Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 5

“QUINN!”

Malapad ang ngiting sinalubong ni Kroen si Quinn sa entrada ng community gymnasium nang matanawan niyang pumasok ito roon. Katulad pa din ng dati, salimuot ang mukha nito habang kasama ang isang paslit. Saglit na binalingan ni Quinn ang paslit at pagkuway inabutan ng tinatawag ng mga tao na pera.

Ngiting-ngiting naglambitin siya sa braso nito. “May mga bago na akong kaibigan.” Excited na balita niya sa binata. “Isinama nila ako sa grupo nila. Ang galing nilang magsayaw! Alam mo ba—”

Natigilan siya matapos mapansin na hindi maganda ang mood nito. Napabitiw tuloy siya sa paglalambitin sa braso ni Quinn. Humalukipkip naman ito. Masyado itong seryoso kumpara sa nakagawian. Nag-alala tuloy siya.

“Bakit hindi ka kaagad umuwi?”

Nawala na ang pag-aalala niya. Akala niya ay kung ano ang ikinagagalit nito sa kanya.

“Eh kasi, nakita nila akong nanunood sa ginagawa nila kaya niyaya nila akong sumali. Stilleto work out daw ang tawag doon. Pwede daw sumali ang kahit na sino. Binigyan pa nga nila ako ng ganito.” Ipinakita niya rito ang mataas na pampaa.

“Kaya pala bigla kang tumangkad.” malamig na komento nito.

Ano na naman bang problema nito?

“Hindi ka ba masaya para sa akin? May mga bago na akong kaibigan!” Sumandal siya sa matatag na braso nito at ngiting-ngiti habang nakatingala sa bubong ng gymnasium at magkasalikop ang mga kamay sa tapat ng dibdib. Masyado siyang masaya sa bagong bagay na natuklasan sa mundong iyon. Pwede pala siyang makatagpo ng mga mababait at hindi masungit na tao. “Alam mo kasi, nasasabik na din ako sa mga kaibigan ko sa mundo namin. Hindi ako sanay na ang nakakasama at nakakausap lamang ay ang isang masungit na lalaking katulad mo. Parang gusto ko na tuloy bumalik sa mundo namin.”

“Alam mo bang 'yun din ang gusto ko?” naiinis na saad nito.

Naiinis na hinarap niyang muli si Quinn.

“Nakakainis ka! Lagi ka nalang galit sa akin! Bakit hindi ka man lang maging mabait at magiliw tulad nila?” Napapadyak na reklamo niya rito.

Napakamaldito talaga nito!

“Sinong ‘nila’?”

Inginuso niya ang lupon ng mga lalaking nanunuod sa pagsasayaw nila ng mga bagong kakilala. Ang mga lalaking iyon ay pulos magigiliw sa kanya at sa mga kagrupo niya na ngayo'y nagpapahinga sa isang bahagi ng gym. Nilingon ni Quinn ang grupo na inginuso niya. Akala niya ay matutuwa ito nang kumaway ang mga iyon subalit sa halip ay tila naimbyerna pa ito.

Madilim ang mukha nito nang bumaling muli sa kanya. “Mas nakakainis ka! You made me worried up to hell! Akala ko ay naaksidente ka na! Pero makikita lamang kita na nakikipagsayawan rito sa gym?!”

Napamaang siya. “I made you... worried?” Hindi makapaniwalang tanong niya.

Totoo? Nag-alala daw ito? At hindi lang basta nag-alala kundi sobrang nag-alala! Parang ang sarap naman noong pakinggan!

Yayakapin na sana niya ito nang mapansing natitigilan si Quinn.

“I mean, ‘yung kotse ko. Nag-alala ako na baka naibangga mo siya o ano pa man. Mahal 'yun ano!” Bigla nitong bawi sa sinasabi kanina.

Napasimangot tuloy siya.

“Halika na nga! Umuwi na tayo.”

HINAGIP ni Quinn ang braso ni Kroen. Kung hindi niya kayang ipaalam na may pangalan ang kotse niya, mas lalong hindi niya kayang ipaalam na nag-alala siya ng husto matapos isipin na si Kroen ang laman ng usapan sa pinuwestuhan nila kahapon. Gayon na lang ang relieve niya nang sabihin ng paslit na napagtanungan niya na nasa community gym nga raw ito. Labis-labis ang paghiling niya sa itaas na sanay ibang tao ang pinag-uusapan ng mga tao sa paligid. At gayon nalang ang pasalamat niya na sa pagbungad pa lamang niya sa gym ay nahagip na ito ng mga paningin niya.

