“SINO `yon, ha?”
Kung magtanong si Erastus ay para bang nagagalit ito na kung papaano. Ano ba ang ginawa niyang ikinagagalit nito?
“Sinabi na niya. Siya si Axyl,” sabi ni Rosette. Naroon na sila sa front porch ng vacation house nina Erastus.
Naupo siya sa lounge chair para mamahinga. Nakakaramdam na din siya ng pangangalay. Iyon ang mahirap sa pagiging mortal, madaling mapagod.
Bukod sa hindi nawala ang totoong alaala niya nang tumawid siya ng lagusan, ilan na lang sa kakayahan niya bilang isang lambana ang natira sa kanya. Malakas na pandinig, at matalas na mga mata. Maliban sa mga iyon, wala na. Parang normal na mortal na lang din ang katawan niya. Napapagod, nagugutom at nasusugatan. Pero ang higit na ikinatatakot niya sa pagiging mortal niya ay ang pagkakaroon ng marupok na damdamin.
“Si Axyl?” Nag-isip ito nang ilang segundo. Nakikilala na ba nito si Axyl? “Kilala mo siya? Saan mo siya nakilala?”
Bumuntong-hininga siya. “Do’n sa dalampasigan. `Di ba sinabi na nga niya sa `yo? Ang kulit nito.”
Tumiim ang tingin ni Erastus kay Rosette. “Sa dis-oras ng gabi, lumalabas ka at nakikipagkilala sa mga guest ng kabilang resort?”
Pinagtaasan niya ito ng kilay. “Ano ba’ng sinasabi mo? Aksidente ko lang siyang nakita kanina. Nagpapahangin lang ako. Ngayon lang naman ako lumabas nang gabi kasi, hindi ako makatulog. Magpapahangin lang sana ako. Tsaka… teka nga? Bakit ka ba ganyan magtanong? Parang napakalaking kasalanan ang ginawa ko, ah?”
“Hanggang nasa poder kita, hindi ka pwedeng basta na lang umaalis ng dis oras ng gabi. Paano kung mapahamak ka?”
“Palagay ko naman, mabait si Axyl,” katwiran niya.
Kung pwede lang niya sanang sabihin. Kaya lang, baka lalo lang itong maguluhan. At kung nagpakita na sina Axyl sa panaginip nito, bakit walang sinasabi si Erastus na nare-recognize na nito si Axyl?
“Hindi siya mabait!” pasigaw na sambit ni Erastus.
“Kung magsalita ka, parang kilalang-kilala mo `yong tao.”
Natigilan na naman si Erastus.
“Kilala mo ba siya?”
“He looks familiar.”
Natatandaan mo na si Axyl? At ang buong Engkantasya?
“Pero hindi ko siya kilala. Sa Maynila ako madalas. Kaya wala rin akong gaanong kilala rito.”
Biglang naglaho ang pag-asang nararamdaman ni Rosette. Akala pa naman niya, aaminin na nito ang napanaginipan nito.
“Wala ka bang ibang sasabihin o aaminin sa akin?” lakas-loob na tanong niya.
Pinangunutan siya ng noo ni Erastus. “Anong aaminin? Wala akong aaminin.”
“Sigurado ka?” pagpipilit niya.
“Ano’ng aaminin ko? Kung iniisip mo na nagseselos ako, hindi ako nagseselos. Bakit ako magseselos, hindi naman kita gusto?”
Aray!
Gusto yata niyang pukpukin ang ulo ni Erastus. Ano naman ang pumasok sa utak nito at nauwi sila sa usapang selos? Alam naman niya, eh. Alam na alam niyang kahit kailan ay hindi siya nito magugustuhan kasi isa lang ang gusto nito.
Tinapik niya ang sariling noo dala ng pagkayamot.
“And who’s talking about jealousy? Wala naman akong sinabing gano’n.” Natigilan siya saglit. Pero bakit nga ba nito binuksan ang ganoong usapan? “Teka… nagseselos ka?”
Gusto niyang matawa sa sariling tanong. At hindi niya napigilan ang sarili, tumawa talaga siya. Kahit alam niyang imposible ay di niya mapigilang hindi matuwa sa ideya.
“Ano’ng nakakatawa?” asar na sikmat nito sa kanya.
