“Good morning, my dear.”
Naestatwa sa kinatatayuan niya si Paloma nang makaharap ang Tita Bevz niya. Kaya siya nagmamadaling umalis kanina dahil alam niyang dadating ito para komprontahin siya. Mukhang hindi siya ganoon kaswerte.
“G-Good morning, Tita,” usal ng dalaga at humalik sa pisngi nito nang makabawi. “Hindi man lang po kayo nagpasabi na dadating kayo. M-My place is a mess.”
Pumasok ito sa condo niya. “I don’t really mind.” Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. “May lakad ka yata. Ghastly disguise though. Mukhang dala mo na ang buong buhay sa bag mo. Going somewhere far?”
Lumunok ang dalaga at inipon ang lahat ng acting prowess niya para di nito mahalata na may tinatago siya. “Hindi po. Dadalhin ko lang po ang mga damit na ito para sa mga homeless… may charity event po kasi ang kaibigan ko…”
“Really? Homeless?” Pagak na tumawa ang babae at pumasok ng condo niya. “Baka ikaw na ang maging homeless sa susunod dahil sa pagtanggi mo kay Thirdy. Tumawag siya sa akin at sinabi niya na kukuha na daw siya ng ibang babae para maka-date.”
Mahigpit na hinawakan ni Paloma ang strap ng bag niya. Nabuhay na naman ang galit niya para kay Thirdy dahil sa panggigipit sa kanya. “Mabuti naman po. Para naman makawala ako sa kanya,” aniya at ngumiti. “Pwede na rin siguro niyang tigilan ang paninira sa akin sa mga producers ng project at sa mga kaibigan ko sa bar. Iba naman ang bulabugin niya. Para naman po makapagtrabaho ako nang mapayapa.”
Nanlisik ang mga mata ng tiyahin. “Trabaho? Wala nga tayong makukuhang trabaho para sa iyo kung wala ang tulong niya…”
“Paano ako magkakatrabaho kung sinasabotahe po niya ako? Unfair na ang ginagawa niya! Wala naman akong ginawang masama sa kanya.”
“Sundin mo na lang siya. Why is it so hard to understand? Makapangyarihan si Thirdy. He is a top actor. At maganda ang offer niya…”
Tuluyan nang sumambulat ang emosyon ni Paloma. “Dahil hindi ko maintindihan kung bakit wala na akong kwenta kapag wala si Thirdy Concepcion. I want to be appreciated by people because of my talent. As my manager, that is your job. Hanapan ninyo ako ng trabaho nang di kailangan ng impluwensiya ni Thirdy. Marami pa akong kayang gawin. May mga kanta akong na-compose. I can sing. Kaya kong umarte kahit sa indie film ako para maipakita ko naman ang kakayanan ko.”
“Because you are not good enough without Thirdy.” Dinuro siya ng tiyahin. “At huwag na huwag mo akong tuturuan kung paano gagawin ang trabaho ko. I got you best deal and you are wasting it. Matapos ang lahat ng ginawa ko para sa iyo, tatalikuran mo na lang lahat. At ano ang mapapala mo sa indie film mo at sa original compositions mo? Wala. It won’t feed us.”
Napaurong si Paloma na parang sinampal siya nang malakas ng tiyahin. Mula pagkabata ay ginawa niya ang lahat para I-please ito. Kahit minsan pakiramdam niya ay kulang siya sa talento, nakakahugot siya ng lakas ng loob sa pagtutulak nito sa kanya. Dahil naniniwala ito na kakayahan niya.
Sa loob ng ilang taon, payuko siyang sumunod dito. Dahil normal lang daw iyon sa showbiz para pangalagaan ang reputasyon ng ibang sikat at maka-advance sa career. Sabi ng tiyahin niya na sa una lang iyon. Dadating ang panahon na pwede na siyang maging malaya. Na kikilalanin din ng mga tao ang talento niya. Pero hindi iyon dumating dahil nakatali pa rin siya kay Thirdy. Pati ang mga natitirang naniniwala sa kanya ay sinindak din ng lalaki. Inubos na nito ang oportunidad niya.
“Hindi ko na rin ito masikmura, Tita. At ang masakit, kayo mismo ang walang tiwala sa akin. Kayo mismo ang ayaw na maging masaya ako.”
“Enough of the dramatics.” Iwinaksi nito ang kamay. “I am just being realistic.”
“I want to spread my wings and fly. Ayoko nang magpanggap.”
“Artista ka. Umarte ka lang. Trabaho ito.”
“Tao rin po ako na may pakiramdam.” Matapang niyang tiningnan ang tiyahin sa mga mata. “If you don’t believe that my talent can sustain us, then I will look for a manager who believes in me. Someone who will make sure that my talent will improve. Na pahahalagahan ako bilang tao at isang artist.”
Ito ang naging pangalawang ina niya, mentor, manager at inakala niyang kakampi sa lahat ng laban. Pero ngayon ay mukhang di na sila pareho ng tinatahak na landas. Magkaiba na sila perception sa kung ano ang makakabuti sa kanya at hindi. Kung hindi naman sila magkakasundo, mas mabuting maghiwalay na lang sila.
Nanlaki ang mata nito noong una. Sumilay ang sakit sa mga mata nito pero kalaunan ay naniningkit sa galit. “I will make sure that nobody will accept you under their wings. At ano ba ang gusto mo? ‘Yung tagabundok na gusto mo pa rin hanggang ngayon? Nasaan na ba siya ngayon? Hindi ba hampaslupa pa rin?”
“Bakit po nasali si Jeyrick dito? Nananahimik ‘yung tao,” angal ni Paloma.
Matagal na panahon na nilang di napag-uusapan si Jeyrick. Wala na silang komunikasyon ng binata sa loob ng mahabang panahon.
“Nabanggit sa akin ni Thirdy na may nabanggit kang Jey noong tinakasan mo siya sa kasal ng kaibigan mo. Nasa kasalan ang kargador kaya ayaw mo nang balikan si Thirdy. O baka dati pa kayo may komunikasyon. Nahihibang ka na. Paloma Escalante ka na. Hindi ka na kolehiyala.”
Tumirik ang mata niya. “Tita, bago pa ang kasal ng kaibigan ko, hiwalay na kami ni Thirdy. Sarili kong pong desisyon iyon. Para sa sarili ko, hindi para sa ibang tao.”
Ngumisi ang tiyahin at uminom ng wine. “You can’t fool me. Aalis ka at susundan mo si Jeyrick. Iyon ba ang gusto mong buhay? Pipilliin mo pang tumira sa bundok at magtanim bukid kasama niya. Such a downgrade, Paloma.” Hinaklit nito ang braso niya. “I didn’t groom you to stoop this low. Hindi ka aalis para lang sa lalaking iyon.”
Naggiyagis ang ngipin ni Paloma. Gusto niyang lumaban. Gusto na lang niyang makawala. To hell with the consequences. Pero paano si Jeyrick? Ilalagay ba talaga niya ito sa alanganing sitwasyon?
Pero paano naman ako? Paano ang kaligayahan ko?