NAGPIPIGIL sa pagkaasar si Quinn na pinagsalikop ang mga kamay na nakapatong sa kanyang binti habang nakaupo sa couch sa tabi ng nangungulit na si Kroen.
“Hindi ba’t sinabi mo na walang hindi kayang gawin ang pera mo? Sinabi mo rin na tutulungan mo ako! Bakit ngayon, tumatanggi ka na? Nagsisinungaling ka lang ba o talagang wala kang kakayahang tulungan ako?” tila nabibigong saad ni Kroen.
Sadya namang gusto niya itong tulungan at totoong maraming kayang gawin ang pera niya. Kaya niyang magpahanap ng nawawalang tao. Pero paano niya iuutos sa detective na hanapin ang ama nito kung maski pangalan o hitsura noon ay di nito kayang i-describe? Paano nila hahanapin ang taong ni hindi nila kilala? At maski nga ang pinanggalingan nito ay hindi nito masabi sa kanya ng maayos kaya’t paano sila maghahanap? Saan sila magsisimula?
Para na rin nitong sinabi na maghanap siya ng karayom sa bundok ng talahib.
At bakit nga ba siya nagprisi-prisinta pang tulungan itong maghanap? Ano bang pakialam niya sa buhay nito? Malapit ng mag-isang buwan at malapit na niya itong palayasin kapag hindi nito napatunayan ang kanilang naunang napagkasunduan.
“Quinn naman! Tulungan mo na ako!” niyugyog ni Kroen ang kanyang balikat. Tuluyan na nitong nakalimutan ang tungkol sa pinapanood.
At paano din niyang magagawang tiisin si Kroen kung sa palagay niya, napakainosente nito. Hindi nito pinag-iisipan ang mga ikikilos at mas malamang na baka mapahamak ito sa mga naiisipang gawin. Kapag pinaalis na niya ito, saan naman kaya ito susuot? Ni hindi nga nito masabi kung saan ba ito nakatira.
Damn it! Bakit ba namomoroblema na naman siya? Sa araw na hindi nito mapatunayan ang sinasabi nito, agad na ipo-post niya sa internet ang mukha nito pati na rin sa lahat ng tv station para makita ito ng mga kamag-anak nito. Hindi niya lang iyon ginagawa dahil…
Bakit nga ba? Dahil hindi man lubusan pero kahit paano ay nakumbinsi siya ng maganda at inosenteng mukha nito.
“Paano ko nga hahanapin ang ama mo kung hindi mo alam kung anong pangalan niya? O anong hitsura niya?”
Idagdag pa ang kwento nitong naghahanap sa ama nito na nilayasan sila bago pa man siya ipanganak. Anong klaseng ama naman iyon at tumakbo sa responsibilidad? O responsibilidad nga ba ang tinakbuhan? Hindi naman mukhang mahirap si Kroen.
“Wala ka man lang kahit anong impormasyon na maibigay patungkol sa kanya?” naiinis na sambit niya at pinukol ng masamang tingin si Kroen.
Huminto ito sa pagyugyog sa kanya.Saglit na tila nag-isip ito pagkuway: “Isa siyang tao. Gwapo raw si ama, matipuno ang pangangatawan at kumikinang ang mga mata kapag ngumingiti. Iyon ang sabi ng aking ina. Pwede na ba iyon?”
Napabuntong-hininga siya. “It didn’t helps a bit.” Dahil ang sinabi nito ay description ng kung paano tingnan ng isang babaeng inlove ang isang lalaki.
“Hindi?” nanlulumong tanong nito.
“Look, Kroen? Tao rin ako. Gwapo, matipuno at makinang rin ang mga mata ko. Huwag mong sabihing ako ang ama mo?”
Minulagaan siya nito at pinakatitigan. Gusto niyang maghisterikal ng mabasa sa mga mata nito na tila pinatulan nito ang sinabi niya.
“Posible siguro kung hindi tumatanda ang mga tao. Kung ang oras sa amin ay tulad dito, baka nga maniwala ako na ikaw ang aking ama.”
“Grrr!” naiinis na singhal niya kay Kroen. “Paano mo ako mapagkakamalang ama mo samantalang hindi naman na siguro nagkakalayo ang mga edad natin. Ilan taon ka na ba at pinatulan mo ang sinabi ko?”
