Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 8

“KROEN! Bumalik ka na.”

“Quinn!” biglang bulalas ni Kroen.

Para bang narinig niya ang boses ng binata na tumatawag sa kanya mula sa lagusan. Masyado na yata siyang nalibang sa pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan at ang planong saglit na pagpapatunay kay Quinn ay nauwi na sa pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan.

“O, tapos?” untag sa kanya ni Simone.

“Ituloy mo ang kwento mo, Kroen.”

“Ano pang nangyari pagkatapos niyang yakapin ka?”

“Nakakainggit ka naman, Kroen! May nakayakap ka nang lalaki!” Tila kilig na kilig na tili ni Xeen.

Siniko nga ito ni Rosette. “Tumigil ka nga diyan, Xeen!”

“Pero kinikilig talaga ako!”

Nagpatuloy si Kroen sa pagkukwento maski pa nababagabag na siya at nais nang bumalik sa kabilang mundo.

“Ayon nga, natulog ako sa mga bisig niya. Kinabukasan, nagising ako na nasa silid ko. Siguro, binuhat niya ako papunta roon.”

“Ay!!!”

Kinikilig na nagtilian ang mga kaibigan niya. Napangiti siya. Masyadong masaya ang puso niya nang mga sandaling iyon. Kinikilig pa rin siya kapag naaalala ang mga sandaling iyon.

“Hindi mo dapat ginawa iyon, Kroen.”

“Ha?”

Sabay-sabay silang bumaling kay Caiorroa. Bukod tanging ito ang tila di nasisiyahan sa mga ikinuwento niya. Ni hindi niya napansin ang kakaibang reaksyon nito dahil masyado siyang masaya habang nagkukwento.

“Ay naku, pamatay-saya lang talaga iyang si Cai kaya ganyan mag-react.” Sabi ni Zayleigh.

Umani ito ng batok mula kay Caiorroa. Sa kanilang magkakaibigan, si Zayleigh ang pinakamatatag ang loob na asarin ang pinuno ng grupo nila.

“Delikado ang ginawa ni Kroen na pagtawid sa lagusan na hindi kumukunsulta sa konseho.” Mariing saad ni Caiorroa.

“Ha? Bakit mo nasabi iyan, Cai?” nagtatakang tanong niya.

Bumaling si Caiorroa sa kanya. Alam nito kung gaano niya kagusto ang makatawid sa lagusan upang hanapin ang kanyang ama at alam niyang ikatutuwa nitong magkaroon siya ng pag-asa. Kaya lang ay bakit parang gusto nitong humadlang ngayon?

“Hindi mo na ba naisip ang maaaring kahinatnan ng ginawa mo?”

“Cai, alam ko naman ang regulasyon ng lagusan. Isang daang araw at kailangan ko nang bumalik sa mundo natin.”

“Pero hindi ka purong lambana, Kroen. Kalahating tao ka. At ang bawat pagkakaiba ay palaging may kalakip na konsekwensya! Sana’y sumangguni ka muna sa konseho bago ka gumawa ng isang hakbang!”

Natigilan siya sa pagtataas ng boses ng kaibigan. Alam niyang nag-aalala lamang ito para sa kanya kaya’t ganoon ang reaksyon nito. Pero masyado siyang natuwa nang makitang nagbukas ang lagusan kung kaya’t sinubukan agad niyang makatawid.

“Pumunta muna tayo sa konseho.” Suhestiyon ni Rosette.

Tila nabahala na ring bigla ang mga kaibigan niya.

“Kailangan ko nang bumalik sa kabilang mundo. Mabilis tumakbo ang oras doon at isang beses lang nabibigyan ng isandaang araw ang isang lambana. Ayokong sayangin ang oras ko.”

Lumipad si Kroen palapit sa lagusan. Nag-aalala siyang baka maraming araw na siyang nasayang. Tuloy-tuloy ang pagtakbo ng oras niya magpamula ng lumabas siya sa lagusan patungo sa mundo ng mga tao maski pa bumalik siya sa Engkantasya.

“Pero Kroen, kailangan mo munang—”

Hindi na niya pinatapos ang mga kaibigan at dagli siyang hinigop ng lagusan. Ang sumunod na sandali ay naroroon na siya sa loob ng work room ni Quinn. Dagling sumikdo ang dibdib niya pagkakita sa natutulog na binata. Nakayupyop ang ulo nito sa ibabaw ng mesa. Hinihintay kaya siya nito?

Napangiti siya sa sarili. Saglit pa lang niya itong hindi nakikita ay namiss na niya ito kaagad ng sobra. Umangat ang kamay niya at hinaplos ang buhok ng natutulog na lalaki. Napagwapo talaga nito. Hindi siya magsasawang panoorin lang ito buong magdamag.

