“Hindi ako makasarili. Gusto ko lang protektahan ang taong mahal ko. Masama na ba iyon? Mas tama ba na wala na lang akong pakialam sa mga taong mahalaga sa akin at hayaan ko silang masaktan?”
“Beliza, kailangang lumayo ng tao minsan para hanapin ang sarili niya at tuparin ang pangarap niya. Pero di ibig sabihin no’n, tuluyan ka na niyang iniwan. Ang totoong nagmamahal, babalik at babalik para sa iyo. Sana hindi mo na ulitin ang pagkakamali mo dati.”
“Ako pa ang mali ngayon? Ako pa talaga...”
“Maari kang magmahal nang di nakakasakal kundi ka lang laging nagpapatalo,” sabi ng binata at nagpalad palayo.
Ang lakas ng loob nito na bigyan siya ng lecture sa pagmamahal. Palibhasa di naman ito nagmahal ng totoo. Hindi ito ang nang-iwan sa kanya. Malinaw iyon. Pero paano kung mahal talaga siya nito dati at di naman nito gusto si Glenda?
Ipinilig ni Beliza ang ulo. Hindi na siya binalikan ni Cardo noon. Biktima siya nito. Tapos na sa kanila ang lahat. Panggulo na lang ito sa kanila ni Jeyrick. Pero bakit may bahagi ng puso niya na nagsasabing tama ito?
Jeyrick, bumalik ka na please. Ayokong malito ang puso ko.
HINDI makapag-focus si Beliza sa pag-aaral niya. Nakakunot ang noo niya habang nakatitig sa reviewer. Wala siyang maintindihan sa mga nakasulat. Huminga siya ng malalim at tumitig sa Barlig Rice Terraces na nasa harapan niya pero di pa rin iyon sapat para makapag-focus siya. Lumilipad pa rin ang utak niya kay Jeyrick at Paloma.
Isang linggo na mula nang bumalik sila sa Barlig. Napansin niya na mas magaan ang mood ni Jeyrick. Masaya ito dahil nakita nito ang mga dating kaibigan. Nagkumustahan lang daw ito at si Paloma. Iyon lang? Kumustahan lang?
Hindi siya naniniwala. Parang may itinatago ito sa kanya. Pero ano?
Sumuko din siya sa huli at lumabas din ng kuwarto. Di siya makakapag-review hangga’t di nasasagot ang tanong niya. Tumuloy siya sa opisina ni Lerome, ang matalik na kaibigan ni Jeyrick mula pa noong high school. Ito ang head ng tourism department ng munisipyo ng Barlig. Nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa laptop nang lapitan niya sa desk. Masyado itong dedicated sa trabaho.
Magaan niyang tinapik ang harap ng desk nito. “Lerome!”
Inangat nito ang tingin. “O! Napadalaw ka sa opisina ko. Nababaliw ka na sa kare-review?”
“Parang ganoon na nga.” Magkaibigan sila ni Lerome pero di sila super close gaya ng pagiging malapit niya kay Jeyrick. Seryoso si Lerome at si Jeyrick naman ay kwelang kasama. Naiilang tuloy siyang magtanong ng personal na bagay dito. “Lerome, may nabanggit ba sa iyo si Jeyrick tungkol sa pagkikita nila ni Paloma noong isang linggo?”
“Wala naman. Nag-enjoy lang daw siya sa kasal at masaya siya dahil nakita ulit niya ang mga dating kaibigan noong college. Matagal na rin siyang di nakakalabas at nakakapasyal. Nagkumustahan sila. Ganoon lang.”
“Wala siyang nabanggit kay Paloma?” marahang tanong ni Beliza.
“Wala.” Nangalumbaba ito. “Bakit di na lang siya ang tanungin mo?”
“Ayokong isipin niya na nakikialam ako o... Basta!” aniya at ipinadyak ang paa.
