“NANDITO ka pa rin?”
Nilingon ni Rosette ang nagsalitang si Erastus. Tila gulat na gulat itong makita siya roon sa balkonahe ng bahay nito gayong gabi na.
Kanina, matapos nilang kumain, na sapilitan niyang ginawa dahil naalala niyang nagkatawang tao nga pala siya at kailangan ng katawan niya ng sapat na enerhiya galing sa pagkain ng tao, ibinilin nito kay Aling Ising na pauwiin na siya. Bahagya siyang nasaktan sa bagay na iyon. Oo, alam niyang wala itong naaalala patungkol sa kanya.
Pero maski katiting ba ay wala itong naramdamang pamilyaridad sa kanya? Sabi nila, kung nakakalimot ang isip, ang puso ay hindi, kailanman.
Hindi naman niya inaasahang literal na maramdaman nitong kilala siya nito. Pero sana, kahit `yong pagiging malapit na magkaibigan man lang nila ay naramdaman nito maski paano. Sa puntong itinataboy na siya nito, para na rin nitong sinabi na kailanman ay hindi siya naging mahalaga rito.
“Habampanahon tayong magiging magkaibigan, Rosette.”
Nilingon niya ang engkantong kasama niyang namamasyal sa himpapawid. “Habampanahon? Kahit dumating ang panahon na makalimutan mo ako, kaibigan mo pa rin ako?”
“Oo naman.” Nang ngumiti si Erastus sa kanya ay tila bumukass ang pinto sa ikapitong daigdig. Tila naabot niya ang sinasabing langit. Ang lugar na hindi nila mararating kailanman. “Ikaw ang pinakaespesyal kong kaibigan. At ang pagiging espesyal, kahit makalimutan iyon ng isip, hindi iyon makakalimutan ng damdamin.”
Ngumiti siya kay Erastus ng ubod tamis habang sabay silang lumilipad sa himpapawid. Hindi niya mapigilan ang lihim na kiligin sa sinabi nito. Espesyal raw siya para dito. Espesyal na kaibigan man pero espesyal pa rin iyon. At walang katumbas na ligaya ang dulot ng salitang iyon sa kanya.
Kung nalalaman lang nito kung paanong namimilipit na ang puso niya sa labis na katuawaan na nararamdaman.
“Espesyal ka rin sa akin, Erastus,” hindi niya napigilan ang sariling sabihin. “Espesyal din kitang kaibigan.” Mabilis na dugtong niya at iniiwas ang tingin sa lalaki. Mahirap nang malaman nitong higit pa roon ang totoo niyang nararamdaman para sa engkanto.
Inabot ni Erastus ang isa niyang kamay at marahang pinisil-pisil. “Maraming salamat sa pagtulong mo sa aking mapalapit sa kaibigan mo, Rosette. Kaya sobrang espesyal ka sa akin. Dahil napakamatulungin mo. Nagpapasalamat ako sa `yo nang husto, Rosette. `Wag ka sanang magbabago.”
Tila sinakal ang puso niya dahil sa sinabi ni Erastus. Kaya lang siya espesyal para dito ay dahil tinutulungan niya ito. Hindi dahil sa kung ano pa man. Masyado lang siyang mapagpalagay!
Subalit kahit nagdudugo na ang kanyang dibdib ay pinilit niyang ngitian ang engkanto. Ngumingiti si Rosette sa harap nito habang umiiyak naman ang kanyang puso. Gaano kahirap iyon para sa isang tulad niya? Umiibig siya sa nilalang na minamahal naman ang kanyang kaibigan.
Pero wala, eh. Ganoon daw talaga katanga ang magmahal. Pipiliin mong magpanggap na maligaya kahit nasasaktan ka na para lang makasama mo siya.
Lihim na napailing si Rosette. Hindi totoo ang sinabi ni Erastus sa kanya noon. Hindi talaga siya espesyal dito tulad ng una niyang in-assume. At kahit masakit na natuklasan niya iyon ay wala naman siyang magagawa kundi ang tanggapin na lang ang katotohanan. And get used to it. Mahabang panahon na siyang nasasaktan, ano pa ba iyong isandaang araw pa? Pagkatapos niyon, siguro naman ay magiging manhid na siya.
