Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 26

“YOU LOOK great. Mas bagay sa `yo ang mga binili natin kesa sa duster ni Aling Ising.”

Hindi malaman ni Rosette kung ano ang dapat na maging reaksyon sa tuwirang papuri ni Erastus sa kanya. Bigla rin kasi niyang naramdaman ang kakaibang tuwa ng kanyang puso. Ang pamilyar na ligaya na para bang kay tagal niyang pinangarap na maramdaman ulit.

“S-salamat,” tanging nasabi na lang niya. Maski ang magsalita ay hindi niya alam kung paano sisimulan.

Para siyang matutunaw sa kakaibang tingin na ipinupukol sa kanya ni Erastus. Na kahit minsan, maski noong naroroon pa sila sa mundo nila ay di naman nito ginawa sa kanya o sa ibang lambana. Siguro, maliban kay Kroen. Dahil ang kaibigan lang naman niya ang madalas nitong kasama kapag umaalis ito sa trono nito bilang isa sa mga miyembro ng konseho.

Tumikhim si Erastus nang bawiin niya ang mga paningin. Hindi na rin kasi siya makatagal sa pakikipagtitigan dito. Something was melting inside her just with the intense gaze he was giving her.

Oh please, Rass. Huwag ganyan. Hindi ako immune sa mga titig mo.

Lambana lang siya, na matagal nang sinisinta ang guwapong engkantado. At dahil sa mga nakakatunaw na titig nito ay hindi niya mapigil ang pagkislot-kislot ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib. Na para bang gusto niyang mangarap na nagkakaroon na ng katumbas ang kanyang damdamin dito.

Subalit mahigpit na hinawakan niya ang kanyang sarili. Mali na umasa. Siguradong masasaktan na naman siya.

“Gusto mong maglakad-lakad? Maganda ang panahon ngayon.”

Tumikhim si Rosette. Gusto niyang maalis ang invisible na bara sa kanyang lalamunan na hindi niya alam kung bakit kailangan pa niyang maramdaman.

“Hindi na. Dito na lang ako. Ikaw na lang kung gusto mo.”

Naupo siya sa steel chair na naroroon sa maliit na garden ng bahay-bakasyunan nina Erastus. Magbabasa na lang siya ng librong nakulimbat sa library ng bahay na iyon kesa naman pahirapan ang sariling pakitunguhan ang sarili niyang damdamin.

Kaninang makauwi sila ay isinuot agad niya ang isa sa mga summer dress na binili nila ni Erastus. Magaganda lahat kaya alam niyang kahit ano ang isuot niya ay babagay sa kanya. Makinis at maputi ang balat niya na kapag nabibilad sa araw ay namumula-mula. Bagay sa mapusyaw na dilaw ng suot niyang summer dress.

Naramdaman niyang naupo rin si Erastus sa bakanteng upuan malapit sa kanya. Pigil niya ang sarili na balingan ito. Gustong-gusto niyang bumaling sa gawi nito subalit…

“Ayaw mo? Mas gusto mo pang magbasa?”

Hindi na siya nakapagpigil at saglit na sinulyapan niya ito dahil na rin sa tila himig nagtatampong tinig ni Erastus. Ganoon ito noon kapag pinahihindian niya ang mga imbitasyon nitong mamasyal sa kagubatan.

“Bakit hindi? Mas masarap magbasa kesa maglakad. Nakakapagod iyon,” katwiran na lang niya upang huminto na ito. Kaunti na lang kasi at baka mapaoo na siya ni Erastus.

Hayst! Hanggang ngayon ay ganoon pa rin kahina ang depensa niyang tanggihan ang engkantado.

“At nakakapagod rin sa mata ang magbasa.” Inagaw nito sa kanya ang libro saka iyon itinupi. “Halika, mas masarap mamasyal ngayon.”

Akma itong hahawakan siya. Agad siyang pumalag. Hindi dahil ayaw niya kundi dahil sa mabilis na pagdaloy ng mainit na sensasyong kalakip ng pagdampi ng balat nito sa kanya. Tuloy-tuloy iyon sa kanyang puso na ngayon ay patuloy na nagwawala sa loob ng dibdib ni Rosette.

Mahabaging Bathala! Napakahirap pigilan ng ganitong pakiramdam!

“Eh, bakit ba isinasama mo pa ako? Ikaw na lang kung gusto mo.” Inabot niya muli ang libro.