Tila naalipungatan si Quinn at tumunghay. Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya.

“Kroen?”

Nginitian niya ito ng ubod-tamis. “Ako nga. Bakit dito ka natutulog at—”

Hindi niya natapos ang kanyang tanong dahil bigla itong tumayo at kinabig siya. Niyakap siya ng mahigpit ni Quinn na tila ba ayaw na siya nitong pakawalan.

“Bakit ba ang tagal mo? Akala ko, hindi ka na babalik. Patutunayan mo lang naman sa akin ang totoo pero inabot ka na ng isang buwan.”

Napatunganga si Kroen. “Isang buwan? Ganoon katagal?”

MARAHANG pinakawalan ni Quinn si Kroen mula sa kanyang pagkakayakap. Pero hindi rin naman niya binitiwan ang mga kamay nito. Nag-aalala siya nab aka higupin na naman ito ng painting niya. Para tuloy nais na niyang sirain ang painting para hindi na ito makaalis muli at pahirapan na naman siya sa paghihintay rito.

He will never let her enter the portal again. Not ever. Pwera nalang kung kinakailangan.

“Kung ganoon, tatlumpong araw na naman ang naaksaya? Hindi ko pa nagagawang hanapin si ama.” Nanghihinayang na saad ni Kroen.

Inabot niya ang mukha nito at iniharap sa kanya. Para kasing nalungkot na naman ito. At ayaw niyang makita itong ganoon. May problema ba ito? O di kaya ay inaalala?

Nasanay na siya sa masiyahing si Kroen. Dahil sa karakter nitong iyon ay tila dumipende na rin dito ang kaligayahan niya. At kung ganitong nalulungkot ito, pati siya ay gusto na ring malungkot. “Ginagawa ng detective ang lahat para mahanap ang ama mo. So, don’t be sad, okay?”

Nginitian na siya ni Kroen. Makita lang ang mga ngiti nito ay naging panatag na din siya. “Na-miss kita, Quinn!”

Napangiti siya at pagkuway umayos ng tayo. “Sa susunod na umalis ka, sabihan mo ako kung gaano katagal kang mawawala.” Parang balewalang saad niya.

Nanunuksong ngumiti pa rin si Kroen. “Paraan mo ba iyan para sabihing na-miss mo ako?”

Iniiwas niya ang mga paningin palayo rito.

‘Bumalik na naman ang kakulitan ng babaeng ito.’

“Hindi ‘no? Hindi kita na-miss.” Tanggi niya. “Sa katunayan, mas nakagalaw nga ako ng maayos nung wala ka. Successful ang exhibit ko. Sold out ang mga paintings at kamuntik na ding mabenta ang painting na gustong-gusto mo.”

Pinanlakihan siya nito ng mga mata at pinalo siya sa braso. “Binalak mong ipagbili ang nag-iisa kong susi sa lagusan?”

“Uhm, medyo.” Kibit-balikat niya. Gusto niyang matawa sa nakasambakol na mukha ni Kroen. “Malaki kasi ang offer eh!”

“May usapan tayo ‘di ba?” At sinakal siya ni Kroen.

“Aa——aah!” Inilayo niya sa kanyang leeg ang nanggigigil na mga kamay sa pagsakal sa kanya. “Biro lang! May isa akong salita. Hindi ko iyon ipagbibili sa iba. Sayo lang.”

“Wala akong pera.” Nakasimangot na reklamo nito. Humalukipkip.

“Eh di pagtrabahuhan mo sa akin. Dito ka sa bahay ko titira at di ka aalis hangga’t di mo nababayadan ang painting ko.”

Nangunot ang noo ni Kroen. “Dito lang naman talaga ako sa bahay mo. Saan naman kaya ako pwedeng pumunta?”

Napangiwi siya.

Ang iniisip kasi niya, tutal ay napatunayan nito sa kanya na totoo ang kababalaghang dala nito, kukunin na nito ang painting at mag-isang hahanapin ang totoong pakay nito sa mundong iyon. At siyempre, gagawin niya ang lahat para mapigilan itong umalis. Kasukdulang gawin niyang pam-blackmail ang painting.

“Tara! Labas tayo.” Tinapik niya ang bulsa. “Malaki ang kinita ko sa exhibit. Dahil mabait ako ngayon, babalatuhan kita. Ipabili mo sa akin lahat ng gusto mo.”

“Di ba kuripot ka?” nagdududang tanong nito.

Pinandilatan niya si Kroen. “Sinabi ko na nga sayo. Ngayon lang ito. Minsan lang ako maging mabait at kung ayaw mong samantalahin, bahala ka! Diyan ka na nga!” naiinis na tatalikuran na sana niya ito ngunit mabilis na umabrisiete ito sa kanya.