“Ako? Uhm, kung sa mundo ninyo, mahigit animnapung taon na ang katumbas ng edad ko. Pero dahil magkaibang tumakbo ang mga oras natin kaya’t dalawampu’t dalawang taon pa lang ako.”
Naiinis na naisabunot niya ang mga kamay sa kanyang sariling buhok. Heto na naman sila at pinapaniwala siya sa mga kakaibang bagay. “Can we talk in a more sensible way, Kroen? Okay na nga eh. I tried listening to your story. Tapos ngayon, dadalihan mo ako ng mga nonsense na iyan?!” singhal niya rito.
Nanubig ang mga mata ni Kroen dala ng frustration. Nararamdaman niyang nagpipilit itong paliwanagan siya sa mga sinasabi nito. Pinipilit naman nga niya ang sarili na unawain ito. Iniisip nalang niya na nahihirapan itong ipaunawa sa kanya ang mga bagay-bagay kaya’t kahit magulo ang pagsasalaysay nito ay inuunawa pa rin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya. Pero malinaw na malinaw sa kanyang utak na napakaraming kakaiba at imposibleng mangyari sa mga sinasabi nito. Paanong naging animnapung taon na ito eh ang bata-bata pa nitong tingnan. Mukha nga lang itong twenty something. Magulo ang sinasabi nito pero tatanggapin nalang niya iyong huli. Twenty-two lang ito. And he was twenty-five! Shit! How the hell did she think that he might be her father? Nakakainsulto ang babaeng ito ah?
“Bakit kasi ayaw mong maniwala sa akin? Hindi naman ako nagsisinungaling sayo? Kasalanan sa aming mga lambana ang magsinungaling, gaano man kaliit ang bagay na may kinalaman roon.” Lumuluha nang saad ni Kroen.
Nagdalang-habag naman siya sa dalaga. Pangalawang beses na sa araw na iyon na nakita niya itong umiyak at ayaw na niyang makita itong lumuluha muli lalo’t siya ang may kagagawan.
“Okay, okay.” Sumusukong saad niya.
Kinabig ni Quinn palapit sa kanya si Kroen at niyakap ito. Pakiramdam niya ay tinatadyakan siya ng konsensiya dahil siya ang may kasalanan kung bakit ito umiyak ng ganoon. Gusto na nga niyang sipain ang sarili. Bakit ba hindi nalang nga niya ito pagbigyan sa sinasabi nito kesa naman sa malulungkot at mahihirapan pa itong paliwanagan siya?
“Tss! Huwag ka nang umiyak. Bakit ka ba umiiyak? Para kang bata!” sita nalang niya rito.
Hindi niya gusto ang pakiramdam na nakokonsensiya sa nagawa niya.
“Ikaw kasi! Ang hirap mong paliwanagan!” anito sa pagitan ng pagsinghot. “Pinaparatangan mo pa akong sinungaling.”
Napabuntong-hininga siya. “Tumahan ka na. I don’t mean it.” pinakawalan niya ito at pinahid ang mga luha ni Kroen. Napangiti siya. Napakasarap talaga sa pakiramdam na dumadampi ang likod ng palad niya sa makinis na mukha ni Kroen. Sumimangot si Kroen. And she looks more adorable in his sight. Ang sarap nitong panggigilan. Pinisil nga niya ang matangos nitong ilong. “Are we good now?”
“Hindi. Halata naman na hindi ka naniniwala.”
“Naniniwala na ako.” Pangungumbinsi niya kay Kroen.
“Kung naniniwala ka na, tutulungan mo na akong hanapin si ama maski hindi ko pa napapatunayan sayo na kaya kong lumusot sa lagusan?”
Napatanga siya rito. Kasama nga pala sa usapan nila nito na tutulungan niya ito sa totoong agenda nito sakaling mapatunayan nito ang kung anumang ipinaglalaban nito sa kanya. Pero maski hindi naman nito mapatunayan ang bagay na iyon, gusto pa rin niya itong tulungang hanapin ang pamilya nito. Hindi dahil gusto na niya itong maitaboy paalis sa buhay niya—sa totoo lang ay parang ayaw na niya itong umalis—kundi dahil nararamdaman niyang nasasabik na ito sa ama.
Ngayon niya na-conclude na ang puno’t-dulo ng lahat ay ang paghahanap nito sa ama na umabandona rito. Medyo kakaiba itong mag-isip at magsalita pero kung lalawakan niya ang pang-unawa ay maiintindihan niya ang nais iparating ni Kroen.
