NANGINGINIG ang kamay ni Paloma nang ibabad sa parang nagyeyelong tubig na may sabon ang madumi niyang mga damit. Katatapos lang niyang maligo. Kaunti lang ang baon niyang damit kaya kailangan niyang maglaba agad kung ayaw niyang maubusan ng isusuot. Malayo pa mandin ang bilihan ng damit doon.
“Ako na ang bahalang maglaba niyan,” sabi ni Ma’am Fe nang makita siyang naglalaba. “Hindi ka dapat naglalaba.”
Akmang hihilahin nito ang batya mula sa kanya pero pinigilan niya. “Ma’am, hindi na po kailangan. Marunong naman po akong maglaba dati pa. Ako po mismo ang naglalaba ng damit ko bata pa langh po ako.”
“Ay hindi! Ikaw si Paloma Escalante,” giit ng matandang babae at pilit na nakipaghatakan sa kanya. “Baka nga sa washing machine ka lang marunong maglaba. Saka di ko talaga maatim na ikaw ang gagawa niyan.”
“Ma’am, maglalayas po ako kapag di ninyo ako hinayaang maglaba. Tinanggap na po ninyo ako nang walang tanong-tanong. Nasabi ko na po kay Jeyrick na ayoko ng VIP treatment dito. Isipin po ninyo na naglayas ninyo akong pamangkin na naglalaba ng sarili niyang damit at tumutulong sa inyo dito. O kaya pasaway na estudyante ninyo na kailangang mag-immersion para pumasa.” At ngumisi siya.
“Hindi na ikaw ang batang iyon, Paloma. Hindi ka naman talaga ganoon. Nadamay ka lang sa parusa dahil kay Jimarah.”
Dating miyembro ng brat pack si Paloma noong estudyante pa siya. Gusto ng tiyahin niya na makipagkaibigan siya sa mga may kaya niyang kaklase. Malaking tulong daw kung makakasama siya sa grupo ng mga ito dahil mas madaling humingi ng pabor sa mayayamang pamilya at gaganda din ang imahe niya. Sa kasamaang-palad ay sakit ng ulo ang mga kaibigan niya. Hindi interesado ang mga ito na mag-aral, mas gusto na manood ng sine, mag-shopping at mamasyal at trip din ng mga ito na mangmata ng mga kaklase nila na mas mababa ang estado sa buhay ng mga ito. Kasama pa si Jeyrick sa mga nilait ng mga ito dati.
Hanggang awayin ni Jimarah ang isa sa estudyanteng pinagselosan nito. Umaawat lang siya pero gaya ng ibang umaawat, napahamak din siya. Apo pala ng gobernador ng Mountain Province ang babae. Dapat ay isang linggo silang isu-suspend. Pero dahil di iyon eepekto kay Jimarah at mukhang masaya pa na isang linggo itong di papasok sa eskwelahan, ang immersion sa Kadaclan ang parusa sa kanila.
Isang linggong ipinaranas sa kanila ang buhay ng mga tao doon. Si Jeyrick ang nag-assist sa kanya sa immersion na iyon. Dahil din dito kaya na-appreciate niya ang Kadaclan, na-inspire sa masisipag na mga tao doon at natutong rumespeto sa kultura ng ibang tao. Nakita niya kung gaano kaswerte ang buhay niya. Kung paano niya nababalewala ang magagandang bagay na pinaghihirapan ng iba na makuha - gaya ng kailangan pang magtanim ng palay, mag-ani, bayuhin iyon at iluto para lang makakain. O kaya naman ay mga estudyante na kailangan pang maglakad nang dalawang oras para makarating sa paaralan o kailangang magtrabaho para may maipambaon.
“Ma’am, hayaan na po ninyo ako na magtrabaho. Gusto ko pong maging independent kahit na minsan. Hindi naman po ako iba sa inyo. Kalimutan po ninyo na artista ako,” pakiusap ni Paloma.
