NAKAKUNOT ang noo ni Cattleya habang nakaupo sa couch at nagkakasiyahan ang lahat ng nasa paligid. Nasa Goal Sports Bar sa McKinley Hills sa Taguig na nasa ikatlong palapag ng gusali na nasa tapat ng Emperor Football Stadium kung saan ginaganap ang mga football matches ng Emperor Liga, ang primera klaseng football league sa Pilipinas na nagtatampok sa team na kinabibilangan ng El Mundo FC.
Everyone was in a festive mood. Iwe-welcome na kasi ngayon si Liam at ang isa pang manlalalo mula Brazil na si Gui Matsunaga bilang mga bagong manlalaro ng El Mundo FC.
She was supposed to celebrate as well. Natupad na niya ang vision ni Pierro para sa football club nito subalit namamayani sa kanya ang kaba. Mula kasi nang bumalik siya sa Pilipinas ay ilang beses niyang napanaginipan ang muntik nang pagtatagpo ng labi nila ni Liam. It was like a nagging memory.
Paano kung totoong nangyari iyon? Paano kung hinalikan nga niya si Liam? Paano kung hindi lang halik ang ginawa niya dito?
Of course, she was still a virgin. Pero nakakatakot isipin kung anong klaseng pagwawala ang ginawa niya habang lasing siya na maaring makasira sa magandang imahe niya.
Nariyan din ang reaksiyon niya dito tuwing maglalapit sila. She was very much aware of his masculinity. Ang resulta ay nanghihina siya at lagi siyang kinakabahan – isang bagay na di pa niya naranasan noon.
Kaya naman ihinanda na niya ang sarili sa mga nagdaang araw. Pananatilihin niyang propesyunal ang relasyon nila ni Liam. Magiging pormal siya dito. Iiwas din siya dito para mas makontrol niya ang reaksiyon niya dito. Hindi nga niya ito sinundo sa airport at ihinatid sa condo nito. Hinayaan niya ang ibang staff ng El Mundo na gawin iyon. She needed time to regroup. From now on, their relationship would be strictly about work.
Kaya naman tahimik lang siya sa isang tabi nang pumasok si Liam sa bar kasama si Pierro at iginiya agad ang mga ito ng manager ng bar na si Mackintosh paakyat sa stage.
"Good evening, everyone,” wika ni Pierro na hawak ang mikropono. “I am so excited to introduce El Mundo Football Club's latest addition to our line up.”
Unang ipinakilala si Gui Matsunaga na kapatid ng sikat na modelong si Kenji Matsunaga. Naglalaro ito ng futsal sa Brazil pero kagagaling lang sa Japan para sa isang intense training doon. Nakuha nito ang atensiyon ng El Mundo nang mag-scout ng manlalaro sa Japan. Di man kasing guwapo ng kapatid na modelo pero mukhang dudumugin din ito ng mga babae base sa “I love you, Gui!” mula sa mga fans na dumalo din doon.
“Fresh from Hamburg, Germany - Liam Aramis,” pagpapakilala ng pinsan.
Puno ng kompiyansa si Liam nang abutin ang mikropono kay Pierro. He was wearing a simple white T-shirt with El Mundo FC logo, jeans and red cap. "Magandang gabi sa inyong lahat. Gusto ko lang ipauna na marunong ako ng English at Filipino. You can't make me a laughing stock while thinking that I don't know both languages." Umugong ang tawanan. Madalas kasi ay mapagkatuwaan ang mga players na di marunong mag-English o Filipino. Ibig sabihin ay hindi pwedeng mapag-trip-an ng mga ito si Liam. "As a new member of El Mundo, I promise that I will make this team proud. Please take care of me." Muling nagpalakpakan ang lahat nang yumukod si Liam at ibinalik ang mikropono kay Pierro.
"I want to thank El Mundo's lady boss." Tumingin si Pierro sa kanya. "Cattleya, without you we won't have Liam Aramis in our team. I am so proud of you." Itinaas nito ang kopita ng red wine. "Cheers!"
Parang naglaho ang lahat ng hirap at pag-aalala ni Cattleya sa papuring iyon. Wala naman siyang ibang nais kundi ang bigyan ng kaluguran si Pierro. Lahat ng hirap niya, kahihiyan, inis at hangover na inani para lang maidala si Liam sa Pilipinas.
"We love you, Liam!" tilian ng mga kababaihan.
