Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 4

MASAMA ang tingin ni Quinn sa sandamakmak na taho sa ibabaw ng mesa. Nagpaturo pa talaga ang luka-lukang si Kroen sa magtataho kung paano imi-mix ang mga iyon. Tuloy, hindi niya alam kung bakit pinanaig pa niya ang pride at nasabi niya sa babaeng ito na kaya niyang bumili ng maraming taho. At ano bang malay niya sa kung anong tumatakbo sa isip nito. Dapat talaga ay nag-iingat siya sa mga sasabihin niya dahil hindi niya alam kung paano tatakbo ang utak ng baliw na babaeng ito.

What?!

Kailan pa nangyaring hindi niya nalaman ang naging takbo ng utak ng isang tao? Sa buhay, at sa kahit na anong sitwasyon ay nalalaman agad niya ang dahilan kung bakit nangyayari ang ganito at ganyan at ang posibleng resulta. Pero pagdating sa babaeng ito, bakit parang parati nalang siyang naiisahan. Ginugulat siya nito sa mga susunod nitong gagawin!

And he hates it!

Nakangiting inabot ni Kroen ang isang baso ng taho at tinikman. “Ang sarap pala nito!” Bumaling ito sa kanya ng tila mapansing wala siyang kibo.

Umabot itong muli ng isang baso at tinikman. Nang sa palagay nito ay tama na ang timpla, saka siya hinarap at iniaro ang baso. Umigkas naman ang kilay niya.

“Tikman mo! Masarap. Kung kulang pa sayo ang tamis, dadagdagan ko ng syrup.”

“Ayoko.” Tanggi niya.

Naghila si Kroen ng silya malapit sa kanya at naupo saka sumadlok ng taho sa baso at iniaro ang kutsara sa tapat ng bibig niya.

“Sige na. Tikman mo lang.” pangungulit pa nito.

Wala tuloy siyang nagawa kundi ibuka ang bibig at tanggapin ang iniaaro sa kanya. Masarap naman nga. Pero hindi mapapawi ng lasa ng taho ang pagkainis nanararamdaman niya ngayon.

“So?” untag nito sa kanya.

Bumuntong hininga si Quinn. “Anong plano mo ngayon?” pasupladong tanong niya.

“Tinatanong kita kung anong hatol mo?”

“Fine! Masarap!” naiinis na angil niya. “Ako naman ang sagutin mo! Anong balak mo sa mga taho at sa iba pang taho na darating sa buong isang buwan?”

Ngumiti si Kroen na tila ba hindi nababahala sa reaksyon niya.Inabot nito ang baso ng taho nito at sumubo.

“Balak mo ba akong purgahin ng taho?” nabubuwisit na dagdag niya.

“Sabi ng telebisyon mo, marami raw nagugutom sa mundo. Ipapamigay nalang natin sa kanila.”

Nakahinga siya ng maluwag sa sinabi nito. Mabuti nalang at may silbi pala rito ang kanyang tv.

“Kaya sasamahan mo akong maghanap ng mga taong nagugutom.”

Napabuga siya ng kinakain matapos marinig ang pahabol nito.

“Do I hear it wrong? Sasamahan kitang maghanap ng mga taong nagugutom? Kung nagugutom sila, edi maghanap sila ng pagkain nila. Hindi ako isinilang para balikatin ang problema ng sanlibutan! Kung tutuusin, problema na iyan ng presidente natin! At saka! Yung mga magulang nila! Bakit ba sila gawa ng gawa ng bata, hindi naman pala nila kayang pakainin!”

Nagusot ang mukha ni Kroen. “Ang dami mo namang sinabi. Sasamahan mo ba ako o ako nalang ang maghahanap sa kanila?”

Hindi makapaniwalang minulagaan niya ito.

Was she out of her mind? Anak ba ito ng isang madre na nabutis ng pari?

Parang napaka-ridiculous naman ng naisip niya. Pero iyon din naman ang karakter nito.

At bakit ba pinakikialaman nito ang pera niya? Kung gusto nitong tumulong, dapat na bulsa nito ang perwisyuhin nito!

Tumayo na si Kroen at naghanap ng pwedeng pagsalansanan ng mga naka-mix ng taho. Nakakita ito ng malaking storage styro at doon isinalansan lahat. Pagkuway binalingan siya.

