Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 28

BISITA ni Erastus nang sumunod na araw si Shunn. At kung nagulat ang binata na bumisita roon si Shunn, lalo naman si Rosette. Hindi naman siya manhid at inosente para hindi mapansin na sa unang pagtatagpo pa lamang ng dalawa, nakitaan na niya ng interes si Shunn kay Erastus.

Kaya lang, hanggang maaari, ayaw niyang lumaki ang damdamin ni Shunn kay Erastus. Bukod sa makakasira iyon sa misyon niyang iuwi sa Engkantasya si Erastus, ayaw niyang masaktan at maiwang luhaan si Shunn kapag napaniwala na niya ang una na sumama sa kanya, pabalik sa mundo nila.

Iyon nga lang ba?

Oo. Iyon lang!

Iyon lang ang dapat niyang dahilan. Hindi dapat madamay ang pansariling dahilan niya.

Tungkulin niya ring pagmalasakitan si Shunn. Anak ito ng namayapa niyang kaibigan, alam niyang matutuwa si Kroen kung pati si Shunn ay poprotektahan niya.

Kaya lang… hindi niya mapigilan ang iba pang damdamin na namumuo sa kanyang puso kapag ganitong nakikita na nagkakalapit sina Shunn at Erastus.

Mabigat at nakakasakal na damdamin. At ang hirap noong alisin sa loob ng kanyang dibdib.

“Dito na rin ba nakatira si Rosette sa bahay mo?”

Ayaw man niya ay naririnig niya ang pag-uusap nina Shunn at Erastus sa ibaba. Pinili niya ang magkulong sa silid nang malaman na bisita ni Erastus nang umagang iyon si Shunn.

Hindi talaga maganda sa kanyang mga paningin na makitang magkasama ang mga ito. Higit sa lahat, ang makitang madalas na titigan ni Erastus si Shunn. Tila pinipiga ang puso niya sa mga ganoong eksena.

Siguro, dahil kamukhang-kamukha ng huli ang nasirang ina kaya ganoon na lang pagmasdan ni Erastus si Shunn. At dahil din doon, posibleng mahulog ang damdamin ni Erastus dito. Hindi man nito maalala si Kroen, alam niya, dahil minahal nito nang sobra ang kaibigan niya, posibleng mahalin din nito ang anak ni Kroen na kamukhang-kamukha noon.

At hindi pwede `yon!

Siyempre, hindi pwede iyon. Makakasagabal iyon sa misyon niya.

“Oo. Dito muna siya. Wala siyang matutuluyan e,” tugon ni Erastus.

“Nakakainggit naman si Rosette. Sana, hindi na lang din ako taga rito para aampunin mo din ako.” At sinundan iyon ng tawa ni Shunn.

“Hindi ko alam, pero parang nakilala na kita,” sambit ni Erastus.

“Ako? Hindi ko matandaan, ha. Pero baka familiar lang ang face ko sa `yo. You know, I’m a model…”

“Hindi, parang kilala talaga kita, eh,” pagpipilit ni Erastus.

May naaalala na ba ito? Naaalala na nito ang hitsura ni Kroen?

“Nah! Kung nagkakilala tayo noon, hindi ko makakalimutan iyon. Pero dahil kailan nga lang kita nakilala, kaya kita mo naman, I find time to visit you, Rass. Kung noon pa nangyari na nagsanga ang mga landas natin, sana matagal na tayong naging magkaibigan, hindi ba?”

“O-oo nga siguro…”

Katahimikan ang sumunod. Ano kaya ang iniisip ni Erastus? Tinititigan na naman kaya nito si Shunn?

Ahhh! Ano ba’ng iniisip mo, Rosette?’

Gusto niyang saktan ang sarili dahil sa matinding pagnanais niyang makababa at makihalubilo kina Shunn. Gusto niyang alamin ang mga kaganapan sa pagitan ng dalawa. Para kung maging intimate ang mga ito ay makakaeksena siya…

Arghh!

Mas pinatindi niya ang pagtitimpi niya. Hindi tama na manguna ang selos sa kanya.

Selos…

“Labas naman tayo. Malapit lang dito ang guest house namin. Kung gusto mo, kahit sa seashore na lang tayo dumaan. Kaunting lakad lang iyon, mula rito.”