At gusto na lang yata niyang mag-evaporate dahil nararamdam niyang tinitingnan siyang maigi ni Erastus. Pinilit niyang balewalain ito. Subalit, hindi niya magawang magtagumpay. Maski hindi niya sinasalubong ang mga mata ni Erastus, pakiramdam niya ay hinihigop siya ng mga paningin nito. At nakakapanghina iyon. Hindi naman literal na nanghihina siya pero may pakiramdam siya na nais niyang maubusan ng lakas sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Para bang may nais itong sabihin pero nagdadalawang-isip.

Naiintriga siguro ito sa kanya.

O baka naman… may naaalala na ito patungkol sa nakaraang buhay nito.

Pabiglang bumaling si Rosette kay Erastus na tila ikinagulat ng huli.

“What?” untag niya rito.

“Ha?” clueless namang tanong ni Erastus at nag-iwas ng tingin.

“May sasabihin ka ba?”

“Inaaya kitang mamasyal hindi ba?”

“Aside from that?”

Tumitig itong muli sa kanya. At sa pagkakataong iyon, wala nang duda, talagang nakakapanghina ang guwapong mga mata nitong tumititig sa kanya.

“Ano ba talaga ang kailangan mo sa akin? Bakit mula nang dumating ka, parang napakaraming bagay na hindi ko maintindihan? Parang marami akong tanong na ikaw lang ang makakasagot? Mga tanong na hindi ko rin naman alam kung ano? And actually… honestly, you are one big question to me, Rosette. Your existence is a one big question to me.”

Kahit siya ay nagulat sa mga sinabi ni Erastus. Naguguluhan ito. Iyon ang malinaw. Pero paano niya kasi ipapaunawa ang katotohanan kung nabago na ang takbo ng buhay nito?

Napabuntong-hininga na lang si Rosette. “At sa tingin mo, masasagot ang lahat kung maglalakad-lakad tayo? ”

“Hindi. Pero, baka sakali. Hindi ko alam. I just have this feeling that I need to know you more. That I need sometime alone with you.”

Maigi na lang at nasa ugat pa rin nito ang pagiging matapat sa lahat ng pagkakataon. Maski paano ay lumigaya ang puso niya.

Gusto raw siya nitong magkasama na sila lang dalawa. That was…

“Nasabi ko na sa `yo ang pakay ko. Hindi mo lang matanggap ngayon. But you know what? Hindi kita lulubayan hangga’t hindi ka nalilinawan.” Sa halip ay sambit niya.

Padaskol na nagpakawala ng hininga si Erastus. Pagkuwa’y tinalikudan na siya. Naging aware naman ang kanyang mga senses. Even from a distance, kailangan niya itong masubaybayan. Kahit pa talagang napakahirap na sa kanyang gawin iyon. Mahirap pero gusto niya. Gusto niyang parating nakasubaybay kay Erastus.

LUMIPAD si Erastus sa kalagitnaan ng animo higanteng kamay na bahagyang nakakuyom sa korteng mangkok. Limang mga daliri na ang bawat daliri ay animo trono. Ang apat na daliri ay okupado ng apat na lalaking nakasuot ng vest at bahag na yari sa abaka. Pulos may mga marka ng kumikinang na gintong dahon sa kaliwang pisngi ng mga ito. Ang gitnang daliri ng higanteng kamay ay bakante. Ngumiti sa kanya ang nakaupo sa hintuturo at sinesenyasan siyang maupo sa trono sa gitnang daliri. Nagtaka siya. Bakit siya pinapaupo roon? Sino ba ang mga ito? Bakit parang kilalang-kilala siya ng mga ito? At bakit parang kapareho niya ang mga mata ng mga ito?

Pare-parehong light violet ang mga mata nila…

Bigla niyang naisipang suriin ang sarili, noon lang niya napansin na katulad ng apat na lalaki ay nakasuot lang din siya ng bahag at vest na yari sa abaka. Ang kanyang mga braso at binti ay napupuluputan ng mga bagin. At… nakakalutang siya. Nakakalipad siya.

May pakpak siya!?

Bumaba ang mga paningin ni Erastus sa kinapupuwestuhan. Naroon siya sa tapat ng palad ng higanteng kamay. Nakita niya ang sariling repleksyon. Napakatikas niyang tingnan sa kanyang kasuotan. Masyadong makapangyarihan at maawtoridad ang kanyang aura. Kuminang ang gintong marka na hugis dahon sa kanyang kaliwang pisngi. Mayroon din siya niyon?

Bakit?

Anong ibig sabihin ng lahat ng iyon?

“Bumalik ka na sa amin, Erastus,” anang nasa hintuturo at iniaabot sa kanya ang isang sisidlan na may berdeng liwanag sa loob.