“Ano na?”

Pero kunsabagay, ano lang ba sa kanya ang halaga ng isang buwang rasyon ng taho? Masarap at masustansiya iyon at kung iiimbak lang niya sa bahay ay masisira lamang.

“Ngayon na ba tayo aalis?” naitanong niya.

Tumango ito. Napilitan siyang buhatin ang styro at dalhin sa kotse niya na nasa garahe. Sumunod ang tila tuwang-tuwang si Kroen. Nauna na itong pumasok sa passenger seat.

Napabuntong-hininga siya matapos mailagay sa back compartment ang mga taho.

Ano ba itong ginagawa niya? Bakit ba siya nagpapauto sa baliw na babaeng ito?

“Quinn! Tara na!” Nakadungaw ang ulo ni Kroen sa passenger window.

“Oo na!”

Sumakay na rin siya ng kotse.

“NAKAKAPAGOD!” bulalas ni Quinn habang bumababa ng kotse.

Lumapit siya sa back compartment ng kanyang kotse, kasunod niya si Kroen.

Hanggang ngayon ay hindi pa din siya makapaniwalang tumambay siya sa kalye kasama ni Kroen na walang pagod na namimigay ng taho sa mga batang kalye. Wala din siyang nagawa kundi tulungan itong mamahagi ng magsimulang dumugin ito ng mga batang lansangan. Kaiba sa Maynila, hindi gaanong marami ang mga batang kalye roon sa lugar.

At aaminin niyang may kung anong bahagi ng puso niya ang masarap na pinipitik sa tuwing magpapasalamat ang mga batang inaabutan niya. Masarap pala sa pakiramdam ang maraming natutulungan sa kahit na maliit na paraan.

Matapos nilang makapamahagi at maubos ang dala nila ay dumeretso sila sa supermarket. Wala na nga pala silang stocks ng grocery. Ipinamili na rin niya ng mga gamit si Kroen dahil nag-aalala siyang baka isang araw ay kung anong gamit sa bahay niya ang sirain nito para may magamit lamang ito.

Nagustuhan na rin niya maski papaano na nagpakalat-kalat sila sa lansangan. Baka kasi may makakilala kay Kroen at iuwi na ito sa bahay nito. Nasaan na nga ba ang pamilya nito? Palagay niya, sa dalawang araw na magkasama sila, hindi naman ito baliw. Talagang kakaiba lang itong kumilos at mag-isip, na hindi naman masyadong malayo sa normal.

“Bukas, ulam at kanin naman ang ipamigay natin ha? Madami ka namang pinamili. O kaya, pwede akong magluto ng lugaw para sa kanila. Mas nakakabusog ‘yun kesa taho.” Narinig niyang sabi ni Kroen habang pumapasok sila sa loob ng bahay. Bitbit nito ang mga pinamili habang buhat-buhat naman niya ang isang sakong bigas.

Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nagbuhat ng isang sakong bigas. Kapag nasa Maynila siya, may boy na nagbubuhat para sa mga stocks niya. Kapag naman nandito siya sa resthouse ang katiwala niya ang pinamimili niya ng mga kailangan niya. Ito na ang bahala sa lahat ng supplies niya.

Pero hindi niya pwedeng gawin iyon ngayon dahil makikita nito si Kroen. At kilala niya ang kanyang katiwala, masyado iyong tsismosa. Hindi iyon basta maniniwala na hindi niya kaano-ano si Kroen. Baka malaman nalang niya na itsinitsismis nito na may ibinabahay siyang foreigner. Sa hitsura ni Kroen, hindi ito pagkakamalang taga roon lamang. Sa mestizang kutis at malamlam na asul nitong mga mata, posibleng may American blood ito. Ah hindi, mas malapit sa mga taga England ang hitsura nito. Pero kung ganoon nga? Bakit matatas itong managalog? Para pa ngang malalim itong managalog kesa kanya na purong Pilipino naman.

Anyway, hindi ito pwedeng makita ng tsismosa niyang caretaker dahil baka mamaya ay may makasalubong itong malapit sa media at ipagtsismis pa siya. Siguradong uulanin siya ng mga paparazzi. Nasa kasikatan siya ng kanyang career at napakaraming mga taga media ang nagnanais ng isang interview mula sa kanya na hindi naman niya pinapaunlakan. Malaking scoop para sa mga iyon kung malalaman na may kasama siyang mestiza sa resthouse niya. Kapag pumutok iyon, mapipilitan siyang humarap sa mga media personel at magpaunlak ng interview.

