Hinubad muna niya ang putikan na jacket saka nilinis ang mukha at braso. Idinala nito ang gamit niya sa loob ng nakahimpil na pick up truck. Binalikan siya nito agad at naghilamos din. Hinubad din nito ang nadumihan na jacket.
“Wala bang ibang pwedeng daanan ang mga tao kundi dito sa landslide?” tanong ni Paloma.
Umiling ang binata. “Kailangan mo pang umikot sa Natonin, Paracelis hanggang Isabela para makabalik dito.”
Nakangiwi niyang nilingon ang guho. At ilang oras pa papunta ng Ifugao at Bontoc bago makabalik. “Paano ang ibang mga tao na may dala-dalang mabibigat na kargamento? Syempre may mga nagluluwas ng mga produkto nila papunta ng Bontoc o Baguio at may mga namimili din ng supplies para sa mga tagadito.”
“Kailangang mano-manong itawid sa landslide. Pati ang mga bata kailangan ding tumawid diyan,” paliwanag ng lalaki.
“Di ba delikado iyon?” tanong niya.
“At mahal. Kaya mahal ang mga produkto dito. Ginagawa naman ang lahat para mabilis na maalis ang harang sa kalsada pero masyadong malaki ang landslide ngayon. Sanay na kami,” sabi ng binata.
“Kawawa naman ang mga tao dito.”
“Mas malala pa diyan ang pinagdaanan namin. Kaya namin iyan.” Pumalatak ito nang biglang hawakan ang braso niya. Ibiniling nito at dumilim ang mukha nang makita ang gurlis sa braso niya na namumula. “Kailangan nating gamutin iyan. Baka may iba pang iba pang masakit sa iyo.”
Binawi niya ang kamay dito. “Okay lang ako. Malayo sa bituka.”
“Hindi matutuwa ang tita mo at fans mo kapag nakita iyan…”
“Hindi naman nila makikita dahil wala sila dito. Gagaling din naman iyan,” aniya sa malamig na boses. Di niya aaminin dito na masakit ang buong katawan niya. Siya naman ang may gusto na pumunta doon at ayaw niyang maging responsibilidad pa siya ng binata lalo na kung napipilitan lang ito. “Ang bag ko.”
Kinuha ni Jeyrick ang bag niya pero di ibinigay sa kanya. “Sabihin mo kung ano ang kailangan mo.” At binuksan ang zipper. Kinuha niya ang towelette doon at pinunasan ang sarili. Kahit paano ay naginhawahan siya sa malamig na tubig ng falls. Gusto nga niyang maligo na lang doon kung pwede lang.
Basa rin ang mukha ni Jeyrick at di na niya napigilan ang sarili na punasan din ang mukha nito. Halatang nagulat ang binata at inilayo ang mukha sa kanya. “Ako na ang bahala sa sarili ko. Bumalik na tayo sa sasakyan.”
Napamaang si Paloma. He was rejecting her again. Daig pa niya ang sinampal. “Pwede ka namang mag-thank you. Kailan ka pa naging suplado?” tanong niya dito at sumimangot. “Kung ayaw mo akong ihatid sa Kadaclan, pwede naman akong maglakad na mag-isa na lang. My choice.”
“Hindi kita pwedeng pabayaang mag-isa. Alam mo iyan,” sabi ng binata sa malumanay na sabi ng binata at hinawakan ang siko niya. Hindi niya ito pinansin at naglakad palayo. “Sige na. Hindi mo kakayanin maglakad mag-isa sa Kadaclan at hinihintay ka ni Ma’am Fe. Di daw siya makakakain ng agahan hangga’t hindi ka pa dumadating. Ilang oras ang aabutin kung maglalakad ka. Hindi ka naman siguro seryoso na maglalakad ka.”
“Seryoso ako kung lagi mong ipapakita sa akin na ayaw mo na nandito ako,” aniya sa malamig na boses. “Kung gusto mo akong sumama ako sa iyo, huwag mong masyadong iparamdam sa akin na ayaw mo akong kasama.”
Humugot ito ng malalim na hininga. “Hindi ko intensiyon na itaboy ka. Nagulat lang ako kanina nang makita ka. Sorry.”
“Nakakatakot kang magulat,” usal niya pero sumama pabalik ng sasakyan. Parang di niya nakikilala si Jeyrick. “Bakit ikaw ang sumundo sa akin? Hindi nabanggit sa akin ni Ma’am Fe,” tanong niya nang sumakay sa tabi ng driver’s seat. Akala niya ay mas malaking problema niya kung ibang tao ang makakakilala sa kanya. Mas malaki pala ang problema sa kanya ni Jeyrick.
