MAGANDA ang gising ni Paloma kinabukasan. Sa unang pagkakataon ay maaga siyang nakatulog matapos ang hapunan. Wala siyang iniisip na problema o isyu. Maliban sa kung papayagan ba siya ni Ma'am Fe na magbungkal sa hardin nito o magtanggal man lang ng damo. She was fascinated with her flower garden. Saka niya naalala na pangarap niya na magbungkal sa lupa noong bata pa siya. Pero sa squatter's area siya lumaki. Walang lupang taniman na mabubungkal. Nang mapunta siya sa poder ng tiyahin, sa condo na sila tumira at wala man lang halaman. May maliliit na potted plants sa condo niya pero di naman niya iyon mabubungkal.
Ilang sandali silang nagdebate ni Ma'am Fe nang sabihin niyang magwawalis siya sa hardin at kung hahayaan siya nito na magbunot ng damo. Madudumihan daw ang kamay niya at papawisan siya. Pero wala naman itong nagawa sa huli dahil hinawakan na lang niya ang walis tingting at nagwalis. Simpleng bagay lang iyon.
She found herself singing. About the soil, how it felt cold against her palm, about the breeze of the cold wind and how the flowers danced to it. It was a happy song. Her heart was happy.
Nagulat siya nang biglang may sumabay na gitara sa pagkanta niya. Nang lumingon siya ay nakita niya si Jeyrick na nakatayo di kalayuan sa kanya. Nakasukbit ang gitara sa balikat nito habang tumitipa. Nakasuot ito ng black long sleeve shirt at khaki pants. Magulo ang buhok nito na akala mo ay hindi sinuklay. Pero bagay dito.
Maghapon itong nasa coffee farm nang nagdaang araw dahil mag-isa lang itong bantay doon pero sinamahan sila na maghapunan.
"Good morning. Dala mo ang gitara mo!" sabi niya at pinagpag ang kamay. “Ito pa rin ang luma mong gitara.”
“Siyempre memorable ang gitara na ito. Dito ka unang nag-compose ng kanta. Ito rin ang ginamit mo nang makapasok ka sa qualifying audition mo sa You’re A Star. Ibebenta ko ito kapag international singing sensation ka na.”
“Sira,” aniya at hinagisan ito ng binunot na damo. Lalaki ang ulo niya dito. Gumagapang nga siya para manatili sa lugar niya sa showbiz. Hindi niya alam kung paano niya maaabot ang international status.
"At kausap mo naman ang mga bulaklak,” puna ni Jeyrick at ngumuso sa mga cosmos na dinadamuhan niya.
"Yung lupa ang kausap ko. Excited lang ako na makapagbungkal ng lupa. I mean, I haven’t done something earthy for quite a while. Sana may sarili akong garden."
"Pwede ka namang magkaroon ng kahit anong gusto mo. Ikaw si Paloma Escalante,” kaswal na sabi nito.
Tipid siyang ngumiti at nagpatuloy sa pagbubunot ng damo. "Sa condo ako nakatira ngayon kaya wala akong lupang mabubungkal. Pero may lupa kami sa Cotabato. Pinagawa kong resort pero hindi pa tapos. Si Nanay at Tatay Topher ang magma-manage.”
“Mabuti naman at may investment ka. May patutunguhan ang ipon mo.”
“Alam ko naman na hindi ako habambuhay sa showbiz.” Napapagod na siya sa pagpapanggap na masaya sa trabaho niya. Ayaw na niya ng pakiramdam na mas interesado ang mga tao sa kwento ng buhay niya kaysa sa talento niya.
“Magpalagay ka ng sarili mong garden na pwede mong bungkalin.”
"Gagawin ko talaga iyan. Gusto ko ng sarili kong flower garden na ako mismo ang mag-aalaga. Pero masaya ako na pinayagan ako ni Ma'am Fe na magbunot-bunot ng damo. Nakaka-relax ito. Buti nagdala ka ng gitara."
"Baka kasi mainip ka. Saka baka mamaya may naiisip kang kanta mula sa pakikipag-usap mo sa mga bulaklak.”