Ipinilit ni Rosette sa matanda na doon na lang muna siya pansamantala dahil tagamalayong lugar siya. Ginawa niyang alibi na sorpresang pagbisita ang ginawa niya kay Erastus kaya di alam ng binata ang pagdating niya. At na alam niyang ganoon ang magiging reaksyon nito, na paaalisin siya nito. Ngunit mapapag-usapan nila iyon sa paggising nito.
Mabuti na lang at nakuha niya ang loob ng ginang. Ipinag-ayos pa siya nito ng guest room at pinahiram ng ilang damit na pamalit dahil nagkunwari siyang naagawan din ng bag na kinalalagyan ng mga personal na gamit. Siyempre pa, ang lahat ng alibi na iyon ay mabilis niyang hinabi kasabay ng paghingi ng paumanhin sa kanyang isip sa mga miyembro ng konseho. Kasalanan sa kanilang mga lambana ang magsinungaling. Pero siguro naman ay mababang parusa lang ang makukuha niya sa pagbabalik niya sa Engkantasya. Tutal ay nagawa niya iyon para maituloy ang kanyang misyon at maging posible iyon sa napakaimposibleng sitwasyon na kinaroroonan niya.
“Dito na muna ako sa bahay mo hangga’t hindi kita napapaniwala. Alam kong kakailanganin ko ng mahabang panahon para magawa iyon at wala naman akong ibang matutuluyan kundi itong bahay mo habang ginagawa ko ang misyon ko.”
Ayaw na niyang magsinungaling dahil baka madagdagan ang parusang ipapataw sa kanya. Maigi nang malaman ni Erastus na hindi siya ganoon kadaling idispatsa.
“What?!” Napapitlig si Rosette sa gulantang na bulalas ni Erastus. “Anong dito ka muna? Hindi ka pwede rito. Umuwi ka na sa inyo!?”
Kaunting pasensiya pa, Rosette. Si Erastus iyan. Hindi niya alam ang kanyang sinasabi. Nakalimutan ka lang niya kaya siya ganyan kaantipatiko sa `yo.
Subalit hindi nakatulong ang pagkumbinsi niyang iyon sa kanyang sarili dahil tila humapdi ang kanyang puso. Nakalimutan na nga siya ng isip nito, pati ba naman ang pagiging malapit nila noon ay nawala na rin sa puso nito?
“Poprotektahan kita palagi.”
Maraming beses na sinasabi ni Erastus ang bagay na iyon sa kanya. Lalo na tuwing napapahamak siya sa mga pinupuntahan niyang delikadong lugar sa engkantasya at inililigtas siya ni Erastus. Subalit natuldukan ang sinasabi nitong ‘palagi’ nang makalimutan siya ng isip nito.
At walang kasinsakit na matuklasang hindi ito totoo sa sinabi nito sa kanya noon. Lahat ng sinabi nito sa kanya noon ay pinaniwalaan niya. Pero maski isa ba roon ay may totoo?
Pinigilan niya ang sarili sa nagbabantang luha. Hindi niya dapat na iyakan ang kasinungalingan ni Erastus. Dapat nga ay gamitin pa niya iyong shield sa damdamin niya rito. Iyon ang dapat niyang gamitin upang patayin na ang pag-ibig niya sa engkanto!
“Pero wala akong ibang uuwian. Hindi na muling magbubukas ang lagusan kundi sa susunod na kabilugan ng buwan,” hindi niya napigilan ang matinding hinanakit at sama ng loob para kay Erastus.
“Anong kabilugan ng buwan? Anong lagusan? `Ayan o, bukas na bukas ang pinto. Pwedeng-pwede ka nang umalis.”
Tuluyang nag-alsa ang damdamin ni Rosette. Napakaarogante ni Erastus! “Hindi nga kasi pwede—”
“Alam mo, Miss—”
“Rosette,” pagtatama niya.
“Okay, Rosette.” Mainit na ang ulong pagsunod nito. “Kung anuman ang bagay o sitwasyon na tinatakasan mo, better yet, face it now. Hindi mo na kailangang maghabi ng mga kuwento para may kumupkop sa `yo at itago ka sa anumang kinasasangkutan mo ngayon.”
I’m already facing you, my handsome devilish destruction!