“Kailangan ka namin,” sabi naman ng nasa palasingsingan.

Sabay-sabay na lumitaw ang pakpak ng apat na lalaki at lumipad ang mga ito palapit sa kanya. Iniaabot ng mga ito ang kamay sa kanya na para bang inaanyayahan siyang sumama.

“Bumalik ka na, Erastus.”

“Dito ang tahanan mo. Sa amin ka dapat na sumama.”

“Kailangan ka namin. Iligtas mo kami.”

“Ikaw lang ang pag-asa namin.”

Sunod-sunod na iling ang ginawa niya. Kumilos siya para lumayo sa mga ito. Lumipad siya palayo sa mga ito. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay isang malakas na pagsabog ang narinig niya. Nang lingunin niya ang pinanggalingan ay nakita niyang nilalamon ng malaki at maitim na usok ang apat na lalaki. Unti-unti ring napapalibutan ng maitim na ulap ang dambuhalang kamay. Nawawasak iyon ng paunti-unti. Lalapitan sana niya iyon upang alamin ang nangyayari ngunit sa pagkagulat niya ay bumulaga sa kanyang mukha ang nakakatakot na mga nilalang, tikbalang, tiyanak, manananggal at iba’t ibang uri ng masamang elemento.

Pagkakalumpumpunan siya ng mga ito. Ngunit bago pa siya malapitan ng mga iyon ay lumabas ang apat na lalaki na katulad niya ng kasuotan. May katulad na marka sa kaliwang pisngi. Nagpambuno ang iba’t ibang uri ng engkanto laban sa apat na lalaking may mayayabong na pakpak na tulad ng sa insekto… tulad ng sa kanya.

“Tulungan mo kami, Erastus. Sasakupin nila ang kaharian natin!”

Nagimbal siya sa nakitang pagkakagulo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Sino ang mga kalaban? Sino ang mga kakampi? Walang pagdadalawang-isip na sumugod siya sa laban ng mga engkanto.

Kilala na niya kung sino ang kakampi niya…

HUMIHINGAL at pabiglang bumangon si Erastus. Habol niya ang hininga na naupo sa ibabaw ng kama. Sa side table ay nasumpungan niya ang isang baso ng tubig na may takip na platito. Inabot niya iyon at mabilis na sinisid. Pakiramdam niya ay nanggaling siya sa isang giyera. Parang totoong-totoo ang labanan na nakita niya sa kanyang panaginip.

Tama… panaginip.

Panaginip lang iyon. Pero bakit may pakiramdam siya na totoo ang lahat ng iyon? Ano ang ipinapahiwatig ng panaginip? Bakit siya biglang nanaginip ng ganoon? Sino ang apat na lalaking iyon? At bakit may pakiramdam siya na malapit siya sa mga ito?

“Sino sila? Totoo ba sila?”

Tuluyan na siyang bumaba ng kama at dumeretso sa balcony ng kanyang silid. Gulong-gulo na naman ang kanyang utak. Bakit siya nanaginip ng ganoon ka-weird? Hindi naman siya naniniwala sa mga engkanto. Ang mga pulis na tulad niya ay hindi naniniwala sa mga supernatural, maliban kung mayroong ebidensya ng existence ng mga iyon.

At ang panaginip ay hindi pwedeng gamiting ebidensiya.

Huminga siya ng malalim matapos makapagpahangin ay babalik na siya ulit sa silid. Kailangan niyang bumalik sa pagtulog. Hindi siya maaring patalo lang sa isang wirdong panaginip dahil kung mangyayari iyon, baka gabi-gabi siyang dalawin ng mga iyon at hindi na patulugin.

Hahakbang na lang siyang muli para bumalik sa silid nang may mapansing pamilyar na bulto ng babae. Si Rosette!

Ano’ng ginagawa nito sa labas ng bahay sa ganoong oras ng gabi? Tiningnan niya ang oras sa kanyang Rolex watch. Alas-onse na ng gabi. Ano pa’ng ginagawa nito sa dalampasigan?

Pinakatingnan niya ang kinaroroonan ni Rosette. Nakaharap ito sa puno ng niyog na para bang may kinakausap. Pero wala naman siyang nakikitang tao roon. May malamlam na liwanag mula sa puno ng niyog na hindi niya malaman kung repleksyon lang ba ng liwanag ng buwan at mga bituin o repleksyon ng kung anumang ilaw na posibleng nasa malapit lang ng puno.

Pero imposible.

