BABAENG may highlighted blue na buhok na hanggang ibabaw ng bewang. Asul din ang mga mata nito na palagay ni Erastus ay dahil sa contact lenses. Naka-fashion dress ito na kulay-asul at maging ang sapin sa paa ay asul.
Walang duda! Paborito nito ang asul. Pero sa kabila naman ng weird nitong fashion sense, hindi niya maitatanggi ang kagandahang taglay nito.
She had the most expressive eyes he had ever seen. Maganda rin ang mga labi nito. Perpekto ang hugis ng matangos na ilong tulad sa manika Ang korte ng mukha nito at ang mamula-mula nitong pisngi. She had the curves, men would drool for. Para itong isang mannequin na nagkaroon ng buhay!
And… she looked familiar. Biglang lumakas ang tibok ng kanyang dibdib sa hindi maipaliwanag na dahilan. Para siyang nalulunod habang nakatitig sa bughaw nitong mga mata. Binabaha siya ng damdaming hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin. Ang mainit na pakiramdam na iyon ang nag-uudyok sa kanya para abutin ito at hawakan pero bakit? Hindi naman niya ito kilala.
Sigurado siyang ngayon lang sila nagkaharap. Ngayon lang siya nakaharap ng ganito ka-weird manamit at pumorma. Bukod doon…
“Erastus! Ikaw nga!” pasigaw na sabi nito at dinaluhong siya habang nakasalampak sa lupa.
Yumakap pa ito ng mahigpit sa kanya. Naaamoy niya ang nakakabaliw na bango ng balat nito. Para siyang inilutang sa alapaap dahil sa masarap na yakap na iyon. Para bang kay tagal niyang nanabik sa ganoong pakiramdam at ngayon na iyon natapos. Gusto niyang gumanti ng yakap subalit pinigilan niya ang sarili.
Sino ba ito?
Binalingan ng babae ang nasa kamay niyang bato na ngayo’y naghihingalo na ang liwanag na nagmumula roon. “Ito ba? Ito ang lagusan! Ah! Salamat! Salamat at hindi na ako mahihirapang maghanap sa `yo. At sa `yo ko rin lang pala mahahanap ang susi ng lagusan na nahihirapan akong hanapin.”
Ano daw?
Napakunot-noo na lang siya habang tuwang-tuwa naman nitong kinuha mula sa kanya ang maliit na batong tuluyan ng nawalan ng liwanag. Inilagay nito ang bato sa sisidlan na nakapalawit sa kwintas nito.
Ah!
Baliw yata ang babaeng ito. Kung anu-anong sinasabi sa kanya. Lagusan daw ang bato? Nagpapatawa ito o talagang nahihibang na. Naramdaman niya ang pagkirot ng kanyang noo na may sugat. Mukhang noon lang din napansin ng babae ang sugat niya.
“Naku! Ano’ng nangyari sa `yo?!” Dama niya ang pag-aalala sa tinig ng mahiwagang babae at hindi niya maunawaan kung bakit parang napakapamilyar ng ligayang hatid ng nag-aalalang tinig nito.
“Dios ko! Ano’ng nangyari sa iyo, Mister?” Tila nag-aalalang saklolo rin sa kanila ng isa pang paparating na babae.
Ito ang babaeng naagawan ng bag kanina. Mabilis na nakalapit ito sa kanya. The lady looked familiar though. Napakaganda rin nito tulad ng weird na babae. Sa totoo lang, walang itulak kabigin sa ganda ang dalawang dalaga sa tabi niya. Mukhang sinusuwerte siya. Sa pagpapakabayani niya, napapalibutan siya ngayon ng dalawang naggagandahang babae.
At bakit ba ganoon ang nararamdaman niya? Bakit pamilyar ang mga ito sa kanya samantalang alam niyang ngayon lang niya nakita ang mga ito? Ganoon na ba siya kagahaman para makaramdam nang ganoon sa dalawa porke naggagandahang nilalang ang mga ito?
“Let’s go. Kailangan kang magamot,” sabi ng pangalawang babae at agad siyang inalalayan na tumayo.
“I’m fine, Miss. Kunin mo na ang bag mo,” sabi niyang nagtangkang tanggihan ang alok ng babae.
“Pero dumudugo ang noo mo. May sugat ka! And I owe you for saving my bag,” pagpupumilit nito.
