KAGAT ni Beliza ang labi at mariing nakapikit habang tinatahi ng nurse ang sugat niya. Nasa health center siya ng Barlig at doon idinala ng mga lalaki na tumulong sa kanya. Mangangaso pala ang mga ito nang makita siya.
Mahaba ang hiwa ng sugat niya at malalim. Mabuti at hindi tumagos sa buto. Mahilo-hilo na siya kanina sa dami ng tumagas na dugo sa kanya.
"Buti ito lang inabot mo," sabi ng Auntie Lourdes niya na napasugod sa health clinic kasunod ng pagdadala sa kanya sa health center. “Kung umabot sa buto iyan o may napuruhan kang vital organs, papupuntahin ko na dito ang nanay mo.”
Hinawakan niya ang braso ng tiyahin. “Auntie, huwag po kayong mag-alala. Okay lang naman po ako.”
“Anong okay? May gustong pumatay sa iyo tapos okay lang?” tanong ni Cardo na nakatayo sa may pinto ng pinaggagamutan niya.
Nakasuot ng white T-shirt na may logo ng PNP at pantalong maong. Mas mukha itong sibilyan kaysa pulis nang mga oras na iyon at mapupungay pa ang tama. Mukhang kagigising lang nito.
Mariin siyang pumikit. Masakit na ang tahi sa kanya dahil parang di naman siya tinatalaban ng anaesthesia. Manhid na lang sana siya ngayon o kaya ay pwede siyang matulog para maiwasan niya ang komprontasyon kay Cardo.
“Kumusta po siya?” tanong ng binata sa nurse.
“Malalim ang saksak niya sa braso. May pasa din sa balakang dahil sa pagkakabagsak nang tumatakas siya at iba pang galos sa katawan dahil sa panlalaban. Maswerte siya dahil kung hindi siya nakaiwas, baka kung anong vital organ na niya ang tinamaan. It could be fatal,” paliwanag ng nurse.
“Anong ginagawa mo dito?” naniningkit ang mata na tanong ni Beliza sa binata. Ayaw niyang nakikita siya nito habang mahina siya.
“Pulis ako,” sagot ni Cardo at humalukipkip.
“Alam ko. Pero di naman ikaw ang mag-iimbestiga sa akin. May iba nang kukuha ng statement ko. Hindi ka kailangan dito.”
Ang kasamahan nitong policewoman na si Erminda ang mag-iimbestiga sa kanya. Nasa labas ito dahil nakiusap siya na tapusin muna ang pagtahi sa sugat niya bago siya kuhanan ng statement. Mahirap kausapin habang ginagamot. Ang tanging ang pagkakakilanlan lang ng babaeng gustong pumatay sa kanya at ng batang lalaking inutusan ng babea ang ibinigay niya para makakuha ng lead.
“Ako dapat ang bantay mo,” sabi ni Cardo at humalukipkip.
“Hindi ko kailangan ng bantay. May mga pulis na sa labas. Di kita kailangan sa tabi ko,” giit ng dalaga.
“Sa akin ka ibinilin ni Jeyrick pero umalis ka nang di nagpapaalam,” sabi ng lalaki. “Nakita mo ba kung gaano kadelikado sa iyo ngayon? May gustong pumatay sa iyo. Bakit ba matigas ang ulo mo?”
“Dumalaw lang ako sa lola ko. Diyan lang ako sa baba. Mababait ang mga tao dito. Di ko naman alam na may gusto akong patayin dahil kay Jeyrick.”
“Ay, Apo!” bulalas ni Auntie Lourdes at sinapo ang noo. “Iba talaga ang nangyayari dito sa atin mula nang maging Carrot Man si Jeyrick at sumikat. Di natin alam kung sinu-sino na ang humahalo sa atin. Paano kung balikan kami ng pamangkin ko?”
“Huwag po kayong mag-alala, Manang Lourdes. Nasa tapat lang po kayo ng police station. Protektado po namin kayo at walang magkakalakas ng loob na basta na lang kayong saktan. At mula ngayon, hindi ko na po aalisin ang pamangkin ninyo sa paningin ko,” paniniyak ni Cardo.
Yumakap kay Cardo ang tiyahin niya. “Maraming salamat. Alam ko talaga na maasahan ka namin at ipagtatanggol mo kami kung may mananakit sa amin.”
“Basta ako po ang bahala sa inyo.”
“Nurse Jodie Mae, pwede bang sa labas na muna si Officer Chogsayan para matapos na agad tayo dito?” request ni Beliza sa nurse.