Naiinis na sinita niya ang sarili. Naiinsi na nga siya kay Erastus pero hindi niya pa rin mapigilang purihin ito?
Idiot!
Pinamaywangan niya ito. “Alam mo, wala naman ako sa sitwasyon na ito kung hindi ka nagpakabayani. Okay, fine. Nagustuhan naman namin ang ginawa mo para sa kaibigan namin. Kahit sa kaunting sandali ay nabigyan siya ng pagkakataon na lumigaya. Pero alam mo bang sa ginawa mo ring iyon, marami ang nabago at marami rin ang nanganganib mapahamak? Kung nasa normal mong pag-iisip ka ngayon, alam kong hindi ka papayag na—”
“Normal ang pag-iisip ko. Ikaw itong mas mukhang nababaliw na sa ating dalawa!” yamot na sikmat nito.
Kinalma niya ang sarili. Hindi niya ito maaaring patulan dahil hindi naman nito alam ang sinasabi nito.
Mahabaging Bathala, tulungan Nyo po ako. Tulungan N’yo po akong magtimpi pa at magkaroon pa ng pagkahaba-habang pasensiya sa… sa…
Ano ba ang dapat niyang ipantukoy kay Erastus? Tao o engkanto?
Sa guwapong nilalang na ito.
Iyon na ang pinakamadali at sa palagay niya’y pinakaakma. Dati na itong napakatikas sa kanyang mga paningin. Noong mga panahon na abaka pa ang suot nito. Ngunit ngayon, mas naging kaaya-aya at kaakit-akit para sa kanya ang kaguwapuhang taglay nito, suot lang ang simpleng t-shirt at cargo shorts na iyon. Naka-emphasize rin sa seryosong imahe nito ang pagsusuplado nito sa kanya. Mas kabigha-bighani. Kaya nga’t di nakapagtataka na tila nagkainteres kaagad dito si Shunn, ang anak ni Kroen.
Argh! Heto na naman siya sa pagpuri sa magaling na nilalang!?
Fine.
Palalagpasin na lang muna niya ang kasungitan at maigsing pasensya nito sa kanya sa ngayon. Pagtyatyagaan na lang din niya ang isandaang araw na kasama ito. At sa huling araw ng kanyang misyon at di siya maging matagumpay, aba, may sapat naman siyang pangdepensa.
Napakaimposible ng misyon niya!
Napakaimposible rin ng pagbabago ni Erastus. At ang higit na nakakainis ay kahit nakikita ni Rosette na nagbago na ang katauhan at karakter nito, ganoon pa rin kabilis ang pagsilakbo ng pintig ng kanyang puso saa tuwing nakakaharap niya si Eraastus. Katulad pa rin ng dati na parang nais niyang mapatulala sa lalaki. Hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na maapektuhan ng taglay nitong karisma. Hindi pa rin niya magawang balewalain ang bawat pagkilos ng mahahaba nitong mga bisig. Nais pa rin niyang magpakulong at humilig sa matatag at mainit nitong dibdib.
Nakakaaasar lang na hindi niya mapigil ang sarili na maramdaman ang dating damdamin dito. Para bang bumalik siya sa mga panahon na labis niyang sinasamba at pinapangarap si Erastus.
At kung hindi lang siya parating natitimbrehan ng kanyang matinong isip ay baka nga nagawa na niyang yakapin ang lalaki at magpakulong sa maiinit na mga bisig ni Erastus.
“Nahihirapan na akong makipagtalo sa `yo, Erastus. Sa ayaw at sa gusto mo, isandaang araw akong mananatili sa tabi mo.” Pagpipilit niya sa pinal na salita. Nagsarado na ang isip niya sa mga pag-aalsa nito.
“Isandaang araw?” Pinanlakihan siya ng mga mata ni Erastus.
Namaywang naman si Rosette sa harapan nito. “Oo. Isandaang araw. Hindi na ako pwedeng mag-extend ng higit pa roon dahil mapapahamak ako. Kaya sana lang, bago dumating ang due date ko ay nakumbinsi na kita.”
“Hindi ka na talaga pwedeng mag-extend dahil bukas na bukas rin ay aalis ka na. Ayokong may kasama sa bahay ko na di ko naman kilala.”
