“HINDI talaga ako makapaniwala na nandito ang pinakasikat kong estudyante. Naku! Mas gumanda ka na ngayon. Pinagod pa kita sa pagpunta dito sa amin. Pabigla-bigla ka kasi ng dating. Simple lang tuloy ang pagkain na naihanda ko,” usal ni Ma’am Fe habang hinahaplos-haplos ang mahabang buhok ng dalaga. Mahigpit ang yakap nito sa kanya nang dumating siya sa bahay nito.
“Naku! Ako po ang may gusto na dalawin kayo. Ako nga po ang nahihiya dahil basta na lang akong dumating dito nang walang pasabi,” sabi niya at sumubo ng turon. Pumikit siya at umungol nang matikman iyon. “Ito talaga ang pinakamasarap na turon na natikman ko, Ma’am. Ang sarap po talaga ng pagkain dito sa inyo.”
Nakaupo sila sa kainan sa loob ng bahay ni Ma’am Fe. Maraming gutom si Paloma kaya naman in-enjoy niya ang pagkaing nakahain sa kanya. Malagkit na biko na gawa sa black rice, minatamisang gabi at turon ang ihinain sa kanya. May nakahanda din na tsaa na gawa sa luyang dilaw na inani mismo sa bakuran ni Ma’am Fe.
“Sabi ko nga po hindi man lang natin siya naipaghanda ng magandang tutuluyan,” sabi ni Jeyrick na kumakain sa tapat niya.
“Hindi ako maarte. Kung paano ninyo ako nakilala dati hanggang ngayon ganoon pa rin po ako. Pwede akong matulog sa lupa. Kahit po pakainin ninyo ng ahas o palaka di po ako maselan,” natatawang sabi niya sa mga ito.
“Di naman aabot sa punto na iyon ang ipapakain namin sa iyo,” sabi ni Jeyrick habang nakakunot ang noo.
“Sinasabi ko lang na hindi ninyo ako kailangang alalahanin na baka hindi ko magustuhan ang ihahain ninyo sa akin. Kaya ko pong manguha ng suso sa bukid at manghuli ng isda.” Itinupi niya ang braso para kunyari ay ipakita ang muscles. “Kaya ko pa rin pong magbayo ng palay. Pwede pong iyon ang work out ko.”
“Mas naging humble ka pa ata ngayon. Proud na proud talaga ako kapag ikinukwento kita sa mga naging estudyante ko. At salamat sa mga ipinadala mong libro at TV para sa eskwelahan ng Ogo-og. Hindi ka nakalimot kahit na malayo na ang narating mo,” sabi nito at pinisil ang kamay niya. Nag-alangan ang ngiti niya dahil ayaw naman niyang ipagsabi ang pagtulong niya noon. “Siguro naman pwede ka nang personal na pasalamatan ng mga tao dito. Titipunin namin ang tagadito para bigyan ka ng magarbong welcome.”
Pinigilan niya ang kamay nito. “Naku! Huwag na po.” Lumingon siya kay Jeyrick para humingi ng saklolo. Ayaw pa niyang ma-expose sa ibang tao.
“Ma’am, kasi po gusto muna ni Paloma na makihalubilo sa maraming tao. Saka na po natin planuhin ang pag-welcome sa kanya kapag nakapagpahinga na siya. Makakapaghintay naman po ang mga tagadito,” paliwanag ni Jeyrick.
Tumango ang matandang babae. “Oo nga naman. Nakakapagod din siguro na laging pinagkakaguluhan ng mga tao. Sandali at ihahanda ko ang kuwarto ko. Sigurado ako na napagod ka sa biyahe. Tumawid ka pa ng landslide.”
“Manang Fe, nasaan po ‘yung langis na may mga halamang gamot?” tanong ni Jeyrick. “‘Yung maganda po sa galos at sugat.”
