Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 10

Ilang beses na bang may gamit na binili sa kanya si Pierro na bago pa mapunta sa kanya ay hinihingi na nito. O mas tamang inaangkin. Ayaw na lang niya ng gulo kaya di na niya kinokontra. Kahit di naman siya bigyan ng mamahaling gamit ay kaya niyang bumili.

Nakita niya si Raiza sa bungad ng bar at kahalubilo ang ibang miyembro ng booster squad ng Global FC na malapit dito. "Maganda ang bago kong bag, hindi ba? Nakita ko sa kotse ni Pierro kanina. Sorpresa niya sa akin."

Paano ba niya ipapaliwanag kay Raiza nang hindi ito napapahiya? May pagka-sensitive kasi ito. Tiyak na magwawala si Raiza kapag sinalungat niya ito.

"Excuse me, Raiza. May nakuha ka bang paper bag kanina?" tanong niya.

"Yes. Itong bag ang laman.” Isinukbit nito ang bag sa balikat at nag-pose. “Bagay sa akin, hindi ba?"

Bumulong siya dito. "Hindi kasi sa iyo iyan. Baka pwedeng ibalik sa paper bag at ibigay mo sa akin."

Matalim ang mata siyang tiningnan ng babae. "How dare you? Gusto mo bang mapahiya ako?" pabulong na angil nito. “Nasabi ko na sa lahat na akin ito. Sa iyo ba ito?”

"No. Pero kasi..."

"Sa akin ito. Bigay ni Pierro. I will ask Pierro to replace it with something else. Now back off. Bago mo sirain ang gabi ko."

"May problema ba dito?" tanong ni Pierro nang lumapit sa kanila.

"Honey, thanks for the gift. I love this bag. You are really the best boyfriend in the world," wika ni Raiza at niyakap nang mahigpit si Pierro saka pinupog ng halik.

"Bag? What bag?" naguguluhang tanong ni Pierro.

"This," anang si Raiza at ipinakita ang bag na nakasukbit sa balikat. "Nakita ko sa kotse mo kanina."

"Nabawi mo na ba ang paper bag ko?" tanong ni Liam na tumabi sa kanya.

"I am trying," aniya at kinagat ang pang-ibabang labi. Paano ba ito?

"Sweetheart, meet our new player Liam Aramis. Liam, meet my wife, Raiza Agustin," pagpapakilala ni Pierro sa mga ito.

"Liam?" bulalas ni Raiza. "Oh, my! Bumalik ka na sa Pilipinas?"

"Magkakilala kayong dalawa?" tanong niya at nagpapalit-palit ang ng tingin sa mga ito.

"Yes. Nagkakilala kami nang magbakasyon ang pamilya niya sa Davao," sabi ni Raiza. "I didn't expect to see you again."

Tahimik lang si Liam noong una at nakatitig lang dito. "I can't stay in Germany forever.” Inilahad ni Liam ang kamay. “Can I have my bag back?"

"Sa iyo ito?" tanong ni Raiza. At kundi siya nagkakamali ay namutla ito.

"I will give it to a special girl." Parang pinipigilan nito ang emosyon nito. Siguro ay dahil sa iritasyon na inangkin na ni Raiza ang bag na iyon.

Biglang umamo ang mukha ni Raiza. "It is lovely," anang si Raiza at atubiling ibinalik ang bag kay Liam. May lungkot sa mga mata nito. Parang maiiyak pa nga ito nang isubsob ang mukha sa dibdib ni Pierro dahil siguro sa pagkakapahiya.

"I will buy you one," wika agad ni Pierro dito para i-console ito.

“Ako na ang mag-aayos,” sabi niya kay Liam at dinampot ang paper bag at kahon ng bag na di kalayuan kay Raiza. Bumalik sila sa mesa at maingat niyang inayos ang bag sa kahon. It was a nice designer bag. Hindi siya pamilyar sa designer at mukhang German ang pangalan. Gusto niya ang pagiging classy nito at elegante. "Pasensiya na. Akala kasi ni Raiza bigay ni Kuya Pierro sa kanya."

"Kahit nang sabihin mo na di kanya ayaw pa rin niyang ibalik?"

Huminga si Cattleya ng malalim. "Anong magagawa mo? The bag is really lovely. Magkakilala pala kayo.”

Bumuntong-hininga ito. "That was a long time ago. I was like eighteen at that time. Malaki na rin ang nagbago sa kanya. Kundi pa niya sinabi hindi ko makikilala. At mukhang asenso na siya sa buhay."

"Weakness niya ang magagandang bagay - bags, sapatos, damit. Must be hard to let go of the bag."