"I love you, too!"
Ganoon lang kadaling manira ng masayang sandali si Liam. Tahimik lang siyang ipinakikilala ito isa-isa ni Pierro sa mga manlalaro. Tumirik ang mga mata niya nang yakapin naman nito ang mga fans na gusto itong makilala.
Pagbaba ni Liam ng entablado ay ipinakilala ito sa mga players. Mukhang komportable naman ito sa mga kasama. Di nagtagal ay tumutok ang mata nito sa kanya. Ngumiti ito at pakiramdam niya ay natutunaw ang buto niya. Napainom agad siya ng tubig nang magpaalam ito sa mga kausap at tinahak ang direksiyon ng mesa niya.
Sumasal muli ang kaba sa dibdib ni Cattleya. Heto na. Mabilis na mabilis ang pintig ng pulso niya habang pahina nang pahina ang boses na nagsasabing maging pormal lang siya at kontrolin niya ang sarili niya. Sinalubong niya ang mata nito. Okay na siya. Kaya niya ito.
Bigla itong hinarang ng mga babaeng fans. “Liam pwede bang magpa-picture?”
“Liam, pwede bang bigyan kita ng welcome hug?” tanong ng isa pa.
“Ako gusto kong bigyan ka ng welcome kiss,” wika naman ng isa pa.
At tuluyan na siya nitong nakalimutan. Parang may kumukutkot na insekto sa kalooban niya. "Flirt talaga," usal ng dalaga at umorder ng lemon iced tea. “Aayaw-ayaw na pumunta sa Pilipinas. Ang daming arte at kailangan ko pang pilitin. Tapos ngayong nandito na enjoy na enjoy naman sa atensiyon ng mga babae. Ipokrito!”
Tinabihan siya ng manager ng bar na si Mackintosh matapos i-serve sa kanya ng waiter nito ang in-order niya. “Congratulations! Ikaw lang pala ang makakapagdala sa Pilipinas kay Liam Aramis. How did you do it?”
Nginisihan niya ito. “Maniniwala ka bang inakit ko siya?”
He looked dumbstruck. Parang muntik na nga itong malaglag sa kinauupuan nito. “Seryoso? Inakit mo si Liam kaya siya pumayag na sumama sa iyo sa Pilipinas?”
Hindi niya alam kung matatawa siya o maiinsulto. Matino ang reputasyon niya. Noong unang beses silang magkakilala ni Mackintosh ay nakipag-flirt agad ito sa kanya pero sinopla siya nito. Alam nito na puro trabaho ang focus niya. Wala rin siyang romantic bone sa katawan niya. At lalong wala siyang alam sa pang-aakit ng lalaki.
“Mukha ba akong seryoso? Para namang may lalaking maaakit sa akin,” wika niya. “At as if naman kaya kong mang-akit ng lalaki.”
“Bakit naman hindi?” narinig niyang sabi ni Liam sa likuran niya. “Some women could be pretty seductive without trying. O kaya seductive sila pero ginagamit nila in a not so subtle way. And we poor men wouldn’t know what hit us.”
Tumango-tango si Mackintosh at kinamayan si Liam. “Tama ka diyan, Mac. Pinapaikot lang tayo ng mga babaeng ito.”
“So paano ka inakit ni Cattleya at napapayag kang maglaro sa El Mundo FC?”
“Iyon ba ang sinabi ni Cattleya?” tanong ni Liam.
Umungol siya. Gusto niyang pag-umpugin ang dalawa. They were turning her night into hell. She could easily pass it off as a joke. Ibang usapan na ngayong narinig na ni Liam ang tungkol doon. “Mac, may bagong dating na babae. Maganda at sexy. Mukhang beauty queen at mukhang walang kasama. Lapitan mo dali!”
Biglang tumayo si Mackintosh nang walang tanung-tanong. “Sandali. Kailangan ko munang gawin ang aking tungkulin para aliwin ang magagandang kababaihan.” Nabawasan siya ng isang sakit ng ulo nang sa wakas ay umalis si Mackintosh para hanapin ang babaeng tinutukoy niya.
Umupo si Liam sa tabi niya. “So totoo ba ang sinabi mo na inakit kita kaya ako pumayag na pumunta dito?”
“It was a joke, Liam. Anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat doon ka na lang sa mga fangirls mo? Kanina ka pa nila hinihintay," aniya at inginuso ang mga kababaihan na nagpunta sa bar upang makilala ito.