Wala namang poste ng ilaw sa malapit. Dagat na ang kasunod ng kinaroroonan ni Rosette at hindi naman sila nagtayo ng poste ng ilaw roon. Kaya ano iyong nakikita niyang malamlam na liwanag sa puno ng niyog? Sino ang kausap ni Rosette?

Napilitan siyang bumaba at lumabas ng bahay para usisain ang dalaga. Hindi pwede sa kanya na dis-oras ng gabi ay naglalamyerda ito, lalo pa nga at nasa poder niya ito. Kargo de konsensiya niya kapag may nangyaring hindi maganda rito.

Lalo’t higit na hindi niya gusto ang ideya na may kinakatagpo ito…

“TINULUNGAN ka na namin, Rosette. Nagpakita ang lahat ng miyembro ng konseho. Maski sina Ryker at Dylan na mula sa mababang galamay ay kasama na rin naming nagpakita kay Erastus sa panaginip upang kahit paano ay mabigyan siya ng hinuha na totoo ang mga sinasabi mo. Hanggang doon na lang ang kaya naming maitulong sa misyon mo Rosette,” wika ni Axyl.

Nasa anyong tao si Axyl sa paningin ng mga mortal kung sa malapitan makikita. Pero kung nasa malayo, magmumukha lamang itong isang malamlam na liwanag na tumatama sa malapit na bagay rito. At naroroon ito sa puno ng niyog malapit sa dalampasigan.

Si Axyl ang tumatayong pinakamataas sa grupo ng konseho magmula nang umalis si Erastus sa Engkantasya.

Kunsabagay, lahat ng desisyon ng kahit na sinong nasa grupo ng mga namumuno, parating kailangang sumang-ayon ang tatlong nasa mataas na galamay na sina Axyl, Xyro at Erastus—na sa kasamaang-palad ay nawalan ng umaakto para sa papel nito. Nabakante na ang pwesto ni Erastus kaya ang dalawang nasa mababang galamay na sina Ryker at Dylan ang pagbabasehan ng huling desisyon.

Kapag isa sa tatlong nasa mataas na galamay ay hindi sumang-ayon pero sang-ayon ang nasa dalawang mababang galamay ay mapapantayan niyon ang bisa ng desisyon ng isa sa nasa matataas na galamay. Kaya nga nang pumayag na ang dalawang nasa mababang galamay na tulungan si Rosette sa misyon nito, na siyang petisyon ng mga kaibigan niya sa konseho, natulungan siya. Iyon nga lang, hanggang panaginip lang ang kayang itulong ng buong konseho sa kanya.

“Salamat.” Napabuntong-hininga si Rosette.

“Alam ko ang iniisip mo, Rosette.” Of course she knew. Nababasa ng mga tagakonseho ang iniisip ng mga lambana. “Hindi rin kami sigurado kung malaki ang maitutulong n’on sa pagkumbinsi kay Erastus na sumama sa `yo pabalik sa Engkantasya. Pero sana, kahit paano ay makatulong iyon,” sabi pa ni Axyl.

“Pero hindi kaya lalo lang siyang malito? Ibig kong sabihin, panaginip iyon, doon kayo nagpakita, para sa mga mortal, ang panaginip ay kabaligtaran ng katotohanan. Baka malito lang siya kung totoo o kathang-isip lang kayo.”

Umiling si Axyl. “Para sa mga mortal, ang panaginip ay karugtong ng nakaraan. Siguro naman, maski paano, maiisip iyon ni Erastus. Nang maging tao siya, hindi nagbago ang mga karakter niya. Nabago man ang kakayahan at alaala niya, pero ang karakter niya ay nanatiling siya. Matalino, malakas, matikas.”

Napangiti si Rosette sa huling sinabi ni Axyl.

Matikas.

Napatango siya sa sarili. Wala namang duda kung gaano katikas si Erastus. Lalo pa noong mga panahon na ang pananamit nito ay tulad ng kay Axyl.

“Ano’ng ibig sabihin ng ngiti mo, Rosette?”

“Ha?” nagulat na sambit niya.

Bahagyang ngumiti si Axyl sa kanya. “Nabanggit ko lang ang mga karakter ni Erastus ay parang isanlibong porsyento ang pagsang-ayon mo.”

“Ano? Hindi, ah,” tanggi niya at nag-iwas ng tingin.

Tumawa na si Axyl. “Aminin mo.” Inabot nito ang mukha niya. “Nagugustuhan mo na ba siya sa anyong tao niya?”

Nailang siya sa paraan ng pagtatanong ni Axyl. Kung nalalaman lang nito, tao o engkantado man si Erastus ay iniibig niya ang lalaki.

