“AMFITAYOC FALLS! And this falls is all mine!” excited na sigaw ni Paloma nang tumayo sa isang malaking bato kung saan tanaw niya ang talon. Sa wakas ay natuloy sila ni Jeyrick sa falls. At nawala ang takot ni Paloma na may makilala sa kanya dahil wala namang tao doon.
“Para kang diwata habang nakatayo diyan,” sabi ni Jeyrick habang nakatingin sa kanya. Bitbit nito ang picnic basket at ang gitara. Habang dala naman ni Paloma sa backpack ang damit niya at iba pang gamit.
“Ang lakas makaganda ng sinasabi mo,” biro niya sa binata.
“Sigurado ako na maraming nagsasabi sa iyo na maganda ka.”
Nagkibit-balikat siya. “Alam ko.” At hindi na bago iyon sa showbiz. Maraming magaganda sa industriya. Kahit ang mga komedyante na madalas laitin sa pelikula at telebisyon ay magaganda sa tunay na buhay.
“Bakit parang hindi ka kumbinsido?”
Nagkibit-balikat ang dalaga at bumaba ng bato. “Because I am weird. Ako ‘yung nakakarinig ng mga bituin, kinakausap ang mga bulaklak at ngayon gusto ko naman marinig kung ano ang sinasabi ng falls.”
“Ganoon naman ang mga diwata, di ba?” natatawang sabi nito. “Naiintindihan nila kung ano ang sinasabi ng kalikasan.”
Maganda siya pero madalas pakiramdam niya ay palamuti lang siya. Mula nang magpanggap siyang nobya ni Thirdy Concepcion, pakiramdam niya ay peke siya. Na di talaga siya maganda. At di niya alam kung may lalaki ba talaga na magugustuhan siya. Na di lang titingnan ang panlabas niyang anyo kundi ang pagkatao niya.
Pero sa mga sandaling iyon, kinalimutan niya ang mundong iniwan niya. She was in her own world with Jeyrick. Parang bata ito na naniniwala sa mga diwata.
Lumusong siya sa tubig at humagikgik ng maramdaman ang malayelong lamig niyon. Pumikit siya at idinipa ang mga kamay. She felt like a real fairy.
Nilingon niya si Jeyrick na naglalatag ng gamit nila sa batuhan. Gaya pa rin ng dati ang falls. Walang kahit anong istraktura na itinayo doon gaya ng mga cottage. Kaya naglatag na lang si Jeyrick ng sako na uupuan nila.
“Nabanggit mo sa akin na may iba pang falls dito sa Barlig dati,” sabi niya kay Jeyrick.
“May falls sa sentro na naglalabas ng mainit na tubig. Pero may katabi din na malamig na falls kaya ang ginagawa pinagsasama sa isang pool ang dalawang tubig. Parang malaking bathtub. Ikaw na ang bahalang tumantiya kung gaano kainit dapat ang tubig. Sa Lias naman may isang daang waterfalls.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Isang daang waterfalls. Isang waterfall pa nga lang dito hinihingal na ako.”
“Pero Amfitayoc Falls mismo ang paborito ko.”
“Bakit?” tanong niya.
“Alam ko hindi ito kasing garbo ng ibang talon dito sa amin. Simple lang ito. Pero parte ito ng buhay ng mga tao dito. Dito kami kumukuha ng pagkain. Dito kami naglalaro ng mga kaibigan ko at mga kapatid ko. Dito kami naging masaya.”
“Ako rin. Masaya rin ako dito. Mas masaya siguro kung katulad pa rin ng dati at kasama natin sina Jimarah at Rjan.”
“Kulang na lang magsakalan silang dalawa. Sinong mag-aakala na sila ang magkakatuluyan sa huli?” tanong ni Jeyrick.
“Tama ka.” At sino ba ang mag-aakala na magkakahiwalay sila ni Jeyrick?
