“Salamat. Pakilagay na lang dito ang bed tray,” pakiusap ni Beliza at tinapik ang kandungan. Sumunod naman sa kanya si Cardo.
Awtomatiko niyang iginalaw ang kanang kamay para damputin ang kutsara. Saka niya naalala na naka-sling siya. Kaliwa lang ang pwede niyang gamitin.
”Mukhang nahihirapan kang sumubo. Ako na lang ang magpapakain sa iyo,” prisinta ni Cardo sa kanya.
Ngumiti si Cardo. Naalala niya kung paano siya nito alukin na ipag-alis ng tinik at subuan nang patago pa silang nagde-date noong college o kaya ay habang gumagawa ng assignment. She felt warm inside. Nakakatuwa na hanggang ngayon ay malambing at maalaga pa rin ito sa kanya.
Gusto niyang tampalin ang sarili. Beliza, girlfriend ka ni Jeyrick. Wala ka nang oras para balibak ang nakaraan ninyo ni Cardo. Walang malisya kung alagaan ka man niya at huwag na ring ma-tempt na magpaalaga. Mahina ka ngayon. Hindi mo alam kung ano ang pwede mo na namang maalala at magawa sa kanya.
“Ako na lang. Kaya ko na ang sarili ko,” kontra ni Beliza at mas tinatagan ang paghawak sa kutsara sa kaliwang kamay para ipakita na kaya niya.
Tumango ang binata. “Sige. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ako. Nandito lang ako sa labas.”
Lumabas ito sa kuwarto pero nararamdaman niya ang presensiya nito sa labas. Mainit pa ang mami at bagong luto. Mabango ang usok na nanunukso sa ilong niya. Takam na takam na siya.
Pero na-frustrate lang siya dahil di niya mahigop mabuti ang sabaw nang ilapit niya sa bibig. Hinigop agad niya at naalangan ang pagkakahawak niya. Napaso siya sa mainit na sabaw at tumapon pa ang iba sa baba niya.
“Aaaahhhh!” sigaw niya at nabitawan ang kutsara. Pakiramdam niya ay nalapnos ang labi at dila niya doon. Dali-dali niyang pinunasan ng tissue ang bibig at baba. Inilabas din niya habang pinapaypayan ng kamay ang dila.
Hangos na pumasok si Cardo at nakahanda agad ang baril. “Anong nangyari?” tanong nito at pumuwesto pa sa bintana para tingnan kung may tao. “May nakita ba sa labas?”
“Wala. Napaso ako,” sabi niya at natutop ang bibig.
“Alam mo namang mainit iyan,” sabi ng binata at pumalatak. Hinawakan nito ang baba niya. “Bakit ito namumula? Pati dito napaso ka?”
“Hindi ako sanay sa kaliwa,” napipilitang amin ng dalaga. “Natapon tuloy ang sabaw.”
“Kailangan mo ng tulong?” malumanay na tanong ni Cardo.
“Okay lang ba?” nahihiya niyang tanong.
Mataas kasi ang pride niya kanina. Tatanggi-tanggi at inaaway pa niya ang lalaki kanina. Magpapasubo rin pala siya dito sa huli. Wala na siyang oras makipagpataasan ng ihi dito. Nanlalambot na siya sa gutom. Hindi nga siya mamamatay sa pagkakasaksak ng baliw na fan ni Jeyrick pero sa gutom naman siya mawawalan ng ulirat. Kailangan niyang bumawi ng lakas dahil nagpapagaling siya.
“Oo naman,” sabi ng binata at umupo sa hospital bed. Sumalok ito ng sabaw at hinipan saka inilapit sa bibig niya. “Heto na.”
Bumuka ang bibig niya. Hinayaan niya ang lalaki na subuan siya. Malakas ang tibok ng puso niya lalo na nang magsalubong sila ng nakangiti nitong mga mata. Sinubukan niyang iiwas ang mga mata dito pero mahirap yata iyon dahil makakahalata ito na umiiwas siya.
“Mama ya ka na mag-isip. Kumain ka muna,” sabi ng lalaki.
Saka niya napansin na nakaumang ulit sa bibig niya ang tinidor naman na may nakapulupot na noodles. “Sorry.” At sumubo agad. Nakailang subo na ito sa kanya nang may maalala si Beliza. “Hindi ka ba nagugutom?”
“Okay lang ako. Makita lang kitang busog, busog na rin ako.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Huwag mo akong paandaran ng mga ganyan. Di na ako mauuto.”
“Iyon naman talaga ang nararamdaman ko. Masyado kang seryoso,” sabi nito at sumalok ulit ng noodles. “Akala ko pati itong pagkain mo pagtatalunan pa natin. Masaya ka kasi na kinokontra mo ako. Kita mo, nang umalis ka nang walang paalam at di ko alam saan ka nagpunta, muntik kang mamatay. Ngayon naman hirap ka sa kaliwa pero pinilit mo pa rin.”
“Oo na. Ako na ang mali. Ako na ang matigas ang ulo. Ikaw na ang tama.”