At ayaw na ayaw niyang gawin iyon!

“Anong sinabi mo?” naiinis na baling niya kay Kroen.

Lumapit ito sa kanya at kinuha sa bulsa niya ang susi ng resthouse. Naamoy niya ang napakabangong amoy ng katawan nito. At sa kabila ng kaalamang may pasan siyang isang sakong bigas ay hindi pa rin niya naiwasang i-enjoy ang bango ng dalaga.

Parang gusto pa nga niyang magreklamonang lumayo na si Kroen para buksan ang pinto. Noon lang niya naramdamang nangangawit na pala ang balikat niya. Mabilis na pumasok siya sa loob at ibinagsak ang sako ng bigas sa storage cabinet.

“Pakiulit nung sinabi mo kanina?” demand niya.

“Alin dun? Yung magluluto ako ng lugaw para sa mga nagugutom?” inosenteng baling nito sa kanya. Isinasalansan na nito sa kusina ang mga pinamili nila.

Napakunot ang noo niya. Hindi ba dapat na mas excited itong isukat ang mga binili niyang mga damit at pampaa rito kesa unahin pa nitong ayusin ang kusina? Maski nang mga sandali na namimili sila ng mga gamit nito sa department store ay hindi niya ito kinakitaan ng OA na excitement habang namimili ng mga gamit. Alam niyang natutuwa ito pero hindi tulad ng ibang babaeng kilala niya na sobra ang kaligayahan kapag nagkakaroon ng mga signature na mga damit.

Sa palagay pa nga niya, wala itong pakialam kung branded ang mga hinihingi niya sa sales clerk. Ang mahalaga rito ay bestida ang mga iyon. Hindi rin naman ito tumanggi nang ibili niya ito ng mga shorts at blouses na pambahay. Ayon rito, alam raw niya kung ano ang babagay na kasuotan para rito.

Sa malas, lahat ng ipasukat niya ay bagay na bagay kay Kroen. Hindi pa niya naramdaman ang malaking pagnanais na ipamili ng napakaraming ganoon at ganito ang isang babae.

Ngayon pa lamang.

Siguro ay dahil nakakatuwa naman talagang damitan ang tulad ni Kroen. Hindi pilian at higit sa lahat, bumabagay ang kahit anong damit. Napakaganda nito sa kahit anong suot nito. Kahit yata basahan o sako ang suotin nito ay maganda pa din itong tingnan.

“Marami tayong nasasayang na pagkain kasi ayaw mo nang kainin maski left over lang sa nakaraang meal. Ayos pa naman iyon at mapapakinabangan ng mga batang lansangan kaya ipamigay nalang natin.” Narinig na naman niyang suhestyon ni Kroen.

Noon lamang siya bumalik sa katinuan. Masyado na yata siyang nawiwili sa pag-aanalisa ng mga bagay-bagay patungkol rito.

Tumikhim siya. “Hindi na ako sasama sayo bukas. May trabaho ako na dapat gawin at hindi ako pwedeng abalahin.”

Gusto niyang makita kung anong magiging reaksyon nito. Kung magba-back down na ba ito sa mga ipinaglalaban nito sa kanya.

“Ganon?” Ngumuso si Kroen at tila nag-isip. Sa maikling sandali, parang bigla niyang ninais na pagalitan ito sa ginagawa nitong pagnguso. Para kasing inaakit siya ng natural na mamula-mulang maninipis na mga labi nito. “Pahiram nalang ako ng sasakyan mo bukas. Tutal, hindi ka naman aalis sa work room mo, hindi ba?”

“What?!” Earth came to him! “Gusto mong hiramin…” si Crimson“ang kotse ko?” Crimson ang pangalan ng kotse niya dahil crimson red ang kulay noon.

At sino ngayon ang kakaiba? Pati naman kotse ay pinangalanan niya! Pero hindi niya kayang ipaalam iyon kay Kroen. Baka kasi isipin rin nito na baliw rin siya.

Ang mga tao nga naman. May kanya-kanyang ka-wirduhan.

Pero malala itong ipinaglalaban ni Kroen sa kanya. Galing daw ito sa painting? Tsk!

