Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 18

Tiningnan niya ang kamay niyang hawak nito. Napalunok siya nang kakaibang init ang gumapang doon na dumaloy sa bawat himaymay ng ugat niya. Parang niyayaya siya nito sa isang pakikipagsapalaran. Kakaibang excitement ang naramdaman niya. Subukan ang mga bagay na di pa niya nararanasan. Mga bagay na maaring magdagdag ng kulay sa buhay niya. Tulad ng pag-ibig?

Pero bigla rin siyang natigilan. Sa klase ng titig at ngiti ni Liam ay parang ibang klaseng pakikipagsapalaran at mundo ang gusto nitong ialok sa kanya. Something hot, something carnal. Isang klase ng adventure na mukhang di niya teritoryo at malamang ay maligaw siya ng landas o mawala sa sarili lalo na kung si Liam Aramis ang magga-guide sa kanya.

Binawi ni Cattleya ang kamay niya. Kunwari ay may tiningnan siya sa cellphone niya. "I have to go. Nag-text na ang sekretarya ko. May kailangan daw akong basahin na report at ipinadala niya sa condo ko. Kailangan kong lamayin iyon ngayong gabi." Mabilis niyang ininom ang lemon juice niya.

"Magtatrabaho ka pa rin?" gulat nitong tanong.

"I took the whole afternoon off. Kailangan kong bumawi o mapapagalitan ako ni Kuya Pierro."

Lumungkot ang anyo nito. "Iiwan mo akong mag-isa?"

Bakit bigla siyang nalungkot na iiwan niya ito? Ang totoo ay gusto pa niya itong makasama. Pero may mga pagkakataon na natatakot siyang tumagal sa company nito. May kung anong sumisibol na damdamin sa kanya na kung hahayaan niyang yumabong ay baka di na niya kaya pang kontrolin. She needed her sane self. She didn't want Liam turning her into an insane woman. A woman she didn't know.

"P-Papunta na daw dito si Misagh. Saka kailangan mong bumawi sa mga fans mo na hindi mo masyadong pinansin dahil sa ngipin mo. Enjoy your dessert. Natunaw na ang ice cream cake mo."

"Ihahatid na kita," anito at akmang tatayo.

"No. Dito ka na lang. Huwag mo na akong sundan. Bye," aniya at nagmamadaling naglakad palayo. Hindi na siya nag-abalang lingunin pa si Liam dahil baka sundan pa siya nito. Dahil kapag sinundan pa siya nito ay baka hindi na niya ito gustong iwan pa.

"KATATAWAG lang ni Mr. Ching sa akin. Hindi na daw siya kukuha ng products sa atin. Malaking business sana iyon sa banana export business natin lalo na't may problema pa tayo sa China. Malaking chance na sana natin ito para makabawi ang banana plantation natin sa Mindanao. Kailangan na lang ng pirma niya. Ano ba namang klaseng trabaho ito, Cattleya? Why are you so sloppy?"

Pumitlag si Cattleya nang ihampas ni Pierro ang folder na may lamang kontrata sa mahogany desk nito. Nakatayo siya sa gitna ng opisina nito at kasalukuyang iginigisa dahil bumalik siya nang di pa napipirmahan ang isang malaking kontrata para sa isang Chinese client nila na gustong kumuha ng supplies ng mga saging mula sa Davao. Napaka-crucial ng kontratang iyon para muli silang makapasok sa Chinese market na naapektuhan dahil sa sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ngayon lang niya ito nakitang nagalit nang ganito. Kahit ang lamig ng aircon ay hindi sapat para mapakalma ang galit nito. Alam niyang binigo niya ito pero may valid reason naman siya kaya hindi niya nagawa ang inaasahan nito sa kanya. "Kuya, ayoko nang makipag-transact pa tayo sa kanya..."

Nanlisik ang mata nito. "I don't need that from you. Inaasahan ko na mapapapirma mo siya ngayon. Ipinagkatiwala ko sa iyo ang project na ito. I want results! Bumalik ka ngayon sa kanya."

"Hindi na ako babalik sa kanya. He is..."

Bago pa niya nasabi na isang maniac si Mr. Ching at sinubukan siya nitong hipuan kaya sinipa niya ito sa pagitan at binuhusan ito ng isang pitsel na iced tea saka nag-walkout sa hotel nito kaya di nito pinirmahan ang kontrata ay pinutol na nito ang iba pang sasabihin niya.

