Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 25

MABILIS na napatayo si Rosette sa kinauupuan. Naririnig niya ang pagdaing ni Erastus mula sa kung saan. Naging alisto ang kanyang senses at nagpalinga-linga sa may kadilimang paligid.

Bilang mga lambana, may kanya-kanya silang unique na kakayahan. At isa sa mga kakayahan niya ang pagiging matalas ng mga mata at pandinig. Dapat ay nawala iyon nang makatawid siya sa mundo ng mga mortal. Ngunit dahil nawala ang balanse ng batas ng kalikasan kaya siguro taglay pa rin niya ang kakayahan na iyon.

Tatalon sana siya sa balkonahe upang puntahan ang kinaroroonan ng nakayukyok na si Erastus pero naalala niyang nasa katawang tao siya ngayon. Hindi siya makakalipad.

Kulang ay mahulog sa hagdanan si Rosette sa pagmamadaling makababa ng hagdanan at lumabas ng bahay saka pahangos at nag-aalalang pinuntahan si Erastus. Alam niya sa mga sigaw nito na may hindi magandang nangyayari rito at iyon ang nais niyang ipaghurumentado.

“Ano’ng nangyayari sa `yo?” Histerikal na tanong niya nang makarating sa kinaroroonan ng lalaki.

Sinasakmal siya ng matinding pag-aalala at parang nais bumitiw ng katinuan niya dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin. Nagde-deteriorate ba ang katawang tao nito? Hindi maaari!

“Erastus, magsalita ka! Ano’ng nangyayari sa `yo?”

Halos mabingi siya sa pag-ungol at pagdaing nito sa matinding sakit ng ulo. Hindi niya alam ang gagawin. Sino ang tatawagan niya sa ganoong kalagitnaan ng gabi? Malayo-layo ang rest house at sigurado siyang tulog na sina Aling Ising para marinig pa ang paghingi niya ng tulong. Hindi naman niya rin kayang iwan si Erastus sa ganoong sitwasyon para makahingi ng tulong.

Wala tuloy siyang nagawa kundi ang mangiyak-ngiyak na kabigin at yakapin ito. Naghahalo na ang takot at pag-aalala niya sa nararanasan ni Erastus.

Tulungan n’yo kami! sa isip ay sigaw niya na sana ay makarating sa kabilang mundo. Sana ay may dumating na tulong para sa kanila.

At sa hindi maunawaang dahilan, ilang sandali matapos niya itong yakapin ay tila nahimasmasan ito. Unti-unting nabawasan ang pagdaing nito sa sakit hanggang sa tuluyang makalma ang sarili. Noon naman niya naramdaman na tila nabuhay ulit siya.

Habang yakap kasi niya si Erastus at naghihisterikal ang kalooban niya sa matinding pag-aalala rito, may bahagi niya ang nais na lang ibigay ang buhay sa lalaki upang malagpasan nito ang sakit na nararanasan. Hindi niya ito gustong makita na nahihirapan ng ganoon.

“Ayos ka na ba? Kaya mo bang maglakad pabalik sa bahay mo?” Nag-aalala pa ring tanong niya kay Erastus na pawisang-pawisan matapos mahimasmasan. Sandali pa at inalalayan na niya itong makasandal sa puno.

Humugot at nagpakawala ito ng malalim na hininga.

“Give me a minute,” anitong sapo pa rin ang ulo. Siguro ay kumikirot pa rin iyon. “Nag-over load yata ang utak ko sa pag-iisip ng mga bagay-bagay.”

Natigilan siya. Pinag-iisipan ba nitong paniwalaan siya? Pilit ba nitong inaalala ang bahagi ng pagkatao nito na may kinalaman sa totoong mundo nila? Kung ganoon ay kasalanan niya. Masyado niya itong minadali na maunawaan ang lahat. Napakatanga talaga niya para gawin iyon.