“Naku! Mas secured ang pakiramdam ko. Ikaw ba, gusto mong dagdagan pa ang injury mo? Pasalamat ka may nagbabantay sa iyo,” sabi naman ng nurse na di nalalayo ang edad sa kanya. Akala mo naman ay ito ang may baliw na stalker at hindi siya. Di naman siguro magkakalakas ng loob na lapitan siya ng killer sa dami ng mga bantay niya.
Nakakainis talaga. Lumalabas na si Cardo ang protektor ng mga naapi. Habang iresponsable siya at matigas ang ulo kaya siya napahamak. Hustisya naman. Parang dito pa napunta ang simpatya ng iba. Ito na naman ang bida.
“Ayan! Tapos ko nang i-stitch ang sugat mo. We must watch out for fever. Baka may infection.” At binigyan siya nito ng gamot para makontra ang pamamaga.
“Pwede bang lagyan ng sling ang kamay niya, Nurse Jodie Mae?” tanong ni Cardo.
“Bakit may sling pa? Mas mahihirapan akong kumilos kapag nilayan ng sling,” angal ng dalaga.
“Iyon nga ang problema. Tiyak na magkikikilos ka kahit na may sugat ka. Paano gagaling iyan kung di ka naman mapipigilan na igalaw ang braso mo?” tanong ng binata.
“Tama siya.” Nanghaba ang nguso ni Beliza sa pagsang-ayon ni Jodie Mae. “Mas masasaktan ka lang kapag masasanggi iyan o mapupwersang galawin.”
“Beliza, ‘yang nguso mo ayusin mo. Ikaw na nga ang inaalala, ikaw pa ang galit,” sermon sa kanya ng tiyahin. “O gusto mong pauwiin kita sa Bauko?”
Umiling agad si Beliza. “Auntie, huwag po ninyong sabihin sa kanila. Ayoko po munang bumalik sa Bauko.”
Ayaw niyang madamay sa gulong ito ang pamilya niya. Siya lang naman ang target ng killer. Hindi kailangang madamay ang pamilya niya. Malayo ang police station sa bahay nila di gaya sa Barlig na kaharap lang nila ang istasyon ng pulis. Wala silang matatakbuhan kapag may nagtangka sa buhay nila.
Baka di na siya makalabas ng bahay oras na malaman ng magulang niya na may nagtangkang pumatay sa kanya. Baka palayuin na rin si Jeyrick sa kanya. Mas mahihirapan na ang pag-ibig nila. Ngayon pa ba siya susuko kung kailan buwis-buhay na siya dahil sa pag-ibig niya sa kaibigan?
“Ayusin mo ang mukha mo. Lahat kami dito nag-aalala sa iyo. Parang ikaw pa ang hindi natutuwa na inaalala ka,” sermon ng tiyahin.
“Opo, Auntie. Susundin ko na po lahat ng gusto ninyo,” nakayukong sabi ni Beliza.
Walang nagawa si Beliza. Nakabantay sa kanya habang kinukuhanan siya ng statement. Tumutulong din ito sa pagtatanong lalo na nang ikwento niya kung paano pinagtangkaan ang buhay niya.
“Pumunta ka sa isang masukal na lugar nang mag-isa ka lang?” mataas ang tonong tanong ni Cardo. “Di mo ba naisip kung gaano kadelikado iyon?”
“May bata naman kasi na nagsama sa akin. Saka pakiramdam ko lahat ng tao dito magkakaibigan at magkakakilala,” paliwanag ng dalaga. “Kung sumama ka na lang kaya sa paghahanap sa gustong pumatay sa akin. Mas makakatulong ka pa.”
“Bok, huminahon ka lang. Hindi ito ang oras para sermunan mo ang biktima,” pagpapakalma dito ng kasamang pulis. Ngumiti sa kanya ang babae. “Sige. Ituloy mo lang. Nag-aabang na pala siya sa akin sa likod ng puno. Sinugod niya ako at sinaksak. Nanlaban ako. Sinabuyan ko siya ng lupa nang sasaksakin na naman niya ako. Nakatakas lang ako at tinulungan ng mga mangangaso para madala dito."
“Kilala mo ba ang babaeng nagtangkang pumatay sa iyo?” tanong ni Erminda, ang babaeng pulis na kasamahan ni Cardo.
Umiling siya. “Medyo madilim pero naalala ko ang mukha niya. Almond-shaped ang mga mata niya, katamtaman ang tangos ng ilong at malapad ang labi. Basta nanlilisik ang mga mata niya. Sabi niya siya daw si Carrot Girl at sa kanya lang si Carrot Man. Isa lang daw ang pwedeng matira sa amin," kwento ni Beliza.