Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 7

“KAYO ang nagpaanak kanina sa bata, Sir Cardo? Hindi ba kayo natakot?” tanong ni Rakel sa lalaki habang naghahapunan sila sa labas ng bahay. May bonfire at naghanda pa ng basi o sugar cane wine ang ama niya bilang pasasalamat kay Cardo. Nakatuon ang atensyon ng mga tao dito habang ikinukwento kung bakit ito nahuli sa pagdating kanina. Di na umabot sa ospital ang manganganak kaya sa emergency vehicle ng munisipyo na ito pinaanak sa tulong ng midwife at ni Cardo mismo.

“Kinabahan din po pero kailangan pong malakas ang loob. Ligtas po ang mag-ina sa awa ng Ama. Kaya po na-appreciate ko po lalo ngayon ang nanay ko. Di po pala madali ang manganak,” sabi ng guwapong pulis at isang mabait na ngiti ang sumilay sa labi nang sulpyapan ang ina niyang si Manang Merlita.

“Kaya hindi dapat niloloko at sinasaktan ang mga babae,” dugtong naman ng ama niyang si Manong Omar. “Kaya iyon din ang pangarap ko sa mga anak ko. Na makatagpo sila ng lalaking di sila iiwan.”

“Nakakahiya naman na ikaw pa ang kinuha ni Jeyrick na pumalit sa kanya,” sabi ng Ate Rakel niya. “Siyempre priority ninyong mga pulis ang bayan.”

“Mabuti na lang zero crime rate ang Barlig. Day off ko naman hanggang bukas. Mabuti rin po na nakapasyal ako sa inyo dahil matagal ko na pong gustong makagala sa Bauko. Naiku-kwento kasi ni Beliza dati.”

“Dati?” nakakunot ang noong tanong ng Ate Rakel niya.

“Makadati ka naman. Para namang matagal na tayong close,” sarkastikong sabi ni Beliza. “Kailan lang naman tayo nagkakilala. Hindi ba nagtatanong ang girlfriend mo kung nasaan ka?”

“Wala po akong girlfriend,” kaila ng binata.

“Baka naman girlfriends ang meron,” nakangiti na pang-aasar ni Beliza sa lalaki. Wala siyang nabalitaang nililigawan o nobya ng lalaki. Malay ba niya kung sinu-sino ang ka-text at ka-Facebook nito.

“Di naman po lahat ganoon,” anang si Cardo sa malungkot na boses at lumamlam ang mga mata.

Tumirik ang mga mata niya. “Maniwala ako,” mahina niyang usal.

“Mahal, baka naman hindi katulad ni Sir Cardo ng dati mong asawa na sumakabilang bahay. Mukha naman siyang responsable at maginoo. Tumulong siya sa atin kahit di naman niya tayo kilala. Kamag-anak iyan ni Jeyrick kaya tiyak ko na may mabuti rin siyang puso,” depensa naman ng ama ni Beliza.

Saka lang humupa ang emosyon ni Manang Merlita. “Pasensiya ka na, Sir Cardo. May mga bagay lang sa nakaraan na...” Sinapo ng ina niya ang dibdib.

Ginagap ni Cardo ang kamay ng nanay niya. “Naiintindihan ko po kayo. Naikwento po sa akin ni Beliza ang nangyari noong bata pa siya.”

Napalingon agad siya kay

“Hindi pala-kwento ang anak ko at iilan lang ang kaibigan niya,” sabi ng Manang Merlita. “Mabuti naman at may bago siyang kabigan sa iyo, Cardo.”

“Kundi lang ako may asawa, ako na lang sana mag-a-apply na girlfriend mo,” sabi ng ate niya habang nakapangalumbaba.

“Ate ha?” kontra niya at ngumuso sa asawa nito.

Tumawa lang ang Kuya Budoy niya. “Aba! Kundi ko nga lang asawa itong si Rakel, gusto ko rin mag-apply kay Sir Cardo.”

Sumimangot bigla si Rakel at siniko ang asawa. “Mahal, ha? Wag ganoon.”