Tumango si Kroen at muling nagsalansan ng mga pinamili. “Kailangan ba na parati mong uulitin ang mga sinasabi ko?”

Nagbawi siya ng mga paningin. Parang gusto niyang mapahiya na napapansin pala iyon ni Kroen. “Binibigla mo kasi ako sa mga inilalabas ng bibig mo. Natural na kailangan kong ulitin para makasigurado akong hindi ako nagkamali ng dinig.”

“Hmm.” Bumaling si Kroen. “Kung ganon, may problema ka sa pandinig?”

Minulagaan niya ang inosenteng reaksyon ni Kroen. “Hindi ako bingi, ano?”

“Ganon naman pala.” Tumalikod muli si Kroen at hinarap naman ang freezer. Isinalansan ang mga manok at karneng baboy. Hindi na sila bumili ng isda dahil araw-araw ay may mga nagbebenta ng sariwang isda sa may dalampasigan. “Pahiramin mo ako ng susi ng kotse bukas.”

“Marunong ka bang mag-drive?”

“Oo. Siguro.” Anito.

Siguro?

“Nakita ko kanina kung paano ka mag-drive. Alam ko na kung alin ang tatapakan at kung paano kakabigin ang manibela. Isa pa, mataas ang score ko sa ‘Speed Night’ sa tablet mo at magaling akong umiwas sa mga sasakyan—”

“You, crazy little menace! Ibang bagay ang pagmamaneho ng kotse sa paglalaro ng ‘Speed Night’!” angil niya rito. “Kapag naibangga mo ang kotse ko at maaksidente ka, wala ka nang pangalawang buhay na magagamit para mag-drive ulit.” Napabuntong-hininga siya. “Nanganganib ang siguridad ng kotse ko kapag ipinahiram ko sayo kaya ang sagot ko ay hindi! Hindi ko ipapahiram ang kotse ko sayo.”

“Hindi?” Tila nalulungkot na tanong nito.

“Hindi.” Pinal na tugon niya.

“Talagang hindi?”

“Hindi.”

“Talagang-talaga na hinding-hindi?” Na-doble ang lungkot sa mga mata ni Kroen.

Napabuntong-hininga siya. Bakit ba siya naaapektuhan ng damdamin sa mga mata nito? Hindi niya ipapahiram ang pinakamamahal niyang si Crimson. Kahit lumuha pa itong parang tuta sa harapan niya.

Masyadong malaking halaga ang itinapon niya para kay Crimsonpara lamang ipang-bump car ni Kroen!

NAIINIS na ibinaba ni Quinn ang paint brush. Hindi na niya alam kung gaano na siya katagal sa harap ng canvass. Ngunit isa lang ang sigurado niya. Naiinip na siya. Tuloy ay apektado ang pagtatrabaho niya. Hindi na niya nagawang iguhit ang naisip niya kanina. Naglaho ang ideya at napalitan ng patungkol kay....

Sinipat niya ang arm watch. “Alas-onse na! Nasaan na kaya ang babaeng yun?”

Kung bakit ba naman kasi pumayag pa siyang dalhin nito ang kotse niya? Pakiwari niya tuloy, naisahan siya ni Kroen. Paano kung carnaper pala ito at ginagamit lamang ang maganda at inosenteng mukha para makapambiktima?

Napatayo siyang bigla dahil sa naisip na hinala. Paano kung ganoon nga? Ang tangka niyang paglabas ng work room ay nahinto!

Wala sa pagkatao ni Kroen na gagawa ng masama. Kahit ilang araw pa lamang silang nagkakasama nito, sigurado na siyang hindi ito masamang tao. Maaaring kakaiba itong mag-isip pero alam niya at nararamdamam niyang mabuting tao ito?

At kailan pa niya ginamit ang damdamin sa pagkilatis ng tao?

Anyway...

Nagparoo't-parito si Quinn habang iniisip ang mga posibleng dahilan kung bakit wala pa rin si Kroen. Pero walang ibang bagay na pumapasok sa utak niya kundi ang posibilidad na baka naaksidente ito!

Huminto siya sa pagparoo't-parito. Paano nga kung naibangga nito ang kotse niya?

‘Mataas ang score ko sa 'Speed Night' sa tablet mo at magaling akong umiwas sa mga sasakyan.’