“Ano’ng sinasabi mo?”

Mabait si Axyl sa kanya. Kung si Erastus ay mabait kay Kroen noon, si Axyl naman ay mabait at malapit sa kanya. Kapag may mga nais siyang malaman o nais hilingin na kailangang aprubahan ng konseho, kay Axyl siya lumalapit at ginagawan nito ng paraan sa abot ng makakaya nito. Nahihiya kasi siya kay Erastus dahil baka isipin nitong inaabuso niya ang kabaitan nito sa kanya. Kay Axyl, sanay na ito sa kanya. Isa pa ay sinabi ni Axyl na huwag siyang mahiya ritong sabihin ang lahat ng kanyang gusto at kailangan at handa itong tumulong.

Tumawa si Axyl. “Akala ko dati, ako lang ang lalaki sa paningin mo.”

“Ha?” Nag-igkasan ang mga kilay niya. “Lima kayong lalaki sa Engkantasya.”

Huminga ito nang malalim at ngumiti sa kanya, saka binitiwan ang mukha niya. “Akala ko dati, interesado ka sa akin.”

Hindi niya alam na may ganoon palang iniisip si Axyl sa pagiging malapit nila. Malapit siya rito dahil bukod sa palakaibigan ito sa nasasakupan, hindi niya kayang makipaglapit nang sobra kay Erastus sa takot na mahalata ng huli ang tunay niyang damdamin. Nagkakasama lang sila kapag ito mismo ang lumalapit sa kanya. Hindi niya kayang gumawa ng hakbang dahil napaparanoid siyang may makahalata sa kanya.

Maigi pa kay Axyl na bagaman nakikita niyang kakaiba ang paraan ng pagtingin sa kanya ay di naman niya kakikitaan ng paglagpas sa dapat na pakikitungo nito sa kanya.

She laughed uneasily. “Hindi ka din naman interesado sa akin, `di ba?”

Ngiti ang isinagot nito. “Bakit ka ba ganyan magsalita ngayon, Axyl?”

Kinakabahan si Rosette sa paraan ng pagtitig ni Axyl sa kanya. Tila ba may nais itong ipahiwatig sa mga iyon. Pero hindi ba at nababasa nito ang iniisip niya? Dapat alam rin nito na si Erastus lang ang parating laman ng isip at damdamin niya.

“Akala ko noon ayos lamang na ikaw ang napiling sumundo kay Erastus. Pero sa nakikita ko―”

“Rosette!”

Bigla siyang napabaling sa pinanggalingan ng malakas at maawtoridad na tinig ni Erastus mula sa kung saan. Bakit gising pa ito? Bakit ito naroroon? At bakit ganoon ang hitsura nito.

Madilim ang guwapong mukha na sumugod si Erastus sa kanya… sa kanila ni Axyl.

“Ano’ng ginagawa mo rito? Gabi na ah?”

Bahagya itong natigilan nang makita si Axyl. Parang sinisino si Axyl. Parang nakikilala nito na hindi. Bumabalik na ba ang memorya ni Erastus?

“Sino siya?” sita pa ni Erastus sa kanya.

“Ah…”

“Axyl, pare.”

Iniangat ni Axyl ang kamay para iabot kay Erastus. Matagal na tiningnan lang iyon ng huli. Para bang may iniisip na kung ano.

“Diyan lang ako sa kabilang resort. Magpapahangin sana ako pero nakita ko si Rosette na mag-isa kaya nakipagkuwentuhan na din ako sa kanya.”

Tinanggap sandali ni Erastus ang kamay ni Axyl. Pagkuwan, bumaling ang naninitang mga mata ni Erastus sa kanya. Kinabahan tuloy siya.

“Kuwentuhan sa dis-oras ng gabi?”

Bakit ba ganoon ang tono nito? Kung makapanita ito, para bang may krimen siyang ginawa. “Babalik na din naman ako sa rest house,” aniya. “Sige ha, Axyl.”

Tumango si Axyl sa kanya. Agad naman siyang hinila ni Erastus palayo roon.

“Pasensiya na pare, pero dis oras na ng gabi,” sabi pa ni Erastus at tuluyan na silang lumayo.

Mahigpit ang hawak ni Erastus sa kanya na para bang isa siyang kriminal na anumang oras ay magtatangkang tumakas. Pinilit niyang kumawala ang pulsuhan dito ngunit mahigpit siyang hawak ni Erastus. Bumuntong-hininga na lang siya at nagpatianod.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.