Ayon sa konseho, walang sapat na assurance kung maaalala ni Erastus ang dating buhay nito habang naroon sa mundo ng mga mortal, dahil binago na ang utak at buhay nito. Nasa Engkantasya kasi ang sisidlan ng alaala nito. Gayumpaman, gusto nilang magpabakasakali sa maliit na posibilidad na magagawang tumawid ng alaala nito pabalik rito. Hindi rin kasi niya maaaring dalhin na lang basta ang sisidlan ng alaala dahil mawawalan iyon ng bisa sa sandaling tumawid siya. Dapat ay kusang lalapit dito iyon.

Kaya kung hindi man mangyari, at least ay maengganyo niya itong sumama sa kanya pabalik sa Engkantasya. Sa pagtawid nila, awtomatikong lalapit na rito ang alaala nito.

At kung kapalit ng pagpipilit nitong makaalala ay ang pahirap at sakit na ibinibigay sa katawang mortal nito, maigi pang huwag na lang niya itong pilitin. Kukumbinsihin na lang niya itong sumama sa kanya. Pero hindi niya ito dapat na madaliin.

“Huwag ka na munang mag-isip ng kung anu-ano at baka makasama lang sa katawan mo,” hindi niya napigilang sabihin.

Tumitig naman si Erastus sa kanya na tila ba may gusto itong sabihin o itanong. Ngunit nagbago rin ang isip at nanatili na lang itong nakatingin sa kanya na parang pinag-aaralan siya. Hindi mapigilan ni Rosette ang makaramdam ng pagkailang. Maraming pagkakataon na ginagawa iyon ni Erastus noong nagkakasama pa sila sa Engkantasya. Maraming beses nitong pinupuri ang pisikal na anyo niya at sa bawat pagkakataon ay tumatalon sa tuwa ang puso niya. Bagaman hindi niya iyon ipinahahalata rito at idinadaan pa sa biro o di kaya ay pagsusungit ang lahat. Ayaw rin naman niyang ibahagi rito ang kanyang damdamin na laan para sa lalaki.

Tama nang siya na lang ang nakakaalam ng estado ng damdamin niya para dito. Hindi na nito kailangang malaman pa dahil natatakot siyang may magbago sa kanilang samahan. Baka hindi na ito lumapit sa kanya at masasaktan siya kapag nangyari iyon.

Napatunayan ni Rosette na kahit gaano siya naiinis kay Erastus dahil sa pagiging antipatiko ng pakikitungo nito sa kanya, ay hindi niya ito kayang tiisin kapag nakikita niya itong nasasaktan at nahihirapan. Ganoon pa rin pala kalalim ang damdamin niya rito. Akala niya, makakalimutan na niya iyon dahil bukod sa mahaba-habang panahon na rin naman niyang hindi ito nakita at nakasama, napakaantipatiko ng pagtanggap nito sa kanya ngayon.

Pero ngayon, nanariwa na naman sa kanya ang nakaraan na nakasama niya ito. Tila ba nagbalik ang lahat ng damdaming pilit niyang ibinaon sa kasuluksulukan ng kanyang puso.

“Paano mo nga pala nalaman na inaatake ako ng matinding sakit ng ulo?” Mayamaya ay tanong nito na hindi inaalis ang tingin sa kanya.

Binawi niya ang mga paningin dahil hindi na niya kayang makipagtagisan ng titig kay Erastus.

“Narinig kita.” Matipid na tugon ni Rosette.

“Narinig mo ako? Ganoon ba kalakas ang pagdaing ko? Bakit sina Aling Ising, hindi narinig?” Saglit lang ang pagtataka nito at ito na rin ang sumagot sa sariling tanong. “Siguro dahil nasa balcony ka kaya narinig mo ako. At kaya ang bilis mo rin akong nahanap.”

Napabuntong-hininga siya. “Oo, ganoon nga.”

