"PALOMA!" sigaw ni Jeyrick at naramdaman ng dalaga na may mga kamay na sumapo sa braso niya. Tumigil siya sa tuluyang pagbulusok. Tumingala siya at nakita si Jeyrick na nakadukwang sa kanya. “Huwag kang bibitaw.”
Lumunok ang dalaga. Sa pagkakataong ito ay kinalimutan na niya ang pride niya. He was her lifeline. At wala siyang balak na mamatay dahil lang sa pride. It already caused her enough trouble.
“Itapak mo ang paa mo sa lupa sa harap mo at itulak mo ang sarili mo pataas,” utos ni Jeyrick sa kanya.
“Pero…” usal niya at inalala na baka lalo siyang dumulas pababa. Baka dalawa na silang malaglag sa bangin.
“Huwag kang titingin sa baba. Basta itulak mo ang sarili mo pataas,” utos muli ni Jeyrick sa kanya.
“Ayaw mong nandito ako,” nausal ng dalaga. Paano kung itaboy na naman siya nito? The front of her body was burning. Dala iyon ng pagkakakarayod niya sa lupa. Pero mas masakit ang puso niya samahan pa ng takot na nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Na baka hindi siya makaligtas.
“Hindi ito ang oras para pag-usapan iyan. Hindi kita gugustuhing mapahamak kahit na kailan. Sundin mo na lang ako please,” pakiusap ng binata.
Itinapak niya ang paa sa harapan pero nabakbak ang lupa at bato. Nakita niya ang matiim na mukha ni Jeyrick. Mukhang nahihirapan na itong hawakan siya. At nararamdaman na rin niya ang pagkangalay ng braso niya.
“Miss, kumapit ka rin dito,” sabi ng isang pang trabahador at dumukwang din sa kanya. “Mahal na mahal ka ng boyfriend mo kaya huwag kang susuko.”
Bigla siyang natawa. Mahal daw siya ni Jeyrick? Silly, silly idea. Siguro ay totoo iyon dati. Noong mga bata pa sila. Umasa siya na may natitira pa itong pagmamahal sa kanya. Kaya nga siya sumugal. Paano kung mahal pa nga siya nito?
Animo’y nagkaroon siya ng lakas. Idiniin ang isang paa sa gilid ng bangin. Bumuwelo siya para mahila siya ng dalawang babae pataas. Nakaantabay din ang ibang mga trabahador kung sakaling kailangan ng tulong para iangat siya.
Sa wakas ay nakaapak sa stable na lupa ang mga paa. Hinihingal din si Jeyrick pero nakangiti ito nang makitang ligtas siya. Naliliyo siya nang yumakap sa binata. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot pero naramdaman niya na ligtas siya nang ikulong siya nito sa mga bisig nito.
“Salamat,” usal niya dito at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Naramdaman niya doon ang malakas na tibok ng puso nito. Natakot din ito para sa kanya.
Hinaplos nito ang magkabilang braso niya. “May masakit ba sa iyo? May sugat ka ba?”
“H-Hindi ko alam,” usal niya.
She was still shaken inside. Manhid pa ang buong katawan niya dahil sa takot. Pakiramdam nga niya ay naiwan niya ang kaluluwa na nakasabit sa bangin. Ayaw na niyang umalis sa pagkakayakap kay Jeyrick. Gusto na lang niyang tumigil ang oras. Mas ligtas ang pakiramdam niya kapag kasama ito.
“Hindi ka dapat tumatawid dito sa landslide nang mag-isa,” sermon ni Jeyrick habang hinahaplos ang buhok niya. “Delikado dito kung di mo kabisado. Kailan pa naging matigas ang ulo mo?”
Di nakasagot si Paloma sa panlalambot. Pero mula nang masaktan siya at itaboy siya nito, natuto siyang huwag makinig dito at patigasin ang puso niya.
Akala niya ay napatatag na ng showbiz ang sikmura niya. Naranasan na niyang ilang beses na ma-reject at tanggihan. Naging makapal na nga ang mukha niya at ngumingiti na lang kapag nabibigo. Pero wala palang sasakit kapag kay Jeyrick nanggaling ang pagtanggi at pagtataboy. Ito ang itinuturing niyang kanlungan. Ang tao na tatanggapin siya kahit ano pa siya o kahit ano pa ang pinagdaanan niya. He was her refuge when she’s tired. And she needed that so badly. Kaya nga siya nandito. She was here to be with him. Tapos ay paaalisin lang siya nito.
Kung ayaw nito sa kanya sa una pa lang, sana ay iniwasan na siya nito noong kasal pa lang ng kaibigan nila. Hindi na sana siya nagplano sana kasama nito. At kahit sundan man niya ito sa Kadaclan ay itaboy siya nito ay maiintindihan niya niya ito.
Ngayon ay hindi na niya ito maintindihan. Parang bumaligtad ang mundo na binuo ni Paloma kasama ang binata.
"Bakit naman kasi nag-aaway pa kayo ng girlfriend mo? Mukhang dinayo ka pa niya dito tapos itataboy mo lang. Kung ibang babae iyan, di ka na niyan susundan,” sabi ng trabahador na umabot sa kamay niya.
“Baka naman may iba ka nang babae. Masama iyon, bata. Di pinapaiyak ang mga babae. Dapat minamahal iyan,” segunda pa ng isa pa.
“Kung ayaw mo sa kanya, ako na lang ang boyfriend niya,” sigaw ng isa pang lalaki na nasa tuktok ng guho at nakatanaw sa kanila.
Doon lang bumalik sa realidad si Paloma. Hindi lang silang dalawa ni Jeyrick ang tao doon. Naroon din ang mga trabahador na nagbabakbak ng landslide at nagki-clear ng kalsada. Inayos ni Paloma ang salamin at yumuko. Baka may makakilala pa sa kanila ni Jeyrick at mag-report pa sa kakilala ng mga ito o sa social media. Kahit pa walang signal sa lugar na iyon, hindi sila makakasiguro.
“Salamat po sa tulong,” sabi ni Jeyrick. “Ako na po ang bahala sa girlfriend ko.” Matigas ang boses ng binata, napipilitan lang angkinin na nobya siya nito.
agpasalamat din si Paloma sa mga lalaki. Di siya tumutol nang kunin ni Jeyrick ang backpack sa likuran niya. Hinawakan ni Jeyrick ang kamay niya. “Huwag ka munang kumontra. Huwag mong bibitawan ang kamay ko hanggang makatawid tayo sa kabila.”
"Maghugas kayo. May gripo doon sa baba,” pahabol pa ng trabahador. “Mag-ingat na kayo.”
Ni wala siyang kibo habang patawid siya ng guho. Wala nang nararamdaman na takot ang dalaga. Kahit pa itinaboy siya ni Jeyrick kanina, di siya nito hahayaang mapahamak. It was her only consolation. Isasantabi muna niya ang sama ng loob sa puso niya. Kailangan muna niyang maka-survive sa landslide na iyon.
Makalipas ang ilang minutong paghakbang sa mga gumuhong bato at muntik na pagkadulas, nakarating na sa wakas si Paloma sa kabilang bahagi ng landslide. Nanginginig pa ang tuhod niya nang akayin siya ni Jeyrick sa munting waterfalls sa gilid ng kalsada na nabuo mula sa guho.
“Malinis ang tubig diyan. Maghilamos ka muna at kailangan mo nang palitan ang jacket mo. Madumi na,” sabi ni Jeyrick.