Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 22

HINDI halos humihinga si Paloma nang bumaba sa pick up truck. Ipinarada ni Jeyrick ang sasakyan sa harap ng gymnasium ng Chupac malapit sa elementary school. Iyon na ang dulo ng kalsada na pwedeng puntahan ng sasakyan. Mula doon ay kailangan na nilang maglakad.

"Kaya mo na bang maglakad? Baka masakit ang binti mo o ang tuhod mo sa pagkakadulas sa landslide kanina,” nag-aalalang sabi ni Jeyrick.

"Walang masakit sa akin," kaila ng dalaga. Lumipas na ang sakit at wala siyang oras para indahin iyon. "Simulan na nating maglakad papunta ng Ogo-og. Ayokong magtagal dito."

Pasado alas siyete na ng umaga. Nasa sentro sila ng komunidad kaya may mga batang naglilinis ng gymnasium at bukas na rin ang mga tindahan. Madaling-araw pa lang ay gising na ang mga tao doon.

"Nakasuot naman ang mask mo. Wala kang dapat ipag-alala. Walang makakakilala sa iyo." May kinuha itong buho sa likod ng pick up. "Gamitin mo ito. Ibinilin sa akin ni Ma'am Fe na ikuha ka ng tungkod. Mahaba-haba ang lalakarin natin.” Malaking tulong sa kanya ang tungkod wala siyang dala na trekking pole na ginagamit sa malayuang paglalakad. “Baka may kailangan kang tawagan o i-text para ipaalam kung nasaan ka. Walang signal sa pupuntahan natin."

Tumango siya at inilabas ang cellphone. Mahina ang signal doon pero nagawa pa rin mag-text ni Paloma kay Hepburn. Sinabi niyang nasa Kadaclan siya.

"Sinabi mo ba kung sino ang kasama mo?" tanong ng binata at napansin niya na bigla itong pinagpawisan.

Umiling si Paloma. "Hindi. Basta sabi ko nandito na ako." Ayaw din niyang sabihin sa pinsan na nakita na niya si Jeyrick. Ipe-pressure siya nito na sabihin ang offer nila sa lalaki. Ayaw muna nilang pag-usapan ang tungkol sa pagiging Carrot Man nito. Gusto muna niyang isekreto ang pakay niya. Kahit ilang araw lang.

Kinuha ni Jeyrick ang backpack sa kanya at isinukbit sa balikat nito. Hinawakan nito ang kamay niya at tuloy-tuloy ang binata sa paglalakad. Tahimik siyang sumunod dito habang pasimpleng lumilinga sa paligid. Wala halos nagbago sa Chupac maliban sa nadagdag na mga kabahayan at may mga mas lumaki na rin na kabahayan ng iba.

Kinakabahan si Paloma nang lumampas na sa eskwelahan at nadaanan ang hilera ng mga bahay. May nakasalubong sila na mga batang naghahabulan at may mga tao silang nadaanan sa mga bahayan pero walang pumansin sa kanila. Wala bang internet ang mga tao doon? Di ba nakikilala ng mga ito si Jeyrick?

Di pa rin kampante si Paloma habang pababa sila ng hagdan papunta sa rice terraces na papunta sa kabilang baranggay ng Caleo. Di siya nagtangkang mag-alis ng facemask kahit na hinihingal na siya.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang matanaw niya ang luntiang palayan. “Ang ganda pa rin dito. Wala pa ring nagbago,” usal niya at naramdaman ang pamamasa ng mga mata.

“Pwede mo nang ibaba ang mask mo. Wala nang ibang tao dito,” sabi ni Jeyrick.

Ibinaba niya ang maskara. “I am back, Kadaclan! Nakabalik na ako!” sigaw niya na umalingawngaw sa buong palayan. “Ako ito! Si Paloma!”

Sinibat siya ng matalim na tingin ni Jeyrick. “Akala ko ba ayaw mong makilala? Bakit ipinagsigawan mo pa na ikaw si Plaoma?”

“Wala namang ibang tao dito. Saka di lang naman ako ang Paloma sa mundo. Masaya lang ako dahil nakabalik ako dito. Ngayon lang ako nakapunta sa isang lugar nang mag-isa at walang nakasunod na camera o hindi ako obligado na mag-post sa social media para sa mga fans at followers ko. I’m free,” sabi niya at huminga ng malalim. Wala siyang kailangang I-please. Ni hindi niya kailangang mag-post ng picture para manatiling relevant at di siya makalimutan ng ibang tao.

But she was tempted to take pictures like before. Gusto niyang kuhanan ng picture si Jeyrick dahil gusto niyang maalala ang sandali na kasama ito. Pero pinigilan niya ang sarili. She didn’ want to ruin the moment.