Wala siyang magawa kundi sang-ayunan na lang ito. Hindi naman siya nagsinungaling ng lagay na iyon. Totoong mula sa balkonahe niya ito narinig at madali ding nahanap dahil nasa mataas na lugar siya. Hindi naman siya naghabi ng kasinungalingan.

“Pero madilim ang lugar na ito, bakit ganoon mo ako kadaling nakita?”

Ipinagkibit-balikat niya ang tanong nito. Hindi naman ito maniniwala kahit sabihin pa niya ang totoo. Maigi sigurong manahimik na lang muna siya kesa paliguan na naman ng mga mahiwagang impormasyon ang utak nito.

“Umuwi na tayo,” anyaya nito. Wala sa loob na tumayo ito at inalalayan naman niya si Erastus.

Walang salitang bumalik sila sa bahay. Mas maiging manahimik na lang muna sila pareho. Lalo na siya.

TAMA ba talaga na nandito si Rosette?

Iyon ang paulit-ulit na itinatanong ni Erastus sa sarili. Nakaupo siya sa isa sa mga steel chair sa hardin ng rest house habang minamasdan si Rosette na nakaupo naman sa lounge chair roon sa lanai at nagbabasa.

Kaninang umaga, nagdesisyon na siyang pabayaan na lang na makitira ang dalaga sa kanya matapos masigurong nasa matino naman itong pag-iisip. Alam niya rin sa sarili na hindi ito kawatan. Bukod sa likas sa kanya na magkaroon ng malakas na pakiramdam sa isang kahina-hinalang tao, malaki ang pagkakataon nito kagabi na makakulimbat ng malaki sa bahay na iyon dahil hinayaan niya itong makapasok sa silid niya matapos siyang ihatid mula sa dalampasigan, pauwi. Pero wala namang nawala. Nakatulog siyang ang tanging pinakialaman nito ay mga law books na nasa ibabaw ng study table niya sa loob ng silid at iyon ang pinag-interesan na basahin.

Hanggang sa paggising niya ay iyon pa rin ang ginagawa nito. At matapos nga nilang mag-almusal kanina ay nagbasa na naman ito. Hanggang ngayon, nagbabasa pa rin ito. Hindi ba ito napapagod? Baka masira na ang mga mata nito sa magdamag at tila balak pang maghapon na pagbabasa.

Ang nakapagtataka pa ay kung bakit hindi man lang ito kakikitaan ng pangangalumata sa puyat gayong alam niyang magdamag lang itong nagbasa habang binabantayan siya sa silid. Maski tigas siya sa pagtanggi ay nagpilit ito. At nararamdaman niyang wala itong balak magpatalo kaya hinayaan na lang niya si Rosette na manatili sa kanyang tabi. Isa pa, pakiramdam niya ay gusto niyang naroroon lang ito.

Napabuntong-hininga si Erastus. Pagkuwa’y tumayo at nilapitan ang abalang dalaga. Walang pakundangan niyang kinuha ang libro sa kamay ni Rosette. Tila nagulat naman ito sa ginawa niya at nagtatanong ang mga magagandang mga matang tiningala siya mula sa komportableng paghiga sa lounge chair.

“ANO’NG problema mo? `Wag mong sabihing bawal ang pagbabasa sa bahay mo?”

Nais na sanang matulala ni Rosette sa napakaguwapo at napaka-fresh na mukha ni Erastus na bumungad sa kanya, matapos mawala sa mga kamay ang pinagkakaabalahang libro. Nabigla talaga siya sa ginawa nito. At sino ba naman ang hindi magugulat? Mahabang oras na rin na puro letra at numero ang kaharap niya dahil sa pagbabasa, pagkatapos ay bubulaga sa kanyang mga mata ang ganito kakisig na nilalang?

Pero pinigilan niya ang sarili sa halip ay sinita ito. Maski naman itinatago niya sa puso si Erastus, wala pa rin siyang balak na iparating iyon sa kaalalaman nito. Mas maiging sarilinin na lang niya dahil wala naman siyang patutunguhan habang bitbit ang damdaming iyon.

