PABALIK-BALIK na naglalakad si Quinn sa loob ng silid na ginagamit ni Kroen. Kanina pa niyang ginigising ang dalaga pero walang indikasyon siyang nakikita na magigising na ito. Kung anu-ano nang ginawa niya. Naroong pag-umpugin niya ang mga takip ng kaldero sa tapat nito, ilagay sa tabi nito ang amplifier at nagpatugtog ng malakas pero hindi ito nagigising. Gusto na niyang mag-alala. Posible bang makatulog ang isang tao ng ganoon kahimbing na kahit magunaw yata ang daigdig ay wala itong pakialam at nahihimbing pa rin?
‘Dalawang araw akong matutulog…’
Dalawang buong maghapon at isang magdamag na ang lumipas pero hindi pa din ito nagigising. May tao ba talagang kayang matulog ng straight na dalawang araw? Paano pa iyon magkakaroon ng energy kung puro tulog at wala namang kain?
Hindi niya talaga maiwasang mag-alala maski sinabihan na siya ni Kroen na dalawang araw itong matutulog. Ang bestfriend niyang doctor na si Matthew ay binulabog pa niya sa Makati at pinapunta roon para tingnan si Kroen. Ito lang ang pwede niyang hingian ng tulong na hindi manganganib ang kanyang privacy.
Napakagaling na doctor si Matthew kaya’t hindi niya maintindihan kung bakit wala itong maipaliwanag na dahilan kung bakit natutulog pa din si Kroen. Wala naman raw abnormal sa katawan ng dalaga. Para lang daw talaga itong natutulog at nagbabawi ng enerhiya.
Matapos mainspeksyon ni Matthew si Kroen ay pinaalis na din niya ito kaagad. Naiwan na naman siyang hindi mapakali. Kaya’t kung anu-ano ang pinaggagawa niya para magising si Kroen hanggang sa mawalan na siya ng ideya.
Naupo si Quinn sa gilid ng kama na kinahihigaan ng dalaga. Inabot nito ang isang kamay noon at malumanay na pinisil-pisil. “Kroen, please. Gumising ka na. Hindi ko na alam ang gagawin ko sayo.” Mahinang saad niya.
Talagang nag-aalala na siya at hindi maganda iyon. Sa tuwi na, wala na itong ibang alam na gawin kundi pag-alalahin siya!
Napatitig si Quinn sa magandang mukha ng dalaga. Partikular sa mga mamula-mula nitong mga labi. Sa kabila ng kaalamang kulang apatnapung oras na itong natutulog, tila mas naging kaakit-akit ang mga iyon.
He was starting to think: How would it feels when he kiss her? Napakaganda nito na animo si Sleeping Beauty na naghihintay na mahalikan niya.
Ano nga ba ang malay niya kung applicable dito ang rule sa kwento ng mga fairy tales? Baka nga isang halik lamang ang paraan para magising ito.
‘Nah! You’re going nuts, Quinn Cariati!’ saway niya sa sarili. Sa tanda na niyang iyon ay papatulan pa rin ba niya ang mga kwento na bata lamang ang naaaliw?
‘Pero sino ba ang makaka-resist sa charm nito?’
Napakaganda ng mga labi nito at sa bawat sandaling tinititigan niya iyon ay parati siyang nahahalinang hagkan ito. Ang pangakong binitiwan niya kay Kroen ang nag-iisang pananggalang niya sa tawag ng tukso. At sa mga sandaling iyon, tuluyan ng naglaho ang kanyang iniluklok na pangako sa konserbatibong si Kroen.
Hindi naman nito malalaman na hinalikan niya ito dahil tulog ito.
Unti-unting bumaba ang mukha ni Quinn sa dalaga. Nasasabik na siyang lumapat ang mga labi sa tila kay lalambot na mga labi ni Kroen.
At kung kailan naman gagahibla na ang espasyo sa mga labi nila ay saka naman unti-unting nagdilat ng mga mata si Kroen!