“Wala naman…” Napangisi na lang ulit siya. Ayaw niya sanang maging assuming pero na consume na siya ng sariling kaligayahan sa ideyang iyon. “Hindi bagay sa `yo na magselos. Hindi pa kita nakitang nagselos. Maski noong mga panahon na si Quinn ang hinahabol ni Kroen. O baka magaling ka lang magtago ng damdamin noon. Iba na talaga ang nagagawa ng pagiging tao, nagiging transparent.”
“You’re crazy!” iiling-iling na sabi ni Erastus. “Nandito na naman tayo sa phase na nagsasalita ka na para bang galing ka sa ibang daigdig. At kalahi mo ako. At pwede ba? Tigil-tigilan mo ang pagbanggit sa mga pangalan na `di ko naman kilala?”
Pinaikutan niya ito ng mga mata. Hanggang kailan kaya nito ipipilit na balewalain ang lahat ng mga sinasabi at ipinipilit niyang ipaalam rito? Mga katotohanang ayaw nitong tanggapin. Baka naubos na ang isandaang araw niya ay hindi pa rin niya ito naiuuwi sa Engkantasya.
“Kilala mo sila. Nakalimutan mo na lang sila,” giit niya.
“Sabi ng doktor ko, hindi naman ako nagka-amnesia.”
“Sa mundong ito, hindi ka nagka-amnesia, pero sa mundo natin, binago ng batas ng kalikasan ang program sa utak mo.”
“Pwede ba, Rosette?! Mukha ka namang normal. Kaya please lang, tigilan mo ang pagsasalita ng ganyan!”
Nanahimik na lang siya. Napakahirap kasi nitong kausap. Siguro, hihilingin uli niya kay Axyl na magpakita ito sa panaginip ni Erastus at itodo ang paghimok rito. Pero paano niya iyon hihilingin? Sandali lang na sumilip sa mundo ng mga tao si Axyl. Dahil kung magtatagal ito, patuloy sa pagbabago ang batas ng kalikasan, patuloy rin na magkakagulo sa Engkantasya.
Isa na nga sa naging pagbabago na hindi na kasintalas ng dati ang kanyang pandinig. Dapat, maski tatlong kilometro ang layo, kung gugustuhin niya ay maririnig niya. Pero dahil tumawid saglit si Axyl, nabawasan ang kakayahan niya. Ngayon ay dalawang kilometro na lang na layo ang kayang abutin ng kanyang pandinig. Baka sa susunod, isang kilometrong layo na lang o ang masaklap, maging ordinaryo na lang ang kakayahan ng kanyang pandinig.
Hindi pwede iyon. Dalawa na lang nga ang kakayahan niyang kahit paano ay mapapakinabangan niya sa mundong iyon, mawawala pa ba?
“Matulog na tayo, hatinggabi na.”
“Hindi pa ako inaantok,” tanggi niya. “Mauna ka nang pumasok sa loob, dito muna ako.”
Tiningnan siya ng matalim ni Erastus. “O baka naman babalik ka lang sa dalampasigan kapag nakatalikod na ako?”
Binigyan niya ito ng matalim na tingin. Pinagdududahan pa siya? “Pwede ba?!”
“Ano? Tama ako, `di ba?”
Tinapik muli ni Rosette ang sariling noo. Ano bang problema ng isang ito at napakalayo ng naaabot ng isip?
“Mali ka!”
At nagmamartsang nagpatiuna na siya sa loob ng bahay. Naramdaman niya ang pagsunod ni Erastus. Nang marating niya ang silid na ginagamit at nakasunod pa rin si Erastus sa kanya, ay pabiglang bumaling na siya rito.
Halos pigilan niya ang paghinga nang mapabunggo siya sa matigas at malapad nitong dibdib. Gusto pa niyang mawala sa sarili dahil sa nakakabaliw na mabangong amoy ng katawan nito. Gusto niyang humilig roon. Gusto niyang yakapin ito at magbabad sa mainit nitong katawan. Pero…
“Ano? Hanggang sa loob ba, susundan mo ako?” Pinili niya ang magtaray kahit napakahirap na talaga para sa kanya na pigilan ang sarili, na malulong sa napakalakas na charm ni Erastus.