Tuluyang naalarma si Rosette. Lalabas ang dalawa? Hindi pwedeng lumayo si Erastus nang mahigit dalawang kilometro dahil hindi na niya ito maririnig. Kailangan niyang parating nakasubaybay sa binata para alam niya ang takbo ng lahat patungkol dito.

Isandaang araw lang naman ang taning niya sa mundong iyon, at sampung araw na ang nababawas pero wala pa rin namang improvement. Baliw pa rin ang tingin nito sa kanya tuwing ipagpipilitan niya rito ang pakay niya.

“Hmm, sige. Gusto ko rin namang lumabas muna.” Narinig niya ang pagsang-ayon ni Erastus. “Sandali lang at magpapaalam ako kay Aling Ising. Baka maghanap iyon.”

Mga yabag ni Erastus ang kasunod na narinig niya.

“Aling Ising.”

“O? Bakit? Nasaan ang bisita mo?”

“Lalabas lang po kami saglit,” paalam nito.

“Sige lang, anong oras ka ba makakabalik? Teka, si Rosette ba, isasama mo?”

“`Yon na nga po. Hindi namin siya kasama. Pero Aling Ising, pwedeng pakibantayan n’yo siya para sa akin? Huwag n’yo siyang paaalisin ng bahay.”

“O, eh, bakit naman?” Halata ang pagtataka sa boses ni Aling Ising. Maski siya ay nagtataka rin.

“Basta. At kapag may dumalaw rito na bisita niya, lalaki man o babae, sabihan n’yo ako, ha? Tawagan n’yo ako kaagad.”

Ano ba’ng iniisip ni Erastus? Bakit naman kaya siya magkakabisita e wala nga siyang kilala sa mundong iyon maliban kina Shunn at dito?

“O-oo, sige,” napipilitang sang-ayon ni Aling Ising. “Teka, dito ka ba manananghalian?”

“Bahala na po. Tatawag na lang ako.”

“Sige.”

Muli, mga yabag ni Erastus ang narinig ni Rosette.

“Halika na?”

“Sige.”

Napansin ni Rosette ang excitement ni Shunn. Gusto sana niyang babain at pigilan ang mga ito. Kapag nagpatuloy na ganoon, baka lalong may ma-develop na damdamin sa panig ni Shunn para kay Erastus.

Hindi pwede!

Tigas sa pagtanggi ang kanyang isip at puso sa ideyang bumabagyo sa kanyang utak. Pero hindi naman niya kayang hadlangan ang kasiyahang nahimigan niya kay Shunn. Napabuntong-hininga tuloy siya. Ano ba ang dapat niyang gawin? Bakit ganito siya? Pakiramdam niya, nagiging makasarili na siya. Siguradong hindi matutuwa si Kroen kung ganitong gusto niyang agawan ng lalaki ang anak nito.

Habang naririnig niyang papalayo sina Shunn at Erastus ay hindi naman mapakali sa silid si Rosette. Susundan ba niya ang mga ito? Pero ibinilin siya ni Erastus sa matandang ginang. Paano siya tatakas?

Ah, baka naman hindi aabot ng dalawang kilometro ang mararating ng dalawa. Sabi nga ni Shunn ay di naman gaanong malayo ang rest house nito mula roon. Pwede pa rin niyang subaybayan ng pandinig ang dalawa. Pili lamang ang mga naririnig niya mula sa malayo. Iyong may kinalaman lang kay Erastus. Kaya hindi magiging magulo sa pandinig niya ang mga maririnig niya kung sakaling i-extend niya nang i-extend ang sense of hearing.

Pinilit niyang kumalma, saka nagpasyang bumaba. Papalabas na si Rosette nang sitahin siya ni Aling Ising.

“Saan ka pupunta, ineng?”

Nginitian niya ang matandang ginang. “Dito lang po sa front porch. Magpapahangin, saka magbabasa.” Iniangat niya ang bitbit na libro.

Ngumiti rin ang matanda bilang sagot saka tila nakahinga ng maluwag na bumalik sa ginagawa nitong paglilinis. Ang nakakatawa pa. Sa halip na ituloy ang gawain sa loob ng bahay, nakita niya si Aling Ising na may bitbit na walis tingting at dust pan. Doon ito nagwalis sa harapan maski wala namang masyadong kalat doon.

Napailing na lang siya at naupo sa lounge chair na paborito niyang upuan saka nagbasa. Pero ang isip at pandinig niya ay nakasubaybay kina Erastus at Shunn.