“Sige! Libre mo ako. Minsan ka lang maging galante eh.” Tuwang-tuwang sabi nito.

‘Minsan lang daw? Ang mahal kaya ng Wii mo!’

Sumilip sa bintana si Kroen. “Pero madilim pa sa labas.”

Inakbayan niya na ito. Baka magbago na naman ang isip nito at hindi sila matuloy sa paglabas. Ang gaan na naman ng pakiramdam niya at parang ang saya-saya niya dahil naririto na ulit ito sa tabi niya.

“May 24hours tradefair sa kabayanan. Doon tayo mamimili.”

“Sige! Tara na!”

Natawa nalang siya nang excited siyang hilahin ni Kroen palabas.

NAKASAMBAKOL ang mukha ni Kroen habang panaka-nakang sinisilip ang nakakabwisit na naglalampungan sa living room. Pangalawang araw na roon ng babaeng bisita ni Quinn na may pangalang Marga. Wala namang kaso sa kanya kung napagkamalan siyang katulong dahil talaga namang katulong siya ni Quinn. Ang ikinabubwisit niya lang ay ang walang pakundangang pag-uutos at pagpapahirap nito sa kanya samantalang ang mismong amo niya, hindi siya inuutos-utusan na animo dios sa pamamahay na iyon. Pinababayaan siya ni Quinn sa anumang gawin niya sa bahay nito, huwag lang siyang maninira ng mga gamit.

At ang higit pa niyang ipinagsisintir ay ang tahasang paglalambitin nito sa mga braso ng binata. Alam niyang wala siyang karapatang magngitngit o makaramdam ng anupaman dahil karapatan ni Marga iyon bilang nobya raw ni Quinn. Kaya lang ay naiinis pa rin siyang sa mismong harapan pa niya iyon ginagawa ni Marga. Masakit iyon sa mga mata. At maski sa dibdib!

Lumayo na siya sa counter top ng kitche na kinukubabawan habang pinapanood ang nakakainis na eksena. Kung hindi pa niya gagawin iyon ay baka masugod na niya ang mga ito.

At ang Quinn na iyon! Tila nag-eenjoy pa sa pakikipaglingkisan kay Marga. Pansinin-dili nalang siya ng damuho at nakakasugat iyon sa kanyang dibdib.

“Excuse me?”

Napabaling si Kroen sa nagsalitang maldita sa kanyang likuran.

“Dalhan mo nga kami ng meryenda sa living room. Nagugutom na kami. Bilisan mo ha?”

“Kakakain niyo lang. Ni hindi nga napakialaman ni Quinn ang dinala mong pagkain kanina.”

“Aba’t sumasagot ka pa ha? Amo ako dito, katulong ka lang!” nanggigigil na singhal nito sa kanya.

Bakit ba kasi dumating pa ang bruhang ito rito? Tahimik at makulay ang buhay nila ni Quinn noong wala ito pero ngayo’y naging madilim at maingay dahil rito.

“Pero hindi ikaw ang amo ko. Pasalamat ka nga at sinusunod kita.”

“How dare you!”

Hinablot nito ang buhok niya pero mabilis niyang nabaklas ang kamay nito at nabawi ang kanyang buhok. Papalipad ang palad nito sa mukha niya ngunit hindi iyon nakapag-landing sa destinasyon. Nagulat nalang siya nang makitang hawak ni Quinn ang pupulsuhan ni Marga. Nagtatagisan ang mga bagang nito habang nakatingin sa malditang babae. Isinalya nito ang kamay noon.

“Umuwi ka na sa Maynila, Marga. At huwag ka nang babalik dito.” Galit na utos ni Quinn kay Marga.

“What?!” tila hindi makapaniwalang baling ni Marga kay Quinn.

“Hindi ko nagustuhan ang nakita kong balak mong gawin.”

“Pero itong katulong mo ang may kasalanan! Humihingi lang naman ako ng—”

“Hindi ko katulong si Kroen.”

Tila natigilan si Marga sa pagmamaldita nito nang idepensa siya ni Quinn.

“So, sino pala ang babaeng iyan?!”

“Kaibigan ko.”

“Kaibigan mo lang pala. Pero bakit ganyan mo siya i-defend sa akin? I’m your girlfriend!”

“Hindi kita girlfriend!” Tila napupunong singhal ni Quinn rito. “Ikaw lang ang nag-assume ng ganon!” Inihilamos nito ang isang kamay sa mukha. “Kunin mo na ang mga gamit mo at ihahatid na kita pabalik sa Maynila.”

