Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 19

Pwede nitong sabihin na para sa sarili niyang convenience kaya ayaw nitong tumuloy siya sa Kadaclan. Pero alam niyang may Beliza sa buhay nito ngayon. Kahit na may hinala siya na palabas lang ang relasyon ng mga ito, di pa rin mababago na mas malalim ang pinagsamahan ng mga ito kaysa sa kanila ni Jeyrick.

“Miss, gusto mo sa amin ka na lang sumama. Hindi ka namin itataboy,” sabi ng isa sa mga trabahador nang nagsimula na siyang umakyat. At nagtawanan ang mga kasama nito. May sumipol pa.

Hindi pinansin ni Paloma ang mga ito. Tuloy-tuloy lang siya sa pag-akyat. Galit siya sa mga lalaki ngayon. Hindi niya kailangan ang mga ito. Mas gugustuhin niyang mag-isang tumawid sa maputik na landslide at madulas o gumulong-gulong sa bangin kaysa humingi ng tulong sa kahit na sino.

“Mga paasa, di tumutupad sa pangako, nang-iiwan sa ere,” usal niya at ibinuhos ang gigil niya sa pag-akyat sa guhong bato. Nag-aalala pa mandin siya kay Jeyrick kaya siya pumunta ng Kadaclan. Concern siya dito. Gusto niyang makabawi dito para mas umayos ang buhay nito.

“Sandali! Hintayin mo ako. Huwag kang umakyat mag-isa,” sabi ni Jeyrick na nakasunod sa likuran niya. “Baka mamali ka sa nilalakaran mo.”

Itataboy-taboy siya tapos ngayon ay susunod-sunod sa kanya at aastang mag-aalala. Akala naman niya ay natutuwa siya sa concern nito.

"Mukha ba akong lampa sa iyo? Nakikita ko naman ang dinadaanan ko,” sabi niya at di nag-abalang lingunin ito. “Salamat na lang sa pag-aalala."

"Delikado ang lupa ngayon. Madulas dahil katatapos pa lang umulan. At may mga bagong guho na bumagsak. Di pa nila nalilinis.”

"O tapos?" walang emosyon niyang tanong. Ilang beses

"Hawakan mo ang kamay ko. Baka madulas ka. Bangin na ang gilid mo,” malumanay na sabi ni Jeyrick.

Lumingon siya at tiningnan ang nakalahad nitong kamay. Same old Jeyrick. Gentleman ito at di ito papayag na gawin niya ang ibang bagay nang mag-isa at di siya inaalalayan. Kahit alam nitong kaya niya, di ito mangingiming tulungan siya.

Her heart melted a little. She wanted to take his hand. Hindi ba nandito siya para makasama si Jeyrick at sulitin ang mga sandali na silang dalawa lang? Ito na ang pagkakataon niya. Pwede silang bumalik sa dati na masaya at walang pakialam sa mundo. Wala silang sagutin kahit na kanino - walang reporters, wala ang tiyahin niya, wala ang fans ni Jeyrick at wala si Beliza.

Naluluha siya sa inis at iniwas ang tingin dito. Kanina niya kailangan ang concern ang pag-aalala nito. Huli na. Nasaktan na siya. Namayani na ang pride ng dalaga.

Itinaas niya ang baba. "Hindi na kailangan."

"Kahit 'yung bag mo. Mukhang mabigat iyan,” pakiusap nito.

Hindi niya ito pinansin. Dumoble ang sakit sa puso niya nang ipagtabuyan siya nito. Huli na para bumawi ito. “Kaya ko ang bag ko. Ginusto kong pumunta dito kaya kakayanin kong mag-isa,” matigas niyang sabi at napaigik nang dumulas ang tinapakan niya. Nawalan siya ng balanse at muntik matumba.

“O!” sabi ni Jeyrick at akmang dadaluhan siya.