HINDI mapakali si Erastus. Naroroon na sila ni Shunn sa beach front ng rest house ng mga ito. Abala sa pag-eestima sa kanya ang magandang dalaga. Nagpahanda pa ito ng kung anu-anong pagkain na dadalhin sa maliit na nipa hut na malapit sa dagat para doon na daw sila tumambay habang nagkukuwentuhan. Masarap din naman itong kausap. Marami itong kuwento patungkol sa sarili. Nalaman na lang nga niya na modelo pala ito. Kaya naman pala parang pamilyar ang mukha nito. Siguro, nakita na niya ito sa isang fashion magazine. O pwede ring sa Internet.

Ewan, hindi niya matandaan. Basta pamilyar ang magandang mukha ni Shunn. Siguro nga, dahil sikat na modelo ito.

Pero wala sa kahit anong pinagkukuwentuhan nila ni Shunn ang atensyon niya. Parating lumilipad ang isip niya pabalik sa rest house ng pamilya niya. Iniisip niya kung anong ginagawa ni Rosette. Bakit hindi tumatawag si Aling Ising sa kanya para ireport ang ginagawa ni Rosette?

Hindi na siya nakatiis. Habang abala sa pag-aayos ng pagkain sina Shunn at ang kasambahay nito ay lumabas siya ng kubo at kinontak ang telepono sa bahay. Sandali lang at may sumagot.

“Hello?” Boses ni Aling Ising.

“Aling Ising, si Rass po ito. Nandiyan pa po ba si Rosette?”

“Ah, oo. Nasa front porch.”

“Ano’ng ginagawa niya?”

“Nagbabasa.”

“Bakit hindi po kayo tumatawag sa akin? Kanina ko pa po hinihintay ang tawag n’yo.”

“Aba, e sabi mo naman, kapag may dumating lang na bisita o kapag umalis si Rosette. Hindi naman siya umaalis. Kanina pa nga siya nagbabasa doon sa front porch.”

“Kanina pa, ho?”

“Oo, pagkaalis ninyo, bumaba naman siya at nagbasa na lang. May-pagkahenyo yata ang batang ito. Walang ibang gustong gawin kundi ang magbasa.”

Bumuntong-hininga siya. Kahit paano ay napanatag na ang kanyang loob. Hindi umalis si Rosette. Hindi na ulit ito nakipagkita sa kung kanino. Lalo na sa kausap nito kagabi.

Ah, nahuli niya ito kagabi. Natural na hindi ito uulit sa ngayon. Dapat pa rin niya itong matyagan.

“O sige po. Salamat Aling Ising.”

“Dito ka ba manananghalian?”

“Hindi po. Si Rosette na lang po ang pakainin n’yo. Tanungin n’yo siya kung ano’ng gusto niyang kainin.”

“O sige.”

Matapos magpaalam ay pinutol na niya ang tawag. Hindi na naman siya mapakali maski nasabi na ni Aling Ising na nasa bahay lang naman si Rosette. Ano kaya kung umuwi na lang siya?

“Rass!” tawag ni Shunn. “`Lika na kumain.”

Tumango at ngumiti siya kay Shunn. Saka ipinasyang bumalik na sa kubo. Masarap ang mga nakahayin na pagkain. Napakadami ding prutas sa mesa.

“Parang fiesta, ah,” biro niya.

Tumawa si Shunn.

“Minsan lang magkaroon ng bisita si Shunn dito kaya nagpahanda ng marami,” sambit ng may edad na kasambahay ni Shunn. Ipinakilala ito kanina sa kanya ng dalaga bilang tagapag-alaga nito.

“Kumain ka na lang nga. Minsan lang ako maging generous.”

Dumulog na sila sa masaganang pagkain. Halos hindi magkamayaw si Shunn sa pag-iistima sa kanya. Hinayaan na lang naman niya ito dahil ayaw niyang ma-offend ang dalaga kung tatanggihan niya.

Matapos kumain ay nagyaya itong mamasyal ulit sila. Mahaba-haba rin ang nalibot nila hanggang sa hindi na siya makatiis sa kanyang restlessness. Nagpaalam na siya kay Shunn na uuwi na at nangako na sa isang araw ay siya naman ang sorpresang dadalaw rito.

“Next week, babalik na ako sa Manila. Baka kapag dumalaw ka, wala na ako dito. Maigi pa, kunin mo na lang ang number ko.”