Nag-alala talaga si Rosette kay Erastus kagabi. At yamang hindi siya antukin, na sa totoo lang ay isa sa mga kakayahan ng mga lambana na kahit dalawang linggo na hindi matulog ay kakayanin, pinili na lang niyang bantayan ito. Baka kasi atakihin na naman ng sakit ng ulo si Erastus. Kapag nagpatuloy na ganoon, baka mahirapan siyang maibalik ito sa mundo nila.

“Kung bawal ang magbasa sa bahay ko, sana, kagabi pa kita sinita,” kaswal namang saad ni Erastus at walang pakundangang iniitsa sa maliit na mesa ang librong binabasa niya, kasama ang iba pang plano niyang basahin.

Nang magtangka siyang abutin iyon ay pinigilan siya ni binata.

“Ano ba? Akala ko ba, hindi bawal magbasa?”

Naisip niya ring parating magsungit na lang kay Erastus upang hindi na rin siya mahirapang pakitunguhan ang sarili tuwing nasa malapit ito. Mahirap na kasi. Baka mamaya ay mabaliw na naman ang kanyang puso at ang mas masaklap ay maamin niya rito ang kanyang damdamin.

“Oo nga. Pero kagabi mo pa ginagawa iyan. Hindi ba napapagod ang mga mata mo?”

“Hindi,” maigsing tugon niya at tinangka muling abutin ang libro ngunit pinigilan na naman siya nito.

“Kaya pala kung anu-ano nang sinasabi mo, nasobrahan ka siguro sa pagbabasa ng mga fantasy kaya hindi mo na alam kung alin ang totoo at ang kathang-isip lang.”

Pinaningkitan niya ito ng mga mata. Pero sa halip na makipagtalo kay Erastus ay hinayaan na lang niya ito sa iniisip. Isipin nito ang gustong isipin. Pasasaan ba at maniniwala rin naman ito sa kanya.

“Pabayaan mo nga ako! Wala rin naman akong ginagawa kaya sa halip na mainip, magbabasa na lang ako.”

Isang buntong-hininga ang muling pinakawalan ni Erastus pagkuwa’y hinila siya patayo. Nag-igkasan pa ang mga kilay nito pagkakita sa suot niyang pinasadahan nito ng may pagkadisgustong tingin.

“Kay Aling Ising ba ang damit na suot mo?” Tila ngayon lang nito napansin ang duster na suot niya.

“Oo, wala akong maisuot. Lalabhan pa daw niya ang damit ko.”

Napailing na lang ito. “Halika.”

At hinila siya paalis.

“Saan?”

“Maghahanap tayo ng maisusuot mo.” Dere-deretso at patuloy ito sa paglalakad kaya wala siyang magawa kundi ang sumunod.

Isang eksena mula sa nakaraan ang sumagi sa isip ni Rosette.

“Halika!” Inabot ni Erastus ang isang braso ni Rosette at iginiya siyang palipad sa himpapawid.

“Saan tayo pupunta?” Nagtataka man at maligayang-maligaya ang lambana. Buo na ang araw niya dahil nasa tabi na naman niya ang engkantado.

“May ipapakita ako sa `yo.”

Hinayaan niyang tangayin siya nito sa kung saan. Wala siyang pakialam maski saan siya dalahin ni Erastus. Ang mahalaga ay masaya siyang hawak nito ang kanyang kamay. Damang-dama niya ang napakasarap na init ng sensasyong dulot ng malaking kamay nito.

“Hayan! Tingnan mo!”

Kandamulagat si Rosette sa nakikita. Halos magningning ang mga mata niya sa matinding paghanga habang nauupo sa sang ang isang dambuhalang puno

“Napakaganda Erastus!”