“Dati pang sugat ito. Besides, obligasyon ko iyon bilang pulis.”
“Oh my! You’re a cop?”
“Yeah.”
“Shunn…” singit ng wirdong babae.
Nakuha nito ang atensyon ng tinawag na Shunn. Nagtatakang tumitig ang huli sa una.
“Kilala mo ako? Oh! I like your hair! And your eyes.”
Nakatanga lang dito ang mahiwagang babae.
Sinamantala niya ang pagkakataon. Nakakadurog ng pride niya na papalibutan siya ng magagandang nilalang pero siya pa ang inaalalayan.
“Maiwan ko na kayo.”
Naglakad na siya palayo. Bagaman gusto pa niyang makilala ang babaeng may kulay asul na buhok ay kailangan na talaga niyang umalis. Tapos na ang misyon niya roon. Kailangan naman niya ay ayusin ang hitsura niya. Natuluan na rin ng dugo ang damit niya dahil sa kanyang noong nagdurugo.
“Oh, Miss. Sa ibang araw tayo mag-usap. Dadalhin ko lang si Mr. Policeman sa ospital,” narinig niyang ng isang babae.
“Ako si Rosette. Teka, sasama na lang ako. Kailangan ko ding makausap si Erastus.”
Sabay na dumaluhong sa magkabila niyang braso ang dalawang babae.
Argh, hindi sa ganitong pagkakataon niya nais na pagkalumpumpungan ng magagandang nilalang. Ngayon pa na parang ang hina ng kanyang pakiramdam.
“I’m fine! Go away!” hindi niya napigilang singhal sa dalawa. Nahihiwa ang ego niya at hindi niya iyon matanggap.
“Stop being so cool, Mr. Policeman…”
“Erastus,” pagtatama ng mahiwagang babae.
“Okay, Erastus. Alam namin na hindi maganda ang pakiramdam mo. And still, I owe you for saving my…” Binalingan ng babae ang nakasukbit sa isang balikat nito. “bag. You know. So please. Let me help you with your wounded forehead.”
Asar na bumuntong-hininga na lang siya. Maski ngayon pa lang niya nakaharap ang mga ito, alam niyang may pagkamakulit ang dalawang ito kaya pumayag na lang siyang magpadala sa clinic.
MATAPOS malinis at bendahan ang dati nang sugat ni Erastus ay tumayo na siya mula sa clinic bed. Tama na iyon. Siguro naman ay lulubayan na siya ng dalawang babae na nakilala niya bilang sina Shunn at Rosette.
Hindi niya mapigilang parating lingunin ang huli. Hindi niya kasi maunawaan ang kanyang sarili kung bakit nararamdaman niya ang matinding kagustuhan na abutin ito at yakapin. Parang ang dami niyang gustong itanong dito pero hindi naman niya maisip kung anu-ano ba ang mga iyon.
Ano ba itong nangyayari sa kanya?
“Okay na ako. Pwede na kayong bumalik sa dati ninyong mga buhay,” pahayag niya sa dalawang naggagandahang mga babae na naghihintay sa kanya roon sa clinic.
Tumayo si Shunn at lumapit sa kanya. “Ihahatid na kita. Same barangay lang pala tayo. May dala naman akong sasakyan so, mas mapapadali ang—”
“I’m fine. Saka may kasama akong naiwan sa palengke. Babalikan ko pa siya.”
“You’re girlfriend?” tila matamlay na tanong ni Shunn.
“No,” tugon niya.
Nagliwanag muli ang mukha nito at tuluyan nang umabrisiete sa kanya. Pilit man niyang baklasin iyon ay hindi naman ito bumitiw. Isa pa, pamilyar din kasi ang mukha nito. Pamilyar ang hitsura ng dalawa nina Rosette at Shunn sa kanya kaya lang ay wala siyang maalala na nakilala niya ang mga ito. Base na rin sa pakikipag-usap ni Shunn sa kanya, talagang kumpirmado na ngayon lang niya ito nakaharap. Pero itong si Rosette, kilala siya nito.
Paano?
Bakit?
At bakit masarap ang pakiramdam kapag nalalapit ito sa kanya? It seemed like he knew her for time eternity and he felt the same feeling. Pero kahit anong halungkat niya sa utak ay di niya maalala na nakakilala siya ng ganito kagandang babae sa tanang buhay niya.