“Yes, I’ll help you. Gagawain ko ang makakaya ko para mahanap ang iyong ama.”
Sa pagkabigla niya ay humagis si Kroen sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Nagulat siyang talaga ngunit awtomatiko ring kumilos ang mga braso niya para yakapin ang dalaga. He even closed his eyes and enjoyed her scent. Napakabango talaga ni Kroen at napakasarap nitong yakapin. Hinding-hindi niya pagsasawaang yakapin ito ng ganoon kahigpit.
“Ang sarap pala ng ganito, Quinn. Maaari ba na ganito nalang tayo palagi?” ani Kroen. Naramdaman niyang humimlay ito sa kanyang balikat.
‘Kung maaari lang, gusto ko rin na ganito nalang tayo palagi, Kroen.’
“Okay lang, basta huwag ka na ulit iiyak. Hindi ako sanay na may umiiyak na babae sa harapan ko.” Aniya.
Mas humigpit ang yakap ni Kroen sa kanya at pagkuway naramdaman niya ang marahang pagtapik nito sa kanyang likod.
“Ikaw ang may kasalanan kaya pagalitan mo ang sarili mo.”
Marahan itong tumawa. Naramdaman niya ang paghinga nito habang napayupyop ang mukha sa kanyang balikat. Para siyang sinilihan habang nararamdaman ang mainit na hininga ni Kroen na tumatama sa kanyang leeg. Kung hindi pa ito lalayo sa kanya ay baka kung ano ang magawa nito sa kanya.
“Ahm, Kroen?”
“Hmm?”
“Pwedeng…” Marahang kumalas siya kay Kroen pero mas humigpit ang kapit nito sa kanya. Naramdaman niya ang paghihikab nito. “Ganito muna tayo. Masarap sa pakiramdam.” Ungot nito sa kanya. Wala siyang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga. Gusto rin naman niya ang posisyon nila. “Hindi ko alam na pwede palang maging ganito kasarap ang isang yakap. Yumayakap din ako sa mga kaibigan ko pero hindi ganito ang pakiramdam. Mas masarap ito. Kaya, pwede bang, dito nalang muna ako sa tabi mo? Yakapin mo muna ako hanggang sa makatulog ako.”
Naghikab na naman ito. Hinapit naman niya ang bewang ni Kroen palapit sa kanya. Nakakatuwa ang pagiging honest nito patungkol sa sarili nitong damdamin. It makes him smile from ear to ear.
“Okay, matulog ka na.”
Nagsumiksik pang lalo si Kroen sa katawan niya. Saglit pa at nararamdaman na niya ang malumanay nitong paghinga. Senyales na nakatulog na nga ito.
“You are so pretty.” Mahinang sambit ni Quinn sa natutulog na dalaga.
“BILIS, QUINN! Mag-aalas dose na!”
Nagmamadaling hinila ni Kroen si Quinn papunta sa work room nito. Kabilugan ng buwan at iyon ang hinihintay nilang panahon. Mapapatunayan na niya kay Quinn na hindi siya nagsisinungaling. Alam naman niya na kahit tinutulungan siya nito na hanapin ang kanyang ama ay hilaw pa rin ang paniniwala nito sa kanya kaya’t papatunayan niyang totoo ang lahat ng sinasabi niya.
Nitong nakaraan ay isang private detective ang nakaharap niya. Iyon ang naatasan ni Quinn na maghanap sa kanyang ama. At base sa huling pakikipag-usap nila roon ay mukhang mahihirapan iyong hanapin ang kanyang ama. Nag-post na rin si Quinn ng mga larawan niya sa internet para raw mas maging madali ang paghahanap sa mga kamag-anak niya. Gustuhin man niyang tumutol dahil wala namang kamag-anak na maghahanap sa kanya ay pinagbigyan nalang niya si Quinn. Magkakaroon pa kasi sila ng mahabang diskusyon kung hindi siya pumayag.
“Teka lang. Saan ba tayo pupunta?” nagtatakang-tanong nito habang hila-hila niya.
“Sa lagusan. Patutunayan ko na sayo ang lahat!” excited na lahad ni Kroen.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Okay lang kahit hindi mo na patunayan. Tinutulungan na nga kitang hanapin ang ama mo, hindi ba?”
Pinukol niya ng masamang tingin si Quinn. Iniisip nito na ipahihiya niya lang ang sarili rito at pag-aaksaya lang ng panahon ang ipapakita niya. Pero sisiguraduhin niyang mamamangha ito sa makikita.
