Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 30

“NAWAWALA si Xeen?”

Halos maghuramentado sa pagtatanong si Rosette sa mga kaibigang lambana. Pagkalitaw na pagkalitaw kasi niya mula sa lagusan ay ang mga kaibigang sina Simone, Zayleigh, Vymerra at Caiorroa ang nabungaran niya. Tila sadyang hinihintay siya. Nang itanong niya kung nasaan si Xeen…

“Tumawid siya sa kabilang mundo,” sambit ni Caiorroa.

“P-pero bakit?”

Ano’ng dahilan at tatawid ito ng lagusan? Tsaka paanong makakatawid kung hindi naman niya nakitang lumabas sa susi niyang ngayon ay nasa pangangalaga ni Erastus? Saan posibleng lumabas si Xeen?

“Aba, malay namin. Baka nakakita na naman ng guwapo.”

“Naghahanda ang lahat sa pagsugod ng iba’t ibang elemento pero wala siya sa training ground,” sabi ni Zayleigh.

“Kilala naman natin `yon na mahilig sa guwapo kaya hindi imposible.” Si Simone na ikinampay-kampay ang makinang na namang mga pakpak nito. Napaka-vain talaga ng isang ito.

“Paano makakakita ng guwapo sa kabilang mundo?” nagtatakang tanong ni Rosette.

“Hindi ka pa ba na-inform? Patuloy sa pagbabago ang mundo natin,” sabi naman ni Vymerra. “Pamoderno nang pamoderno. May tele-screen na ang lagusan, o.”

Nilingon ni Rosette ang sinaunang lagusan at ganoon na lang ang panggigilalas niya. Sa paanan ng malaking puno na nagliliwanag ang malaking butas sa katawan nito, nagre-reflect ang samut-saring eksena sa kabilang mundo. Mabilis. Tila nanonood siya ng eksena sa pelikula.

“Pwedeng i-pause ang mga eksena,” sabi pa ni Zayleigh na lumipad palapit sa paanan ng puno. Itinapat ang isang kamay sa tila screen ng mga eksena sa mundo ng mga mortal.

“Oo nga. Pinapanood ka nga namin dito. Kayo ni Erastus.” Humagikhik si Simone. “Bagay kayo! Grabe.”

Kumawag-kawag ang mga pakpak ni Simone, senyales na kinikilig at natutuwa ito sa isang bagay.

Sa paningin niya, tila mas makinang ngayon ang mga pakpak ng mga kaibigan niya. Kakaiba din ang mga suot ng mga ito. Parang mga makikipagdigmaan. Naka-corselet na may kutamaya o armour, may matitibay na safety gear sa mga siko at tuhod maging sa braso at binti. Ang kulay ay kahalintulad sa kung ano ang kulay ng lambana. Katulad ni Zayleigh na kulay luntian ay ganoon din ang kasuotan nito.

May matitibay na bagin na nakapalamuti sa mga braso at binti. Kung nahahalata man sa aura ng mga ito ang pagiging handa sa anumang laban, hindi pa rin naiwala ang pagiging fashionable. Isang bagay na natural sa mga tulad nilang lambana.

“Bakit nakaganyan kayo?”

“Alin?” takang-tanong ni Simone na napalinga sa paligid.

“`Yong suot n’yo. Bakit mga naka-armor kayo?”

Bumuntong-hininga si Caiorroa.

“Lahat ng lambana ay sinasanay lumaban. Kailangan daw ang lahat ng iyon, sabi ni Xyro.”

“Tama. Anumang oras ay pwede tayong lusubin ng iba pang elemento at alam ng buong konseho na mahihirapan silang protektahan ang lahat lalo at wala rito ang pinakamalakas na mandirigma.”

“Pabilis din ng pabilis ang pagtakbo ng oras dito sa mundo natin dahil patuloy na nasisira ang balanse ng kalikasan. Baka magising na lang tayo na iyon na ang araw na nakatakdang lusubin tayo ng mga kalaban.”

Napabuntong-hininga na lang si Rosette sa sinabing iyon ng mga kaibigan. Ang dami niyang tanong. Una na ang patungkol kay Xeen. Sigurado siyang kaya naroroon ang apat ay para hanapin sa kabilang mundo si Xeen gamit ang tele-screen.

At isa pa sa malaking pinoproblema niya ang misyon niya. Nahihirapan na siya kay Erastus. Kung pwede lang sanang maibalik na ang alaala nito. Pero mangyayari lang iyon kapag naiuwi na niya si Erastus.

“Bakit nga pala umuwi ka na?” narinig niyang tanong ni Vymerra.

“Sinukuan mo na si Erastus?” usisa naman ni Simone.

Magsasalita pa sana siya nang may umalingawngaw na tinig sa buong paligid.

“Rosette…”

Mula sa kung saan ay narinig nila ang tinig ni Xyro. Napalinga tuloy silang lahat sa paligid.

“Halika ka rito sa tanggapan ng mga konseho. May dapat tayong pag-usapan.”

Sabay-sabay na bumaling sa kanya ang mga kaibigan.

