Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 11

“Mama, I beg to disagree. Hindi na ninyo pwedeng maliitin ang Igorot bae ni Ate Paloma,” singit ni Bernardo at inabot ang cellphone sa nanay nito. “Look at this. Di ba sobrang guwapo ni Jeyrick ngayon?”

Nanlaki ang mata ng tiyahin niya sa pagkamangha. “Siya na ba ito?”

Anong ginagawa ni Bernardo? Ayaw niyang malaman ng tiyahin niya ang pagiging viral ni Jeyrick. Kung may makakatuklas man na si Jeyrick mismo si Carrot Man, gusto naniyang ipaliwanag sa lalaki kung ano ang aasahan nito. At hindi niya iyon magagawa kung di pa niya natatakasan ang tiyahin.

Pilit na hinuli ni Paloma ang mga mata ng pinsan para sabihang tumigil pero di siya nito pinapansin. Patuloy pa ito sa pagbebenta kay Jeyrick. “He is ruggedly handsome. Nagustuhan siya ng isang photographer.”

“So? Mukhang hampaslupa pa rin.” At umismid ang tiyahin.

“Hampaslupang viral. Mama, meet Carrot Man, ang pinaka-hot na magsasaka at tagabuhat ng carrot sa buong universe!” Nag-swipe sa cellphone nito ang pinsan. “Tingnan ninyo ang mga comments. Nagkakagulo ang lahat ng mga commenters at pati foreigners naiintriga sa kanya. Iyan ba ang mukhang pipitsugin?”

“Ano ngayon kung viral siya?” mataray na tanong ng tiyahin niya.

“I am thinking if we tap on his raw talent? Tandaan ninyo na kung hindi niya inurungan ang contest dati, siya na sana ang sikat ngayon at hindi si Ate Paloma. Naalala ninyo kung gaano siya ka-talented?”

Nagningning ang mga mata ng tiyahin niya. Animo’y nakakuha ito ng isang set ng diamond jewelry. “You are right. He is talented. How can I forget?” Hinarap siya ng Tita Bevz. “You know what? Never mind about Thirdy. Hindi mo na siya kailangang balikan.”

“Talaga po?” usal ni Paloma.

Malakas ang kaba sa dibdib ng dalaga. Nakangiti ang tiyahin pero hindi niya gusto ang kislap sa mga mata nito. “Huwag ka munang pumunta ngayon sa project ng kaibigan mo para sa homeless. Mas maganda siguro kung paghandaan ninyo ni Bernardo ang pagpunta sa Cordillera. ASAP. Puntahan ninyo si Carrot Man. Bisitahin mo siya. Kumbinsihin mo siya na pumirma sa talent agency natin. I would gladly welcome him into our fold. Tutulungan natin siya para sumikat…”

Napaurong si Paloma. “Tita, hindi po. Ayokong sumali siya sa showbiz.”

Hindi siya papayag na siya pa ang maging instrumento para ipasok si Jeyrick sa magulong mundo na iyon. Nakaranas na ng kalupitan ang binata sa tiyahin niya dati. At di pa rin nagbabago ang babae. Hindi niya ipagkakatiwala si Jeyrick dito.

Iwinaksi nito ang kamay. “That is silly. Hindi ikaw ang magdedesiyon kundi si Carrot Man. Hindi niya tatanggihan ang pagkakataon na ito. Matutulungan mo siya at ang pamilya niya. In return, your lackluster career will shine.” Ipinitik nito ang daliri. “I can see how this will play out. Two old friends meet again. Ilalabas natin ang tungkol sa pagiging malapit nninyo dati at kung paano siya nagsakripisyo para sa iyo. Lovely. Pagkakataon mo naman ngayon para makabawi sa kanya. Maybe we can bring out his old video during the competition…”

Ibinagsak niya ang sarili sa sofa at niyakap ang sarili. “Huwag na po ninyo akong isali diyan. Walang kamalay-malay ‘yung tao na nagagamit siya.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Hija, huwag mong sayangin ang opportunity na ito. You are now a falling star. Negative pa ang image mo dahil sa pakikipaghiwalay mo kay Thirdy. Pwede mo nang maipakita sa mundo na mabuti kang tao at di mo pababayaan ang mga kaibigan mo. Who knows? Baka magkaroon ka ng bago mong love interest. I wonder how this will play in the public. How romantic.”

