"May obssessed fan si Carrot Man. Pumunta pa ng Barlig para lang manakit," sabi ng Officer Erminda.
"Pero di natin masasabi dahil baka tagadito din siya. Alam niya ang area. Di ka basta-basta makakapunta sa gubat na iyon kundi niya alam ang lugar. Kailangan nating paimbestigahan ang area na iyon o kung may dumadaing na masakit ang mata. Di siya basta-basta makakalayo kung talagang nasaktan siya,” singit ni Cardo.
"Kailangan bang saktan ako?" tanong ni Beliza. "Wala naman akong ginagawang masama."
“Lumalabas na may gusto siya kay Jeyrick. Iyan ang paraan niya parap alisin ka sa landas niya. May psychological disorder ang mga ganoong tao at di mo makokontrol ang pwede nilang gawin. Unpredictable din ang mga kilos nila,” paliwanag ni Cardo. Bumaling ito sa kasamahan. “This is serious.”
Kalaunan ay dumating ang search party na naghanap sa gustong pumatay sa kanya. “Nahuli na ba ninyo ang gustong pumatay sa pamangkin ko?” tanong ni Manang Lourdes.
“Sinusuyod namin ang buong area. Wala kaming makita. Malawak ang Barlig. Kahit saan pwedeng sumuot sa mga kagubatan dito lalo na kung kabisado nila. Kinuhanan din namin ng statement ang batang sinasabi mo. Nagbigay din siya ng description pero di rin niya kilala kung sino ang babaeng gustong pumatay sa iyo. Noon lang daw niya nakita. Binigyan daw siya ng isang libo para ibigay ang bulaklak sa iyo at dalhin ka sa gubat,” salaysay ni Officer Dayag sa kanila.
“Kaninong lupa ang crime scene?” tanong ni Cardo.
“Kay Apo Magdulay. Pero nasa Amerika na ang matanda at ang asawa niya. Ang malayong kamag-anak nila ang naiwan doon pero pareho naman silang nasa 40s na. Wala rin silang anak. Malayo sa description na bigay mo,” paliwanag ni Officer Dayag. “Baka dumayo lang sa parteng iyon dahil may sariling kalsada ang area. But we will investigate further, Ma’am. Magpo-post po kami ng magbabantay sa inyo.”
“Hindi ka na pwedeng masyadong maging kampante, ngayon. Iba na ang panahon, Beliza,” sabi ni Auntie Lourdes.
Tumango na lang ang dalaga at niyakap ang sarili. Di siya komportable na nakakawala pa rin ngayon ang obssessed fan ni Jeyrick. Na maari itong umatake anumang oras at saktan siya o ang mga mahal niya sa buhay. Hindi niya alam kung paano siya mamumuhay nang normal ngayon.
“Sana maging confidential ito at huwag nang kumalat sa iba. Baka makarating pa sa pamilya ko,” pakiusap ng dalaga.
“Di namin maipapangako dahil may social media. Kailangan din malaman ng mga tao dito na may isang taong mapanganib na gumagala sa Barlig para mag-ingat sila,” paliwanag ni Officer Dayag.
“Naiintindihan po namin, Sir Dayag,” sabi ng tiyahin niya. “Ako na ang magpapaliwanag sa pamilya ng pamangkin ko.”
“Dahil sa pagsikat ni Jeyrick at dahil sinabi mo na girlfriend mo siya kaya ikaw ang naging target,” sabi ni Cardo habang nakasandal sa dingding.
Naiiritang nilingon ito ni Beliza. “Sinisisi mo ba ako dahil sinabi ko na girlfriend niya ako? Sinasagot ko lang naman ang tanong ng mga reporter.”
“Di kita sinisisi. Gusto ko lang isipin mo na mag-ingat mula ngayon. Sikat na si Jeyrick. Parang public property na siya kasama ka. Di na kayo mga pribadong tao. At nanganganib ba ang kaligtasan mo,” paliwanag na mahinahon ni Cardo. “Hindi ko gugustuhing masaktan ka, Beliza.”
Lumambot ang puso ng dalaga nang makita ang lungkot sa mata ng lalaki. Hindi niya ito kaaway. Nagmamalasakit sa kanya si Cardo. Naalala niya bago siya mamatay na isa ito sa mga malulungkot kapag nawala siya. Aawayin at kokontrahin ba niya ito ngayong buhay na siya?
