymerra sa harap nila.
Dahil sa pagsasakripisyo ni Erastus para kay Kroen, malaki ang nabago sa batas ng kalikasan patungkol sa mundo nila. Naging makabago ang pananalita nila. Nagawa rin nilang matukoy ang iba’t ibang bagay patungkol sa kabilang mundo dahil sa panibagong kaalaman na hatid ng bagong batas sa Engkantasya. Ayon iyon sa bagong batas ng kalikasan.
Isang dambuhalang aklat na parating nakalutang sa kalagitnaan ng trono ng mga miyembro ng konseho, doon nakatala ang batas ng kalikasan para sa mga taga Engkantasya. Tinatawag din nila iyong Aklat Na Tagapagpatupad. Awtomatikong naipatutupad ang batas sa sandaling magbago ang nilalaman ng aklat. Napakahalaga sa kanilang mga lambana ng aklat dahil doon nakasentro ang takbo ng pamumuhay nila at maging ang mga kapangyarihan nila. Kung mawawala iyon sa kanila, mawawalan sila ng direksyon. Kaya nga may mga tagapangalaga noon. Ang bumubuo ng konseho. Sila rin ang namumuno sa buong Engkantasya.
Dahil sa pagbabago, ang iba’t ibang engkanto mula sa iba’t ibang kaharian ay nagkagulo. Hindi matanggap ng mga ito na naging moderno ang kaalaman nila at nakakasabay sila sa makabagong takbo ng mundo dahil maging ang mga pasilidad sa buong Engkantasya ay naging moderno na. Samantalang ang mga ito ay nakakulong sa makalumang kaalaman at pamumuhay. Iyon ang nagtulak sa mga ito para pag-agaw-agawan silang sakupin ng ibang kaharian at maambunan ang mga ito ng modernisasyon. Gusto ng mga itong agawin ang Aklat Na Tagapagpatupad. Sa sandaling malipat sa mga ito ang pagmamay-ari sa aklat, malilipat sa mga ito ang kakayahan nila, ang uri ng kanilang pamumuhay at ang mas nakakatakot ay masasakop sila ng mga ito. Magiging alipin at tagasunod sila ng mga ito o di kaya ay baka lipunin pa sila ng mga ito.
Masisira rin ang balanse ng mundo. Posibleng makatawid ang mga ito sa kabilang daigdig at doon makapanggulo. Sa paglakas ng kakayahan at kapangyarihan ng mananakop na lupon ng mga engkanto, lalaki rin ang posibilidad na maangkin ng mga ito ang kanilang sagradong lagusan. At hindi nararapat na mangyari iyon.
Paano sila lalaban kung ang isa sa pinakamagaling na mandirigma at pinuno ng hukbong pangkaligtasan na si Erastus ay napatapon na sa kabilang mundo? Nasa mundo na ito ng mga mortal. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang sunduin si Erastus pabalik sa mundo ng mga engkanto maski nasa katawang tao ito. Naiwan naman sa Engkantasya ang sisidlan ng kapangyarihan nito at walang ibang pwedeng magmay-ari niyon kundi ang orihinal na nagmamay-ari.
Madali sanang iuwi si Erastus para sa mga miyembro ng konseho dahil alam ng mga ito ang top secret patungkol sa mundo ng mga mortal. Animo may hidden camera ang mga ito na napapanood ang ginagawa ng mga mortal. Subalit hindi na maaaring tumawid muli ang isa sa mga miyembro ng konseho at magtagal nang higit sa dalawang oras dahil makakaapekto na naman iyon sa batas ng kalikasan. Baka sa halip na masolusyunan ang problema ng kanilang kaharian ay lalo lamang gumulo.
Kaya naman, isang lambana na malapit kay Kroen ang nautusang tumawid. At si Rosette iyon. Sa pagtawid niya, hindi mabubura ang kanyang mga alaala dahil kailangan niyang mapilit si Erastus na umuwi. Dalawa ang lagusan. At nasa kanya kung saan niya pipiliing dumaan. Kung dito sa sinaunang lagusan, kailangan niyang maghintay na magbukas iyon sa sandaling lumitaw ang kahit anong patunay sa kabilang mundo na totoo ang daigdig nila. At hindi niya sigurado kung kailan iyon magbubukas.
Kung sa kabilang lagusan naman, iyong dinadaanan nila dati para bisitahin si Kroen, may limitasyon naman iyon. Hindi siya makakalayo o makakatawid sa kabilang barangay na kinaroroonan ng rest house ni Quinn. Paano niya mahahanap si Erastus gamit iyon?