“Hindi ka ba napapagod? Pwede naman tayong magpahinga. May waiting shed na tayong madadaanan,” tanong ni Jeyrick nang malampasan nila ang karatula an nagwe-welcome sa kanila sa Baranggay ng Caleo. Kasunod na ang baranggay ng Ogo-og kung saan nakatira si Jeyrick pero ilang bundok pa ang kailangan nilang tawirin bago makarating doon.

Umiling siya. “Hindi. Nagsisimula pa lang tayo, di ba?”

Kakaiba ang enerhiya ni Paloma ngayon. Parang di siya napuyat at magdamag na nag-isip. Parang ibon siya na matagal nang nasa pugad at malayang nakakalipad ngayon. Habang nasa Kadaclan siya, siya ang magdedesisyon sa buhay niya. Siya ang magdedesisyon kung ano ang magpapasaya sa kanya.

The air was fresh and not stilted. Malamig din ang ihip ng hangin na pumapawi sa pagod niya. It brought her back to her youth. To her same old self six years ago. Bago siya sumikat. Noong simple pa ang mga pangarap niya kasama si Jeyrick.

Nang nagdaang mga araw ay nasa breaking point na siya. Sunud-sunod ang hadlang sa mga pangarap niya. Isama pa ang pagmamanipula sa kanya ng tiyahin niya at ni Thirdy. Parang isa siyang dahon na tinatangay lang ng agos at sunud-sunuran lang kung saan tangayin. Isang puppet na pinapag alw lang ayon sa gusto ng mga ito.

Ngayon lang ulit niya nababawi ang sarili niya. Malaking bagay na kasama niya ngayon si Jeyrick. Ngayong hindi na siya itinataboy ng binata, unti-unti nang bumabalik ang kompiyansa niya sa sarili. She felt normal.

Namamangha pa rin si Paloma nang madaanan ang ilang bahay sa Caleo. Di pa rin nababago ang buhay ng mga tao sa lugar na iyon na pagsasaka pa rin ang kabuhayan. At may nadaanan pa siyang nagbabayo ng palay kahit na may makabagong paraan naman ng paggiik ng palay.

"Hanggang ngayon uso pa rin pala ang magbayo ng palay dito," sabi niya.

"Marunong ka pa kayang magbayo ng palay?"

"Oo naman. Kaya ko pa rin iyan. Parang workout ko lang iyan.”

Nang mag-immersion siya sa Kadaclan kasama ang kaibigang si Jimmarah, ipinaranas sa kanila kung paano mabuhay ang mga tao sa Kadaclan mula sa pagluluto gamit ang kahoy, pagtatrabaho sa bukid at paghuli ng sarili nilang isda. Si Jeyrick ang laging nasa tabi niya noon para I-assist siya at turuan. Mahaba ang pasensiya nito sa kanya at lagi nitong sinasabi na kaya niya kahit minsan ay gusto na niyang sumuko. Isa iyon sa pinakamasaya at pinaka-inspiring na karanasan niya.

"Para namang papayag ako na magbayo ka ng palay. Kaya pa hanggang Ogo-og?" tanong ng binata.

Itinaas niya ang kamay. "Kaya ko iyan!"

Walang narinig na angal mula kay Paloma. Ayaw niyang bigyan ng rason si Jeyrick para paalisin siya ng Kadaclan. Kakayanin niya ito.

Pero lawit na ang dila ni Paloma nang makarating sa border ng Baranggay ng Caleo at Ogo-og. Nadaanan nila ang maliit na ilog kung saan makakainom siya ng tubig. Umiinit na rin ang sikat ng araw kahit na malamig ang panahon. Matapos sahurin ang tubig sa tubo at uminom ay naghilamos din siya.

"Ang sarap ng tubig dito. Parang gusto ko na rin maligo,” usal niya at parang gusto na niyang lumublob sa tubig. Madalian lang ang ligo niya kanina sa lodge dahil kailangan na nilang umalis bago pa magising ang reporters at si Lerome. Welcome na welcome sa kanya ang malayelong lamig ng tubig.

"Konti na lang. Malapit na tayo,” sabi ng binata at itinuro ang karatula na paakyat ng Ogo-og.

“Ah! Ang Stairway to Heaven,” tukoy niya sa mataas na hagdan paakyat ng Ogo-og.

Halos gapangin nila iyon ng kaibigang si Jimarah nang huling manggalig sila doon. Doon din siya napahanga ng mga tao sa lugar na iyon lalo na sa mga bata na araw-araw pumapasok sa paaralan sa Chupac. Mahigit isang oras na nilalakad ng mga ito ang kabundukan umulan man o umaraw para lang matuto.

Sumalampak si Paloma sa bato sa gilid ng inuman. “Magpahinga lang tayo sandali. Mag-iipon lang ako ng lakas bago umakyat.”