“Damn it!”

Kung nag-aalala siyang baka nagasgasan si Crimson ay doble ang pag-aalala niya na baka nasaktan si Kroen. O di kaya ay may mas matindi pang nangyari dito.

Dagling hinugot niya ang cellphone mula sa kanyang bulsa para lang matigilan. Anong numero ang kokontakin niya? O meron nga bang numero na dapat kontakin? Ni wala nga yatang cellphone si Kroen.

Naiinis at nagmamadaling lumabas siya ng bahay. Saan ba niya hahanapin si Kroen? Natigilan na naman siya ng mapansin kung ano ang tinutumbok ng mga paa niya. Nakasanayan niyang nasa garahe lamang si Crimson.

“Damn! Damn and… Damn!” napamura na naman siya ng sunod-sunod.

Hindi niya gusto ang pakiramdam niya sa mga sandaling iyon. At hindi siya sanay makaramdam ng pag-aalala. Matagal na siyang mag-isang namumuhay sa bansa. Sa kanilang tatlong magkakapatid, siya nalang ang walang asawa. Ang mga magulang niya ay nasa England at nagpapakasasa sa masarap na buhay roon. Retirado na pareho ang mga may edad at sustentado nilang magkakapatid bukod pa ang mga pensyon ng mga iyon.

His life runs smoothly. At walang dahilan para mag-alala siya sa mga bagay-bagay. Kamuntik na nga niyang isipin na wala na siyang kakayahang makaramdam ng pag-aalala dahil sa tagal na niyang hindi naramdaman iyon. Kailan ba ang huli? Nung nasa kolehiyo siya at magkasakit ang kanyang ina. Matapos iyon ay wala nang pangyayari na nakakapag-alala. At hindi maganda na nararamdaman na naman niya iyon .

At kay Kroen pa! Si Kroen na ni hindi niya kaano-ano!

Lakad-takbo siya papunta sa main road at pumara ng sasakyan na maghahatid sa kanya sa pinuwestuhan nila ni Kroen sa kabayanan. Ngunit ganoon nalang ang pagkadismaya niya matapos hindi matagpuan si Kroen. Pakiwari pa niya'y dumoble ang pag-aalala niya. Kung anu-ano ang pumasok sa utak niya.

Naroong maisip niyang naibangga nga ni Kroen si Crimson at nasa hospital na ito. O di kaya na-carnap si Crimson at na-salvage naman si Kroen!

Naipilig niya ang sariling ulo dahil sa kung anu-anong pumapasok roon. Mas gusto pa yata niyang isipin na ito mismo ang carnaper kesa naman sa may nangyaring hindi maganda kay Kroen.

Walang kasiguraduhang nagpalinga-linga siya sa paligid. Saglit pa at naramdaman niyang may humihila sa laylayan ng cargo shorts niya. Isang palaboy na paslit na naalala niyang kasama sa mga nabigyan nila ng taho kahapon.

“What?!” naiinis na asik niya.

Hindi dahil sa kaalamang palaboy ito at manghihingi ng limos kundi dahil hindi na niya maintindihan ang sarili. Bakit kailangan niyang mag-alala ng ganoon? Wala siyang dapat na pakialam kay Kroen!

OK! Wala talaga siyang pakialam kay Kroen. Si Crimson lang ang inaalala niya! Tama, ganon nga!

Dumukot siya ng barya sa bulsa at tangkang iaabot sa paslit ng magsalita ito.

“Hinahanap niyo po ba ang mabait at magandang babae na kasama niyo kahapon?”

Tuluyan na nitong naagaw ang atensyon niya.

“Nakita mo siya? Saan? Nasaan siya?”

Sa excitement niyang malaman ang sagot ay nahawakan pa niya ito sa magkabilang balikat.Ngunit bago pa man ito makasagot ay may narinig na siyang usap-usapan sa kanyang likuran.

“Kawawa talaga 'yung babae. Ang ganda pa naman.”

“Oo nga. Sayang! Malamang na nasira ang mukha noon.”

“Siya kasi! Aba! Bakit ba siya nagmamaneho gayong hindi naman pala marunong?”

“Taga rito ba yun? Mukhang turista.”

Natigilan si Quinn at nabitiwan ang mga balikat ng paslit.

‘Si Kroen!’

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.