Naalala niya kung paano binago ni Jeyrick ang pananaw niya sa buhay. Kung paanong mas nagtiwala siya sa sariling talento. Na marami siyang natuklasan sa sarili niya - na mas masayang magkaroon ng mabubuting kaibigan na may malinis na puso gaya ni Jeyrick kaysa sa mayayaman nga subalit mapangmata namang mga kaibigan na dati niyang sinasamahan.
Pero pinaglayo sila ni Jeyrick. Ibinigay nito sa kanya ang pagkakataon para sumikat at matupad ang pangarap niya pero wala pa rin itong nararating hanggang ngayon. Nananatili pa rin ito sa baryo. Pero bakit wala siyang makitang galit dito o lungkot? Masaya pa rin into kahit na simple lang ang buhay nito.
Pinagmasdan niya ang binata habang nagpaparingas ito ng apoy. He was humming. He had no idea that there was turmoil inside her heart.
Paano kung nagpapakatatag lang siya? Paano kung nahihirapan talaga siya pero kailangan niyang maging malakas para sa pamilya niya?
Niyakap niya si Jeyrick habang nakatalikod ito. "Jeyrick, I'm sorry."
"Paloma, ano bang nangyayari sa iyo?" gulat nitong usal.
Humikbi siya at isinubsob ang mukha sa likod nito. "Hayaan mo lang akong ganito. Huwag kang gagalaw."
"Umiiyak ka ba?" tanong nito at sinubukan siyang lingunin.
"Huwag mo akong titingnan. Basta hayaan mo lang ako.”
Naramdaman niya ang paghugot nito ng malalim na hininga. "Bakit ka umiiyak? May nagawa ba akong mali? May kasalanan ba ako sa iyo?" malumanay nitong tanong.
Inangat niya ang ulo at bahagyang itinulak ang balikat nito. "Oo. Basta ka na lang umalis sa buhay ko nang walang paalam. Di ka na nagparamdam. Six years. Six years na parang multo ka na lang na naglaho. Bakit, Jeyrick?” naghihinanankit niyang tanong.
Pumaling ito paharap sa kanya. "Hindi mo na dapat iniiyakan iyon, Paloma. Di na natin kailangang pag-usapan. Hindi na iyon importante..."
"Importante iyon. Magkasama tayong nangarap. Mas pursigido pa nga ako na galingang kumanta dahil gusto ko makahabol ako sa mga mararating mo. Kaya sobrang saya ko nang malaman kong luluwas na ako sa Manila para sa You're A Star. Magkakasama tayo. Matutupad ko na ang pangarap ko nang magkasama tayo. Mas lalakas ang loob ko dahil nandoon ka. Tapos nalaman ko kay Lolo Pio na wala ka na. Umuwi ka daw ng Kadaclan. Ikaw pala ang umalis kaya nagkaroon ng bakanteng slot para sa akin.”
"Paloma, para talaga sa iyo ang pwestong iyon. Pangarap mo na sumikat.”
“Hindi lang ito tungkol sa contest, Jeyrick. Umalis ka nang walang paalam, walang paliwanag. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon? Parang nabalian ako ng pakpak. Walang gustong magpaliwanag sa akin kung bakit basta ka na lang umalis. Tikom ang bibig nina Lolo Pio at ni Rjan.”
“Hindi ko na kayang magpatuloy sa kompetisyon dahil..."
"Dahil kailangan ka ng pamilya mo,” putol niya sa sasabihin nito bago na naman ito makaisip ng ibang palusot. Kailangan na nilang harapin ang totoo. “Hindi mo sinabi sa akin na nasa peligro pala ang buhay ni Tita Ronalee dahil sa ipinagbubuntis niya noon. At kailangan mong magtrabaho para makatulong sa pamilya mo. Na kailangang magpatuloy sa pag-aaral ng mga kapatid mo at tumigil ka naman.”
Namutla ito. "Sino ang nagsabi sa iyo?"