Nanlaki ang mga mata ni Quinn. Hindi siya na-notify na iba pala ang rules sa kwento nito kumpara kay Sleeping beauty!
Hindi pa man lumalapat ang mga nananabik niyang labi sa dalaga ay nagising na ito.
“A-ano kasi!” kandautal at kandabuhol ang utak niya sa pag-iisip ng i-a-alibi. “May dumi dito sa tabi mo, dito sa may unan.” Kunway may pinagpag siyang dumi sa unan nito at mabilis na dumistansya.
Bumangon naman si Kroen mula sa pagkakahiga. “Hindi pa ako dapat na gigising dahil hindi ko pa nababawi ang buong lakas ko. Pero naramdaman ko na hahalikan mo ako kaya napilitan na akong gumising.”
Napamulagat siya. Alam nito?! Alam nito ang plano niya?! Paano? Tulog nga ito, hindi ba? Pwera nalang kung hindi naman ito talagang tulog at nagkukunwari lamang!
Napatayo siyang bigla.
“Kung ganoon na pwede ka naman palang gumising,” kandagalaiti na sita niya rito. Nabuwisit siyang bigla. Kung dahil sa nais niyang pagtakpan ang sarili sa kahihiyan o dahil hindi niya nagawang pagbigyan ang idinadaing ng kanyang katawan, hindi niya alam. Basta’t nabubwisit siya, tapos! “Sana gumising ka nalang! Alam mo ba na halos mawalan na ako ng ulirat sa pag-aalala rito? Pati ang bestfriend ko na busy sa sarili niyang buhay, binulabog ko para lang matingnan kung may deperensya ka!” malakas na angil niya rito.
Bwisit talaga! Pinaglalaruan yata ako ng babaeng ito!
Naitakip ni Kroen ang isang kamay sa isang tenga na nasa tapat niya. Narindi yata itong dahil sa lakas ng boses niya.
“Kasalanan mo iyan! Sinabi ko na sayo na dalawang araw akong matutulog, bakit mo pa kailangang mag-alala?”
“Wow ha?!” sarkastikong komento ni Quinn.
Gusto niyang habaan pa ng kaunti ang kanyang pisi at baka masakal niya ito!
Grabe! At ito pa ngayon ang may ganang manisi? Matapos niyang sabihin na nag-alala siya sa kondisyon nito, iyon pa ang mapapala niya? Bakit kaya hindi nalang ito magpasalamat?
“Ako pa ngayon ang may kasalanan?” hindi makapaniwalang itinuro niya ang sarili. “Ako pa? Ako pa?”
“Alangan namang ako? Binalaan na nga kita di ba?” Bumaba ito ng kama at sinuklay ng mga daliri ang buhok. “Nagugutom na ako. Anong pagkain natin?”
Bumagsak ang panga ni Quinn sa pagkamangha. Tapos na ba silang magtalo at pagkain na ang hinahanap nito?
“Hindi po ako nagluto mahal na prinsesa. Sa kakaisip ko kung anong gagawin ko sayo para magising ka—”
“Sige, ako nalang ang magluluto. Kumain ka na ba? Mukhang gutom ka na din.”
At nagtuloy-tuloy na si Kroen sa paglabas ng silid. Naiwan na naman siyang nakatanga.
“Aba’t! Ayos din itong babaeng ito ah? Hindi man lang pinagkaabalahang patapusin ako sa linya ko?”
NAKAHALUMBABA si Quinn sa counter top habang hinihintay ang mabangong niluluto ni Kroen. Caldereta ang ulam nila sa gabing iyon. At kung hindi pa ito nagising, imposibleng magkaroon siya ng matinong dinner. Marunong naman siyang magluto, yun nga lang, hindi kasing sarap ng mga inihahain sa kanya ng dalaga. Nauna siyang matutong magluto pero mas magaling pa ito sa kanya.
Minsan nga, naiisip niya na para na silang mag-asawa sa set up nilang iyon.
Minus the fact na hindi siya nakaka-score.