“Pwede bang umuwi na ako at magpahinga?” tanong ni Beliza. Masyadong maraming nangyari sa araw na iyon. Gusto na niyang ipanatag ang isip niya.
“Kailangan mong mag-stay muna dito para obserbahan. Baka magkaroon ng impeksyon sa sugat mo,” sabi ng nurse.
“Dito po? Di ba pwedeng umuwi na ako sa Seaworld Inn. Pakiramdam ko mas ligtas ako doon.” Bukod sa nasa sarili niyang kuwarto ay katapat lang niya ang police station. Di naman siguro siya susugurin doon ng papatay sa kanya dahil maraming bantay.
“Dito ka muna. Sina Officer Chogsayan at si Officer Edward Garuda na ang magbabantay sabi ni Chief,” sabi ni Erminda. “Sila po ang may training sa ganitong insidente. Hindi nila kayo pababayaan.”
Bumuka ang bibig ni Beliza para kumontra. Kailangan bang kasama si Cardo sa magbabantay sa kanya. Pero naalala niya na nasa panganib ang buhay niya. Minsan na siyang napahamak dahil tinakasan niya si Cardo. Mas mapapagod lang siya kung makikipagtalo siya. Mas alam ng mga tao sa paligid niya kung ano ang tamang gawin.
“Magpahinga ka na dito. Hindi ka namin pababayaan,” sabi ni Cardo sa malumanay na boses at ngumiti.
Napanatag siya sa sinabi nito. Tiwala naman siya na poprotektahan siya ng lalaki. Di ito papayag na may masamang mangyari sa kanya.
NAKATINGIN sa labas ng bintana si Beliza habang naririnig niya ang nurse na si Jodie Mae na nagkukwento tungkol sa manliligaw nitong Bumbay na nagpapatakbo ng call center sa Baguio. Inookupa niya ang isa sa mga hospital bed sa health center. May bantay siya na nurse at dalawang pulis kasama na si Cardo. Sarado ang health center kapag gabi pero mabuti nang naroon siya kung magka-emergency man. Palalabasin din daw siya ng center kapag natiyak na maayos ang kondisyon niya at walang impeksyon ang sugat niya. Medyo masakit pa ang bugbog sa balakang niya kaya di rin siya naggagalaw sa higaan.
Nakakabaliw ang sitwasyon niya. Nasa panganib ang buhay niya at wala siyang kalaban-laban. Lahat ng kilos niya ay kailangan niyang ipaalam ngayon sa mga sa mga tao sa paligid niya. Daig pa niya ang bilanggo.
“Oy! Tinatanong kita. Paano ka naging girlfriend ni Carrot Man?” tanong nito.
“Uhmmm.. Wala lang. Friends kami na in love sa isa’t isa. Ganoon. Wala namang kakaiba sa kwento namin. Dati pa kaming magkaibigan. Gusto lang niyang hintayin na makatapos ako ng college. Alam kasi niya na importanteng makatapos ako.”
“Mamaya na ang kwentuhan ninyo,” singit ni Cardo sa usapan at may dalang tray. “Nandiyan na ang pagkain. Nurse Jodie Mae, ako na ang bahala kay Beliza.”
“Salamat. Sasabayan ko na si Officer Garuda na kumain,” sabi ng babae.
Inilagay ni Cardo ang tray sa mesa sa tabi ng hospital bed. “Nagpadala ng vegetable mami si Manang Lourdes para daw makahigop ka ng sabaw.”
Umuwi ng bahay ang tiyahin niya para asikasuhin ang apo nitong si Monique na isang taon pa lang at ang asawa nitong si Uncle George na mino-monitor din ang pag-inom ng gamot. Hindi ito makaalis nang matagal sa bahay dahil may iba pamilya din itong inaalagaan. Kahit paano sa health center ay may mga bantay siiya. Di na siya gaanong aalalahanin ng tiyahin.
Kung papalarin ay mahuhuli na rin ang babaeng nagtangkang pumatay sa kanya bukas. Hindi na siya kailangan pang bantayan.
“Walang manok?” malungkot niyang tanong. Ang alam niya ay chicken mami ang ulam nila sa gabing iyon.
“Iwas daw muna sa malansa. ‘Yang sugat mo.”
“Para kang nurse.”
“Kilala kita, Beliza. Kung ano ang maipilit mo kahit na mali.”