Tila sinuntok ang puso niya sa sinabi ni Erastus. Subalit pinilit niya ang sarili na huwag indahin ang sakit noon. Sa halip, pinaningkitan niya ito ng mga mata. Maigi na rin nga siguro na naging antipatiko si Erastus para naman may dagdag na depensa siya sa sarili at mapaalalahanan ang kanyang puso kung bakit kailangan na niyang tigilan ang pangangarap rito.
“Hindi ka lang pala suplado, madamot ka rin,” naiinis na sikmat ni Rosette rito. “Anong klaseng pag-uugali mayroon ka? Alam mong wala akong matutuluyan, pero itataboy mo pa rin ako? Where is your manners, anyway? Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa `yo noon.”
Hindi na talaga ito ang dating Erastus na hinahangaan, pinapangarap at halos sambahin na niya. Malayo na ito sa dating engkanto na naging malapit sa kanya.
Saglit itong natigilan at sinamantala naman ni Rosette iyon para konsensiyahin ito. Hindi siya pwedeng lumayo rito dahil baka matakasan siya nito. Kahit nakakainis na si Erastus ay hindi naman niya maaaring pabayaan ang kanyang misyon dahil mas marami ang mapapahamak. Hindi siya pwedeng maging makasarili ngayon at unahin ang pansariling damdamin.
“Hindi ganyan ang Erastus na kilala ko at nakasama ko! Namin ng mga kaibigan ko. Binago na rin ba ng pagiging tao mo ang kabutihan ng loob mo? Hindi naman nagkaganyan si Kroen nang maging tao siya, ah?”
Tila tinamaan si Erastus sa mga sinabi niya dahil hindi ito nakapag-react. Better. Kailangang mas galingan niya.
“Kung magiging ganyan din lang ang ugali ko kapag naging tao ako, hindi na lang. Masaya na ako sa pagiging lambana.”
At totoo naman iyon. Parang ayaw niyang tanggapin ang pagbabago nito. Ayaw niyang paniwalaan dahil likas na mabuting nilalang si Erastus. Nabura na ba ng tuluyan ang karakter ng dating Erastus sa katauhan nito ngayon? Nasaan na ang dating Erastus? Ang dating selfless na engkantado. Ang matapang pero mapagmahal sa kapwa nila. Ang Erastus na minamahal pa rin niya hanggang ngayon.
Oh damn!
“And here we go again? Ano ba talaga ang gusto mong tumbukin, ha, Miss? Kung kailangan mo lang ng matutuluyan, hindi mo kailangang magtahi ng kuwento na para bang nasisiraan ka na ng bait para lang may maawa sa `yo. Baka maisip ko pang ipadala ka na lang sa—”
“Sinabi nang Rosette ang pangalan ko!” gigil na sikmat niya rito. Kailangan niyang pangibabawin ang inis dito sa halip na sariwain ang dating damdamin. Dahil hindi naman makakatulong ang huling bagay sa misyon niya.
“Oo na! Nakalimutan ko lang,” ganting sikmat rin nito sa kanya.
“Ang ganda-ganda ng pangalan ko, nakalimutan mo?”
Hindi akalain ni Rosette na maski kaunting trace ng familiarism sa pangalan niya ay wala talaga itong makapa sa sarili. Nakakasama ng loob! Naging napakalapit nila sa isa’t isa noon kahit na siya lang ang may espesyal na damdamin para dito.
Siya pa nga ang tulay nito para makapagpalipad-hangin kay Kroen pagkatapos, ngayon ay para bang wala talaga siyang halaga rito, para hindi masagi ang maski katiting na trigger point sa utak nito.
Ang sama mo, Erastus!
“Pero palalagpasin kita ngayon. Basta dito ako tutuloy sa bahay mo,” sa halip ay naisip na lang niyang ipagpilitan. Bahala ito sa buhay nito. Mayamot na ito kung nayayamot ito sa kanya, tutal ay naiimbyerna na rin naman siya rito.
Ang kaunting tampo niya ay mas lumaki na at nauwi sa pagkaimbyerna sa lalaki.
Nakakainis ka talaga, Erastus!
