HINDI inaasahan ni Erastus ang pagdating ni Jyle sa rest house. At lalong hindi niya inaasahan ang report na dala nito. Walang kahit na anong nahanap itong impormasyon kay Rosette. Wala rin itong mahanap na maski kahawig man lang ni Rosette. Ayon sa kaibigan, kakaiba ang ganda ng dalaga. Walang katulad dahil mukha naman nga talaga itong diyosa.
Kung ang DNA naman nito ang pagbabatayan, kanino nila ikukumpara? Ni wala nga silang lead ng kahit na sinong pwedeng maging kamag-anak nito. Hindi niya pwedeng sabihin na nagpa-plastic surgery si Rosette para makuha ang ganda na iyon dahil kitang-kita naman ang pagiging natural noon.
Maski ang buhok nito na kulay asul ay nagmumula sa scalp. Kung kinulayan iyon, sana man lang, kahit isang sentimetro ay mate-trace ang totoong kulay ng buhok. Pero talagang mula sa anit ay asul iyon.
“Bru, ibang klase talaga ang karisma mo. Akalain mo iyan, hinahabol-habol ka ng ganyan kagandang babae? Para siyang diyosa!” Tila naeexcite na nanggigigil na sambit ni Jyle habang nakamasid ito kay Rosette na naroon sa garden at tinutulungan si Aling Ising na ayusin ang mga halaman. “Kung ako ang hahabulin niyan, buong puso akong sasama.” Natatawang dagdag biro pa nito sa kanya.
“Sira-ulo ka talaga kahit kailan, Jyle. Akala mo ba, masarap ang pakiramdam ko?”
“Hindi ba?” nagtatakang tanong nito.
“Hindi.”
“Kung ganoon, ipakilala mo ako at i-build up sa kanya. Baka sa akin naman mahulog ang loob niya. Hindi naman tayo gaanong nagkakalayo, ah. Lamang ka lang nang isang paligo sa akin sa kaguwapuhan.”
Tinapik niya ng malakas ang braso ng kaibigan.
“Edi ikaw ang magpakilala sa sarili mo. `di ba magaling ka namang dumiskarte sa babae?”
“Sinubukan ko na nga, ej. Itinodo ko na ang charm ko para pansinin ako. Kaso, matapos niyang sabihin ang pangalan niya sa akin, umiiwas. Parang ilag sa tao. Maski `yong magtitinda ng sorbetes na bumati sa kanya kanina diyan sa labas, hindi niya pinansin.”
May mangilan-ngilan ngang magtitinda ng kung anu-ano ang dumadaan sa lugar nila. Pero wala roon ang isip niya kundi sa sinabi ni Jyle na aloof raw si Rosette. Iyon naman talaga ang una niyang tingin dito. Hindi ito gaanong nakikipag-usap. Mas madalas na gusto nitong mag-isa kaulayaw ang mga libro.
Subalit kung ganoon nga, bakit kay Axyl, nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan ito? At bakit sa kanya, ipinipilit nito ang sarili na dumikit? Nakikipagkuwentuhan din ito minsan kay Aling Ising. Pero ang kuwentuhan ay parating sa side lang ng matanda nagmumula dahil tagapakinig lang si Rosette.
Ibig sabihin ba na pinipili nito ang kakausapin at lalapitan? Gusto niya tuloy na lalong pagdudahan ang katauhan ni Rosette.
Sinulyapan ni Erastus ang kinaroroonan ni Rosette. Masaya itong nakikinig sa mga sinasabi at instruction ni Aling Ising patungkol sa pag-aayos ng halaman. Napangiti siya. Kung gusto na niya ang anyo ni Rosette, mas gusto niya ito kapag ganoong ngumingiti. Lalong lumiliwanag ang mukha nito at parang nadadamay ang paligid.
Magpapatuloy pa sana siya sa pag-admire kay Rosette kung hindi lang siya siniko ng nasa tabi niyang si Jyle. Nasira na ang magandang momentum niya.
“Bru, tinamaan ka na din yata diyan, ah. Sabagay, wala naman sa hitsura niya na kawatan siya. Ang inosente nga niyang tingnan, eh.”
