NABITIWAN ni Jeyrick ang kamay ni Paloma na parang napaso. “Anong ginagawa mo dito?” pabulong na tanong nito.
Naalangan ang ngiti ng dalaga. She was excited to see him. To really talk to him. Para sa kanya ay magical ang muli nilang pagkikita habang nakapaligid sa kanila ang magandang kalikasan. He was like a prince who emerged from the fog to fetch her. Gaya dati. Gaya noong mga bata pa sila. He was the reason why that place had a special place in her heart and turned it into a magical refuge.
Ngayong magkasama na sila nang walang ibang taong pwedeng makialam o manggulo sa kanila, nawala na ang lahat ng alalahanin niya nang nagdaang araw. She felt free. Pero pansamantala lang iyon dahil mukhang di masaya si Jeyrick na makita siya. Parang isa siyang basura na gusto nitong itapon agad. Hindi iyon ang reaksyong inaasahan niya mula sa binata.
Hinawakan niya ang strap ng backpack niya. “Ano… Dadalawin ko si Ma’am Fe. Alam mo naman na pupunta ako, di ba? Kaso naka-off ang cellphone mo kaya hindi mo siguro natanggap ang message ko,” nakangiti niyang sabi. “I went anyway.”
“Akala ko hindi ka seryoso doon.”
“Seryoso ako. May mga inasikaso lang ako sa Manila pero magbabakasyon naman talaga ako dito. Kaya nandito na ako,” sabi niya at ibinuka ang kamay. “Nangako ka pa nga sa akin na ikaw ang magga-guide sa akin.” Dahil akala niya ay tsansa na iyon para bumalik sila sa dati. Para takasan ang magulong mundo ng showbiz at maranasang maging normal at masaya kasama ang binata.
“Hindi ka pwede dito. Kailangan mo nang bumalik sa Manila. Kailangan mo nang umalis bago pa may makakita sa iyo dito.”
Nanlaki ang mata niya. “Sa nilayo-layo ng biyahe ko, ngayon mo pa ba ako pababalikin ng Manila?”
“Oo. Hindi ngayon ang oras para pumunta ka sa Kadaclan.” Sinambilat nito ang braso niya. “Manong, huwag ka munang umalis. Ihatid mo na siya pabalik,” sabi ni Jeyrick at kinawayan si Rexan. “Manong, sandali lang! Sasama siya sa inyo pabalik.”
Nakangiti siyang kumaway kay Rexan na inikot na ang sasakyan pabalik ng sentro ng Barlig. “Bye, Manong! Ingat kayo sa biyahe.”
Nakadama siya ng tagumpay nang tuloy-tuloy lang ang pag-andar ng sasakyan. Sabi ni Rexan ay aalis ito agad kapag dumating na ang sundo niya dahil may susunduin pa itong guest sa Bontoc at sasamahang umakyat ng Mt. Amuyao. Pinagbigyan lang nito ang hiling ni Ma’am Fe para ihatid siya.
“Bakit mo siya pinaalis?” angil ni Jeyrick. “Di ka pwede dito. Baka mamaya masundan ka pa ng mga reporter.”
“Walang makakasunod sa aking reporter. Pero pwedeng may mag-report sa kanila kapag hindi pa tayo umalis dito at may makakilala sa atin.” At ngumuso siya sa mga trabahador na patingin-tingin sa kanila. Walang ibang tao doon kaya normal lang na sila ang usyosohin.
Nanatili si Jeyrick sa kinatatayuan nito. “Hindi kita pwedeng isama sa Kadaclan. Tawagan mo ang pinsan mo o ang boyfriend mo para sunduin ka.”
“Ex-boyfriend. Wala na akong pakialam sa kanya. Kaya nga ako nandito para umiwas sa mga reporter at kay Thirdy mismo”
Umiling ito. “Hindi kita pwedeng isama sa Kadaclan. Paloma, hindi ka bagay dito."
"Saan ba ako bagay?"
"Sa eleganteng hotel. ‘Yung maraming aalalay sa iyo. Hindi doon sa lugar na kailangan mong maglakad nang dalawang oras para lang marating mo at 'yung pagsisilbihan ka ng magagaling na chef."
"Kung gusto kong doon pumunta, wala ako dapat dito. Alam ko kung ano ang dadatnan ko, Jeyrick. Hindi ko inaasahan na magbuhay-prinsesa na parang takot madumihan ng putik o maalikabukan.”
"Wala pa ring kalsada na direkta sa Ogo-og. Isa hanggang dalawang oras ka pa rin na maglalakad.”
Itinaas niya ang baba. "Mas matataas pang bundok ang naakyat ko. Nakapag-Mount Pulag at Mount Apo na ako. Hindi naman ako kailangang buhatin. Hindi rin ako kailangang isakay sa helicopter para makarating sa tuktok. Hindi ko naman gusto na latagan ng magic carpet ang lalakaran ko. Hindi ko ikamamatay kung isa o dalawang oras kong lakarin ang Ogo-og o matulog ako sa sahig ng kubo. Mas malala pa ang pinagdaanan ko diyan," sabi niya sa lalaki.
Baka akala ko puro pasosyal ang buhay ng mga artista. Hindi nito alam kung paano magtiis ang mga nasa industriya gaya niya. May shooting at pictorial sila na inaabot ng twenty-four hours minsan. Mga rehearsal sa show na kailangan niyang ulit-ulitin para ma-perfect hanggang sa puntong napapanaginipan na niya.
"Hindi ka pa rin bagay dito,” giit nito habang kuyom ang palad.
Talaga bang titiisin siya ni Jeyrick? Hindi naman ito ang ipinunta niya doon. Bisita siya ng ibang tao. Sino ito para sabihing di siya bagay doon?
Pero nakipaglaban ito ng tingin sa kanya. Wala talaga itong balak na umalis doon kasama siya. Paano kung makagawa ito ng paraan para ma-contact si Lerome o si Beliza? It would blow her cover. Tiyak na ilalayo siya ng mga ito kay Jeyrick. Magkakahiwalay sila nang di man lang niya nagagawa ang pakay niya dito.
“Kung ayaw mo akong isama, ako na lang ang pupunta mag-isa.” Taas-noo siyang naglakad papunta sa landslide. Wala siyang pakialam kung sumunod ito o hindi.
“Paloma, bumalik ka na sabi.”
“Naghihintay sa akin si Ma'am Fe. Kung di mo kayang tumupad sa pangako mo na dadalhin mo ako sa kanya, pwes tutuparin ko ang pangako ko na dadalawin ko siya kahit na anong mangyari. Tutal naman ugali mong mang-iwan sa ere.”
Padabog siyang naglakad. Wala siyang pakialam kahit na maputik ang dinadaanan niya at tumatalsik sa pantalon niya. Mainit ang ulo niya. Nasaan na ang pangako niya na iga-guide niya ako dito at titiyakin niyang mag-e-enjoy ako? Di ko naman isisiksik ang sarili ko sa kanya. Basta pupunta ako ng Kadaclan. Konsensiya niya kapag may masamang nangyari sa akin.
She felt that old pain kick in again. Nang panahong basta na lang itong umalis sa buhay niya nang di man lang nagpaalam. Di niya alam kung ano ang mas masakit - nang maglaho na lang ito sa buhay niya nang walang paliwanag o harap-harapan nitong sabihin na ayaw siya nitong makasama?