Si Shunn lang ang pag-asa niya para magbukas ang sinaunang lagusan, ngunit paano? Samantalang modernang dalaga ito. Hindi siya nakasisigurado kung magagawa pa niyang ipaalala o papaniwalain ito patungkol sa mga lambana. Ang alaala at paniniwala na lang nito ang pag-asa niya ngunit, pakiwari niya, para siyang bulag na naghahanap ng liwanag kung si Shunn ang kanyang aasahan.
Sumalampak si Rosette sa ibabaw ng buko ng rosas. Dati-rati, kapag ginagawa niya iyon ay sinasabayan niya ng pangunguyakoy ng mga paa. Pero dahil namomoroblema siya ngayon, hindi niya magagawa. Nafu-frustrate na sinabunutan niya ang kulay malamlam na asul na buhok. Mabilis naman siyang pinigilan ng mga kaibigan.
“Hoy! Rosette!”
“Tigilan mo iyang ginagawa mo!”
“Gusto mong kami na lang ang kumalbo sa `yo?”
“Nakakaantok naman itong meeting natin.” Naghikab si Simone.
“Wala ka talagang kuwenta, Simone.” komento ni Zayleigh.
“Mabuti na lang at hindi ako ang napili.” Binalingan niya ang nagsalitang si Vymerra. Nag-peace sign ito. “Pero tutulungan ka naman namin. Huwag kang mag-alala. Tsaka ayaw mo n’on? Makikita mo na naman ang lovey dovey mo?”
Siniko ito ni Caiorroa at pinandilatan. Ngumisi lang naman sa kanya si Vymerra. Hindi tuloy napigilan ni Rosette ang pamumula ng kanyang mga pisngi sa biglaang pagtahimik ng mga kaibigan. Ibig sabihin ba, may alam ang mga ito sa…
“Sabihin natin sa konseho na ako na lang ang tatawid. Ang daming guwapong mortal sa kabilang mundo. Siguradong malulunod—”
“Lalaki na naman ang nasa utak mo, Xeen!”
Naputol ang kanyang pagkailang sa sagutan nina Xeen at Caiorroa. Maigi na lang talaga na umatake ang kalandian ni Xeen. Makakaligtas siya sa napipintong pang-aasar ng kanyang mga kaibigan sa kanya sakaling may makumpirma ang mga ito mula sa mga reaksyon niya. At kung bakit ba naman kasi hirap siyang itago ang sarili sa mga kaibigan kapag si Erastus na ang laman ng usapan.
“Eh, Cai, wala namang guwapong nilalang dito sa mundo natin. Nagsasawa na ako sa pagmumukha ninyo.”
Nagkanya-kanyang sugod dito ang mga kaibigan nila at pinagtulungan si Xeen.
“`Oy, biro lang iyon! Magkakaibigan tayo rito!” tili ni Xeen.
Pero wala na. Hindi na mapipigilan ang mga iyon sa pagsugod kay Xeen. Siya naman ay nanatiling nakasalampak sa ibabaw ng rose bulb. Namomoroblema talaga siya. Oo, gusto niyang makita ulit si Erastus pero kailangan niyang iisantabi ang pansariling pagnanais na iyon dahil ang misyon ay hindi lang pabor para sa kanya kundi para sa kaligtasan ng buong Engkantasya.
Kamusta ka na kaya, Erastus? Masaya ka na ba sa bagong buhay mo? Hindi mo ba kami nami-miss na mga kaibigan mo?
May tila karayom na tumusok sa kanyang puso pagkaalala sa dahilan kung bakit nasa kabilang daigdig ang engkanto. Hindi naman siya dapat makaramdam ng ganoon pero hindi niya mapigilan.
Mahal talaga nito ang kaibigan niya. Dapat na masaya siya, pero higit na nasasaktan siya sa ideya.
Dahil…
Noon pa man, iniibig na niya si Erastus. Malaya niya itong inibig nang hindi nito nalalaman. At buong puso pa rin niya itong minahal maski napakasakit na.
Ni hindi niya alam kung paano niya nagawang mabuhay at magpanggap na maayos magmula ng umalis ito. Nililibang na lang niya ang sarili sa pagtingin sa buwan at pag-alala sa masasayang sandali na magkasama sila ni Erastus. Isa pa ay naroroon naman si Axyl, isa sa mga miyembro ng konseho, at binibigyan siya ng impormasyon patungkol kay Erastus.
Sandali pa at lumipad na si Rosette palayo sa mga nagkakagulong mga kaibigan. Pinuntahan niya ang puno na kinaroroonan ng sinaunang lagusan. Wala ang bilog na butas sa katawan ng puno na siyang dinaanan ni Kroen noon. Paano siya makakatawid? Hindi niya pwedeng asahan si Shunn. Baka ipahamak pa siya ng anak ng kaibigan niya. Mas mahirap iyon.