“Aba! At ikaw pa ang may ganang mag-complain, samantalang ikaw na lang nga itong makikituloy?” Naiiling na tila hindi ito makapaniwala sa mga narinig mula sa kanya. Subalit wala siyang pakialam. Ipipilit niya ang kanyang gusto dahil iyon ang kailangan niyang gawin.
“Alam mo bang pwede kitang kasuhan ng trespassing sa ginagawa mong ito?”
“Anong trespassing?”
“Sapilitang pagpasok—”
“Pinatuloy ninyo ako sa bahay na ito kaya paanong naging trespassing ako rito?”
“Ipinagpipilitan mo ang sarili mong tumira rito e hindi ka naman namin kaano-ano?”
Pinandilatan niya ito. “Wala sana ako sa sitwasyon na ito kung hindi dahil sayo!” pagdidiiin pa niya.
“Ako?” Hindi makapaniwalang itinuro nito ang sarili. “Bakit ako?”
Yamot na nahagod ni Rosette ang mahaba at makintab na asul niyang buhok. “Ewan ko sayo! Ang hirap mong paliwanagan!”
Tinalikuran niya ito at nagderetso sa kanyang silid na ginagamit. Humingi rin siya ng ilang aklat kay Aling Ising. Kakailanganin niya iyon. Bagaman naging moderno ang kaalaman ng mga nasa Engkantasya, alam niyang limitado pa rin iyon sa napaka-high tech at modernisasyon ng mundo ng mga mortal. Marami pa siyang kailangang matutunan upang makasabay sa mundong ginagalawan ngayon ni Erastus. At sigurado naman siya, kung hindi siya magkukusa ay hindi niya matututunan ang mga iyon. Nakikita niyang nunca siyang turuan ng walanghiya!
Lumabas si Rosette sa balkonahe ng silid na ginagamit. Nasa second floor din kasi iyon. Kung siya ang tatanungin, gusto niya sa ibaba para alam niya kung aalis si Erastus at masigurong hindi siya nito matatakasan. Subalit matagal na raw na hindi nalilinis ang mga silid sa ibaba kaya matatagalan pa iyong ayusin. Kaya naman, tinanggap na din niya ang silid sa itaas.
Ibinaba ni Rosette ang mga libro sa ibabaw ng mesitang naroon, saka nagsimulang magbasa.
SHE WAS the most impossible woman I’ve ever met!
Yamot at padaskol na sumandal si Erastus sa puno ng niyog malapit sa dalampasigan. Pinili niyang maglakad-lakad muna upang mabawasan ang kanyang pagkairita.
How could that woman say all those things to him? Hindi niya maitatanggi na may mga sinabi ito na kahit paano ay nakapanghikayat sa kanya na kilalanin mismo ang kanyang sarili. Mabait ba siya dati? Hindi ba siya arogante? Hindi ba siya ganoon makitungo sa mga tao? Pero wala naman siyang maalala na nakipagtawanan at nakipagkulitan siya buong buhay niya. Sa kanilang magpipinsan, siya ang pinakatahimik at pinakaseryoso. Ika nga ay may sariling mundo.
Totoo kaya iyon at sa sariling mundo na iyon, kasama si Rosette?
Nah! Ano bang iniisip niya? Nahahawa na siya sa kapraningan ng isang iyon. Bakit naiisip niya iyon sa ganitong edad niya? Bente-siete na siya at maniniwala pa ba siya sa mga kuwentong pambata na iyon?
But come to think of it. Lahat ng ipinaglalaban nito ay masasabi niyang may pinaghuhugutan. Magaling itong mangatwiran. Na hindi magagawa ng isang may deperensiya sa utak. Huwag lang talaga nitong babanggitin na hindi ito tao at talagang gustong kumawala sa katinuan ang utak niya dahil sa mga sinasabi nitong iyon.
Hay! Ano ba itong problemang dumating sa kanya? Sinasabi na nga ba at hindi na siya dapat sumang-ayon sa bakasyon na iyon. Mukhang hindi rin naman siya makakapamahinga sa lagay niyang ito.
Muli ay nilingon niya ang kinaroroonan ng dalaga. Abala sa pagbabasa ng kung ano si Rosette.
Ah, Rosette.