“Kung ganoon, ihahatid ko na kayo ng kung sinong kasama mo,” excited na prisinta nito, saka bumaling kay Rosette. “How about you, Rosette? Gusto mo rin bang sumabay?”
Isang matipid na tango lang ang ibinigay ni Rosette rito. Napilitan na rin siyang pagbigyan si Shunn. Sa nakikita niyang kakulitan nito, sigurado siyang hindi siya nito tatantanan.
Hanggang sa makarating sila sa panaderya na tagpuan nila ni Aling Ising ay walang imik si Rosette. Patuloy lang itong nagmamasid sa paligid. Kabaligtaran ni Shunn. Misteryosa ang pagiging matahimik nito. At misteryo rin para sa kanya ang mga inilalabas ng bibig nito kapag nagdesisyon na itong magsalita.
Bumaba si Erastus para magtanong kung nakarating na ba roon si Aling Ising. Mabuti na lang at bago pa iyon makasagot ay pahangos nang bumulaga sa harapan niya ang matandang ginang.
“Ikaw na bata ka! Ano bang akala mo sa sarili mo, siyam ang buhay? Paano kung napahamak ka na naman sa paghabol mo sa magnanakaw na iyon? Kung hindi pa sinabi sa akin ng mga nakakita sa nangyari ang ginawa mo ay ipapahalughog ko na sana ang buong palengke. Akala ko ay naligaw ka na.”
Tumawa lang si Erastus sa nagpapanic na reaksyon na iyon ng butihin nilang katiwala. “Obligasyon ko ho iyon, Aling Ising. Tsaka ligtas naman po akong nakabalik.”
“Maski pa. Malilintikan ako nito sa mga magulang mo. Lalo na kay Senyora.”
Alam niya kung bakit. May pagka-OA naman kasi ang kanyang ina.
“Ah, Ale, pasensiya na po kayo kung nag-alala kayo kay Rass,” singit ni Shunn sa nagpa-panic pa ring matanda. Sinabi niya na ‘Rass’ ang tawag sa kanya ng marami.
“Aba, eh, sino naman itong magandang babae na kasama mo, Erastus?”
“Ako po ang tinulungan niya.” Si Shunn ang sumagot. “Halina po kayo at ihahatid ko na kayo. Mainit na din po kasing umuwi.” Iginiya sila ni Shunn sa sasakyan nito.
“At kasama mo din ba ang isa pang magandang dalaga na ito?” tanong ni Aling Ising nang makita si Rosette.
Hindi na ito bumaba ng kotse kanina at patuloy pa ring nagmamasid sa paligid. Palagay nga niya ay iwas ito sa mga tao dahil hindi naman ito palasalita. Pero kung ganoon nga, bakit ganoon na lang ang reaksyon nito nang magkaharap sila kanina?
Kilala ba niya ito? May nabura bang alaala sa kanyang utak at di niya mahagilap ang anumang impormasyon patungkol dito? Maski ang pangalan nito ay parang pamilyar ngunit hindi niya maalala kung sino ba talaga ito.
“Opo. Magkakilala kami ni Erastus. Ako po si Rosette,” saad ni Rosette na ikinagulat niya.
Gusto sana niyang pasinungalingan iyon ngunit baka mauwi pa sila sa isang diskusyon at matagalan ang pag-uwi nila. Gusto na niyang makauwi at makapagpahinga. Habang umuusad ang sasakyan ni Shunn ay panay ang tanong nito ng kung anu-ano patungkol sa kanya. Si Aling Ising naman ang tumutugon sa lahat ng iyon.
Mas ang konsentrasyon niya kay Rosette na nanatiling tahimik sa kanilang buong biyahe. Panay ang pagmamasid nito sa paligid na para bang ngayon lang ito nakarating roon. Samantalang hindi ba’t doon nga niya ito unang nakita? Paano itong nakarating doon?
At…
Tama ba talaga ang rehistro ng mga bagay-bagay sa kanyang utak? Na mula sa liwanag na nanggaling sa bato, doon ito lumitaw. Baka naman nahihilo lang siya ng mga oras na iyon. Imposible kasi na mangyari ang iniisip niya, ang nakita niya.
“Dito na kami, hija. Salamat sa paghahatid mo. Halika muna kaya sa loob at magmeryenda,” anyaya ni Aling Ising na umiibis na ng sasakyan.
Bumaba na rin siya.
