“Barlig ang pupuntahan ko at hindi si Jeyrick,” paglilinaw niya pero isang sekretong ngumiti ang sumilay sa labi niya. Excited na siyang makita si Jeyrick.
Magka-text sila nang nakaraang linggo tungkol sa pagpunta niya sa Barlig. Dapat ay sa susunod pang buwan dahil doon pa maluwag ang schedule niya. Pero dahil hindi malapit na siyang sumabog, mabuti pang umalis na lang siya. Ayaw na niyang komprontahin si Thirdy o ang tiyahin niya.
“Talaga lang ha? Ang ibig mong sabihin, hindi mo ia-achieve si Carrot Man?” nakahalukipkip na sabi ni Bernardo.
“Anong Carrot Man? Bagong super hero?”
Pinindot nito ang smartphone at inabot sa kanya. “Tadaaaan! Meet Carrot Man, ang mahiwagang Igorot bae kayang magbuhat ng isang kaing na carrot pero guwapo pa rin.”
Hindi sana niya papansinin ang tungkol kay Carrot Man kundi lang halos ipagduldulan ng pinsan niya ang cellphone sa mukha niya. Paki naman niya kay Carrot Man na walang relevance sa buhay niya. Narinig lang niya iyon kanina sa bar na pinag-uusapan ng mga waiter. Mas naka-focus siya sa performance sana niya at meeting sa may-ari ng bar kaya di niya pinansin.
Una niyang nakita ang lalaking naka-gray na hoodie, pantalong maong at itim na working boots. May buhat itong isang kaing na carrots. Natatakpan ng hood ang ulo ng lalaki at
Pumitlag ang puso ni Paloma sa sumunod na picture. Naka-side view na ang lalaki at close up ang shot. Nakababa na ang hood ng gray jacket nito. Bagsak ang mahaba nitong buhok at mapapansin agad ang prominente nitong ilong. Maamo ang mukha nito. Nagmukha itong misteryoso dahil sa fog sa background nito.
Nakisilip ang pinsan niya. “Hindi ba mukhang pamilyar?”
Nahigit niya ang hininga. “Si Jeyrick ito.” Suot pa nito ang jacket na regalo niiya dito noong eighteenth birthday nito. “Saan mo ito nakuha?”
May pinindot ulit ito sa Facebook account nito. “Pinost ng babaeng iyan. Photographer daw iyan na naligaw sa bukid at nakita niya si Carrot Man. Di na daw niya naitanong ang pangalan kaya pinaghahanap. Akala ko naman alam mo nang siya iyan kaya nagkakandarapa ka nang puntahan siya sa Barlig.”
Binasa niya ang caption ng post. Hindi alam ng photographer kung sino si Jeyrick. Napansin niya ang date na kinuhanan iyon ng picture. Sa halip na sa area ng Barlig ay sa Bauko, Mountain Province iyon kinuhanan na malayo sa bayan nito. “Bago ang kasal nina RJan at Jimarah kinuhanan ito.”
“Ang bongga na niya, friend. Sabog ang internet dahil sa picture na iyan. Isang guwapong magsasaka at kargador na guwapo at natiyempuhang nagbubuhat ng carrots. Tingnan mo parang mababaliw ang mga tao sa kanya. Viral na siya. Siya na ang pinaka-hot na tagabuhat ng carrots at pinaka-hot na magsasaka. Kinikilig din ako.”
Umiling si Paloma. “P-Pero bakit nagbubuhat lang siya ng carrots? Hindi ko maintindihan. A-Akala ko okay naman ang buhay niya.”
“Sa pagiging tourist guide lang? Di pa ganoon kalakas ang tourism sa Barlig. Kaya naging magsasaka at kargador pa rin siya gaya ng dati.”
“I thought his life is better than this.” Hindi sa minamasama niya ang pagiging magsasaka niya ni Jeyrick. Alam niyang iyon ang kabuhayan ng pamilya nito. Pero para magtrabaho muna sa bukid bago pumunta sa kasal ng mga kaibigan nila, ibig sabihi ay matindin ang pangangailangan nito.
“Paano mas aayos ang buhay ‘nung tao kung isinuko na niya ang pangarap niya para sa iyo?” anang pinsan niya at sarikastikong ngumiti.
“Siya ang hindi na nagparamdam sa akin baka nakakalimutan mo,” aniya at pinanlakihan ng mata ang pinsan saka ihinagis ang jogging pants sa bag. “Kung sinabi sana niya sa akin ang pinagdadaanan ng pamilya niya noon pa, sana nakatulong ako. Hindi ‘yung hanggang ngayon nahihirapan pa rin siya. Ni wala siyang nabanggit sa akin noong magkasama kami.”
“Naalala mo sinabi mo sa akin dati na hindi siya ang tipo na mahilig magdrama sa mga hirap ng buhay. Kahit mahirap ang buhay parang easy lang siya. The wedding was fun. Bakit naman siya magte-teleserye level doon habang magkasama kayo? Siyempre gusto niya masaya.”
“I just hope he is more open. Gusto ko talagang makatulong.”