“Sasamahan ka na namin.” Prisinta ni Caiorroa.

Lumipad sila patungo sa higanteng puno na ang mga sanga ay korteng kamay na bahagyang nakaikom. Sa bawat daliri naroroon ang trono ng limang miyembro ng konseho ng Engkantasya. Bakante ang lahat habang sa pinakagitna o pinakapalad ng hitsurang kamay ay nagpe-play ang mga eksena sa mundo ng mga mortal.

Lumipad sila pababa sa katawan ng puno. Sa pagtapat nila roon ay lumabas ang pintuan at kusang bumukas. Isa-isa silang pumasok at habang naglalakad sa animo walang hanggang hallway ay nagbabago din ang kanilang mga kasuotan hanggang maging normal na kasuotan na lang ng mga lambana. Nawala din ang mga pakpak nila. Ganoon ang nangyayari kapag pumapasok sila sa tanggapan ng konseho. Babalik lang ang mga pakpak nila kapag lumabas sila roon.

Eksaktong narating nila ang dulo ng pasilyo ay sinalubong na siya ni Dylan.

“Bakit bumalik ka kaagad?” bungad nito sa kanya.

“Gusto ko lang patunayan kay Erastus na totoo ang sinasabi ko. Baka sa ganitong paraan, mas mahimok ko na siya,” tugon niya habang naglalakad sila papunta sa harap ni Xyro.

Ipinagtaka ni Rosette na hindi niya makita si Axyl.

“Nasaan si Axyl?”

“Nasa training ground si Axyl. Sinasanay ang ibang mga lambana na may potensyal—.”

Nahinto si Dylan sa pagsagot sa tanong at noon binalingan ang mga kaibigan niya. Tila noon lang napansin ang mga ito. Limitado ang kakayahan nina Dylan at Ryker bilang mga mabababang konseho. Hindi ganoon kalakas ang pakiramdam nito at ang naaabot ng pagdinig sa iniisip ng mga lambanang kaharap. Higit na malakas ang tatlo nina Xyro, Axyl at Erastus. Bagaman ganoon, ang dalawa ang mas malalapit sa mga lambana. Ang mga ito ang mahihilig makisalamuha sa halos buong populasyon ng Engkantasya.

At iyon ay dahil na rin sa tungkuling matyagaan ang buong Engkantasya.

“Bakit nandito kayo? Hindi ba at kasama kayo sa mga hinirang na malalakas na lambana at dapat ay nagsasanay?” Sita nito sa apat nina Vymerra, Simone, Zayleigh at Caiorroa

“Kailangan din naman naming mamahinga, Kamahalan.” Si Zayleigh ang sumagot.

Kung may sarkasmo iyon ay di niya sigurado. Hindi naman siguro magtatangka ng ganoon si Zayleigh sa miyembro ng konseho. Pero bigla rin siyang napaisip nang mapansing umigkas ang isang gilid ng labi ni Dylan.

“Palagay ko ay kanina pa kayo namamahinga. Kailangan n’yo nang bumalik sa training ground.”

Sabay-sabay na umungol sa protesta ang mga kaibigan ni Rosette.

“Gusto muna naming suportahan si Rosette kaya namin siya sinamahan dito,” tugon naman ni Vymerra.

“Hindi siya sasaktan ni Xyro. Alam n’yo `yan.”

“Oo nga, pero—”

“Halina kayo. Ibabalik ko kayo sa training ground. Si Rosette lang ang kailangan ni Xyro dito.”

Pagkahinto nila sa sentro ay lumitaw ang isang tila hologram na pintuan. Binuksan iyon ni Dylan at pinatuloy si Rosette saka isinarado. Naglaho na muli ang pintuan at hindi na niya nalaman kung ano ang nangyari sa apat pa niyang kaibigan. Malamang na ibinalik na nga ang mga iyon ni Dylan sa training ground.

Ganoon na ba kaseryoso ang banta sa Engkantasya para maging puspusan ang mga pagsasanay ng mga kaibigan niya?

Sa isang sandali ay lumabas mula sa kung saan si Xyro. Nagkaroon din ng hitsura ang buong paligid. Animo isang tahimik at isolated temple. Puno ng armas at kagamitang pandigma habang sa isang dako ay may malawak na animo hologram ng mga pangyayari sa hindi niya alam kung nakaraan o hinaharap. Digmaan sa pagitan ng mga lambana at iba-ibang uri ng masasamang elemento.

“Sumusuko ka na ba kaagad, Rosette?” Iyon ang bungad ni Xyro sa kanya.

“A-ano’ng…” Nangingilabot na nakamata siya sa hologram habang pinapanood ang sariling nakikipaglaban sa tikbalang.

Kitang-kita niya kung paano siya ipagsalyahan ng tikbalang at higupin ang kanyang enerhiya matapos niyang mawalan ng malay. Ganoon din ang iba pang mga lambana. Sina Xyro na lang at ang iba pang miyembro ng konseho ang nakikipaglaban habang ang mga lambana ay unti-unting nauubos.