Napansin niyang titig na titig ito sa kanya. At gusto na lang niyang malunod sa magagandang mga mata nito. Para bang may humahaplos na sensasyon sa kanyang puso habang tinititigan siya ni Erastus. Kung sana… sana nauunawaan niya ang ibig sabihin ng mga iyon. May kumakalabit na pag-asa sa loob ng dibdib niya pero alam naman niyang imposible ang naiisip niya. Wala itong kahit anong damdamin para sa kanya. Iyon ang dapat niyang pakatandaan para hindi na siya masaktan nang sobra.
“Ano?”
“Totoong asul ang mga mata mo,” sambit nito.
Pinaikutan niya ito ng eyeballs, saka kinusot ng kinusot paulit-ulit ang mga mata.
“Nakita mo naman, hindi nagbago ang kulay. Totoo ang mga iyan.”
“Oo nga. Kaya lang, bakit asul? May lahi ka bang American?”
“Wala, bakit ikaw? Light violet ang mga mata mo. Hindi naman kita tinatanong kung bakit ganyan ang kulay.”
“Nakuha ko ito sa French ancestors ko.”
“Yeah, right.” Pinaikot niya muli ang mga mata.
Ngalingali na niyang sabihin dito na lahat ng nasa konseho ay may light violet na mga mata. Pero siyempre, siguradong maiinis na naman ito kaya pinigilan niya ang sarili. Buong akala pa naman niya ay may ibang ibig sabihin ang mga titig nito. Ayun naman pala, iniisip lang nito kung peke ang mga mata niya.
Napakalaki niyang assumera!
“Teka, bakit ba tayo nauwi sa usaping mata? `Di ba, matutulog ka na kamo? Do’n ka na, dito ako.”
“Kung makapagtaboy ka, parang sarili mo itong bahay, ah. Alalahanin mong bahay ko ito at―”
“Oo na, oo na!” pigil niya sa sinasabi ni Erastus. “Nakikitira lang ako sa `yo. Pero di naman ako dapat nakikitira sa `yo kung madali ka lang sanang kausap at kung sumasama ka na sa akin pabalik sa Engkantasya,” hindi niya napigilan ang sarili na ibulalas.
Magalit na ito kung magagalit pero naiinis na siya. Ang daming nakakayamot na damdamin ang sumusugod sa kaloob-looban niya.
Wala naman sana siya sa ganoong sitwasyon kung hindi siya binigyan ng ganoong misyon. Lumalabas pa na utang na loob niya rito ang pakikitira niya sa magaling na lalaki. Sana ay magpakita si Axyl sa kanya sa panaginip at nang mahiling niyang baka maaaring gawan siya nito ng sariling katauhan sa anyong tao niya para naman hindi siya nakikitira sa mahirap kausap na si Erastus.
“And here we go again,” asar na sambit ni Erastus sa sinabi niya.
“Totoo lahat ng sinasabi ko. Sige nga, kung hindi, paano mo ipapaliwanag na lumabas ako galing sa batong ito?”
Hinawakan niya ang maliit na transparent na sisidlang nakapalawit sa kwintas niya na kinalalagyan ng maliit na puting bato. Iyon ang bato na nagmula sa utak nito. Napatitig doon si Erastus.
“No…” nalilitong sambit nito. “Maliwanag lang noon at malamang na nanggaling ka sa ibang direksyon. Siyempre, iniisip ko na lumitaw ka mula sa liwanag pero ang totoo, sumulpot ka lang galing sa kung saan nang lumapit ka sa akin.”
“At paano mo ipapaliwanag na kilala kita?”
“Pwedeng nagpaimbestiga ka. Kilala ako dahil alagad ako ng batas. Madaling mag-research ng tungkol sa akin.”
“At bakit ko naman gagawin iyon?” asar nang tanong niya. Nakakainis na talaga. Lahat na lang ng sabihin niya, may sarili itong naiisip na dahilan.
“Iyon ang hindi ko alam. Kaya nga kita tinatanong kung bakit ka ba naririto sa paligid ko. Anyway, malapit nang lumabas ang result ng investigation patungkol sa `yo. Pinadala ko sa isang tauhan ko ang larawan mo. Malalaman ko din ang totoong identity mo, Rosette… Kung iyon man nga ang totoong pangalan mo.”