Malinaw na nagtatago ito sa mga tao at inililigaw ng grupo nila Lerome ang mga naghahanap sa binata. Tama ang hinala niya na nasa Kadaclan ito. At ngayon pa lang ay kalaban na ang trato nito sa kanya.
“Dapat siya ang susundo pero masakit ang balakang niya. Di na niya kakayaning maglakad ni Ma’am papunta sa Chupac at sunduin ka dito,” paliwanag ni Jeyrick at in-start ang sasakyan.
Ang Kadaclan ay isang community kung saan nakatira ang tribo ng Kadaclan. Binubuo ng apat na baranggay ang Kadaclan. Ang Chupac ang sentro ng tribo at isa hanggang dalawang oras pa mula doon ang kailangang lakarin bago makarating sa Ogo-og kung saan nakatira sina Jeyrick at ang dati nilang professor na si Ma’am Fe.
“Hindi niya sinabi sa akin na ikaw ang susundo sa akin,” usal niya. “Kung nalaman mong ako ang susunduin mo, pupunta ka ba?”
Nagkibit-balikat ito. “Siyempre pupuntahan pa rin kita.”
“Talaga?” Baka taguan din siya nito. Paano naman siya nito haharapin ngayong may girlfriend na ito?
“Hindi ko lang inaasahan na dadating ka.”
“Malalaman mo sana kung naka-on ang cellphone mo.”
“Nasira ang cellphone ko. Wala rin signal sa bukid,” paliwanag nito pero halatang di ito komportable na pag-usapan iyon. “Hindi ko naman gusto na itaboy ka. Di ko napaghandaan ang pagdating mo. Paloma, nang yayain kita na bumalik ng Barlig para maipasyal ka, hindi sa ganitong sitwasyon. Gusto ko na maging maganda ang pagsalubong sa iyo at komportable ka. Gusto ko na tratuhin ka na parang prinsesa."
"Hindi ako prinsesa. You don't have to treat me like one,” aniya sa malamig na boses. Ang gusto lang niya ay maging masaya ito kapag nakita siya.
"Nasanay lang ako na iyon ang trato ko sa iyo."
"Hindi na kailangan." She was not living a fairy tale life after all. Sa mga pinagdaanan niya sa buhay, pinatatag na siya ng buhay.
“Sino ang kasama mo papunta dito?”
“Ako lang. Nandito ako para magpahinga. Doon sa malayo sa mata ng maraming tao. O kaya walang pakialam kahit anong gawin ko.”
“Tulad ng sinabi mo sa akin dati,” usal ng lalaki. “Hindi ka ba susundan ng mga reporter dito?”
Umiling ang dalaga. “Hindi. Natakasan ko sila.” Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin dito na alam na niyang viral ang picture nito bilang Carot Man. Na ito ang hinahabol ng mga reporter at na-interview siya ng mga ito.
Kinuyom niya ang palad. Di niya masasabi dito ang tungkol doon. Ngayon pa lang kumakalma si Jeyrick. Baka ihagis siya nito sa bangin kapag nalaman nito ang tungkol sa interview niya.
“Welcome pa rin naman ako dito sa Kadaclan, hindi ba?” kinakabahang tanong ng dalaga nang nanatiling tahimik ito.
“Siyempre. Bisita ka pa rin dito,” sabi nito at ngumiti.
“Alam ko naman na mabibigyan ako ng privacy ng Kadaclan. Perfect ang lugar ninyo para hindi ako masundan ng mga reporter,” sabi niya at tipid na ngumiti. “Pwede mo ba akong tulungan na makaiwas sa mga tao?”
“Oo naman. Kung gusto mong magtago sa mga reporter, Kadaclan ang perpektong lugar para di ka nila masundan. Hindi gaanong mahilig sa artista ang mga tao dito.” In-adjust nito ang sumbrero niya. “Gusto mo ba lagyan natin ng pimples ang mukha mo para mas hindi ka makilala ng mga tao? Kaso di natin maitatago ang dimples mo.”
“Maglalagay na lang ako ng mask,” sabi niya at inilabas ang mask na may design ng bibig ng pusa na my whiskers. “Di mo na ako itataboy?”
Ngumiti ito ulit. Sa pagkakataong ito ay wala nang pag-aalala sa mga mata nito. “Masaya ako kasi pinili mong dito tumakbo at ako ang kasama mo. Welcome to Kadaclan.”