“Di kita pinagmamalakihan. Alam ko na hindi madali ang pinagdaanan mo. Di mo gustong mapahamak o masaktan. Pero di mo ako kalaban dito. Magkakampi tayo. Nandito ako para alagaan ka kahit na magalit ka sa akin. Kaya sana huwag mo na lang akong labanan dahil kapakanan mo ri naman ang iniisip ko. Namin.”
“Susubukan ko,” nausal niya.
“Ayan ka na naman. Kokontra ka pa,” angal ng lalaki.
“Sabi ko subuan mo ako. Gutom na talaga ako. Please,” malambing niyang sabi.
Hindi siya kokontra kay Cardo sa ngayon. Napaka-ungrateful naman niya kung ito na ang nag-aalaga sa kanya pero tatanggihan pa niya. Wala siyang mapapala at lalo pa siyang masasaktan o kaya ay manganganib ang buhay.
Hindi normal ang sitwasyon ngayon. She was at a disadvantage. Bukod sa may gustong pumatay sa kanya, wala rin siyang kalaban-laban dahil isang kamay lang niya ang gumagana. Kailangan niya ng lahat ng tulong at proteksyon na maibibigay sa kanya ng mga nagmamalasakit.
She felt better now. Di naman pala ganoon kasama kung hahayaan niyang alagaan siya nito. Mas mabilis siyang gagaling kung di niya kokontrahin ang bawat pagmamalasakit nito. Saka na siguro ang pride kapag gumaling na siya.
Hindi lang gusto ni Beliza ang mumunting kilig na sumibol sa puso niya nang muli siyang ngitian ni Cardo bago siya subuan.
Beliza, di na ikaw ang teenager na nadaan niya sa pa-cute at pagpapakilig. Twenty-two ka na. Grow up. Girlfriend ka na ni Jeyrick kahit na di naman talaga kayo. Sa kilig ka rin nasira dati. Patayin ang kilig.
Pero paano nga ba huwag kiligin sa lalaking minsan nang nanakit sa kanya? Hindi rin alam ng puso niya ang sagot.
MAHIMBING na ang tulog ng nurse na si Jodie Mae sa extrang hospital bed sa kuwarto niya pero dilat na dilat pa rin si Beliza. Pagod na ang katawan niya pero patuloy pa rin ang paggana ng utak niya. Ganitong oras kasi siya nagre-review. Hiningi niya sa Auntie Lourdes niya ang reviewer pero di daw nito ipinadala para daw makapagpahinga siya. Bahagya ring kumikirot ang sugat niya dahil sa lamig.
Di siya nakatiis at bumangon. Nang lumabas siya sa kuwarto, naabutan niya na nagkukwentuhan sa upuan sa tabi ng pinto sina Cardo at si Officer Garuda na mukhang inaantok na. Biglang tumayo si Officer Garuda nang makita siya. “Ma’am, bakit po gising pa kayo?”
“Hindi pa kasi ako inaantok. Pwedeng sumali sa kwentuhan?” tanong niya at lumapit sa mga ito.
“Magtitimpla lang ako ng kape. Gusto ninyo?” tanong ni Officer Garuda.
“Si Cardo na lang. Baka lalo akong di makatulog,” sabi naman ni Beliza. “Tubig na lang. Salamat.”
“Baka naman gutom ka. May biscuit kami dito at tinapay,” sabi ni Cardo nang umalis para magtimpla ng kape ang kasamahan nito.
Umiling ang dalaga. “H-Hindi. Sanay lang ako na gising nang ganitong oras dahil review ko. Sanay lang ako na kaharap ang reviewer ko. Iniisip ko tuloy kung hanggang kailan ako ganito. Kung kailan ako makakabalik sa normal na buhay.”
“Hindi titigil ang mga kasamahan ko hangga’t di nahuhuli ang gustong pumatay sa iyo. Makakapag-review ka pa rin.”
Umiling si Beliza. “Di ko alam kung kakayanin ko. Hangga’t nasa paligid lang ang pumatay sa akin, parang di ako makakapag-isip mabuti.”
Hinawakan nito ang kamay niya. “I will try my best to give you peace so you have nothing to fear. Para makabalik ka sa normal na buhay.”
Tumingin ang dalaga sa kamay niyang hawak nito. Peace? Paano naman siya magkakaroon ng peace kung parang may mga dagang naghabulan sa tiyan niya dahil lang sa paghawak ni Cardo sa kanya niya?
Ano ba naman ang gagawin niya sa isang lalaking guwapo at ipagtatanggol pa niya? Hindi ba iyon naman ang gusto ng kahit sinong babae? Pero di naman ibig sabihin ay may nararamdaman siyang espesyal dito. Parang crush.
Sino ba ang inuto mo, Beliza? Di naman lahat ng pulis bet mo. Kay Cardo ka lang naman nagkakaramdam nang kakaiba.
She wanted to hate herself. Gusto niyang dumistansiya dito. Pero panatag ang loob niya habang hawak ng binata ang kamay niya. Mas magaan ang pakiramdam niya na nakatitig ito sa kanya kaysa nang mag-isa siya kanina.