Nanlilisik ang mga matang binalingan siya ni Marga pagkuway nagdadabog na iniwan sila. Tumalikod naman siya at ipinagpatuloy ang pagkukutingting ng gripo. Naramdaman niya ang kamay ni Quinn sa kanyang ulo at hinaplos nag kanyang buhok.

“Nasaktan ka ba?” nag-aalalang tanong nito sa kanya.

“Hindi gaano. Nabawi ko agad ang buhok ko sa kanya.” Tugon niyang hindi nililingon si Quinn.

Bumuntong-hininga ito. “Nasaan ang susi ng kotse ko?”

“Malay ko! Matagal na akong huminto sa pangangain ng susi.” Naiinis na sarkastikong tugon niya.

Isipin pa lamang na aalis ito kasama ang Marga na iyon ay nabubwisit na siya.

Isang buntong-hininga na naman ang pinakawalan nito. “Sige ako nalang ang maghahanap.” Nang umakma itong aalis sa tabi niya ay gusto niya itong pigilan.

Nginangatngat siya ng damdaming hindi niya alam kung paano papangalanan. Ewan ba niya kung bakit may pakiramdam siyang gusto niyang ihagis nalang sa malayong lugar si Marga para hindi na ito pagkakaabalahang samahan ni Quinn. At nakakainis din naman itong si Quinn! Nakarating roon si Marga na mag-isa, bakit kailangan pa nitong ihatid iyon? Edi ba dapat umalis din iyong mag-isa.

Naiinis na talaga siya. Gusto na niyang maiyak dahil nahihirapan siyang pakitunguhan ang sariling damdamin.

“Magbihis ka na. Aalis tayo.”

Nagulat na napalingon siya kay Quinn. “Anong sinabi mo?”

“Aalis tayo. Ayoko namang iwan ka ditong mag-isa. Baka mamaya, kung ano na namang maisipan mong sirain sa mga gamit ko.” At dumeretso na ito sa paglalakad.

Napasimangot siya. Walang ibang mahalaga rito kundi ang mga gamit nito at ang takot nitong masira ang mga iyon. Nakakairita na hindi siya nito kayang pagkatiwalaan samantalang pinagsisilbihan naman niya ito ng maayos at ng buong puso.

“Nakakainis! Bakit pa ako isasama? Ano? Gusto nila ng audience sa paglalampungan nila?” Pagsisintir niya sa gripong buhayin at patayin niya.

Napapitlig nalang siya ng maramdaman ang kamay na humihila sa braso niya palayo sa lababo.

“Magbihis ka na. Hindi ako papayag na hindi ka kasama.”

“Dito nalang ako!” Pinilit niyang bawiin ang braso mula rito. “Pangako, hindi ko sisirain ang mga gamit mo. Matutulog nalang ako o magsasayaw.”

Bumuntong-hininga ito. “Alam mo kasi… Ano… Si Marga, gusto niya ako, pero hindi ko siya gusto. Naiintindihan mo ba?” Napahawak ito sa batok. “Tss! Ang hirap kasing ipaliwanag sa mas malinaw na paraan!”

“Bakit ka ba nagpapaliwanag?”

“Para maunawaan mo.”

“Hindi naman ako mangmang para hindi ko maintindihan na gustong-gusto ka niya. Maski sa Engkantasya ay alam namin ang ibigsabihin ng pag-ibig.”

“Oo nga. Pero… pwede bang huwag kang magsalita ng patungkol sa pag-ibig kung sangkot si Marga? Wala kaming ganon.”

“Okay.” Sang-ayon nalang niya para matahimik na ito.

“At ayokong kami lang ni Marga ang magkasama sa biyahe. Baka gahasain niya ako, kaya sige na. Sumama ka na.”

Pinagtaasan niya ito ng kilay. “Ayoko.”

“Sumama ka na! Kailangan ko din kasing pumunta ng Maynila at gusto kong kasama ka. Baka matagalan ako dun, ano… Ma-mi-miss kita.”

Dahil sa sinabi nito ay natuwa ang kanyang puso. Ma-mi-miss raw siya nito kaya’t ang gusto nito ay isama nalang siya ni Quinn!

“Ayoko.” Pagpapakipot niya.

“Isa!” banta nito.

“Binibilangan mo ba ako?”

“Dalawa!”

Humalukipkip siya. Pinigilan niya ang sariling mapangiti ng mayamot na si Quinn sa pagmamatigas niya.

“Tatlo!”

“Ayoko pa rin! Naiinis ako sayo!”

“Kroen—”

Tinalikuran niya ito. “Ayoko nga sabi!” Pero nagpatiuna siyang naglakad paalis ng kusina at dumeretso sa kanyang silid.

Ano kayang magandang suotin?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.