She was itching to play one. Notes were swamping inside her head since yesterday. At gusto niyang tugtugin at isulat bago niya makalimutan.
Tumayo siya at lumapit dito. "Bakit alam mo ang kailangan ko kahit di ko sabihin? May magic ka ba?"
"Ibinubulong sa akin ng puso mo."
Natigagal siya. “Jeyrick..."
Her heart beats triple time. Maraming tao ang nag-a-assume na alam ng mga ito ang kailangan niya at makakabuti sa kanya. Pero walang nakakaalam kung ano ang totoong laman ng puso niya. Kung paanong mas napapasaya siya ng simpleng bagay.
Naririnig nito ang gusto ng puso niya? Alam rin ba nito na kaya siya nagpunta sa Kadaclan para dito? Dahil gusto niya itong mabawi. Na gusto niyang siya ang piliin nito at hindi si Beliza.
Bigla itong tumawa at pinisil ang pisngi niya. "Masyado kang seryoso. Di ka na mabiro."
Tinabig niya ang kamay nito. “Tse! As if naman maniniwala ako sa iyo.”
Joke lang pala. Muntik na niyang seryosohin. Okay na. Naniniwala na sana siya. Bigla naman nitong binawi. Nakakainis.
“Aba! Magkakantahan pala kayo ni Paloma,” puna ni Ma’am Fe na pinuntahan sila sa hardin.
“Pagkakataon ko na po siyang marinig na kumanta nang walang bayad. Di po kasi ako nakanood ng concert niya. Wala akong pambayad at pangluwas sa Maynila,” sabi nito Jeyrick. Nakangiti ito pero malungkot ang boses.
“Alam mo naman na kakantahan kita nang libre,” aniya sa binata. Kung noon pa niya nalaman kung ano ang mga pinagdaanan niya Jeyrick, di sana sumama ang loob niya dito. Titiyakin niya na kasama niya ito sa bawat show, sa bawat concert. At malalaman nito na bawat magagandang kantang ide-dedicate niya ay para dito.
“Aba! Exclusive pa kapag kinantahan mo kami. Parang mayaman na rin kami no’n,” anang si Ma’am Fe at pumalakpak.
“Di po ba kayo kakanta?” tanong niya sa babae.
“Nakupo! Baka biglang bumagyo. Sayang naman ang ganda ng panahon.”
Natawa sila ni Jeyrick. “Si Ma’am talaga,” usal ng dalaga.
“Ma’am, yayayain ko po sana kayo sa Amfitayok Falls habang maganda ang panahon. Pwede po tayong mag-ihaw ng isda,” sabi ni Jeyrick. “Ako ang bahala.”
“Matagal na akong hindi nakakatikim ng pinikpikan” Iyon ang isa sa mga traditional food ng mga Igorot. Paborito rin iyon na pagkain ni Jeyrick.
Nasapo ni Ma’am Fe ang noo. “Ay, Apo! Nakalimutan ko na may usapan kami ni Kapitan ngayon. Pupunta siya sa bayan mamaya para makausap si Mayor. Kailangan ko siyang makausap para sa Menaliyam Festival. Magandang mag-ensayo tayo habang maaga nang di naman tayo mapag-iwanan.”
“Ganoon po ba?” malungkot na usal ng dalaga. Ibig sabihin ay di na siya aalis sa bakuran ni Ma’am Fe? Gusto pa mandin niyang makita ang falls.
“Jeyrick, ikaw na ang magpasyal kay Paloma sa falls. Samantalahin na lang ninyo na walang tao sa falls ngayon at nasa eskwelahan ang mga bata. Pupuntahan ko na lang kayo doon kapag tapos na kaming mag-usap ni Kapitan.”
“S-Sige po. Tutulong po akong magluto ay Jeyrick,” sabi naman ni Paloma.
“Gusto ko iyan. Huwag kang masyadong magpapagod. Ikaw ang mag-alaga kay Jeyrick. Baka madapa na naman,” natatawang sabi ni Ma’am Fe.
Ngumisi si Paloma sa binata. “Narinig mo iyon? Ako ang mag-aalaga sa iyo.”
Napakamot ng ulo si Jeyrick. “Lagi namang ikaw ang boss.”