Nang lingunin niya ito ay nakangiti na ring minamasdan ni Jyle si Rosette. Inihilamos niya ang isang kamay sa mukha ng kaibigan upang mahinto ito sa ginagawang pagtitig kay Rosette.
“Looks can be deceiving, Jyle. Alam mo iyan. Paano kung weapon niya ang maamong mukha at inosenteng aura?”
Napatango-tango na lang si Jyle pero muli lang nitong tinitigan ang walang pakialam na si Rosette. Hinila na lang nga niya ang kaibigan papasok ng bahay. Doon sila sa kusina kung saan malayo at hindi maaabot ng mga mata nito si Rosette. Kilala niya si Jyle, basta maganda, hindi nito pinapaligtas.
“ERASTUS! Erastus!”
Malalakas na kalampag sa pinto ng silid ni Erastus ang nagpagising sa kanya. Nang tingnan niya ang oras sa nakapatong na orasan sa bedside table ay alas-dos pa lang ng umaga. Kaya naman pala pakiramdam niya. Hindi pa sapat ang tulog niya.
“Erastus! Buksan mo ito. Magmadali ka!” Si Rosette iyon. At nasa boses ang urgency.
Maski mumukat-mukat ay umahon siya sa kama at pinagbuksan ito. Ano bang kailangan ni Rosette sa kanya ng ganoon kaaga?
Walang sabi-sabing pumasok si Rosette at ikinandado ang pinto. Nagulat siya at tuluyang nahulas ang antok. Ano’ng ginagawa nito sa silid niya?
“Ano’ng kailangan mo?” nagtataka at may pag-aalala na tanong niya.
Umangat ang kamay nito sa may batok. Naka-halter night dress ito ng mga sandaling iyon at mabilis niyang naunawaan ang gagawin nito. Maghuhubad ito sa harap niya!
Gusto ba nito na… na…
Nalito at nataranta siya. Hindi niya pa nagawa at wala siyang maalala na nakipag-mate siya sa isang babae. Ni hindi nga siya nagkaroon ng karelasyon maski marami ang nagkakagusto sa kanya. Tapos ngayon… si Rosette…
“Teka, sandali!” awat niya sa ginagawa ni Rosette.“Huwag mong gawin ito sa sarili mo. Hindi rin ako handa. Hindi ko pa iyan nagawa sa tanang buhay ko, kaya please, hindi ko kayang gawin ang gusto mo. Isa pa, hindi ko gawaing pakialaman ang babaeng hindi ko naman pag-aari,” natatarantang litanya niya.
Tuluyan nang nawala ang antok niya dahil sa napipintong mangyari.
Hindi siya handa!
Nakakatawa. Lalaki siya, pero siya pa itong hindi magkandaugaga sa napakagandang agresibong babae.
“Ano ba’ng sinasabi mo?” nagtatakang tanong ni Rosette.
Tuluyan na nitong nahubad ang… kwintas nito.
Kwintas? Kwintas lang pala ang huhubarin nito. Nakahinga siya nang maayos. At parang nais niyang suntukin ang sarili dahil nakaramdam siya ng kaunting panghihinayang.
Hindi na niya maunawaan kung ano ba itong mga nararamdaman niya patungkol sa babaeng ito. Nataranta man pero inaamin niyang na-excite din siya. Gusto niya na ayaw niya.
Hinawakan ni Rosette ang kamay niya at inilagay ang kwintas sa palad niya. Noon lang niya napansin na nagliliwanag ang bato sa loob ng sisidlan.
“Oras na, Erastus,” seryosong sambit nito. “Buksan mo ang sisidlan at ilagay sa palad mo ang bato.”
“Ha?” naguguluhang tanong niya.
“Sinabi ko naman sa `yo. Sa kabilugan ng buwan sa hatinggabi, mapapatunayan ko sa `yo na hindi ako nagsisinungaling.”
Nilingon ni Erastus ang orasan. “Anong hatinggabi? Alas-dos na ng madaling-araw.”
“Sa Engkantasya, ang hatinggabi ay alas-dos ng madaling-araw ang katumbas sa mundong ito. Sige na, bilisan mo na bago pa lumipas ang liwanag ng lagusan. Baka magsara ulit iyan.”