Hindi niya napigil ang sarili. Napakaganda ng buwan. Kulay-ginto at para bang yari sa ginto ang makinang at mabilog na anyo ng buwan sa kanyang harapan.

“Tama ka. Napakaganda.”

Nang balingan ni Rosette ang katabing si Erastus ay hindi na magkandatuto ang puso niya sa pagtibok dahil titig na titig sa kanya ang engkantado. Nais pa niyang isipin na siya talaga ang pinatutungkulan nito ng salitang iyon. Lalo na nang kabigin siya nito sa bewang at marahang mapadampi ang katawan niya sa matikas nitong katawan. Hindi niya napigilan ang sarili na ihilig ang ulo sa balikat

Sa palengke sa bilihan ng mga damit sila humantong ni Erastus. Hinayaan din siya nitong pumili ng mga damit. Pumili nga siya ng desenteng disenyo na hindi naiiba sa kasuotan ng mga kababaihan sa edad niya. Marami rin namang naglipanang babae sa paligid na pwede niyang maging reference sa pananamit. Hanggang doon na lang. Dahil hindi niya kayang gayahin ang ginagawa ng mga itong pagpapapansin kay Erastus tuwing mapapadaan sa tapat nila.

Aba! Kulang na lang ay ipagtulakan ng mga ito ang sarili sa binata, mapansin lang ang mga ito. Kunsabagay ay hindi naman niya masisisi ang mga iyon. Napakagandang lalaki naman talaga ni Erastus sa kabila ng kasimplehan ng suot nitong printed white shirt at striped shorts.

Dati pa naman niyang nakikita ang kakisigan nito tuwing lalapitan nito si Kroen. Pero mas nagagandahang lalaki yata siya ngayon dito.

Ipinilig niya ang sariling ulo. Kung saan-saan na naman lumiliko ang utak niya. Ayon na naman siya sa pagpuri rito.

Argh! Erase… erase!

“Ayos ka lang?”

“Ha?” baling niya rito.

“Kanina ka pa kasing iling ng iling diyan. Hindi mo ba gusto ang napili mo? Magaganda naman. Pero kung ayaw mo, pumili ka na lang ulit.”

Nginitian na lang niya si Erastus. Sa pagkakataong iyon, sa pakiwari niya ay nag-time travel sila pabalik sa mga panahon na good friends pa sila nito. Noong caring at gentleman pa ito.

O baka kaya ganoon ito sa kanya dati ay dahil siya ang tulay nito kay Kroen. At ngayon na wala itong naaalala patungkol sa dati nitong buhay ay lumabas na ang totoo. Wala lang talaga siya para dito.

Itinapon ni Rosette ang pangit na damdamin. Mabuting engkantado naman talaga si Erastus. At maski ngayong naging mortal na ito ay lamang pa rin ang kabutihan sa puso nito.

“Hindi ka naman pala talaga madamot,” nasabi pa niya.

Tila nabigla ito. Pagkuwa’y tumawa. “Hindi mo naman ako masisisi sa naging reaksyon ko kahapon nang ipagpilitan mo ang sarili mo sa bahay. Hindi kita kilala, natural na hindi agad ako magtiwala at ialok pa ang bahay ko sa `yo para kupkupin ka.” Sandali itong natahimik. Pagkuwa’y muling nagsalita. “Taga saan ka ba talaga Rosette? Bakit hindi ka na lang umuwi?”

“Sa Engkantasya. At hindi ako pwedeng umuwi na hindi ka kasama.”

Mariing ipinikit ni Erastus ang mga mata dahil sa naging sagot niya. Alam niya, hindi ito natuwa o naniwala sa sinabi niya. Sa halip, iisipin na naman nito na nasisiraan na siya ng bait. Pero ano ba? Hindi na rin siya pwedeng magsinungaling. Bukod sa kasalanan iyon, hindi ba’t mas maigi nga na magsabi siya ng totoo? Malay niya, isang araw, maniwala na ito sa kanya. Wala namang imposible basta magsikap lang.