“Ganyan ang mangyayari sa atin hanggang hindi mo naibabalik si Erastus dito sa mundo natin. Hindi magbabago ang nakatakdang mangyari hanggang hindi siya nakakauwi sa atin.”

Gustong manlamig ng katawan ni Rosette nang makita kung paano pabagsakin ng iba-ibang elemento ang buong Engkantasya at pagpiyestahang higupin ang mga enerhiya at kakayahan ng bawat lambana. Pinag-aagawan din ng mga ito ang Aklat Na Tagapagpatupad. Nagpapatayan ang mga ito para makuha lamang ang aklat.

Pati ang puno ng buhay na siyang sentro ng buong Engkantasya, dahil doon sila kumukuha ng panggamot sa pinsala, ay pinagdiskitahan din. Kinukuha ng mga ito ang lahat ng pwedeng makuha sa puno habang naghihingalo ang mga kalahi niya.

Nakakatakot.

Nakakapanghilakbot.

Hindi niya kaya maski isipin na sa ganoon sila mauuwi.

“Hindi… Hindi pwede…” Nanlalaki ang mga matang bumaling si Rosette kay Xyro. “Hahayaan ng batas ng kalikasan na magkagulo tayo rito sa elemental na mundo?” Hindi makapaniwalang tanong niya.

Malungkot na tumango ito. “Iyon ang nakatakda. Tuluyang nagulo ang balanse ng dalawang mundo dahil sa naging desisyon ni Erastus. Hindi namin ito inaasahan. Akala namin… kung may pagbabago man, iyon ay ang ebolusyon. Hindi namin inaasahan ang pagkainggit ng iba pang mga elemental na nilalang.”

At ang tinutukoy ni Xyro ay ang mga tiyanak, tikbalang at iba pang masasamang nilalang na gusto silang lusubin.

“Bakit umuwi ka na? Gusto mo ba talaga na ganito ang kahantungan natin? Kasabay ng bawat modernong ebolusyon sa Engkantasya ang mas malaking panganib. Si Erastus na lang ang pag-asa natin.”

“Pero… hindi niya ako paniwalaan.”

“Unti-unti na siyang naniniwala. Makaikatlong beses na kaming nagpakita sa kanya sa panaginip. Naka-program na iyon bago ka pa tumawid pabalik rito.”

“Bakit hindi n’yo ako sinabihan?”

“Dahil hindi rin namin inaasahan na gagawin mo ito.” Bahagya siyang nagtaka. Hindi alam ng mga ito ang plano niya? Hindi ba at nababasa ng mga ito ang iniisip niya? “Kailangan mo nang bumalik kaagad. Kailangan mong tumawid ulit bago pa magbago na naman ang isip ni Erastus.”

Nang ibuka ni Xyro ang isang kamay patungo sa hologram scene ay nagbago iyon. Sina Shunn at Erastus na ang nakikita niya. Magkasama at masayang namamasyal. Nagtatawanan.

May mabigat na dumagan sa loob ng dibdib niya. Hindi niya gusto ang nakikita. Para siyang sinasakal ng eksena. Kakaalis lang niya pero hayun si Erastus at parang wala namang pakialam na nakikipagmabutihan kay Shunn. Nagagawa nitong makipagsaya sa dalaga habang sila ay nababalot ng takot sa pwedeng kahinatnan ng Engkantasya.

“Ang sama niya!” Naiinis na singhal niya sa pinapanood na eksena.

Kumuyom ang mga palad sa labis na pagngingitngit.

“Hindi mangyayari iyan kung hindi ka umalis.” Wala sa tono ni Xyro ang naninisi at alam niyang tama naman ito.

Mali ang mga diskarte niya para kumbinsihin si Erastus. At kailangan niyang bumalik kung gusto pa niyang maisalba ang mga buhay nila roon sa Engkantasya. Sa kahit anong paraan ay iuuwi niya si Erastus.

“Babalik na ako.”

Tumango si Xyro. Sa isang sandali ay lumabas muli ang hologram na pintuan na kanina ay dinaanan niya. Kusa iyong bumukas. Mabilis naman siyang lumabas at dere-deretso sa napakahabang pasilyo. Napakadaming laman ng kanyang isip. Naiinis siya kay Erastus dahil para bang mas masaya pa itong wala siya sa bagong mundo nito.

Hindi niya ito masisi na maging masaya sa tabi ng kamukha ng babaeng mahal nito. Kaya lang, hindi tama na maging masaya ito habang nanganganib silang mga nasa Engkantasya.

“Iuuwi kita rito, Erastus. Sa ayaw at sa gusto mo.”

Deretso siyang lumabas sa main door ng dambuhalang puno kasabay ng pagbabago ng kanyang anyo at kasuotan. Lumabas na muli ang kanyang pakpak. Mabilis na lumipad si Rosette pabalik sa mahiwagang lagusan. Pagkatapos niya kay Erastus ay hahanapin naman niya si Xeen. Isa pa ring pasaway ang kaibigan niyang iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.