Dala ng pagkalito ay sinunod niya ang gusto ni Rosette. Inalis niya sa sisidlan ang bato at inilagay sa palad niya.
“Manood ka, Erastus.”
Puno ng kaseryosuhan na itinapat ni Rosette ang kamay nito sa kamay niyang may nagliliwanag na bato. Lumaki ng lumaki ang liwanag na halos lamunin ang buong silid. Sa isang iglap ay hinigop ng enerhiya na nagmumula sa bato si Rosette.
Nagulantang si Erastus at hindi makapaniwala sa nakita. Nawala at naglahong parang bula si Rosette kasabay ng pagkawala ng liwanag sa bato. Nagmistulang ordinaryong puting bato na ulit ang hawak niya. Pero nasaan na si Rosette? Umalis na ba ito?
Totoo ba ang lahat ng nakakagimbal na bagay na nakita niya? Kung hindi, bakit biglang nawala si Rosette?
“Rosette?! Rosette?!” tawag niya, pero walang sumasagot. Ni walang bakas na magpapatunay na naroroon pa si Rosette.
Hanggang sa mag-umaga ay nakatunganga siya sa hawak na bato at iniisip ang mga pangyayari. Totoo nga. Totoo ang lahat ng sinabi ni Rosette sa kanya. Hindi ito tao, isa itong lambana. At katunayan ng lahat ng iyon ang kanyang nakita.
Pero… saan niya hahanapin si Rosette ngayon? Babalik pa ba ito?
Ngayon pa lang, parang nami-miss na niya ang lambana. Wala na kasing magtataray sa kanya at wala na rin siyang sisitahin...
Nakakapanibago.
KINAUMAGAHAN ay nabungaran ni Erastus sa ibaba ang kanyang ina. Ikinagulat niya ang biglaan nitong pagbisita.
“Mama!” gulat na bati niya.
“May babae ka raw ibinabahay rito, Rass?” deretsang tanong nito sa kanya. “Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin? Sana man lang ay ipinakilala mo siya sa akin.”
Kabaligtaran sa iniisip niyang magagalit ang ina sa natuklasan nito. Hindi naman kasi siya nagdadala ng babae at hindi siya nakikipagrelasyon. Hindi niya alam kung bakit, pero may pakiramdam siya na minsan na siyang nagmahal. Hindi lang niya matandaan kung kanino o kailan. Baka noong past life niya at dahil sa reincarnation kaya naghahalo-halo ang noon at ngayon sa kanyang damdamin. Ewan, hindi niya alam. Ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin ay ang ngayon.
Siguradong kaya napasugod ang kanyang ina ay nagulat ito sa natuklasan nito mula sa kung sinong nagsumbong sa kanya na may babae siyang kasama sa rest house. Imposibleng si Aling Ising dahil nasabihan na niya itong huwag na lang sabihin sa kanyang mga magulang ang tungkol kay Rosette. Isa na lang ang alam niya na posibleng nagbanggit noon sa kanyang Mama, si Jyle.
`Daldal talaga ng isang iyon.
“Si Jyle ang nagsumbong sa `yo?” Maski hindi niya itanong alam niya oo ang sagot.
Ngumiti ang kanyang ina at lumapit sa kanya.
“Ay naku, hijo, bakit ba kailangan mo pang itago sa akin? Mas matutuwa nga ako na malaman na posible na kaming magkamanugang ng Papa mo. Mas ikakatuwa namin iyon. Gusto na nga naming magkaroon ng munting anghel sa bahay.”
Napangiwi siya at hindi alam ang isasagot. Alangan namang sabihin niya na naghihinala pa siya noon kay Rosette at iniisip niya na kawatan ito at balak muna niyang subaybayan si Rosette para makasigurado. Hindi niya ipinaalam sa mga ito dahil baka madamay lang ang mga magulang niya o di kaya naman ay mag-alala nang husto ang kanyang ina. May-pagka-OA pa naman itong mag-react.
Pero hindi na niya iyon pwedeng sabihin ngayon. Dahil kumpirmado na. Nagsasabi ng totoo si Rosette. Hindi ito masamang tao, hindi rin ito ordinaryong tao. Lambana ito!
“So, nasaan na ang mamanugangin ko?”