"Kapag may isang magandang bagay na hindi sa iyo ipipilit mo pa rin?"

"No. Kapag hindi sa akin binibitawan ko. After all, I can buy whatever I want. Hindi ko kailangan ng lalaki na magbibigay sa akin ng kahit na ano,” pagmamalaki ni Cattleya at nanunuya itong nginitian. Kulang na lang ay sabihin niyang di niya kailangan ng lalaki.

"Nah! May mga bagay na hindi ka pwedeng bilhin. Like love."

Tumaas ang kilay niya. "Love? You believe in love? Monogamous love?"

"Grabe ka naman. Siyempre monogamous love."

Umasim ang mukha niya. "Wala kasi sa itsura mo na maging monogamous. Here ibigay mo sa special girl mo,” aniya at tumayo. “Huwag kang masyadong mag-party. We want you fit for the training. Mabait si Coach Graemme pero ayaw niya ng late sa training. Malinawag?”

Sumaludo ito. “Yes, Ma’am.”

Iniwan niya si Liam na kausap ang ibang player ng El Mundo na sina Yu at Jerry na magiging kasama nito sa condo. Kasama sa kontrata ng mga players sa El Mundo na sila ang magpo-provide ng tirahan ng mga ito. Mas magaan sa loob niya na makitang kasama nito ang mga players kaysa ang mga fangirls.

Lumapit siya kay Pierro. “Kuya, I have to go.”

Raiza gave her a bored look. “Leaving right away? Hindi ka man lang nag-enjoy sa party?”

“May trabaho pa ako bukas,” sagot niya at pasimple lang itong sinulyapan.

Nangalumbaba ito. “You are such a bore, Cattleya. Paano ka magkaka-boyfriend? Dapat siguro i-set up ka ng date ni Pierro.”

“Hindi na kailangan. I can find my own man,” aniya at matamis na ngumiti.

“Nasaan na nga pala si Liam?” tanong ni Raiza.

Luminga siya sa paligid at nagkibit-balikat. Hindi na niya makita si Liam at dir in nito kasama ang ibang players. “Probably with his fangirls.”

“I will see you at the office tomorrow,” wika ni Pierro at humalik sa pisngi niya. “And you did a great job today. Gusto mo rin ba ng bag na katulad kay Liam?”

Umiling siya. “Alam mo naman kung anong gusto ko, di ba?”

“Yes. Something more expensive. Let’s get the league title then you’ll get what you want.” Kinintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Good night.”

Pagdating sa kotse niya ay nakaabang na doon si Liam. “O! Anong ginagawa mo dito?”

“Hinihintay ka.” Inabot nito ang paper bag sa kanya. “Here. Para sa iyo.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Sabi mo para sa special girl mo.”

“Ikaw nga ang special girl ko, di ba?”

Humalukipkip siya. “Hindi ko matatanggap iyan. Sinabi ko na sa iyo na hindi ko kailangan ng kahit ano mula sa isang lalaki.”

“Si Nanay ang nagpapabigay. Huwag mong tanggihan.”

Kinuha niya ang bag mula dito. “Sana sinabi mo agad.” Para di kung anu-ano ang iniisip niya. Saka bakit nga naman siya nito bibigyan? Maniwala naman siya na siya ang special girl nito. Heto nga’t lagi silang nagbabangayan.

“Wala ba akong thank you kiss?” tanong nito.

“Bakit naman kita hahalikan? Di naman ikaw ang nagbigay.”

“Ako ang representative ni Nanay. Its just a simple kiss. Saka nakita ko na bumebeso ka sa ibang players. Hindi ba dapat ako rin?”

Bumuntong-hininga siya. “Fine.”

Tumingkayad siya at inilapit ang labi sa pisngi nito. Bigla itong bumaling at tumama ang labi niya sa labi nito. “Ay, grabe naman! Bakit sa lips mo ako hinalikan?”

“E bumaling ka kasi e,” angil niya.

“May pagnanasa ka talaga sa akin. Natupad na rin ang pangarap mong halikan ako.”

“Liam Aramis!” bulyaw niya dito at muntik ihampas ang bag sa mukha nito kundi lang niya naalala na bigay iyon ng nanay nito.

Dali-dali namang tumakbo palayo si Liam habang humahalakhak. “Sweet dreams, Cattleya. Huwag mo akong masyadong mami-miss ha?”

Hindi na niya ito nagawang habulin dahil nakatalilis na ito. Sumakay na lang siya sa kotse niya at hinampas ang manibela. Nararamdaman pa rin niya ang labi niya ang init ng labi nito. “Bwisit ka talaga, Liam!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.