“Hindi na po. May shooting pa kasi ako. Siguro, dadalaw na lang ako sa isang araw. Tutal, alam ko na kung saan matatagpuan si Rass.”
Ngumiti nang matamis sa kanya si Shunn. Ngunit bago pa niya ma-appreciate ang magandang ngiti nito ay naagaw na ng atensyon niya ang pagbaba rin ni Rosette at paglapit sa gate sa tapat ng kinaroroonan nila. Nagmasid-masid itong muli sa paligid at sumungaw sa espasyo ng mataas na gate.
“Eh, si Rosette ba, hindi mo isasama?” untag ni Aling Ising kay Shunn na nasa loob ng sasakyan.
“May pag-uusapan pa daw sila.”
Tumango-tango na lang si Aling Ising. Matapos makapagpaalam kay Shunn ay binalingan siya ng matanda.
“May kilala ka palang porener rito, hijo? Saang barangay daw ba si Rosette? Parang di ko naman siya nakikita rito sa atin.”
Nagkibit-balikat siya. Hindi niya naman talaga ito kilala at di siya sigurado kung taga roon ba ito. Nang biglang may sumagi sa isip niya. Paano kung kaaway ito? O kawatan?
Hindi…
Ipinilig niya ang ulo. Wala siyang maramdamang panganib mula kay Rosette. Mukha pa nga itong napakainosente. Kung hindi lang sa kakaibang pananamit at porma nito, iisipin niyang inosenteng babae ito na napadpad lang doon sa lugar nila. Kung kumilos kasi ito, parang ngayon lang nakaapak sa kalupaan ng mundo. Panay ang masid sa paligid. Ngumingiti kapag marahil ay nagugustuhan ang mga nakikita. At napapakunot-noo kapag may tila hindi maunawaan sa mga nakikita. At bilang isang alagad ng batas, sa kilos pa lang ay makikilala na niya kung kawatan o may masamang motibo ba ang kanyang kaharap.
“O siya, sige na. Pumasok na tayo at nang makapagluto na ako. Baka nagugutom na rin ang kaibigan mo.”
Lumapit na si Aling Ising sa gate na sinisilip ni Rosette at pinatuloy ang dalaga. Nakakaaliw itong tingnan habang panay ang masid sa paligid habang papasok sila. Para bang manghang-mangha ito sa lahat ng nakikita.
Aakyat na sana siya sa kanyang silid para mamahinga habang si Aling Ising naman ay dumeretso sa kusina, subalit naalala niyang kaya nga pala naroroon si Rosette ay dahil may dapat daw silang pag-usapan.
Tumikhim si Erastus upang agawin ang pansin ni Rosette na tila manghang-mangha sa flat screen television doon sa sala. Saglit lang siyang nilingon nito, pagkuwa’y bumalik sa telebisyon ang atensyon.
“Ang galing din ano? Parang dati lang, natatakot pa ako sa telebisyon kapag nakikita kong may lumalabas na mga tao. Mukha kasi silang mga higante at nakakabingi ang ingay na galing dito. Pero ngayon, tingnan mo.” Inilapit nito ang sarili sa flat screen tv at ipinantay ang sarili. “Aba, hanggang bewang ko lang ito. Hindi na nakakatakot na madaganan ako.”
Napaigkas ang kilay niya sa pag-iisip kung ano bang sinasabi nito. Hindi kaya iyong giant screen sa sinehan ang tinutukoy nito? Aba! Nakakatakot naman talagang madaganan ng ganon kalaking screen.
“Ayos din palang maging tao. Ayos din maging malaki. Kaya naman pala mukhang enjoy ka naman sa buhay mo.”
Kung ang mga sinasabi nito kanina ay nagawan pa niya ng paraang unawain, itong ngayon ay hindi na masaklaw ng isip niya. Anong ayos maging tao? Anong ibig sabihin nito? Na naaalala nitong na-reincarnate lang ito at dati pala itong isda?
“Bakit? Hindi ka ba tao dati?” Hindi niya napigilang ibulalas.
Pumalatak ito. “Hindi tayo tao, dati.”
Kamuntik na siyang masamid sa sariling laway.
Mukhang may sayad pa yata ang isang ito. Pati siya ay idadamay pa sa pagkawala ng utak nito sa realidad. Hindi daw sila tao? Ano sila, hayop? Lamang lupa? O engkanto?
“Miss, okay ka lang ba?”