Napakagandang pangalan. Kasingganda ng nakakaakit at determinadong aura ng mukha nitong napupunuan ng perpektong detalye. Mula sa tama ng malamlam na liwanag ng buwan ay hindi nakaligtas sa pihikan niyang paningin ang napakagandang pares ng mga mata nito. Inakala niya talagang may contact lenses ito ngunit tuwing kausap niya ito at matitigan ang mga iyon ay nais niyang makumbinsing totoo ang mga iyon. Siguro ay may banyagang lahi si Rosette. Kung siya nga na may violet na mga mata ay mga Pilipino at Pilipina naman ang mga magulang. Nakuha niya raw iyon sa ninuno nilang may ibang lahi.
Maganda rin ang hugis ng perpektong matangos nitong ilong. Napakaganda, bagay na bagay rito. At ang mga labi nitong mamula-mula at bagaman alam niyang walang kulorete dahil kumain na ito at lahat, umabot na rin ng gabi ay di nagbago ang kaakit-akit na kulay noon. Sigurado siyang hindi ito gumagamit ng kulorete dahil wala nga itong gamit na bitbit nang ipagpilitan ang pagtuloy sa bahay niya.
Ipinagtaka niya iyon dahil sa unang tingin niya kay Rosette ay isa itong modernang fashionistang dalaga, sa postura at bihis palang nito. Pero mali ba siya? Katulad ng unang paghusga niya rito na isa itong babaeng kulang sa isang turnilyo?
At bakit napakapamilyar ng tinig nito? Pati na rin ang pakiramdam kapag nasa malapit si Rosette at ang pag-uusap nila. Na para bang matagal na nilang ginagawa ang ganoon. Matagal na silang nakakasama at nagkakausap.
Nag-uusap at hindi nagtatalo.
Subalit ang nangyari kanina ay isang pagtatalo at hindi pag-uusap.
Argh!
Mariing ibinaling niya sa tahimik na karagatang nasisinagan ng maliwanag na buwan ang kanyang atensyon. Habang pinagmamasdan kasi niya si Rosette na walang pakialam na nagbabasa, lalong lumalalim ang kanyang kuryusidad patungkol dito. Sino nga kaya ito? May nakaraan ba siyang nakalimutan at kasama ito sa mga iyon? Pero bakit walang sinasabi ang kanyang mga magulang?
“Ang ganda ng palamuti mo sa buhok, Rosette.”
“Talaga? Salamat. Ibinigay ito ni Axyl sa akin kanina.”
“Si Axyl?’”
“Oo. Galing daw sa kabilang mundo.”
Napatda sa kinaroroonan niya si Erastus. Kaninong mga boses ang naririnig niya sa kanyang isip? Kaninong alaala ang mga iyon? Bakit niya naririnig ang mga tinig na iyon? At bakit… bakit kamukha ni Rosette ang babae sa kanyang alaala?
Biglang umatake ang matinding kirot sa kanyang ulo nang may isang alaala na naman ang pumasok sa isip niya.
Isang makisig na lalaking nakatayo sa sanga ng dambuhalang puno. Napapalamutian ng bagin sa braso at ang saplot naman ay yari sa abaka. Animo vest ang pang-itaas dahil wala iyong panara at bahag na yari rin sa abaka ang pang-ibaba. May matilos na korte ng tainga. Sa kaliwang pisngi ay may marka ng kumikinang na kulay gintong dahon. At ang mga mata ay light violet.
At… at kamukha niya ang lalaking iyon…
Siya ba iyon?
Pero bakit nakasuot siya ng ganoon? Sa palagay niya ay nasa adult stage na siya sa alaalang iyon kaya imposibleng may sinalihan siyang play. Isa pa, sa alaala niya ay tahimik at seryoso siyang bata. Hindi siya sumasali sa mga ganoong activity.
Ano ba itong nakikita niya sa kanyang isip? Nagugulo ang kanyang utak, may kung anong bagay na pumapasok sa kanyang alaala at mga bagay na patungkol sa realidad.
Pakiwari niya’y nagtitibukan ng malakas ang mga ugat sa kanyang utak. Parang hindi na niya kayang iproseso ang mga pumapasok roon.
Patindi ng patindi ang kirot ng kanyang ulo at napapaluhod na siya sa sobrang sakit…
Napapaungol siya ng malakas at buong panaghoy na nauwi ang lahat sa sigaw.