Kinuha nito ang water canister niya. “Lagyan natin ng tubig.”

Ibinigay niya dito ang lalagyan ng tubig at pumikit. Ngumiti siya nang marinig ang kaluskos sa paligid. Ang hangin na humahalik sa pisngi niya, ang lagaslas ng tubig sa ilog at ang huni ng mga ibon. It relaxes her mind. Iyon mismo ang kailangan niya.

“O! Baka makatulog ka na diyan,” untag ni Jeyrick sa kanya.

Huminga ng malalim ang dalaga. “Pinapakinggan ko lang ang huni ng mga ibon. Parang kinakantahan nila ak, wine-welcome dito sa lugar ninyo.”

“Kinakausap ka na naman nila?”

Tumango siya at nanatiling nakapikit. “Parang gusto kong mag-compose ng kanta.”

Matagal-tagal na siyang di nakakapag-compose ng kanta. Puro malulungkot ang kanta na nagawa niya nitong nagdaang panahon. Always mourning for her lost love. Longing for the one her heart desires. Ngayon lang ulit nakarinig ng masayang kanta ang puso niya. Happy melodies were filling her head.

Magaang tumawa si Jeyrick. “Katulad ng kanta ng mga bituin?” tukoy nito sa inspirasyon niya sa unang kantang na-compose niya. “Baka sa susunod may nakikita ka nang di ko nakikita. Sabihin mo lang sa akin para di ako mabigla.”

Dumilat siya at tinaasan ito ng kilay. “Artistic inspiration ang tawag doon.”

“Alam ko. Tinutukso lang kita,” sabi nito. “Alam mo naman na hanga ako sa talento mo kahit noon pa lang. Minsan nga inaabangan ko sa radyo na baka ‘yung kanta mo ay original mo nang kanta pero puro revival at cover songs lang ang kinakanta mo. Wala ka bang ire-release na original composition mo?”

Nawala ang ngiti sa labi niya. “Wala.”

“Pero magaganda ang kanta na gawa mo. Naalala mo ‘yung Star Song na unan mong na-compose? Hindi ba kinanta mo pa nga iyon nang mag-audition ka sa You’re A Star? Sana nakanta mo ulit iyon.”

Bumuga ng hangin si Paloma. Ilang beses na ba niyang inalok sa record label producers ang kanta niya pero di naman interesado ang mga ito. “Sabi nila hindi daw marketable ang kanta ko. Hindi magiging hit. Pwede naman daw sa akin ang cover songs tutal kikita naman iyon.”

“Hindi ka ba sinuportahan man lang ng ex-boyfriend mo?”

“Pareho lang naman kaming sunud-sunuran sa kung ano ang gusto ng market. Sumusunod lang siya kung ano ang mabenta at para di siya pagsawaan ng tao.”

“Talentado ka, Paloma. Makikita ng mga tao iyon. May paraan naman para maiparinig mo sa mga tao ang kanta mo.”

Mapait siyang ngumiti. “Sa panahon ngayon, mas interesado ang mga tao sa tsismis ng buhay ng isang tao kaysa sa talento. Iyon yata ang entertainment para sa marami. Minsan kahit talentado ka kung di ka naman gagawa ng ingay, hindi ka rin nila pag-uusapan. Wala rin magkaka-interes sa kaya mong gawin.”

Galit na galit siya kay Thirdy nang malaman niya ang pagmamanipula nito para mapasunod siya sa gusto nito. Kung paano nitong ginipit pati ang kaibigan niyang may-ari ng bar para di na niya mailabas pa ang kanta niya. Pero pareho lang silang sunud-sunuran sa dikta ng mga tao. Gaya niya ay may imahe itong kailangang pangalagaan. Pareho lang silang biktima ng industriyang ginagalawan nila.

Hinaplos ni Jeyrick ang noo niya. “Huwag na nating pag-usapan kung malulungkot ka lang. Kaya nga dumayo ka dito para maging masaya, hindi ba? At ayoko nang magiging malungkot ka habang kasama mo ako.”

“Hindi mo na ako itataboy katulad kanina?” paniniyak niya.

Ngumiti ito. “Hindi na.”

“Sabi mo iyan, ha?”

Tumango ito at inilahad ang palad sa kanya. “Halika na. Baka mapagalitan ako ni Ma’am Fe kapag natagalan kang dumating.”

Magaan ang puso niyang hinawakan ang kamay ng binata. Kahit yata saan siya pumunta ay magiging masaya siya basta kasama ito. Gusto na lang niyang kalimutan ang lahat - ang misyon niya na ipasok sa showbiz si Jeyrick, ang mga reporter pati si Beliza na inaangking nobya ito ni Jeyrick. Nang mga oras na iyon ay sila lang ni Jeyrick ang mahalaga. Hindi niya bibitawan ang kamay nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.