“Nakakainis naman!” pagsisintir niya.
Lumipad siya palapit sa puno sa harap mismo ng katawan noon na may marka ng pabilog na butas. Iyon ang nagsisilbing pinto ng lagusan na sa ngayon ay nakasara pa rin. Bumaba siya sa lupa at asar na pinagsisipa ang anumang maaabot ng kanyang mga paa. Kapag nakatawid na ba siya, ano ang dapat na maging reaksyon niya pagkakita kay Erastus? Dapat ba na magpanggap siyang naging maayos siya sa nakalipas na mga panahon? O ipaparamdam niya rito ang paghihinampo niyang iniwan siya nito?
Ah! Para namang importante siya para kay Erastus. Kaibigan lang siya nito. Hindi siya ganoon kaimportante para panghinayangang iwan.
Ang mas kailangan niyang pagtuunan ng pansin sakaling makatawid ay kung paano hahanapin si Erastus. Hindi siya mahilig makisalamuha. Sa totoo lang ay takot siya sa mga mortal. Dahil kahit anong sandali, kayang-kaya siyang ipahamak ng mga salita ng mga ito. Bukod doon, isandaang araw lang din ang ibinibigay ng lagusan at kakailanganin niyang makabalik. Dapat rin na sa loob ng isandaag araw na iyon ay nahimok na niyang bumalik si Erastus sa mundo nila. Palagay niya ay mahihirapan din siya sa bagay na iyon dahil, naka-program na ang utak nito bilang isang mortal. Inabot ng dalawampu at tatlong taon bago matagumpay na nai-program ang utak nito at naisaayos ang lahat sa mundong paglalagyan dito.
Dahil sa pagsasakripisyo ni Erastus para sa kaibigan niya, naging mortal ito. Isinuko nito ang pagiging immortal nito para lang mabuhay muli si Kroen. Mahal nga nitong talaga ang kaibigan niya. At nais niyang mainggit. Dalawang lalaki ang nagmamahal ng lubos kay Kroen at napatunayan iyon ng dalawa. Napakasuwerte ni Kroen…
Ayaw niyang maramdaman ang pangit na damdamin subalit hindi niyamapigilan. Dahil sa totoo lang, tulad ng ibang lambana, pinangarap rin niyang mapili bilang kabiyak ng miyembro ng konseho. At isa lang naman sa limang miyembro ng konseho ang talagang pinapangarap niya. Pangarap na tuluyang hindi niya naabot nang magpasyang ialay nito ang buhay para sa iba.
Napabuntong-hininga na lang siya. Mayamaya’y lumipad at napasipa sa hangin. “Nakakaasar talaga!”
Ngunit kasabay ng pagsipa niya sa hangin ay ang pagliliwanag din ng katawan ng malaking puno. Nagimbal ang sistema niya. Nanlalaki ang mga mata ni Rosette habang nakatitig sa puno.
Nagliliwanag ang lagusan!
Nagbukas uli ang lagusan!
Pero paano?
Ah, saka na niya iisipin ang tanong na iyon. Ang dapat niyang unahing gawin ay ang tumawid sa kabilang mundo para maiuwi na niya si Erastus. Kailangang mahinto na ang kaguluhan sa mundo nila. Kailangan niyang maiuwi na si Erastus.
Babalik na ulit ang normal na takbo ng mundo nila at makakasama…
“Aaahhh!” tili niya.
Hindi pa siya tapos sa pag-iisip ngunit hinigop na siya ng lagusan patawid sa kabilang mundo.
Sa mundo ng mga tao…
PAPALABAS ng palengke si Erastus bitbit ang pinamiling prutas. Inip na inip na siya sa rest house nila roon sa San Juan. Hindi siya sanay na ganoon na walang ginagawa bukod sa kakain, tutulog at magliliwaliw sa tabing-dagat. Para kasing may malaking kulang talaga. Gusto niya ang maglibang pero may kulang sa paglilibang niya. May hinahanap siya at hindi niya alam kung ano ba iyon.
Nabubuwisit na siya saa kanyang sarili dahil hindi niya alam kung ano ba ang gusto niyang hanapin. At kung bakit ba niya nararamdaman ang ganoong uri ng kakulangan sa buhay. Maayos na naman ang pamumuhay niya. Ilang babae na ang naging kasintahan niya na di nga lang nagtagal dahil mas dedicated siya sa kanyang serbisyo. At masaya siyang makatulong sa mga mamamayan ng bansa. Subalit sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay parati niyang nararamdaman na may kulang.
Kaya nang makita niya si Aling Ising, ang kanilang katiwala, na papalabas para mamalengke ay nagpilit siyang sumama. Siguro, kailangan lang niya magmasid sa buong lugar at baka sa ganoong paraan ay mapunan na ang kakulangang nararamdaman niya.