‘Shit!’

Naiinis na sita niya sa sarili. Bakit ba bigla ay nagkaroon siya ng responsibilidad na tiyaking ligtas at nasa maayos si Kroen?

“SAAN ka pupunta, Quinn?”

Napapitlig si Quinn nang marinig ang boses na iyon ni Kroen. Naroon pala ito sa terrace niya at nakaupo sa pasimano. Alas dos na ng madaling araw. Ang aga naman nitong nagising. O baka naman hindi pa ito natutulog. Napapansin niya, iilang beses lang niya itong nakitang tulog at mahabang oras ang mga iyon. Parati niya itong nabubuglawan na masigla at pakalat-kalat sa paligid ng bahay niya.

“Nandiyan ka pala. Anong ginagawa mo dito sa labas?” naitanong niya.

Lumapit na rin siya kay Kroen. Dapat ay pupunta siya sa dalampasigan para makipag-agawan ng bagong baba na mga isda. Ganitong oras kasi dumadaong ang mga mangingisda sa lugar na iyon.

“Ako? Wala lang. Hinihintay ko ang kabilugan ng buwan.”

Napaubo siya sa sinabi nito.

Baliw talaga!

“Paanong magfu-full moon eh next month pa nga iyon? Two weeks pa. Alam mo, dapat talaga, nagpapatingin ka na sa psychiatrist. Kung anu-ano kasing sinasabi mo.”

Sumimangot ito. “Wala akong deperensiya sa pag-iisip. Kaya nga naiinip na akong mag-full moon, gusto ko nang mapatunayan sayo na nagsasabi ako ng totoo.” Malungkot na saad nito.

Hindi siya sanay na ganoon si Kroen. Parati kasi itong masigla. Parang kiti-kiti na hindi mapakali sa isang tabi. Kung saan-saang parte ng bahay nagsususuot. Pati library niya, halos nahalungkay na nito sa pagkakalikot ng kung anu-ano. Para itong kamakailan lang ipinanganak sa mundo at sabik na malaman ang mga bagay-bagay.

Dalawang linggo na ang nakakaraan magmula ng sumulpot ito sa bahay niya. At napakarami rin niyang ginagawang adjustment para rito. Naroong hindi na niya pinapapunta ang kanyang care taker dahil baka makita ito noon. Tuwing umaga ay sinasamahan niya itong magrasyon ng taho at iba pang pagkain sa mga batang kalye. Magkasama silang namamalengke sa supermarket dahil baka makita sila ng caretaker niya kung sa palengke mismo ng San Juan.

At sinasamahan niya rin ito sa pag-i-stiletto work out. Well, sa lahat ng mga bago niyang ginagawa, iyon ang pinakagusto niya. Ang maging audience ng sexy dance nito kasama ng mga bagong kakilala nito. Nakakaakit itong masyado na halos lahat ng kalalakihan na makaalam na magwo-work out ito ay dinudumog para panoorin. Hindi niya nagugustuhan kung paanong tumitig ang mga kalalakihan kay Kroen kaya pinahinto na niya ito sa pagsali sa grupo at ibinili nalang ng Wii.

Oo, ginawa niya iyon. Ibinili niya ito ng wii para mapahinuhod na sa bahay nalang magsayaw dahil gustong-gusto nito ang pagsasayaw. At nae-entertain naman nga ito roon. Ipinagpapasalamat na rin niya iyon dahil hindi na siya maaabala na pumunta ng gym at mapaaway sa mga lalaking malagkit kung tumingin rito.

Ang ipinagtataka niya lang, bakit wala man lang siyang nakitang patalastas sa tv o sa social media na naghahanap rito? Minsan ay parang nais na rin niyang maniwala sa mga pinagsasasabi ni Kroen patungkol sa Engkantasya at na lambana raw ito na nag-anyong tao matapos pumasok sa portal. Nagkukuwento ito ng patungkol sa mundo raw nito at sa pakay nitong paghahanap sa ama nito roon sa mundo niya. Pero paano ba niyang paniniwalaan ang mga iyon? Imposible at kathang-isip lang ng mga tao ang tungkol sa mga lambana. Hindi iyon nag-e-exist!