Pagkasabi niyon ay iniwan na siya sa tapat ng kanyang silid at dumeretso ito sa sariling kwarto. Hindi naman na siya nagtaka sa bagay na iyon. Kung bakit hindi niya narinig ang anumang pakikipag-usap ni Erastus sa sinasabi nitong tauhan ay hindi na niya alam. Siguro itinext nito o ini-email para mas safe. Ah basta. Bahala ito. Wala naman itong makukuhang file o maayos na report dahil hindi naman talaga siya tao.
Pumasok na din siya sa silid na inuokupa at pinilit ang sarili na makatulog. Sana lang ay makausap niya uli si Axyl…
NATAKOT na kaya siya sa babala ko? naitanong ni Erastus sa sarili habang nakatalungko sa railings ng balcony ng kanyang silid.
Totoo ang sinabi niya kay Rosette kanina. Kahapon lang niya nai-e-mail kay Jyle ang picture ni Rosette sa iba’t ibang anggulo. Medyo nahirapan siyang kuhanan ng larawan nang palihim ang dalaga. Malakas kasi ang pakiramdam nito.
Hindi niya dapat na sinabi kay Rosette ang ginawa niyang pagpapaimbestiga sa katauhan nito dahil baka mabulilyaso, pero, maigi na rin siguro iyon para naman kahit paano ay kabahan na ito kung nag-eespiya man ito sa kanya.
Kung tutuusin, maaari naman niyang ipagtabuyan si Rosette paalis ng poder niya. Kaya lang, tuwing natititigan niya ang asul na mga mata nito ay mabilis nagbabago ang isip niya. Naiisip niyang paano kung nagsasabi ito ng totoo na wala itong matutuluyan? Paano kung mapagsamantalahan ito sa lansangan?
Walang nakakakilala rito roon sa San Juan. Mukha kasing foreigner si Rosette. Idagdag pa na totoo ang mga mata nito. Perpekto ang matangos na ilong. Maganda ang kutis. Maganda rin ang hubog at…
Napamura siya sa sarili. Kung anu-ano ang iniisip niya. Dapat pa rin siyang mag-ingat kay Rosette, lalo at hindi pa niya alam ang totoong motibo nito sa kanya.
Umiling-iling si Erastus. Ganoon na ba ang bagong pakulo ng mga kawatan? Nag-iimbento ng mga out of this world na kuwento? At talagang sa kanya pa iyon naisipang gamitin ni Rosette, ha?
Kaya lang, paano niya ipapaliwanag ang pakiramdam na pamilyar ito sa kanya sa una pa lang nilang pagkikita? At oo, totoong galing ito sa liwanag na nagmumula sa batong lumabas sa sentido niya. Ayaw lang niya tanggapin dahil hindi siya naniniwala sa mga ganoong klase ng pangyayari na walang scientific basis. Paano kung nalinlang lang siya ng kanyang mga mata at nang liwanag na marahil ay galing sa kung saan? Paano kung kasama iyon sa drama ng biglaang existence ni Rosette? Makabago ang panahon ngayon at kung dati nang tuso ang mga tao, mas naging tuso pa sa pagdaan ng mga panahon.
Paano kung galamay si Rosette ng sindikato na natimbog niya at nais lang siyang paghigantihan kaya pinipilit siyang papaniwalain ni Rosette na sumama rito? Maaaring ginagamitan lang siya ng charm ni Rosette. Kakaiba ang kakayahan ng charm nito dahil nai-invade noon ang tiwala at damdamin niya…
Damdamin?
At ngayon ay nauwi naman sa damdamin. Paano, hindi niya inaasahang mararamdaman ang pagkayamot habang nakikipag-usap…
Nah! Hindi lang basta pakikipag-usap ang ginagawa nina Rosette at ng matangkad na lalaki dahil kitang-kita niya ang paraan ng pagtitig noon sa dalaga. Puno ng damdaming hindi niya mahulaan, lalo pa nang haplusin noon ang napakagandang mukha ni Rosette.
At ang lalaking iyon… si Axyl…
Ibinigay ito sa akin ni Axyl…
Bumalik ka na sa amin, Erastus…
Kamukha nito ang nasa panaginip niya!
Bakit?
Nagkataon lang ba ang lahat? Sobrang coincidence naman yata iyon. Parang nananadya…
Hindi kaya, galamay din ng sindikato ang Axyl na iyon? At kasabwat si Rosette? Kung hindi, bakit kung kelan hatinggabi ay saka mag-uusap ang dalawa?
Ah, malalaman niya rin… Kailangan niyang mag-ingat.