Maski simpleng halik ay di siya makanakaw rito. Alam niya sa sarili na hindi siya mapagnasang tao, pero kapag nakakaharap niya si Kroen at mapapatitig siya sa magandang mga labi nito, walang ibang pumapasok sa kukote niya kundi ang pagpapantasya na matikman ang mga iyon.
“Sandali nalang ito, huwag ka nang mainip diyan.” Sabi ni Kroen nang malingunan siyang nakahalumbaba.
“Sige lang, take your time. Malapit nalang namang lamunin ng large intestine ko ang small intestine ko.” Tinatamad na saad niya.
Hinarap siya ni Kroen at dinuro ng sandok na hawak nito. “Bakit ka ba nagrereklamo? Kung ang oras na ipinagpauli-uli mo sa loob ng silid ko ay ipinagluto mo, sana, busog ka na ngayon.”
“Aba’t! Wala kang utang na loob ah? Ako na nga ang nagmamagandang loob na bantayan ka—”
“Bantay? Nagbabantay ka ba talaga? Sa lahat ng bantay, ikaw ang hindi dapat pagkatiwalaan dahil bantay-salakay ka!” angil nito sa kanya.
“Bakit ka ba nagagalit? Ang haba-haba na nga ng tulog mo, ang taray-taray mo pa sa paggising mo?” nayayamot na ding saad niya.
Hindi niya maunawaan kung ano bang ipinagkakaganoon ng dalaga. Pakiwari niya, wala itong mapiling maganda sa pandinig nito sa mga lumalabas sa bibig niya.
‘NAKAKABWISIT ka kasi!’ ngali-ngaling isigaw ni Kroen sa pagmumukha nito. Pero sa halip ay tinalikuran niya ito at muling bumaling sa niluluto.
Mabuti nalang talaga at taglay pa din niya ang kakayahan bilang isang lambana maski nagkatawang mortal na siya. Aware na aware pa din siya sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Kaya nga’t kahit gusto pa niyang matulog, pero maramdaman niya na nagtatangka si Quinn na halikan siya ay agad siyang gumising. Hindi siya nito maaaring halikan. Kapag nangyari iyon ay manganganib ang kanyang buhay!
“Nagtanong ka pa! Hindi ka marunong sumunod sa usapan!” gigil na bulalas ni Kroen at saglit itong nilingon.
“Anong usapan?” Tila nagtatakang tanong ni Quinn. Binalingan niya itong muli.
Nagagwapuhan siya sa masungit na ito pero sa pagkakataong iyon, ang tingin niya rito ay isang ulupong!
“Hindi ba’t may usapan tayo na hindi mo ako pwedeng halikan?”
“Hindi kita hinalikan!” giit nito.
“Oo nga, binalak mo lang.” sarkastikong sabi niya.
Natigilan ito. Pagkuway ngumisi. “Alam mo kasi, Aling Maria Clara—”
“Hindi ako nakikipagbiruan sayo, Quinn. Sensitibo ako pagdating sa bagay na iyan!” Pinatay niya ang apoy sa gas stove at muling hinarap si Quinn. Humalukipkip siya sa harapan nito. “Huwag mo naman sanang gawing laro lamang ang buhay ko, Quinn. Hindi mo ako pwedeng halikan dahil mamamatay ako matapos ang tatlumpong araw na hindi mo ako nagawang mahalin!”
“Hey!Ako ang may-ari ng bahay na ito! I was supposed to be the one who—”
“Alam ko. Pero hindi porket ikaw ang may-ari ng bahay, ikaw lang ang pwedeng magsungit.”
“Aba, natututo ka na, ha? Masama iyan.” napaismid na saad ni Quinn.
Bumuntong-hininga si Kroen. “Okay.” Aniya pagkaraan ng ilang sandali.
Bumaba na ang kanyang tono. Nagkakaganoon lang naman siya dahil nag-aalala siya para sa sarili niyang buhay. Alam niyang hindi sineseryoso ni Quinn ang mga pinagsasabi niya hangga’t hindi niya napapatunayan rito kung ano ba talaga siya. Kaya naman, natatakot siya na baka sa susunod na magtangka ito ay hindi na niya ma-kontrol ang sitwasyon.