Naggiyagis ang ngipin niya. “Tita, hindi ko po gagamitin si Jeyrick para lang sumikat ulit ako. Mas malala pa ito kaysa sa paggagamitan namin ni Thirdy.”

“Tulong mo ito sa pamilya niya at sa kanya rin mismo. Kung gagamitin ka na niya para sumikat at magkaroon ng disenteng trabaho, gamitin mo rin siya. Time to rebuild your special friendship. You would be great together. Trust me.”

“Hindi ko po magagawa iyon kay Jeyrick.” Hindi pa man ay isinusuong na niya ang lalaki sa magulong mundo. Hindi niya magawang makawala sa kumunoy at hinahatak din niya ito pababa.

“Gawin mo para sa pamilya mo. Alam mo bang kapapadala ko lang ng two hundred thousand sa nanay mo para sa gastos nila sa resort…”

“Ano po?” bulalas niya. “Nagpadala kayo kay Nanay?”

“Yes. Hindi ka pa daw kasi nagpapadala. Kawawa naman ang mga trabahador na umaasa sa pagpapagawa ng resort.”

Naggiyagis ang ngipin niya. “Sabi ko po ako ang bahala sa kanila.”

Nagkibit-balikat ang tiyahin. “It doesn’t matter. Iniisip nila na mababayaran mo rin ako dahil may trabaho ka naman. Di nila alam na wala ka nang project matapos ang break up ninyo ni Thirdy. Ginawan ko naman ng paraan, hindi ba? Ngayon, kung hindi mo naman gustong kausapin si Carrot Man, pwede mo naman sa aking ibalik ang perang hiniram ng nanay mo.”

She felt trapped. The shackles were closing around her neck. Pakiramdam niya ay natraidor siya. Sinabi na niya sa nanay niya na huwag munang hihingi ng pera sa tiyahin niya. Gagawan niya ng paraan ang gastusin ng mmga ito. Bakit pa lumapit sa tiyahin niya? Mahihirapan siyang makawala ngayon.

“Wala po akong ganoong pera ngayon,” nanlulumong usal ni Paloma.

Ginagap ng babae ang kamay niya. “Kalokohan ‘yang pride mo at mga prinsipyong ipinaglalaban mo. You can’t eat those, Paloma. Saka na ‘yang pride na iyan kapag mayaman ka na. I know you are sick and tired of this whole showbiz mess. Gusto mo nang mag-retire at magkaroon ng tahimik na buhay sa resort kasama ang masaya mong pamilya. Pero di mo magagawa iyon kung hindi mo ako susundin. Simple lang naman ang hinihingi ko sa iyo. Dalhin mo sa akin ang kaibigan mong si Carrot Man. I will take care of the rest. Mas mahirap pang magpanggap na girlfriend ni Thirdy Concepcion, my dear. So be a good girl if you want to stay afloat. Isipin mo na lang na isa ito sa mga charity works mo.”

“Gusto ko talagang tulungan si Jeyrick kahit di ninyo sabihin.” At hindi iyon charity. Nagmamalasakit talaga siya sa lalaki. Pero hindi sa ganitong paraan. Ayaw niyang may kasamang hidden agenda.

“Huwag kang sumimangot. Magkaka-wrinkles ka, my dear. Ayaw mo naman siguro na mukhang thunders kapag kaharap mo na si Carrot Man.” Tinapik nito ang pisngi niya. “Relax. Magpahinga ka na muna sa kuwarto mo. I know you are stressed these past few days. Aalis na kayo ni Bernardo mamayang gabi papuntang Cordillera.””

“Mama, it is Hepburn,” angal ng pinsan niya.

“Hepburn na kung Hepburn. Come on. We have work to do.”

Isinara ni Paloma ang pinto at nagkulong sa kuwarto. Hindi siya makahinga. Gusto niyang magsisigaw sa galit sa sarili dahil hinayaan niya ang sarili na makulong sa ganitong sitwasyon. Wala siyang kalaban-laban.

Akala niya ay magiging malaya na siya kapag nakasama niya si Jeyrick. Pero kasama pala niya na ikukulong si Jeyrick sa mundo niya. Anong gagawin niya ngayon?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.