Siguro, napurga si Kroen sa mga fairy tales noong bata pa ito at magpahanggang ngayon ay nakatatak pa din sa isip nito. Pakiwari niya ay normal naman si Kroen, huwag lamang itong magsasalita patungkol sa mga lambana at kabilang mundo dahil pang mga baliw na nilalang lang ang mga iyon.

“Anong problema? Parang iba ka ngayon.” Komento niya.

“Iba?”

“Well, hindi ka makulit ngayon.” Kibit-balikat niya. Tumalungko siya sa pasimano sa tabi nito.

“Nasasabik na kasiako sa mga kaibigan ko. At kay ina. Bakit ba kasi ang tagal ng full moon dito? Sa mundo kasi namin, parating full moon. Paborito namin ang full moon season.” Hayag nito.

“Parating full moon at paborito niyo ang full moon? Ibigsabihin, lahat ng oras ay paborito niyo.”

Pakikisakay nalang niya. Napapagod na rin siyang makipag-argumento rito dahil ipinagpipilitan nito parati ang paniniwala kaya’t inaayunan nalang niya. Pero hindi ibigsabihin na umayon siya ay naniniwala na siya.

“Ang ibig kong sabihin, dumadaan din kami sa tinatawag niyo ritong ‘day’, pero pagdating ng ‘night’, bilog ang buwan. Full moon! Wala kaming First quarter, Last Quarter at New Moon. Isa pa, saglit lang sa amin ang araw. Mas matagal ang gabi.”

“Okay. Samahan mo nalang akong bumili ng isda para makalimutan mong namimiss mo sila.” Pagbabagong paksa niya.

Baka mamaya kasi, mahawahan siya ng kabaliwan nito. Ewan nga ba niya sa sarili kung bakit pumapayag pa din siyang manatili sa bahay niya si Kroen. Kunsabagay, malaki din naman ang naitutulong nito sa kanya. Nalilinis ang bahay niya at may nagluluto para sa kanya. Madali itong natuto kung paano magluto at magaling sumunod sa instruction sa cookbook, huwag lang maubusan ng ingredients sa kitchen dahil baka kung anon a naman ang maisip lutuin galing sa garden niya.

Hindi rin naman siya nito inaabala sa oras ng trabaho kaya’t hindi niya masabing perwisyo ito.

Isa pa, nasanay na rin siya sa prisensiya ni Kroen. Natutuwa siya na sa umaga ay may bumabati sa kanya ng ‘Good Morning Philippines’ at sa gabi ay may nag-go-Good Night sa kanya. Masarap iyon sa pakiramdam. Mas masarap kesa mag-isa lamang siya, tahimik. At kapatid ng tahimik ang malungkot.

“Sige. May tuna kaya?” bumaba si Kroen sa may pasimano ngunit hindi matimbang ang mga paa nito.

Mabuway ang pagkakatayo ni Kroen at napansin niya iyon. Siguro ay matagal na itong nakaupo sa pasimano kaya’t nangalay na ang mga paa. Mabilis na inalalayan niya ang dalaga upang hindi ito matumba. At parang nais niyang pagsisihan na ginawa niya iyon dahil naging napakalapit ng mga mukha nila sa isa’t-isa. Bigla ang udyok ng tukso na abutin ng mga labi niya ang mga mamula-mula at nakakaakit na mga labi ni Kroen. Idagdag pang napakabango nito.

Sa tuwing mapapalapit siya kay Kroen,nasasamyo niya ang nakakalasing na bango ng dalaga. Wala naman siyang matandaan na ibinili niya ito ng ganoong perfume. Natural na amoy siguro iyon ni Kroen at kung makakaya niya lang gawing pabango iyon ay baka naging bilyonaryo na siya.

“I-ikaw nalang pala ang pumunta sa dalampasigan. Inaantok na ako.” Narinig niyang mahinang sabi ng dalaga. Napapapikit ito na tila nga gusto nang igupo ng antok.

“Inaantok? Hindi ka pa ba natutulog?” Mahina ring tanong niya.