“Alam ko naman na mahirap sayo na i-absorb ang mga sinabi ko, kaya, kalimutan nalang nga natin ang mga nangyari. Bumalik ka na dun sa dinning table, maghahain na ako.”
“Dito ka na maghain, nagugutom na ako.” Nakasimangot namang sabi ni Quinn.
Natapos at natapos ang pagkain nila ay naging napakatahimik ng atmosphere. Wala din naman siyang ibang masabi. Matapos ang insidente na nangyari kanina sa silid niya ay tila nagkaroon ng invisible na pader sa pagitan nila. Hindi niya magawang magbukas ng usapan dahil tila ayaw rin namang makipag-usap ni Quinn. Tahimik na naman ito at ang pagiging tahimik nito dati ay tila na-doble ngayon.
HINDI nakatiis si Quinn at bumaba ng sala kung saan sigurado siyang naroroon si Kroen. Matapos nilang kumain nito ng dinner ay pareho na silang walang kibuan. O maski sa proseso ng pagkain ay hindi sila nag-iimikan. Nagi-guilty siya sa kanyang ginawa. Malay ba niyang magigising ito kaagad at mahuhuli siya. Pero mali naman ngang gawain ang nakawan ito ng halik. Hindi naman siya nito boyfriend.
Hmm!
At bakit naiisip niya ang bagay na iyon? Kahit sinong babae ay pwede niyang halikan nang hindi umaangal. Maraming mga babae ang nagnanasa sa kanya. Madalas ay ang mga iyon pa ang nagtatangkang halikan siya. Lalo na si Marga na walang ibang gusto kundi ang gahasain siya. Pero itong si Kroen, sa halip na maging grateful na siya ang nagnanais na humalik dito, tila ayaw na ayaw pa nito sa ideya.
At nakakadurog ‘yun sa kanyang ego!
Gayunpaman, naisip niyang may sarili itong rason kung bakit ito ganoon mag-react. Hindi ito tulad ng mga babaeng walang delikadesa na nakilala niya. Dahil sa mga kakaibang karakter na iyon ni Kroen kaya naman parang nagugustuhan na niya ang dalaga.
What?!
Humugot ng malalim na hininga si Quinn matapos makalapit sa likod ng couch kung saan nakasalampak si Kroen at nanunuod ng isang fantaserye.
“Kroen,” tawag pansin niya rito.
Singhot ang isinagot sa kanya ng dalaga. Mukhang abalang-abala ito sa panonoodng t.v at ni hindi man lamang siya pinagkaabalahang lingunin.
“Okay. I’m sorry.” Panimulang paliwanag niya. “Gusto kong linawin sayo na hindi ako manyak. Hindi ko lang kasi mapigilan ang sarili ko. Magkaderetsahan na tayo! Napakaganda mo at nakakaakit at lalaki lang ako. Hindi ako immune sa mga babaeng malakas ang karisma. At alam nating pareho na alam mo kung ano ang tinutukoy ko. Masyadong maganda ang mga labi mo at—” Marahas na naipilig niya ang kanyang ulo. Ano ba itong pinagsasasabi niya? Kailan pa siya naging madaldal? “Huwag mo na ngang pakinggan ang sinabi ko. Kalimutan mo nalang… Kroen? Kroen!”
Mabilis na lumigid siya paharap sa couch para usisain kung narinig ba siya ng dalaga o kung nakikinig nga ba ito sa kanya? Nagulantang siya ng makitang nagpapahid ng mga luha si Kroen habang titig na titig sa kanya.
“Anong problema?” nagtatakang tanong niya.
May nasabi ba siyang mali?
“Si Dyesebel kasi eh! Kinakawawa siya ni Betty! Malditang Betty ‘yan, hindi naman siya ang tunay na anak! Umalis ka nga diyan, Quinn! Nanunuod pa ako!” At tinabig na siya ni Kroen dahil nakaharang siya sa flat screen television na pinagkakaabalahan nito.