“Ano bang nangyari?” nag-aalalang tanong ng matandang babae at bumaling sa kanya. “May masakit ba sa iyo, Paloma? Saan ka nasugatan?” At hinawakan ang braso niya. Kapag inangat ang manggas ng jacket niya ay tiyak na makikita ang mga gurlis sa balat niya. Magpa-panic tiyak ang matandang babae.
Nanigas si Paloma dahil baka ikwento ni Jeyrick na nadulas siya sa landslide kanina. Tiyak na magiging overprotective si Ma’am Fe sa kanya. Baka di na siya pagalawin sa bahay. At hindi iyon ang bakasyon na gusto niya.
“Nadulas po ako kanina nang tumawid sa landslide,” sa halip ay sabi ni Jeyrick at ngumiwi.
Ginulo ni Ma’am Fe ang mahabang buhok ng binata. “Ikaw talaga. Hindi ka nag-iingat. Sino ang sasagip sa iyo kung nadisgrasya ka?”
“Si Paloma ang sasagip sa akin,” nakangising sabi ng binata. “Puro muscles iyan. Di nga napagod habang papunta dito sa Ogo-og.”
“Naku! Puro kalokohan,” anang si Ma’am Fe at tumayo. “Ipagsasalin kita ng langis para maiuwi mo. Alagaan mo naman ang sarili mo, Jeyrick. Di bale sana kung may girlfriend na mag-aalaga sa iyo.”
Natahimik si Paloma nang mabanggit iyon. Hinintay ng dalaga na sabihin ni Jeyrick sa matandang babae ang tungkol sa relasyon nina Jeyrick at Beliza pero di ito nagsalita. Ni hindi nagbago ang ekspresyon nito. Hindi ba kapag girlfriend nito ay dapat ipinagmamalaki nito? Pero wala. Baka wala talaga.
Lumingon si Paloma sa magandang tanawin ng rice terraces mula sa bintana. Malayo sa bahayan ang bagong bahay ni Ma’am Fe. Iba iyon sa bahay na tinuluyan nila ng kaibigang si Jimarah nang mag-immersion sila sa Ogo-og. Kinailangan pa nilang tumawid ng tulay at dumaan sa mga palayan. At pabor sa kanya ang pagiging isolated ng lugar na iyon. Wala ring telebisyon sa bahay na iyon at radyo lang ang meron na puro country music ang maririnig.
“Lumipat na pala ng bahay si Ma’am,” usal ni Paloma at tumayo sa tabi ng bintana.
“Oo. Mas malawak kasi ang bakuran na pwedeng taniman dito. Ito ang therapy ni Ma’am Fe mula nang nag-retire siya sa pagtuturo.”
“Mabuti nadalaw mo siya dito,” aniya sa binata. May labinlimang minuto rin ang kailangang lakarin mula sa bahayan ng Ogo-og papunta sa kinalalagyan ng bahay ni Ma’am Fe. Malayo na rin ang natatanaw niyang kapitbahay nito.
“Nasa kabilang lupa ang kapehan na binabantayan ko.”
Kumunot ang noo niya. “Akala ko kasama mo ang papa mo sa bukid na malapit sa Chatol,” tukoy niya sa lugar na mas malapit sa sentro ng bayan ng Barlig. “Iyon ang sabi mo noong huling beses tayong nagka-text.”
Ilang beses na kumurap si Jeyrick. “Ah… Pag-aari nila Lolo Pio ang kapehan at umalis muna si Jensen kaya walang ibang magbabantay. Habang wala pang mga turista na dumadating, di pwedeng tumigil sa pagtatrabaho sa bukid. Saka tinitingnan-tingnan ko rin ang palayan namin dito.”
Hindi madali ang buhay ng mga kababayan ni Jeyrick. Minsan lang sa isang taon kung mag-ani ng palay ang mga ito. Kadalasan ang mga pananim doon ay sapat lang para sa pagkain ng pamilya. Kaya naman humahanap din ang mga ito ng ibang tatanimang lupain para makadagdag sa gastusin.