Tumango si Rosette. Pagkuwa’y nangunot ang noo. “Bakit mo natanong? Mukha ba akong hindi okay? Baka ikaw ang hindi okay.”
Siya pa pala ngayon ang hindi maayos ang kondisyon?
“Sigurado ka bang hindi ka takas sa mental?” duda pa ring tanong niya.
At sino bang baliw na umaming baliw ito? Kung titingnan at susuriin ay para naman itong normal. Sa pananamit at sa outfit ay para ngang modernang fashionista ito na nauuso ngayon sa kabataan. Huwag nga lang itong magsasalita dahil mahihilo talaga ang sinumang kausap nito. Hindi kaya, takas naman talaga ito sa mental?
Sayang! Napakagandang babae pa naman ni Rosette. Pero may lunas naman ang mga taong bumibitiw na ang utak sa katinuan.
“Bago nga pala ako makalimot sa misyon ko. Sasabihin ko na ang pakay ko sa `yo. Pinababalik ka na ng mga kasamahan mo sa konseho sa mundo natin. Kailangan ka namin doon dahil nagtatangka ang iba pang mga masasamang engkanto na sakupin tayo.”
“Ha?”
“Isa kang engkanto, Erastus. Isa ka sa tatlo sa pinakamatataas na miyembro ng konseho ng Engkantasya. Napunta ka sa mundong ito dahil sa isang sakripisyo. Pero marami ring dulot na pagbabago ang pagtawid mo rito. Nawalan ng isang galamay ang konseho at humina ang hukbong pangkaligtasan ng kaharian natin. Nabakante ang posisyon mo kaya humina rin ang kaharian. Ang dalawang mataas na galamay ay hindi sapat na harapin ang mga mananakop, samantalang ang dalawang nasa parehong mababang antas ay masasabing hindi sapat ang kapangyarihan para pantayan ang kakayahan mo. Kaya nga naririto ako, misyon kong maibalik ka sa mundo natin bago pa sugurin ang kaharian natin ng iba pang hukbo ng mga elementong nagtatangkang sakupin tayo.”
Napatanga na lang siya rito. Ano’ng sinasabi nito?
Hindi niya alam kung kukunot ang noo o mapapatawa na lang. Wala na talagang duda! Nababaliw na ang magandang babae.
Sayang talaga!
Nagpakawala ng malalim na hininga si Rosette. Pasalampak itong naupo sa single couch at tila nag-isip kung ano ang dapat gawin o sabihin.
“Paano mo nga naman ako papaniwalaan e nabago na nga pala ang naka-program sa isip mo.” Muli, isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan nito. At nais bumitaw ng katinuan niya nang muli na naman itong bumanat sa kanya. “Bakit kasi ganoon ang konseho? Hindi man lang magpadala ng tulong? Paano kita mabibitbit pabalik sa Engkantasya nito?”
Naalarma siya at gumana kaagad ang kanyang isip. Baka nga takas ito sa mental. Pero paano niya ipapaliwanag na kilala siya nito at alam nito ang pangalan niya samantalang hindi naman common ang ganoong pangalan?
Ah, ewan. Basta kailangan kong i-report ang isang ito. Baka pinaghahanap na ito ng mga mental institution dito sa malapit.
“Wait. Diyan ka lang,s ha?”
Dali-dali niyang hinanap ang telepono na nasa console table sa di-kalayuan. Si Rosette naman ay nagpatuloy sa pagmamasid at pag-iistima ng mga bagay-bagay sa paligid.
MAY ISANG oras na yatang kumokontak si Erastus sa mga ospital at institution na alam niya para ipagtanong kung may nawawala bang pasyente ang mga ito, pero walang nag-claim kay Rosette. Hindi kaya sa tagong institution ito nakakulong at di gaanong nalalaman ng madla? Baka galing ito sa napakayamang pamilya at inaalagaan ang pangalan ng angkan kaya sa tagong mental institution ito dinala, at sa kasamaang-palad ay natakasan nito ang mga gwardiya?
“Pinapagod mo lang ang sarili mo, Erastus. Hindi ako nanggaling sa mental at maayos ang pag-iisip ko.”