Binuklat nito ang folder at idinuldol ang daliri nito sa tuwid na linya sa papel. "I want his signature right here." Padaskol nitong isinara ang folder at ihinagis sa harap niya. "Kung hindi mo maibabalik ang kontrata nang walang pirma niya, huwag ka nang bumalik. Hindi ko kailangan ng isang inutil."

Natigagal siya sa kinatatayuan dahil parang sinaksak siya sa puso ng sinabi nito. Inutil? Ganoon ba talaga siya kawalan-silbi? Sa dinami-dami ng nagawa niya para dito ay mababalewala na lang dahil sa isang kontratang di niya napapirmahan? Ganoon lang ba kadali na mawalan siya ng halaga dito? Ni hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataong magpaliwanag.

Tumalim ang mata ni Pierro nang makitang di siya natitinag sa kinatatayuan. "Ano pang itinatayo-tayo mo diyan? Get out of my office and bring that contract with you. I want it signed. Kung kinakailangang habulin mo si Mr. Ching hanggang sa China para lang mapirmahan iyan, habulin mo!"

Dali-dali siyang lumabas bago pa nito makita ang pagpatak ng luha niya. Sobrang sakit. Sana man lang ay pinakinggan siya nito bago kung anu-anong sinabi sa kanya. Hindi naman niya isusugal ang puri niya para lang sa isang kontrata. Bakit ba sarado ang utak nito? Wala na bang halaga dito ang damdamin at kapakanan niya? Wala na ba talaga siyang halaga dito kung hindi siya makakapagpasok ng pera? Hindi ba siya karapat-dapat na pakinggan man lang?

Nanlalabo ang mga mata ni Cattleya habang naglalakad pero patuloy lang siya sa paglakad para makalayo sa lugar na iyon. Hindi siya tumitigil sa paghakbang. Tumigil lang siya nang bumangga siya sa isang matatag na katawan. Nawalan siya ng balanse at muntik matumba nang may sumapo sa baywang niya.

Bumangga siya sa isang katawan. "Cattleya, anong nangyari sa iyo? Bakit ka umiiyak?"

"Liam..." Gusto niyang humagulgol ng iyak at ilabas ang sama ng loob dito. Pero di naman siya ang tipo na naglalabas ng sama ng loob niya. Natuto na siyang kimkimin ang damdamin sa simula pa lang. Hindi naman niya kailangan ang simpatya. Mabilis niyang pinahid ng palad ang luha sa pisngi niya. "Wala. Mauna na ako sa iyo."

Sinabayan siya nito sa paglalakad. "Sandali. Saan ka pupunta?"

"Pabayaan mo na lang ako. May meeting ka pa, hindi ba? Pumunta ka na sa opisina ni Kuya," aniya at tumuloy sa parking lot. Nakasunod pa rin si Liam sa kanya. "Bakit ka ba buntot nang buntot sa akin?"

"Sasamahan kita kung saan mo man gustong pumunta."

Tumiim ang anyo ng dalaga. "Hindi ko kailangan ng kasama o karamay. Kaya kong mag-isa ang problema ko. Pumunta ka na lang sa meeting mo. Ayaw ni Kuya Pierro nang kina-cancel ang meeting sa kanya."

"It doesn't matter. Hindi naman kita kayang pabayaan na mag-isa."

"Kaya ko na ang sarili ko. Sanay naman ako na kinakayang mag-isa ang lahat ng problema," aniya at tumigil sa tabi ng kotse niya.

"Not this time." Kinuha ng binata ang susi sa kamay niya.

"Anong..."

Iginiya siya nito papunta sa kabilang pinto ng kotse niya at binuksan. Saka siya nito pilit na pinapasok. "Ako na ang magmamaneho kung saan mo gusto. I don't think nasa kondisyon ka na magmaneho." He secured the seatbelt. Isinara nito ang pinto at dali-daling pumunta sa kabilang pinto saka umupo sa driver's seat. Isang kampanteng ngiti ang ibinigay nito sa kanya. "Let me handle this. Saan tayo pupunta?"

Mukhang mahihirapan siyang paalisin pa ito sa manibela. Mas malakas ito sa kanya at hindi naman niya ito kayang itaboy. Wala na siyang choice kundi hayaan itong samahan siya at i-driver ang kotse niya. May mas mahalaga pang bagay sa kanya kaysa sa ang itaboy si Liam. Gusto niyang lumayo doon.

"Kahit saan. Wala akong pakialam. Basta malayo dito."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.