“Sumunod ka na nga lang, Quinn. Wala namang mawawala sayo kapag nanood ka sa ipapakita ko.”
“Fine.” Walang ganang saad nito.
Saglit pa at nasa tapat na sila ng lagusan. Hinintay niya ang pagtuntong ng eksaktong hatinggabi.
“Ano na?” Tila naiinip na tanong nito.
“Sandali lang. Tatlong segundo nalang!”
She patiently waits…
Three…
Two…
One…!
Voila! Biglang nagliwanag ang lagusan! Ang mismong malaking bilog sa katawan ng puno na nasa painting.
Naramdaman niya ang pagkabigla ni Quinn, dahilan sa pag-urong nito. Nilingon niya si Quinn ng may ngiti sa mga labi.
“Manood ka, Quinn.”
Lumapit siya sa painting at umakmang ilulusot ang kamay sa mismong lagusan ngunit isang malakas na pwersa ang humigop sa kanya roon bago pa man niya mailusot ang kanyang kamay.
“Kroen!!!” naririnig niya ang pagsigaw ni Quinn pero dagli ring nawala ang boses at ang sumunod niyang nakita ay ang pamilyar na lugar sa Engkantasya.
Nagulat pa ang mga bubuyog na dati niyang kalaro sa lugar na iyon nang makita siya.
“Kamusta kayo? Kay tagal kong nawala!” masayang bati niya sa mga ito.
“Huh?” nagtataka namang sambit ng mga bubuyog.
“Kroen!”
“Nandito ka nga!”
“Ang daya mo! Bakit hindi ka nagpunta sa party?”
Lumingon si Kroen sa pinanggalingan ng mga tinig at ganoon nalang ang tuwa niya nang makita ang mga ito. By instinct ay ikinampay niya ang mga braso upang sugudin ng yakap ang mga kaibigan. Kamuntik na niyang makalimutan ang kakayahang lumipad.
“Xeen! Cai! Vem! Rosette! Zay! Simone! Na-miss ko kayong lahat! Ang tagal na nating hindi nagkita!”
At niyakap niya isa-isa ang mga tila nagtatakang mga kaibigan. “Miss na miss ko na talaga kayo!” naluluha pang sambit niya.
“Anong sinasabi mo?” nagtatakang-tanong ni Caiorroa.
“Kagabi lang tayo hindi nagkita dahil hindi ka dumalo sa party natin.” Saad naman ni Xeen.
“Nagliwaliw na naman ‘yan sa lagusan.” Sabi naman ni Rosette.
Nagkanya-kanyang sang-ayon ang apat.
“Hindi ah! May mas magandang nangyari.” Excited na sabi niya.
“Talaga? Baka mas maganda pang i-kwento ang pagpapakitang-gilas ko gamit ang tambol nang nakaraang gabi?” si Zayleigh.
Palagay niya, ang katumbas nito ay ang mga drummer sa mga banda na napapanood niya sa telebisyon. Astig naman nga ito at bagay maging rocker!
Humikab si Rosette. “Parang mas gusto kong matulog nalang.”
“Magpapakinang nalang ako ng mga pakpak ko.” Si Simone.
Umakmang lilipad na ang mga ito dahil halatang napuyat nang nagdaang gabi.
“Ano ba naman kayo, girls?” reklamo niya. “Why don’t you stop for a moment and listen to me?”
Biglang natigilan ang mga kaibigan niya at tila iisang tao na sabay-sabay na lumingon sa kanya.
“Anong sinabi mo?”
“Anong lenggwahe iyon?”
“Saan mo napulot iyon?”
“Anong ibigsabihin noon?”
“Bakit napilipit yatang bigla ang dila mo?”
Sabay-sabay na dinumog siya ng mga kaibigan at hindi magkamayaw na nagtanong ng kung anu-ano patungkol sa kanya.
And now… it’s story time!
Matyagang nagkwento si Kroen ng mga kakaibang nangyari sa kanya nitong nakaraang buwan.
PAULIT-ULIT na ginaya ni Quinn ang ginawa ni Kroen sa pag-asang magagawa niya ring makapasok sa painting. Ang tagal bago niya nagawang mahimasmasan matapos ang kanyang mga nakita. Sigurado siyang hindi siya dinadaya ng kanyang mga paningin o imahinasyon lang ba ang kanyang nakita.