Napalingon siya sa nagsalitang si Rosette na prente lang nakaupo sa couch. Hawak nito sa isang kamay ang baso ng juice na dinala roon ni Aling Ising at ang isang kamay naman ay masusing iniinspeksyon ng mga paningin ang mga daliri. Sa hitsurang iyon ni Rosette, mukha naman talaga itong normal. Sosyal pa itong tingnan sa pagkakaprente sa couch niya. Bahagya tuloy silang nalito sa pag-iisip ng mga bagay-bagay patungkol dito.
“Mahirap lang talagang intindihin at paniwalaan ang mga sinasabi ko dahil nasa ibang mundo ka na. Dito ka na kabilang sa mundo ng mga tao. Pero magagawan pa naman ng paraan na maibalik ka sa dati mong buhay bilang miyembro ng konseho kapag naibalik sa `yo ang sisidlan ng kapangyarihan at pati na rin ang alaala mo. Maaari na ding mabago ang batas ng kalikasan para sa kabutihan ng kahariang pinanggalingan mo. Besides, hindi na kasing tatag ang kaharian natin na tulad ng dati nung mawala ka.” Naramdaman niya ang panghihinayang at matinding lungkot mula sa tinig ni Rosette. Tila ba may ibang ibig sabihin ang mga sinabi nito. “Malaki kang kawalan. Kaya nga ganoon na lang ang pagtutol ng mga kasamahan mo sa konseho sa pagsasakripisyo mo para kay Kroen. Walang kahit na sino sa Engkantasya ang makakapantay sa kakayahan mo. At ngayong wala ka roon, patuloy na humihina ang depensa natin.”
Saglit siyang napatanga na naman dito. Matapos ang ilang sandali ay napailing siya. This woman must be really sick! Ano ba’ng mga pinagsasasabi nito? Bagaman tila nararamdaman niya ang lungkot nito ay hindi naman niya ito maintindihan.
At sinong Kroen? Bakit siya nagsakripisyo para kay Kroen at anong klaseng sakripisyo iyon?
Kroen…
The name sounded familiar. Pinilit niyang halukayin ang isip sa alaalang maaaring makapagsabi sa kanya kung sino ang tinutukoy ni Rosette, ngunit sumakit lang ang ulo niya pero wala pa rin siyang naaalala.
“Handa na ang tanghalian. Kumain muna kayong dalawa,” bungad sa kanila ni Aling Ising mula sa komedor.
“Tamang-tama. Nagugutom na rin ako.”
Nauna pa si Rosette na pumasok sa komedor kesa sa kanya. Sumunod na lang siya bagaman naguguluhan. Siguro, mamaya, matapos nilang kumain ay palalayasin na niya ang praning na ito para makapagpahinga na rin siya. Nakaka-stress yata ang buong umaga na lumipas. Nawala nga ang boredom niya, na-stress naman siya sa napakagandang baliw na ito.
Ngunit bago pa nila marating ang hapag ay kamuntik siyang mabunggo sa biglang tumigil sa paglalakad na si Rosette. Hindi niya tuloy napigilan ang sarili na langhapin na naman ang nakakabaliw na amoy ng buhok ni Rosette. Even her scent was so familiar. Tila sinisira ng napakabangong singaw mula sa babae ang buong sistema niya. May nagkakagulo sa loob niya na para bang sa sobrang sabik at ligaya ay hindi na niya maipaliwanag ang kanyang mga nararamdaman.
At bago pa siya tuluyang bumitiw na rin sa katinuan ay sinita na niya ang babae. Subalit nakatitig lang ito sa hapag. Sinigang na hipon, relyenong bangus at inihaw na tilapia ang nakahain. Masarap ang mga iyon sa kanyang mga paningin. Ngunit kay Rosette, para bang hindi nito nakikilala ang mga iyon.
“Ano’ng problema?”
Inaasahan na niyang hindi nito gusto ang pagkain ngunit ang mas nakapagpagulat sa kanya ay ang naging tanong nito.
“Wala bang pulang alak na inumin at maliliit na butil na sobrang tamis? `Yong red wine at candies daw ang tawag n’yo roon?”
Aba! At mapili rin ang isang ito, ah. Red wine at candies sa tanghalian?
Naghila siya ng silya. “Tanghaling tapat, gusto mong uminom?” takang tanong niya. “Tsaka, kapag may okasyon lang saka kami naglalabas ng alak dito. Pagtyagaan mo na ang mga iyan,” sa halip ay pakikisakay na lang niya rito.
Tila nag-isip naman ito panandalian kapag kuway dumulog na rin sa hapag.