“Okay, hindi na kita pipilitin na magsabi ng totoo kung hindi ka pa handa. Pero kung kaya mo na, Nnarito lang ako.” Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Erastus at naglakad papunta sa kabilang tindahan.

Napapikit naman siya ng mariin. Talagang ayaw siya nitong paniwalaan. Ano ba ang gusto nitong patunay?

Ah! Ang lagusan!

Tama, sa pagbubukas uli ng lagusan ay ipapakita niya rito ang patunay na nagsasabi siya ng totoo. Ganoon ang ginawa ni Kroen para patunayan kay Quinn na totoo ang sinasabi nito.

Makikita ni Erastus! Mapapatunayan niyang hindi siya baliw. At kapag nangyari `yon, magiging madali na ang lahat para sa kanya.

Nahawakan niya ang sisidlan sa kanyang kwintas. Naroroon ang maliit na bato na nagsisilbing daan niya pabalik. Magbubukas ulit iyon. At mapapatunayan na niya ang totoo rito. Magiging madali na ang misyon niyang maisama ito pabalik ng Engkantasya.

Bitbit ang mga pinamiling damit ay mabilis na tumakbo siya palapit kay Erastus. “Sa kabilugan ng buwan.”

“Ha?” Nakataas ang kilay na tanong ni binata. Nagtataka na di niya maunawaan.

“Sa kabilugan ng buwan, mapapatunayan ko sa `yo na nagsasabi ako ng totoo.”

Tumawa ito. Tawa na nakakainsulto at pinipilit niya ang sarili na huwag mainsulto. Well, madali lang naman iyon. Dahil ang tunog ng guwapng tawa ni Erastus ay sapat na para mapawi ang lahat ng inis niya.

“Oo nga naman. Sabi nila, tuwing full moon lumalabas ang totoong kabaliwan ng mga kulang sa turnilyo ang utak.”

Masama ang tinging ibinigay ni Rosette rito nang tumawa na naman ito nang nakakaloko.

“Sige na, pumili ka na riyan. Ano pa ba ang gusto mo.” Bawi naman nito na nagtingin na rin ng damit para sa kanya.

Napilitan na rin siyang ibaling sa pamimili ang atensyon. Hindi naman kasi siya nito sineseryoso.

Pinagtatawanan mo ako, makikita mo. Ako naman ang magtatawa sa `yo pagdating ng gabi ng katotohanan.

“Hindi mo ba kailangan ng ganito?”

Nawala sa tamang huwisyo si Rosette nang makitang umabot ng isang kahon ng underwear si Erastus. Gusto yata niyang lumubog sa kinatatayuan dahil bigla siyang nailing. Paano niya isusuot ang mga iyon kung ganitong parati niyang maaalala na hawak ni Erastus ang mga panloob niyang saplot.

Sa pagkagulat niya ay inabot ng isang kamay ni Erastus ang kanyang kanang pisngi at marahang hinaplos ng hinlalaki nito ang bahaging iyon.

“I never thought that blushing could be this cute, Rosette. You’re such a lovely one.”

Natulala na lang si Rosette habang si Erastus naman ay bumaling sa tindera para maibili siya ng underwear. Sinipat pa siya nito upang tila tantiyahin kung ano ang sukat niya.

Nakakahiya ito!

Matindi ang pagkabog ng dibdib ni Rosette. Hindi niya sigurado kung dahil sa pagkailang patungkol sa usaping underwear o dahil sa ginawa ni Erastus.

Kanina pa nitong pinakawalan ang kanyang mukha pero para bang nararamdaman pa rin niya ang mainit na kamay nito sa pisngi niya. Hindi na niya namalayan na hinahaplos na pala niya ang bahaging iyon ng kanyang mukha.

Nakakainis ka, Erastus! Why do you have to do this to me!?

Gusto na niyang bumulagta sa magkahalong hiya at kilig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.