Hindi malaman ni Erastus kung paano sasagot. Alangan namang sabihin niyang hinigop ng puting bato na ngayo’y nasa pangangalaga niya.
“Ano... Maaga pong umalis. May emergency raw?” pagdadahilan niya.
“Ha? Pero sabi ni Ising, nasa guest room daw at hindi pa niya nakikitang bumaba.” nagtatakang sabi ng kanyang ina. Naningkit ang mga mata nito sa kanya. “Talaga bang gusto mo siyang itago sa akin, Erastus?” may paninita sa boses nito. “Hindi mo siya maitatago sa akin habambuhay. Mas maigi pang ngayon mo na iharap sa akin ang girlfriend mo.”
At dali-dali itong umakyat para libutin ang lahat ng guest room roon. Nakasunod lang si Erastus sa ina hanggang sa matingnan na nito ang pangatlo at pinakahuling guest room. Wala.
Wala itong nakita. At lalo iyong ikinagalit ng kanyang ina. Napahalukipkip na lang si Erastus.
“Sinabi ko naman sa inyo na wala na nga siya,” katwiran niya.
“Nang ganito kaaga?” Hindi makapaniwalang pakli ng kanyang ina. “Inagahan ko na nga ang pagpunta rito para siguradong masusorpresa kayo at hindi ninyo ako mapapagtaguan. At, por dios naman, anak! Bakit kailangan mo pang magtago ng babae? Wala namang kaso sa akin...”
Napailing na lang si Erastus sa walang tigil na pagtatalak na naman ng kanyang ina. Minsan ay naiisip niya kung paano siya naka-survive sa loob ng dalawampu at siyam na taon na ganoon magtatalak ang kanyang ina.
But anyway, no matter what, she was still his mother. Ang taong nagluwal sa kanya sa mundo.
“Kasi may emergency nga po sa kanila sa Maynila. Inihatid ko siya kaninang madaling-araw. Tulog pa si Aling Ising noon kaya di niya alam nung umalis kami. Tsaka hindi ko naman itinatago sa inyo si Rosette. Isa pa, hindi n’yo siya mamanugangin kasi hindi naman-”
“Rosette pala ang pangalan niya. Sounds beautiful. Siguradong maganda rin siya. Well, alam ko naman na hindi ka pipili ng hindi maganda. Sa guwapo mong iyan, siguradong maraming kababaihan ang naghahabol sa `yo. Ikaw lang itong ayaw pang pumatol. Anyway, I’m so happy that Rosette came into your life, hijo. Ngayon palang, gusto ko na siyang pasalamatan...”.
“Nah! Women talk too much.” bubulong-bulong na aniya habang hinahayaan ang ina sa pagmo-monologue nito habang pababa sila sa sala ng rest house. Pagsapit sa couch ay naupo siya roon at naghagilap ng mababasa. Patuloy pa rin sa pagsasalita ang kanyang ina.
Natigilan naman siya. Naalala niya si Rosette. Hindi naman nga pala lahat ng babae ay mahilig dumada. Si Rosette ang isang buhay na patunay. Madalas itong tahimik at nagbabasa lamang. Magsasalita ito kung tatanungin. At kapag minamalas, wala naman itong ibang bukambibig kundi ang Engkantasya at ang panghihimok nitong sumama na siya.
Well, that was because it is her mission. At malamang na napakaimportante rito ng misyon na iyon. Kaya lang, kung ganoon nga, bakit umalis na ito at bumalik sa mundo nito na hindi siya kasama? Babalik pa ba ito?
Ah, malamang. Babalik ito dahil hindi pa ito tapos sa misyon nito sa mundo niya. Hindi pa siya nito naisasama.
Pero kung babalik ito, bakit ilang oras na ang dumaan ay hindi pa rin ito lumalabas mula sa bato para kulitin siyang sumama na? At higit sa lahat... Sasama ba siya? Kaya niya bang iwan ang mundo na ito kung nasaan ang pamilya niya?
Pamilya...
Bakit siya may pamilya kung talagang ang mundo niya ay nasa Engkantasya?
Napakadaming tanong sa kanyang isip. Napakarami niyang gustong malaman. At alam niyang walang ibang makakasagot niyon kundi si Rosette lamang.
Nasaan ka na ba, Rosette? Bumalik ka na...