At kusa na nitong ibinigay sa kanya ang cellphone number nito. Wala naman siyang nagawa kundi i-save iyon para lang makauwi na siya.

Habang daan pauwi ay may namataan siyang pamilyar na pigura. Agad na tinawagan niya ang numero sa bahay. Sumagot kaagad si Aling Ising.

“Nasaan ho si Rosette?” agad na bungad niya.

“Nasa dalampasigan, hijo. Nagpaalam siyang magpapahangin. Binitbit pa nga niya ang folding bed para doon na daw muna siya.”

“Bakit hindi n’yo po itinawag sa akin?”

“Ha? Eh, hindi naman malayo ang pupuntahan niya. Tanaw ko pa nga rito ang folding bed niya,” katwiran ng matandang katiwala.

“Maski na ho.”

Mabilis niyang pinutol ang tawag at nagmamadaling nilapitan ang natitiyak niyang si Rosette. May kausap na naman ito habang nakaupo sa folding bed patalikod sa kanya. Nakaupo sa buhanginan ang lalaking kausap nito. Habang papalapit ay nakilala niya kung sino iyon.

Si Axyl na naman!

Rumagasa ang inis niya pagkakita sa dalawa na bagaman hindi seryoso ang pag-uusap ay hindi rin nagtatawanan. Sa paningin niya ay intimate tingnan ang paghawak ni Axyl sa kamay ni Rosette. At kumukulo ang dugo niya sa hindi niya maunawaang kadahilanan.

“Rosette!” yamot na tawag niya.

Mabilis itong bumaling sa kanya. Parang walang anuman. Hindi ito hahalataing nagulat. Mukhang inaasahan na nito ang pagdating niya.

“Nakauwi ka na pala,” bungad ni Rosette pagkalapit niya.

Ni hindi ito nag-abalang tumayo sa halip ay humilig lang sa foldable bed na dinala nito roon sa dalampasigan.

“Magkita tayo sa panaginip, Rosette,” sabi ni Axyl at tumayo na. Napakakunot-noo siya. Napaka-corny naman! “Sige, pare,” paalam pa nito sa kanya.

Hindi siya kumibo hanggang sa tuluyan na itong tumalikod at naglakad palayo. Si Rosette naman ay ibinaling ang paningin sa librong binabasa nito.

Encyclopedia.

Napakunot-noo na lang si Erastus. Sa dami ng pwede nitong basahin at pagkainteresan encyclopedia pa talaga? Wasn’t that weird? Karamihan sa mga kababaihan ngayon na kung mahihilig din lang sa pagbabasa, nobela at kuwentong pag-ibig ang pinagkakaabalahan. Pero si Rosette ay hindi…

Bumaba ang paningin niya sa kabuuan nito. Napakakinis ni Rosette at para bang hindi ito aware sa kung gaano ito kaakit-aakit sa suot nitong summer shorts at spaghetti strapped blouse na pinatungan ng see through top. Bagay na bagay rito ang summer color. Lalong lumutang ang kaputian nito sa suot. Ang asul na mahabang buhok nito ay nakalugay lamang at nadadaganan ng ulo. It made her face framed by those adorable strands of hair. Para tuloy nais na lang niyang tumunganga rito maghapon.

Marahas na ipinilig ni Erastus ang sariling ulo. Ano ba itong tumatakbo sa utak niya? Ah, hindi na siya magtataka kung nilapitan na naman ni Axyl itong si Rosette. Napakaganda naman kasi nito, sa malayo man o malapit.

“Magkasama na naman kayo ng Axyl na iyon?” yamot na sita niya kay Rosette pagkaalala sa eksena.

Kung bakit siya nayayamot ay hindi niya alam. Plano niyang hulihin si Rosette at matyagan ito sa aktibidades nito. Pero hindi niya mapigilan na lapitan ito tuwing makikita itong may kausap na lalaki. Hindi niya rin mapigilan ang inis na nadarama kapag ganoon ang eksena. At higit sa lahat, hindi niya malaman kung saan ba nanggagaling ang inis na iyon. Hindi naman siya dating ganito mag-react patungkol sa mga babae. Balewala sa kanya kung may makita man siyang naghahalikan sa daan.

Pero ngayon, magkausap lang naman sina Rosette at Axyl, ganoon na siya mayamot?

Siguro dahil sa paraan ng pananalita ni Axyl. Para kasing may unawaan ang dalawa na ewan.