He looked at her with knowing eyes. Di man magsalita si Lerome, alam nito ang nararamdaman niya para kay Jeyrick. “Tanungin mo ang pinsan niyang si Officer Chogsayan,” suhestiyon nito.
“Ha? Si Cardo?”
“Oo. Ang alam ko sa kanya humihingi ng advice si Jeyrick tungkol sa pagkikita nila ni Paloma. Wala naman akong maibibigay na payo sa kanya.” Zero ang love life ni Lerome. Mas gusto nitong i-appreciate at i-promote ang mga tourist spots sa Barlig kaysa mag-appreciate ng magagandang babae. “Sigurado ako may alam si Officer Chogsayan.”
Nanlulumong bumalik sa kuwarto niya sa Seaworld Inn si Beliza. Cardo. Si Cardo na lang ang pag-asa niya. Wala na ba talagang ibang choice?
Humiga siya sa kama at inalala ang huling usapan nila.
Sabi nito ay mag-mature siya. Na ipakita niyang naka-move on na siya. Ibig sabihin ay kailangan din niyang harapin si Cardo lalo na’t ito ang bagong confidante ni Jeyrick. Pwede naman siyang maging mabait dito para lang makakuha ng impormasyon tungkol kay Paloma.
Bumangon siya at bumaba sa kusina. Naabutan niya si Manang Lourdes na inaalagaan ang apong si Monique. “Auntie, ano po ang pwedeng ilutong miryenda diyan?” tanong niya.
“May saging diyan. Pwedeng gawing turon o maruya.”
“Sige po. Ako na po ang magluluto ng miryenda.”
Bandang alas tres na nang makaluto siya ng maruya. Inilagay niya sa basket ang maruya at saka pumunta sa presinto. “Officer Dayag, nandiyan ba si Officer Chogsayan?” tanong ni Beliza. Di kasi niya napansin ang lalaki sa desk nito.
“Tapos na ang duty niya.”
“Umuwi ba siya sa Lias?” May bahay ang angkan ni Cardo sa Lias na isang oras mahigit ang biyahe mula sa sentro ng Barlig.
“Nasa barracks namin siya ngayon, Beliza,” sabi ng pulis na kasamahan ni Cardo. “Bakit mo pala siya hinahanap?”
“Ano... Umorder kasi siya ng maruya sa akin.”
“Aba! Nagluluto ka pala ng miryenda. Di ka naman nagsabi sa amin,” sabi ni Officer Dayag. “Baka naman may share kami diyan.”
Iniwas niya ang basket. “Naku! Sorry kasi order niya ito. Kapag may natira na lang siguro. O kaya bukas ipagluluto ko kayo.”
“Tch! Lahat na lang si Officer Chogsayan ang dinadalhan ng miryenda,” reklamo ni Officer Cagyet. “Ganyan din ako noong kabataan ko.”
“Sige po. Bukas ko na lang kukunin ang order ninyo. Dadalhin ko po muna kay Officer Chogsayan ang order niya.”
Ipinagdiinan ni Beliza ang order. Nakakahiya talaga. Mahihilera pa siya sa mga babaeng nagkakagusto dito. Dati lang ako nagkagusto sa kanya pero tapos na kami. Kailangang malinaw iyon. Ginagawa ko lang ito para kay Jeyrick.
Walang gate ang bakuran ng lodge ng mga pulis na di kalayuan sa police station. Katwiran ng mga tao doon ay wala naman nagnanakaw at matiwasay na namumuhay ang mga tao doon. Zero crime rate ang bayan ng Barlig kaya gusto niya doon.
“Tao po! Cardo! Cardo!” tawag niya sa lalaki.
“Nandito ako sa likod nagsasampay!” sagot naman ng lalaki.
Lumigid naman si Beliza. “Cardo, ipinagdala kita ng miryen...” Naputol ang sasabihin niya nang makitang naghahanger ito ng damit sa sampayan nang khaki shorts lang ang suot at walang T-shirt at sando man lang.