May usapan sila ng matandang ginang na magkikita sa kanto sa tapat ng panedriya. Naghiwalay kasi sila nang pumasok sa palengke. Mamimili ito ng stocks sa bahay samantalang siya naman ay magtitingin lang ng magugustuhang bilhin.
Kung hindi lang niya alam na aatungal na naman ang kanyang ina kapag tinanggihan ang mungkahi nitong pagbabakasyon niya, baka bumalik na siya sa serbisyo. Pero dahil nga binigyan din siya ng vacation leave sa serbisyo dahil sa tinamo niya sa huling proyekto na hinawakan niya, ano pa nga bang magagawa niya kundi pumayag na lang sa nais ng mga iyon?
Ang resulta, batong-bato na talaga siya. At lalo lang siyang na-frustrate sa kakaibang pakiramdam dahil sa kawalan ng magawa. Siguro hinahanap-hanap ng katawan niya ang aksyon.
Malapit na si Erastus sa bakery na hintayan nila ni Aling Ising nang mamataan ang ingay sa di-kalayuan. May sumisigaw na babae na naagawan ng kung ano at ang isang lalaki naman patungo sa direksyon niya, bitbit ang bag na malamang hinablot nito sa babaeng nagpapapalahaw.
Umarangkada na naman ang kanyang likas na pagkapilantropo. Basta na lang niyang ibinalibang ang mga pinamiling pakwan at melon sa kung saan at mabilis na hinabol ang snatcher. Mukhang batikan na iyon sa pagiging mandurukot at mang-aagaw dahil napakabilis tumakbo, at kung saan-saan pa nagpapasikot-sikot. Naroong pumasok ito sa sobrang kikitid na iskinita ng lumang palengke, na ngayo’y kasalukuyang nire-renovate kaya wala sa ayos ang mga pamilihan.
Pero sanay na siya sa mga ganoong pagkakataon. Kaya hindi nakakaligtas sa paningin niya ang lalaki habang hinahabol. Hayun nga at nadakma niya ang likuran ng kamiseta nito. Sa malas ay marupok iyon kaya napunit lang. Muling nakalayo ang kriminal. Humabol na naman siya. Sa pagkakataong iyon ay sa leeg na niya ito nadakma. Iniipit niya ito sa kanyang braso, nabitiwan naman nito ang bag.
Ngunit sa pagkagulat niya ay marunong lumaban ang lalaki. Sa malakas na pag-igkas nito ay nakawala ito sa pagkakaipit niya sa kanyang braso at hindi niya inaasahan ang sumunod nitong ikinilos. Iniuntog nito ang ulo sa kanya. Nakaramdam ng pagkahilo si Erastus. Mabilis na umiikot ang kanyang paligid na para bang nakasakay siya sa roller coaster. May pinsala pa rin siya sa ulo dahil sa engkwentro niya sa mga sindikato, mag-iisang linggo pa lang ang nakakaraan kaya ang ma-headbutt ang pinakahindi dapat mangyari sa kanya.
Subalit bago pa siya matumba ay pinagana niya ang kanyang mahabang binti para tadyakan ang lalaki. Nahagip lang ito dahil mabilis nang nakatakbo.
“Arrggh!”
Napaungol siya. Ito yata ang kauna-unahang pagkakataon na matatakasan siya ng isang kriminal sa mga hinabol niya. Nasapo niya ang ulong nasaktan nang maramdamang may tila lumabas doong kung ano habang napapaupo sa lupa. Ang papahilom pa lang niyang sugat ay muling nagdurugo. At hindi lang iyon, may lumabas na maliit na bagay na animo isang bato.
Nanggilalas siyang lalo nang makitang nagliliwanag ang bato. Nasilaw siya sa liwanag kaya bahagya niyang itinabing ang isang kamay sa mukha. Ano ba’ng nangyayari? Ano ang bagay na iyon na lumabas mula sa sugat niya? At bakit iyon nagliliwanag?
Mula sa liwanag ay nahulma ang isang pigura ng babae na unti-unting nagiging totoong nilalang sa kanyang mga paningin. Napakurap-kurap siya. Nananaginip ba siya? O baka naman nagha-hallucinate.
Paanong may mahuhulmang pigura ng babae mula sa liwanag? Pero paano rin niyang ipapaliwanag ang bato na pinanggagalingan ng nakakasilaw na bagay?
Ah! He must be dreaming!
Pero hindi na niya masasabing nananaginip pa siya matapos makarinig ng tinig.
“Erastus!”
Kinusut-kusot niya ang mga mata. Tama ba ang nakikita niya?