“Lagyan na lang natin ng mainit na tubig para hindi ka lamigin. Kung nandito si Jeyrick, hindi iyon papayag na maglaba ka.”
Natawa na lang ang dalaga. “Isa pa iyon. Masyado po akong bine-baby.”
“Masaya lang kami na malayo na ang narating mo.”
“Hindi naman po ganoon kalayo.” Kung kailan akala niya na malapit na siya sa pangarap niya, parang may kamay naman na kumakaladkad sa kanya palayo. “Nahihiya nga po ako sa inyo dahil di ako nakatapos ng pag-aaral. Nagsunud-sunod na po kasi ang trabaho. Marami nang responsibilidad.”
“Pareho kayo ni Jeyrick. Kailangang tumigil sa pag-aaral para lang suportahan ang pamilya. Nanghinayang nga ako sa scholarship ng batang iyon dahil matalino siya.”
Kumunot ang noo niya. “Ano po bang nangyari kay Jeyrick? Kasi po basta na lang siyang nawala. Dapat po pupunta na siya ng Maynila para sa You’re A Star. Akala ko nga po magkakasama kami. Pero nag-backout po siya.”
“Umuwi siya sa Kadaclan. Nabalitaan niya na maselan ang pagbubuntis ng nanay niya at kailangang I-confine sa ospital. Akala nga namin mamamatay na siya dahil dinugo siya habang nasa bukid. Kasama pa ako sa nagdala sa Bontoc.”
“Nabanggit po ni Jeyrick na nagbuntis si Tita Ronalee pero di ko po alam na nanganib ang buhay niya.”
“Kailangang magtrabaho ni Jeyrick dahil ilang buwan ding naka-complete bedrest si Ronalee noon. Walang ibang mag-aalaga sa mga kapatid niya. Kaya nagdesisyon si Jeyrick na huwag na munang mag-aral para magtrabaho at makatulog sa pamilya . Alam ni Jeyrick na kailangan niyang magsakripisyo.”
Nakuyom niya ang palad. “Pero maayos na po ba si Tita Ronalee at ang kapatid ni Jeyrick?”
“Oo. Maayos namang naipanganak si Jerwin. Pero di na rin nagpatuloy ng pag-aaral si Jeyrick dahil mas kailangan ng mga kapatid niya na magpatuloy sa pag-aaral. Mabait at masipag ang batang iyon. Kaya nga kapag may ipapagawa dito sa bahay, sa kanya ko na rin ipinagagawa. Kapag may mga bibisita akong kakilala para mamasyal, siya na rin ang kinukuha namin na tourist guide para may dagdag na kita siya.”
Nanlambot si Paloma. Habang masama ang loob niya at iniisip na kinalimutan na siya ng lalaki, nakikipaglaban pala na mabuhay ang nanay at kapatid nito. Habang naaabot niya ang pangarap niya, wala man lang siyang nagawa para sa lalaki.
“Hanggang ngayon nagtatrabaho pa rin si Jeyrick para mapag-aral ang mga kapatid niya. Kita mo naman naunahan na siyang mag-asawa ni Charlene. Binibiro nga namin na baka tumanda na siyang binata.”
Kinagat ni Paloma ang labi. “Wala po ba siyang nililigawan?”
“Alam ko malapit siya sa dating Miss Lang-ay na si Beliza. Magandang bata iyon. Pero kapag tinatanong ko si Jeyrick, lagi niyang sinasabi na uunahin niya ang kapatid niya. Sana ng makahanap siya ng babae na siya naman ang mamahalin at iintindihin. Hindi ‘yung puro na lang ibang tao ang iniisip niya.”
“Tama po kayo,” usal ng dalaga. Siya mismo ang magpapatunay kung gaano kaswerte ang babaeng mamahalin ni Jeyrick. Ang tanong lang ay kung siya pa ba ang babaeng karapat-dapat dito. Ano ang handa niyang isakripisyo para kay Jeyrick? O nalamangan na siya ni Beliza sa puso nito? May pag-asa pa ba siya?