“Kung ganoon ay di ka nakikinig sa mga sinasabi ko?” gulantang na tanong niya.
“Ano bang sinasabi mo?” nagtatakang tanong nito. Inosenteng tinunghayan siya ni Kroen na tila ba ngayon lamang naging interesante sa kanyang mga sinasabi.
Anak ng…!
Gustong maghurumentado ni Quinn! Nilamon niya ng buong-buo ang kanyang pride para ipaliwanag rito ang kanyang panig dahil hindi siya matahimik matapos ang pagkahuli nito sa akto sa kanya na hahalikan ito.
At bakit nga ba kailangan pa niyang ipaliwanag ang kanyang sarili kung ito naman ay tila ba wala nang pakialam sa nangyari?
“Ano ba ‘yung sinasabi mo?” muling tanong ni Kroen.
“Never mind.”
Naupo nalang siya sa tabi nito at inilipat ang channel para doon mapunta ang atensyon nito. Hindi na niya kayang ulitin ang sinabi niya kanina. Bahala na ito kung hindi nito narinig. Tutal ay ito naman ang may kasalanan. Kung anu-anong pinagkakaabalahan nito habang siya’y sinesentensyahan ang kanyang sarili.
“Ano ba? Bakit mo nilipat?!” Angal nito.
Nakipag-tug of war ito sa kanya sa remote control ng kanyang tv.
“Napakaiyakin mo naman para manood ng ganon! Dito nalang tayo sa anime channel.” Hindi niya binitiwan ang remote control na inaagaw sa kanya ni Kroen ngunit naging napakakulit pa din nito.
“Paulit-ulit naman ang anime na ‘yan. Napanood ko na ‘yan ng maraming beses!” reklamo pa rin nito.
“Panoodin mo nalang ang lumang version ng Dyesebel, hindi ka pa mabibitin na mag-abang diyan sa pinapanood mo.”
Nahinto ito sa pakikipag-agawan sa kanya. “Meron?”
“Bakit parang masyado ka naman yatang nahuhumaling sa fantaserye na iyan?”
Umayos ng upo si Kroen at tumitig sa tv na nasa anime channel. “Feeling ko kasi ako si Dyesebel.” Malungkot na saad nito.
Napaigkas ang mga kilay niya. “Akala ko ba, fairy ka. Bakit ngayon, sirena naman? Paano kita papaniwalaan niyan kung pabago-bago ang mga sinasabi mo?” pang-aasar niya rito.
Mas gusto pa yata niyang nakikitang naaasar ito sa kanya kesa ganoong nalulungkot ito.
“Lambana naman talaga ako. Ang tinutukoy ko, ang kwento niya. Isang kakaibang nilalang na nakikisalamuha sa mga tao dahil naghahanap ng mahal sa buhay.”
“May… hinahanap ka? Boyfriend mo?” Bigla siyang naalarma sa kanyang naisip. Kung ganoon nga na boyfriend nito ang hinahanap, hindi niya ito tutulungan kung sakali man na humingi ito ng tulong.
“Wala akong nobyo. Sa Engkantasya, walang ibang lalaki kundi ang mga miyembro ng konseho. At hindi kaming mga lambana ang magpapasyang makipagtipan sa kanila kundi sila. Swertihan nalang kung sino ang matipuhan nila sa amin. Kaya nga lahat kami, kailangan na laging maganda at nakakaakit.”
“Ah.” Napatango-tango siya. Maganda iyon sa kanyang pandinig. Wala daw itong nobyo. “So, sino pala ang hinahanap mo?”
Bumuntong-hininga ito pagkuway hinarap siya. “Ang aking ama.”
“Ang iyong ama?” Nakahinga siya ng maluwag. “Ano bang pangalan niya? Tutulungan kitang hanapin siya.”
“Talaga? Magagawa mo?”
Tumango siya saka ngumisi. “Oo. Walang hindi kayang gawin ang pera ko.”