Lalo siyang na-guilty. May pag-asa na sana itong umunlad ngayon kung sasabihin niya ang tungkol sa pagkakataon nitong pumasok sa showbiz. But she was a bit selfish. Ayaw muna niyang sabihin dito ang tunay na pakay. She wanted to have him for herself. Sila lang dalawa. Na malaya silang makakagalaw nang walang mga mata na nakasunod sa kanila. Kahit na ilang araw lang.
“Sana makita ko rin ang pamilya mo. Matagal ko na silang hindi nakikita. Hindi na siguro ako nakikilala ni Anjel,” tukoy niya sa dati ay isang taong gulang na kapatid ni Jeyrick na kalaro niya nang nandoon sila. “Hindi ko pa nakikita ang pamangkin mo.”
“Baka maguluhan ka lang sa kanila. Makukulit ang mga bata. Sasabihin ko na lang na nandito ka na kapag nakapagpahinga ka na,” sabi ng binata. “Sigurado ka ba na okay ka lang dito?”
Tumango siya. “Oo. Mas gusto ko dito. Ito mismo ang kailangan ko. Katahimikan at simpleng buhay.” Kasama ka. “Hindi lahat ng tao napapasaya ng mamahaling bagay o ng pagiging sikat, Jeyrick. Minsan mas mahal ang presyo ng katahimikan ng isang tao. Ng pagiging totoo. Iyan ang tatandaan mo.”
“O! Masyado namang seryoso ang itsura ninyo. Ano ba ‘yang pinagkukwentuhan ninyo?” tanong ni Manang Fe.
“Nagpapakwento lang po si Paloma tungkol sa mga development po dito sa Kadaclan,” anang si Jeyrick at tipid na ngumiti. “Wala naman halos nagbago. Simple pa rin ang buhay ng mga tao dito. Sa bukid pa rin nakadepende ang buhay.”
“Heto ang langis,” anang matandang babae at inabot kay Jeyrick. “Kailangan na mag-ingat ka. Mag-isa ka lang sa bukid.”
Tumango si Jeyrick. “Salamat po, Ma’am.” Nahigit niya ang hininga nang biglang hawakan ng binata ang kamay niya at idinikit ang labi sa tainga niya. “Itabi mo na iyan. At huwag nang matigas ang ulo mo.” Saka lang niya naramdaman ang malamig na botelya sa palad niya.
Napalunok siya. Pinapasahan lang siya nito ng bote ng langis. Pero bakit parang kinikilig ang buong katawan niya? Ganito na ba magpasahan n bote ng langis ngayon?
“Ano na naman ‘yang pinagbubulungan ninyo?” tanong ni Manang Fe na naiintriga na sa ginagawa nila.
“Wala po. Tinatanong ko lang kung ano ang gusto niya na tanghalian,” sabi ni Jeyrick. “Baka po gusto niyang ihuli ko siya ng isda.”
“Iyon lang pala nagbubulungan pa kayo. Para kayong nagliligawan,” naghihinalang sabi ni Ma’am Fe.
“Hindi po,” sabay na tutol nila ni Jeyrick at nanlalaki ang mata nilang nagkatinginan.
“Naku! At duet pa kayo,” anang si Ma’am Fe. “Di naman na kayo dapat na mahiya sa akin. Hindi na kayo teenager. Matatanda na kayo. Kung magkakagustuhan man kayo, ako ang unang matutuwa. Alam ko na aalagaan ka ni Jeyrick, Paloma.”
“Alam ko po,” usal niya. Pero sa ngayon ay di niya alam kung saan siya lalagay sa buhay nito. At di niya malalaman ang sagot hangga’t di niya nasasabi dito kung ano ang pakay niya. Kung ano ang magiging desisyon nito sa hinaharap. Dahil sa ayaw niya’t sa gusto, nakasalalay kay Jeyrick ang mga pangarap niya.