“Aba! Ang lagay ikaw lang ang pwedeng manghinayang kay Sir Cardo?” anang si Budoy at inakbayan si Rakel. “E di ikaw na lang ang mag-apply na girlfriend ni Sir Cardo, Beliza. Tutal ikaw naman ang single.”

“Naku! Wala akong oras sa mga ganyan. Wala pa nga po akong trabaho, magbo-boyfriend pa,” nakaingos niyang sabi at tumayo. “Excuse me po. Tatawagan ko lang si Jeyrick. Kukumustahin ko.”

“Ito naman, aabalahin pa si Jeyrick,” kontra ni Manang Merlita. “Hayaan mo na ang kaibigan mo. Minsan lang niya makakasama ang mga kaklase niya sa Baguio. Mula nang tumigil sa pag-aaral si Jeyrick, wala na siyang ginawa kundi asikasuhin ang pamilya niya at ikaw na rin. Kundi sa bukid, nagga-guide siya ng mga turista. Tapos lagi ka pang nagpapasaklolo kapag may kailangan sa kanya. Paano makakapag-girlfriend iyan kung hindi mo siya bibigyan ng kalayaan?”

“Nag-aalala lang naman po ako. Baka mamaya lait-laitin na naman si Jeyrick ng partido ng Paloma na iyon. Naalala ba ninyo kung gaano nila maliitin si Jeyrick dati?” tanong niya sa mga ito.

“Hayaan mo na ‘yung tao kung gusto niyang makasama ang mga kaibigan niya. Huwag kang madamot, anak. Hindi lang ikaw ang kaibigan ni Jeyrick. At hindi mo naman masasabi kung ano ang pwedeng mangyari. Baka oras na para magkita silang dalawa ni Paloma,” sabi ni Manang Merlita.

“Kaysa pinoproblema mo si Jeyrick, mas mabuti kung aasikasuhin mo na lang ang pinsan niya,” suhestiyon ng Ate Rakel niya at ngumuso kay Cardo. “Kung ayaw sa iyo ni Jeyrick, di ka naman lugi sa pinsan. Mukhang yummy.”

“Ate, hindi ka nakakatulong,” angil ni Beliza sa kapatid. Tinalikuran na lang niya ito dahil parang nananadya lang na asarin siya. Akala niya ay magkakampi sila pagdating kay Jeyrick. Pero ngayon ay itinutulak pa siya kay Cardo.

Bakit pa naghahanap ng iba si Jeyrick kung nandito naman ako? Ano pa ba ang aayawan niya sa akin?

Sa loob ng mahabang panahon ay magkaibigan sila. Nasasakyan nila ang trip ng isa’t isa. Mula nang makilala niya si Jeyrick, di na siya nagkainteres sa ibang lalaki. Magkasundo sila. Hindi niya ito iiwant at hindi niya ito sasaktan gaya ng ginawa ni Paloma. Kung sa ganda ay di rin naman siya magpapahulikay Paloma. Di nga lang siya singer. Sintunado siyang kumanta.

Hindi naman singing contest ang pag-ibig. Sa mga bagay na mas importante, sigurado ako na mas lamang ako sa Palomang iyon.

Tinawagan niya si Jeyrick pero di na ma-contact ang cellphone nito. Walang nagawa si Beliza kundi padalhan ito ng text message sa pag-asang mabasa nito. “Jeyrick, mag-reply ka naman please. Tatawagan kita agad. Mag-usap tayo. Sige na,” mahina niyang pakiusap.

“Baka ayaw magpaabala ni Jeyrick o kaya walang signal sa dinadaanan nila. Hayaan mo na siya.”

Nasira lalo ang mood ni Beliza nang marinig ang boses ni Cardo. Hanggang dito ba naman ay pinakikialaman siya nito? “Gusto ko lang matiyak na ligtas si Jeyrick sa Paloma na iyon. Masasaktan lang siya.” Isang manggagamit si Paloma. Matapos nitong makuha ang lahat ng kailangan kay Jeyrick noon ay basta na lang nitong iniwan sa ere. “Kasalanan mo kasi ito. Hindi na sana sasama si Jeyrick sa kasal na iyon kung di lang dahil sa iyo.”