Lalong tumitindi ang pagpipigil niya sa sarili na mahalikan si Kroen kapag ganoong kumikibot ang mga labi nito. Pakiwari niya ay sinasayawan siya ng maalindog nitong bewang at balakang at tao lamang siyang may kahinaan. Ilang sandali pa at baka hindi na siya makapagpigil.

“Hindi pa. Iilang beses pa lamang akong nakatulog at kailangan ko ng dalawang buong araw na tulog para ma-recharge ako.”

“Recharge? Para lamang iyon sa mga robot. Akala ko ba, lambana ka?”

“Hindi ko alam ang iba pang term ng recharge. Gusto ko na munang matulog.”

Pilit dumilat si Kroen na tila hinahanap ang pinto. Pero muli itong napapikit at naghagilap ang kamay ng makakapitan. Mukhang antok na antok na nga ito. Nagpasya na siyang buhatin nalang si Kroen bago pa man ito matumba sa kinatatayuan nito.

“Quinn.” Tawag nito sa kanya habang buhat-buhat niya ito papasok sa loob ng bahay.

“Ano ‘yun?”

“Salamat.”

“Walang anuman.”

“Pero kahit mabait ka saken at inaampon mo ako dito sa bahay mo, ipangako mo sa akin na hindi mo ako hahalikan.”

“What?!” natigilan siyang bigla.

Matalino si Kroen. Maski antok na antok na ito, napansin pa rin nito kung ano ang kanina pang ipinaghihirap ng katawan niya.

Pero hindi ba’t isang malaking insulto sa pagkalalaki niya ang pagtanggi nitong mahalikan niya? Parang gusto niya tuloy itong ibagsak sa sahig dahil sa pagsugat nito sa pagkalalaki niya.

“Kapag hinalikan mo ako, kailangang matutunan mo akong mahalin sa loob ng tatlumpong araw.” Narinig pa niyang dugsong ng nakapikit na dalaga.

Nasa tapat na sila ng silid nito at bubuksan na ang pinto. Medyo mahirap iyon dahil buhat niya si Kroen.

“Kasama ba sa package ‘yun? Kapag hinalikan kita, kailangang mahalin din kita?” tumawa siya ng mahina. “Huwag mong sabihin sa akin na kalahi ka ni Maria Clara?”

Nabuksan na rin niya ang pinto sa wakas at ibinaba ito sa kama. Tatayo na siya ng maramdaman ang pagpigil ni Kroen sa braso niya. Nakapikit pa rin ito at tila nakikipaglaban sa antok.

“Hindi ako nagbibiro, Quinn. Promise me…” pamimilit nito. “Dalawang araw akong matutulog kaya ipangako mo sa akin na hindi mo ako hahalikan kung hindi mo ako kayang mahalin.” Buntong-hininga ang isinagot niya. Iniisip siguro nito na magte-take advantage siya rito. Pero may posibilidad. Lalaki lang siya. “Dahil kapag ginawa mo iyon at hindi mo ako nagawang mahalin, mamamatay ako.”

Nag-igkasan ang mga kilay niya. “Ano bang sinasabi mo?” Unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito sa kamay niya kaya’t napilitan siyang siya na ang humawaksa kamay nito.

“Basta ipangako mo, Quinn… Ipangako mo…”

“Fine, I promise.”

“Salamat.” At tuluyan na itong nakatulog dahil tuluyan ng nawalan ng pwersa ang kamay nito.

“Iyon ay kung makakapagpigil ako, Kroen.” Mahinang bulong niya.

Hindi siya sigurado kung nagawa pang makaabot noon sa pandinig nito. Naupo si Quinn sa gilid ng kama at malayang pinagmasdan ang magandang mukha ni Kroen. Kung meron mang totoong diyosa, malamang na hindi na nalalayo sa maamo ngunit nakakaakit na mukha nito.

Kung mukha rin lang ang batayan sa pagiging diyosa ay pasado ito. Baka maniwala siya. Pero siyempre ay napakahirap pa ring paniwalaan na totoo ang mga ganoong bagay.

Bumuntong-hininga si Quinn saka tumayo. Hinila niya ang comforter para kumutan ang dalaga.

“Good night, fairy.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.