Mabilis na tumuwid ng tayo ang dalaga nang makabawi. “No! I am okay. Kaya ko na ang sarili ko,” sabi niya habang habol ang hininga at malakas ang kaba ng dibdib. “Kaya ko ito. Kaya ko ito.” Paulit-ulit niyang sinabi iyon sa sarili na parang mantra. Pero sarili niya ang kausap niya at hindi si Jeyrick.

Hindi pala ganoon kasimple ang tumawid sa landslide. Nagkukunwari siyang matapang kanina sa inis sa binata. Pero ang totoo ay napapraning siya sa nilalakaran niya. May bahagi siyang nilalakaran na malambot ang lupa. Sa gilid ng mata niya at tinitingnan din niya ang bundok sa gilid niya dahil posibleng may loose soil at gumuho iyon nang walang sabi-sabi. Pwede silang madaganan ni Jeyrick at di niya alam kung paano siya tatakas. Wala pa sila sa kalahati ng daan. At kung magkakamali siya ng tapak at madudulas ay bangin ang huhulugan niya.

Saglit siyang pumikit bago hinakbangan ang puno ng ipil-ipil na nakabalandra sa daan. Hinawi ni Jeyrick ang isang sanga para hindi niya kailangang hawiin pa at makita niyang mabuti ang dadaanan.

Nagsimula na siyang hingalin at umungol nang makita ang tumpok ng bato at lupa na kailangan niyang tawirin. Mukhang kailangan niyang yumakap sa bato para lang makatawid. Iyon lang ba ang pwede niyang daanan?

Dahil pinanghahawakan niya ang pride ay di siya nagtanong kay Jeyrick kung ano ang dapat niyang gawin. Sa halip ay lumikot ang mga mata niya kung saan pa siya pwedeng dumaan para makatawid sa kabila.

Sumilay ang ngiti sa labi niya nang makita ang mas patag na daan sa baba. Hindi lang niya napansin agad dahil may mga kahoy pang nakaharang. Siguro ay iyon talaga ang daanan ng mga tao na tumatawid doon.

Her adventurous spirit suddenly kicked in. This was her journey now. Ito ang gusto niyang gawin. Walang ibang nag-utos sa kanya. Malaya siya. Iyon din ang paraan para mawala ang takot niya. Kaya ko ito.

“Paloma, huwag kang dumaan diyan! Hintayin mo ako,” utos ni Jeyrick sa kanya na nakikipagbuno pa sa mga sanga ng puno.

Pero nagpatuloy lang sa paglalakad si Paloma. She was through waiting. Kakayanin niyang tumawid sa kabila ng landslide nang mag-isa. Nawalan na ng karapatan si Jeyrick na sabihin sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin mula nang itaboy siya nito kanina. She was on her own now. At kung kailangan niyang maglakad papunta sa Kadaclan at wala ang tulong nito, gagawin niya.

Ma-pride na kung ma-pride. Gulping-gulpi na ang puso niya dahil dito. Matuwa na lang ito dahil siya ang dumidistansiya dito sa ngayon.

Muntik nang malaglag ang puso ni Paloma nang bumigay ang lupang tinapakan niya at dumausdos siya sa gilid ng landslide. Inapuhap ng kamay niya ang kahit na anong pwedeng makapitan pero puro bato lang at lupa ang nahawakan niya. Tumili siya nang pabilis nang pabilis ang pagdausos niya sa bangin na parang walang katapusan.

She felt despair. Her life flashed before her eyes. Nakita niya na dumaan sa mga mata niya ang mga taong mahalaga sa buhay niya - ang ina at kapatid niya na naghihintay sa kanya sa Cotabato, ang pinsan niya at ang tiyahin na kasama niya sa paghulma sa career niya at si Jeyrick. Her heart was in pain thinking about his lovely face. Si Jeyrick ang tao na laging nagpararamdam sa kanya kung paano maging mas masaya sa mga simpleng bagay. Pumunta siya sa Cordillera sa pag-asang may tsansa pa para sa kanila ng binata.

Mukhang wala na talagang pag-asa para sa kanila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.