“Paanong kasalanan ko? Nagmagandang-loob lang naman ako sa pinsan ko nang hingan niya ako ng pabor sa pag-aani dito sa bukid ninyo.”

“Ayoko ngang nandito ka. Si Jeyrick ang gusto kong nandito.” Sayang lang ang strategy niya para di mapasama sa kasal ang binata. Palpak din pala.

Naniningkit ang mga matang pinagmasdan ni Cardo si Beliza. “Huwag mong sabihing sinadya mo itong pagpapatulong kay Jeyrick sa pag-aani para lang pigilan silang magkita ni Paloma?”

Gusto nang batukan ni Beliza ang sarili. Di niya dapat pinagkakausap si Cardo. Isa sa nagustuhan niya noon sa lalaki ay ang talas ng utak nito. Kaya marahil ito naging isang magaling na imbestigador. “Siyempre hindi,” kaila ng dalaga. “Walang masama kung gusto kong protektahan ang kaibigan ko.”

Ngumisi lang si Cardo. “Nanay ka ba niya? Hindi na bata si Jeyrick para problemahin. Kaya niya ang sarili niya. Kailangan niyang gawin iyon para maharap niya ang mga bagay na kinatatakutan niya. Saka malay mo sa pagkakataong ito si Paloma naman ang maghabol sa kanya.” Ngumisi ang lalaki. “Bawi na siya sa sama ng loob.”

Namaywang si Beliza. “Kung anu-anong ilusyon ang ipinapasok mo sa utak ni Jeyrick. Palibhasa madali lang sabihin iyan sa iyo. Di mo pa kasi alam kung paanong masaktan. Mas sanay kang ikaw ang nananakit, ikaw ang nang-iiwan.”

Napapatda sa kanya si Cardo. “Bakit sa akin napunta ang usapan?”

“Kasalanan mo kasi kung bakit magkikita ngayon sina Jeyrick at Paloma. Okay na sana ang lahat...”

Sinapo ni Cardo ang batok. “Kasalanan ko talaga? Nandito lang naman ako para makatulong. Palibhasa di natuloy ang plano mo. Iba kasi ang plano mo."

“Nang-aasar ka ba?”

“Alam mo kung ano ang problema sa iyo, Beliza? Gusto mo kasing paikutin ang mga tao sa paligid mo at pasunurin mo sila sa lahat ng gusto mo. Hindi ka nakikinig. Gusto mo lang sarili mo ang pakinggan mo.”

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Ang lakas ng loob ng lalaking ito na pagsalitaan siya. “Kasalanan ko pa ngayon? Kasalanan ko kung bakit tayo nag-break dati? Ikaw nga itong nagpilit pumasok ng PNPA kahit na ayokong magpulis ka. Sinabi ko na sa iyo na ayoko. Pero pinili mo pa rin si Glenda.”

“Wala akong sinabi na mag-break tayo dahil lang papasok ako sa PNPA. Hindi si Glenda ang dahilan kung bakit pumasok ako doon. Iyon ang pangarap ko. At ang alam ko, kung mahal mo ang isang tao, hahayaan mo na abutin niya ang mga pangarap niya. Hindi ako nawala sa iyo noon, Beliza. Ikaw ang bumitaw.”

“Mawawala ka rin naman sa akin talaga dahil kay Glenda...”

Naging seryoso na ang anyo ni Cardo. Matiim siya nitong tinitigan na parang di makapaniwala sa mga lumalabas sa bibig niya. “Akala ko naman mas nag-mature ka na ngayon. Graduate ka na ng college, Beliza. Magiging CPA ka na nga. Ganyan ka pa rin mag-isip? Parang bata.”

“Anong sabi mo?”

“Makasarili ka. Mawawala din sa iyo si Jeyrick kapag hindi mo tinigilan ang pagmamanipula sa kanya.”

Sinakmal ng takot si Beliza. Matagal na silang magkasama ni Jeyrick. Iningatan niya ang samahan nila. Anong karapatan ni Cardo na bumalik sa buhay niya at sabihing makasarili siya at mawawala rin si Jeyrick sa kanya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.