Itinutok nito ang mata sa kanya at saka nangalumbaba. "I want to spend more time with you. Bakit nga pala iba ang sumundo sa akin sa airport at naghatid sa condo ko? Akala ko ba aalagaan mo ako?”
“Marami akong trabaho, Mr. Aramis. Aside from being the football club’s assistant manager, I also handle my cousin’s other business venture. Marami akong mas mahalagang gagawin kaysa i-baby sit ka. Saka marami namang ibang babae diyan na handang mag-alaga sa iyo. Hindi mo na ako kailangang isipin.”
Nagningning ang mata nito na parang may natuklasang isang mahalagang bagay. “Aha! Nagseselos ka sa mga babaeng iyon.”
“Ano? Bakit naman ako nagseselos?”
“Kasi may gusto ka sa akin.”
“In your dreams!” Nakakairita talaga ito. Gusto sana niyang tumakas pero nahaharangan nito ang tanging daan palabas ng couch. Maliban na lang kung gusto niyang gumapang para lang malayuan ito. And she would look ridiculous. Naka-skirt pa siya at tiyak na magmumukha siyang katawa-tawa sa harap ng lahat. Sumiksik na lang siya sa dingding. "Umalis ka diyan. Naaalibadbaran ako sa iyo."
"Anong naaalibadbaran?" tanong nito at kinalabit pa ang half-Spanish player si Angel sa kabilang mesa.
Kumunot ang noo nito. "I will check my dictionary." At inilabas ang Spanish-Filipino-English pocket dictionary nito at pilit na hinanap ang salita sa kabila ng pagiging dim ng bar.
Itinaas ng half-Iranian player na si Misagh ang kamay. "Naaalibadbaran means like. Someone told me that once. And she likes me."
"Ayos!" sabi naman ng purong Pilipinong player na si Jerry na halos kasing tangkad ni Liam at kulot na kulot ang buhok. Nag-thumbs up pa ito.
Pambihira! Ano bang aasahan niyang matinong sagot sa mga lalaking ito? Basta mga lalaki ay nagkakampihan sa kalokohan. "Naaalibadbaran means disgust," pagtatama niya. "Huwag kang magpapapaniwala kay Misagh. He is crazy. Si Jerry din."
Subalit lalo lang pinapungay ni Liam ang mata nito. "I think you really like me."
Pinigil ni Cattleya ang sarili na tumili sa sobrang inis at bumilang ng sampu sa utak niya. Kailangang kalmahin niya ang sarili niya, sabihin ang mga tamang salita at di madala sa pagkapikon niya. Sa huli kasi ay alam niyang siya rin ang talo kapag nagpadala siya sa emosyon niya.
Uminom siya ng iced tea at pilit itong nginitian. "Liam, let's keep things professional now on. Kung anuman ang narinig mo kay Mackintosh, biruan lang namin iyon. Huwag mo na akong asarin. Huwag mo akong ipi-flirt."
Pinalakad nito ang dalawang daliri papunta sa kamay niya na nasa ibabaw ng mesa. "Kahit ano pang sabihin mo, you will always be my special girl."
"Oh, please! Spare me. Kailan naman ako naniwala sa iyo?"
Bigla niyang inalis ang kamay sa mesa nang makitang palapit ang driver ni Pierro na si Mang Tasyo. "Sir, wala na po sa kotse ang naiwan ninyo na paper bag."
"Saan naman mapupunta iyon?" tanong ni Liam.
"Kinuha po yata ni Ma'am Raiza. Baka akala po niya regalo po sa kanya ni Sir Pierro."
Dumilim ang mukha ni Liam. "What the..."
Napakamot si Mang Tasyo sa ulo. “Pasensiya na po, Sir. Late ko na po nabasa ang text ninyo. Di ko po alam na pakikialaman niya? E baka po…”
Alam niya ang pag-aalinlangan ni Mang Tasyo. Takot ito kay Raiza. Sinalo agad niya ito bago pa si Liam ang unang magalit dito. "Asawa ni Kuya Pierro si Raiza. Baka inisip niya na bigay ni Kuya Pierro sa kanya ang naiwan mo. Excuse me."
Medyo sakit ng ulo para sa kanya ang asawa ng pinsan. Lahat ng makita nito na magustuhan nito ay kinukuha nito at inaangkin... kahit hindi para dito.