“Naglalakad-lakad lang siya nang makita niya ako,” katwiran ni Rosette. Hindi inaalis ang paningin sa binabasa.

“Naglalakad? O baka naman sadyang may usapan na kayo na magkikita kayo!”

Doon na niya nakuha ang buong atensyon ni Rosette. Yamot na bumaling ito sa kanya. “Ano ba’ng problema mo diyan?”

“Umamin ka nga sa akin? Boyfriend mo ba ang lalaking iyon? Kung boyfriend mo naman siya, bakit hindi ka na lang magpaampon sa kanya? Sa kanya ka na lang tumira,” bigla ay naibulalas niya.

“Huwag kang mag-alala, Erastus. Isandaang araw ang hiningi ko sa `yo, pero ngayon, isang buwan na lang. Hinihintay ko lang naman ang kabilugan ng buwan para patunayan sa `yo ang isang bagay. Pagkatapos noon, umaasa ako na magbabago na ang lahat. Kung hindi pa din, aalis na ako sa poder mo. Pero asahan mong parati pa rin akong nasa paligid mo.”

“At ano namang bagay ang gusto mong patunayan?”

Inabot ni Rosette ang pendant ng suot nitong kwintas. Ayon na naman ang sisidlan na may lamang bato. “Ang tungkol sa lagusan. Gusto kong patunayan sa `yo na hindi pumapalya ang utak ko. Na totoo ang lahat ng mga sinasabi ko. Paulit-ulit na lang ako na parang sirang plaka at ayaw mo akong paniwalaan. Isa na lang ang paraan para maniwala ka. At papatunayan ko iyon sa `yo sa oras na magbukas muli ang lagusan.”

“At sa kabilugan kamo ng buwan iyon mangyayari?” pakikiayon niya sa mga pinagsasasabi nito.

Minsan talaga, parang nais niyang maniwala sa mga sinasabi ni Rosette dahil na rin sa eagerness at sincerity na nakikita niya sa mga mata nito. Pero paano niya papaniwalaan ang isang napakaimposibleng bagay?

“Oo. Tuwing kabilugan lang ng buwan nagbubukas ang lagusan.”

“Talaga lang, ha? Kung ganoon nga, at kung totoong diyan ka lumabas, bakit sa katirikan ng araw ka lumitaw sa harap ko?”

Nag-isip ito sandali. “Hindi ko din alam. Hindi ko sigurado pero marahil dahil iyon ang oras na lumitaw ang lagusan mula sa utak mo. Noon lumabas ang bato na naging susi ng espesyal na lagusan. Dati naman kaming nakakatawid sa mundo ng mga tao na may tagabulag at nasa anyong lambana. Pero iba ang espesyal na lagusan dahil nababago ang anyo namin. Makakarating din kami kahit sa malalayong lugar kung doon kami dadaan. Kaya lang, ang lagusan ay hindi lilitaw kung walang patunay sa mundo ng mga tao na totoo ang Engkantasya. At ang alaala mo… ang nakalimutan mong alaala, iyon ang nagsilbing lagusan ko ngayon. Kaya nga,” mahigpit na hinawakan nito ang sisidlan na nakapalawit sa kwintas nito, “ingat na ingat ko ito, kapag nasira ito, hindi na ako makakatawid, dito na ako magiging abo. Mabibigo ako sa misyon ko na maiuwi ka sa Egkantasya at marami ang mapapahamak, hindi lang ang Engkantasya, maging ang mundo ng mga mortal ay manganganib din.”

Sandali siyang natigilan at pinag-isipan ang mga sinabi ni Rosette. Sa nakikita niyang kalungkutan sa asul nitong mga mata, gusto niyang maniwala na totoo ang lahat ng isinalaysay ni Rosette. Damang-dama niya ang lungkot na may kahalong matinding eagerness na maipaunawa sa kanya ang lahat. Damang-dama niya ang sinseridad ng mga salita ni Rosette. Kaunting-kaunti na lang at bibitaw na siya sa pagtanggi na maniwala sa mga sinasabi nito.

Pero kasi…

Pero imposible. Kung totoo iyon, bakit wala siyang maalala? Kung talagang hindi siya tao, bakit may mga magulang siya? Bakit may trabaho siya sa kapulisan? Bakit may best friend siya? Bakit may pamilya siya sa mundong ito? Bakit?...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.