“Mukhang hindi na siya magiging busabos for so long.” Binuksan ni Bernardo ang comment section. “Look at that. May mga girls na gusto nang mahanap siya para mabakuran. I am sure the media will follow. With a face like that, dudumugin sila. At kapag nadikit siya sa pangalan mo…”
Pinanlakihan niya ng mata ang pinsan. “Don’t even think about it. Gusto kong maging pribadong parte ng buhay ko si Jeyrick. He is a private person.”
“Akala ko ba gusto mo siyang matulungan na umangat sa buhay? Kung matutulungan mo siyang sumikat, magka-projects at magka-show, malaking tulong iyon sa kabuhayan niya. Hindi na niya kailangan pang maging magsasaka o tagabuhat lang ng kaing na gulay. This is your chance to help him out.”
“No! Hindi ito ang tulong na pwede kong ibigay sa kanya.”
Hindi gugustuhin ni Paloma iparanas kay Jeyrick ang mundong ginagalawan niya. She felt like Jeyrick was too pure for showbiz. Puno ng kabalintunaan ang mundo ng showbiz. Para sumikat ay kailangan mong magsinungaling o itago ang katotohanan. Nakita na niya kung paanong masira ang ibang kasamahan niya para lang mapanatili an kasikatan. Katulad ng nararamdaman niya ngayon. Pilit siyang tumatakas sa pagpapanggap para mabawi ang sarili niya pero para gawin iyon ay dahan-dahan naman siyang sinisira. Hindi na ito ang pangarap niya.
“Sige nga. Paano mo naman matutulungan si Carrot Man? Itatago mo siya? Hindi mo ise-share ang kaguwapuhan niya sa sangkinapal?” Ibinuka ni Bernardo ang mga bisig. “Mukhang unfair ka naman. Gusto mo lang siyang solohin.”
“This will shock him. Hindi siya handa. Kailangan kong puntahan si Jeyrick. Hindi niya alam kung anong gagawin kapag hinarap ang reporters.”
Hindi niya alam kung matutuwa ang lalaki sa pagsikat nito o kung maa-appreciate nito ang atensiyon. Pero kung siya ang tatanungin, mas gusto niyang mamuhay nang tahimik si Jeyrick. Hindi niya gustong maranasan nito ang buhay niya kung saan parang de numero ang kilos at may mga matang nakamasid. Na kailangan nitong magpanggap at isasakripisyo nito ang kaligayahan nito para sa sumikat. Na tama o mali man ang gawin ay huhusgahan ito.
“Sige. Puntahan mo siya para mapag-initan ka ng reporters at mai-relate sa break up ninyo ni Thirdy. Alalahanin mo na may iba rin na nasa kasalan ng kaibigan mo Nagsayaw kayo. Nagkausap kayo. Sa halip na pinrotektahan mo siya, lalo mo lang siyang pasisikatin. And not in a positive way.”
Mariing nagdikit ang mga labi ng dalaga at isinara ang zipper ng bag. “Hindi naman ako magpapakita sa reporters. Kailangan ko lang silang maunahan na makita si Jey.”
“Wait. Don’t be hasty. Kausapin mo muna si Jeyrick sa phone para mapag-usapan ninyo ang tungkol diyan.”
“Hindi na. Doon na lang kami mag-uusap.” She opened her secret stash. Inilabas niya ang bobcut hazel brown wig para takpan ang mahabang itim na tim niyang buhok at ang shades na ihinanda niya sa pagbabakasyon sa Barlig. Mabuti na lang at magagamit niya ngayong emergency. “Makikilala pa ba ako?”
Dinampot ang pinsan niya ang eyebrow pencil sa mesa at ginuhitan ang kilay niya. Nilagyan din nito ng nunal ang baba niya. “Ayan! Gusto mo papangitin ka pa para hindi ka lalong makilala?”
“Okay na siguro ‘to. Wala na akong oras,” sabi niya at niyakap ang pinsan. “Bye, cuz! Ikaw na ang bahala kay Tita Bevz.”
Sa biyahe na niya tatawagan si Jeyrick para sabihing paparating siya. Pagdating niya ay saka niya ipapaliwanag dito ang pagiging viral ng picture nito. Ipapaliwanag niya dito kung ano ang kinakaharap niyang problema sa pagpasok sa showbiz. Ang dahilan kung bakit gusto niyang tumakas. Kung bakit gusto niyang lumayo. It would be like hitting two birds with one stone.
“Ihahatid na kita…” anang pinsan at hinabol siya sa pinto.
“Ako na ang bahala sa sarili ko. Mag-relax ka lang. Don’t mind me. Lagi namang ikaw ang nag-aalaga sa akin. Magbakasyon ka rin. Isama mo si Tita Bevz. You definitely need it.”
Di naman kaila sa kanya na marami ring sakripisyo ang tiyahin at ang pinsan para sa kanya. Pero mali na ang tinatahak ng buhay niya. Kailangang maunawaan iyon ng tiyahin. Marami pang ibang paraan para mabuhay at maging masaya.
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad agad sa kanya ang tiyahin. Suminghap si Paloma. “Tita….”