Wala na si Kroen. Dalawang linggo na siyang naghihintay sa muling pagbabalik nito. Kung minsan ay para siyang sira-ulo na kinakausap ang painting at nagbabakasakali na maririnig siya ni Kroen. Parati niyang ginagaya ang ginawa ng dalaga magpamula ng personal niyang masaksihan ang lahat ng kababalaghang iyon. Pero walang nangyayari. Walang magandang resulta. Nagmumukha lang siyang baliw!
Pero, mintis man niyang isiping hindi totoo iyon, paano niyang ipaliliwanag ang pagkawala ni Kroen?
Napabuntong-hininga si Quinn at naghagilap ng silya. Naupo siya para magpahinga o di kaya ay matamang titigan ang kanyang painting. Paano bang nangyari ang lahat ng iyon? Siya ang nagpinta ng larawang iyon at mga ordinaryong pintura lang naman ang ginamit niya sa ordinaryong canvass kaya’t, paano nangyari na nagkaroon iyon ng mahika?
Naipikit niya ng mariin ang mga mata. Hindi na naman siya makapagpinta. Magmula nang mawala si Kroen ay naging distracted na siya. Wala siyang ibang iniisip kundi ang pagbabalik nito. Isang mahinang kaluskos lamang sa kanyang bahay ay nagiging listo siya at hahanapin ang pinagmulan noon. Umaasa siyang baka bumalik na si Kroen.
Ah!!! Masisiraan na yata siya ng bait! Kahit saan siya tumingin ay parati niyang nakikini-kinita ang magandang ngiti ng dalaga. Kapag pumupunta siya ng kusina ay parang naroroon si Kroen na nagluluto at naglilinis. Kapag pumupunta siya sa kanyang sala ay nakikini-kinita niya si Kroen na nanonood ng telebisyon o di kaya ay nag-e-enjoy sa Wii na binili niya para rito. Kapag naliligaw siya sa library ay tila ba naaalala niyang nagkalat ang mga libro na binabasa ni Kroen. Kapag pumapasok siya sa silid nito ay parang naroon ang dalaga at panatag na natutulog. Maski ang silid niya ay nagpapaalala sa kanya na naglilinis ito roon. At kapag lumalabas siya sa kanyang terrace ay parang nakaupo si Kroen sa pasimano at nanonood ng mga bituin. Hindi rin nakaligtas ang kanyang work room dahil parati niyang naaalala ang mga sandali na kitang-kita niyang hinigop ito ng liwanag na nagmumula sa painting!
Kahit saan siya lumingon, kahit saan siya magpunta, parating alaala ni Kroen ang pumapasok sa balintataw niya. Miss na miss na nga niya talaga ito! Naging miserable ang bawat araw niya sa paghihintay na bumalik ito.
Gusto niyang pukpukin ng maso ang kanyang ulo. Bakit ba niya hinihintay si Kroen? Hindi ba dapat na magbunyi siya dahil sa wakas ay nawala na rin ang babaeng bigla nalang ay naging responsibilidad niya? Hindi pa nanganib ang painting niya. Ngayon ay pwede na niyang ibigay iyon kay Lolo Tim.
Subalit maski nasa kanya na ang lahat ng pagkakataon na ibigay ang kanyang regalo sa ginoo ay hindi niya ginawa. Umaasa siyang isang gabi ay lalabas muli si Kroen sa painting. At kung ibibigay niya iyon kay Lolo Tim, paano pa niyang makakaharap muli si Kroen?
Ahhh!!! Baliw na siya. Paano niyang naiisip na babalik pa si Kroen?!
Ano ba talaga ang dapat niyang gawin ngayon? Nalalapit na ang kanyang exhibit pero parang ayaw niyang isama sa gallery ang painting na iyon. Of course, hindi naman niya talaga iyon ipagbibili. Pwede naman niya iyong isama sa gallery niya maski hindi iyon kasama sa mga ipagbibili. Pero hindi pa rin niya magawang i-diplay sa mataong lugar ang painting dahil baka biglang lumabas roon si Kroen at magkagulo ang lahat. Mas lalong hindi niya iyon pwedeng iwan sa kanyang rest house! Gusto niyang abangan ang muling pagbabalik ng dalaga. Nasasabik na siyang makasama ito.
“Kroen! Bumalik ka na.” nagsusumamong pagkausap niya sa larawan.