Sa isang tahimik na French restaurant sa Serendra idinala ni Liam si Cattleya. Hindi man ganoon kalayo ang inaasahan niyang pagdadalhan nito sa kanya dahil isang tumbling lang naman ang Makati sa Taguig pero mabuti na rin iyon basta di niya makita si Pierro.
Kausap ni Liam sa telepono si Pierro. Humihingi ng paumanhin dahil di ito nakarating sa meeting. Di nito binanggit na magkasama sila. Baka magdagdagan na naman ang kasalanan niya dito. Baka sabihin pa nito ay nagpapaawa siya kay Liam. Habang siya ay tahimik namang hinahalo ang jasmine tea latte niya habang nakatulala. Ganito pala ang pakiramdam ng walang silbi. Nakapanghihina. Nakapanlulumo. Hindi niya alam kung may gagawin pa siyang tama.
Umupo si Liam sa tapat niya at bumuntong-hininga. "Okay na. Nakausap ko na si Sir Pierro."
"Hindi ba siya nagalit dahil di mo siya sinipot?" Ayaw naman niyang magalit din si Pierro kay Liam dahil inuna siya nito.
"Tatawag din naman daw siya sa akin para sabihin na may emergency meeting siya." Tiningnan ng binata ang di pa niya nagagalaw na pagkain. "Kumain ka na. Baka malipasan ka ng gutom. Magkakasakit ka niyan." Di pa rin niya ginalaw ang pagkain at nanatiling tahimik. "Hindi ako magtatanong kung anong nangyari. Di kita mapipipit kung ayaw mong magkwento. Pero di mo naman pwedeng pabayaan lang ang sarili mo. Kumain ka na."
Napilitan siyang sumubo dahil sa pag-aalala sa boses nito. Inaasahan niya na si Pierro ang mag-aalala sa kanya. Ibang tao pa ang nagpapahalaga sa kanya ngayon. "Salamat. Pasensiya ka na dahil pati ikaw naabala ko."
"Why apologize? Ako naman kusang nag-alok sa iyo na samahan ka."
Uminom siya ng tea latte. Nang mga oras na iyon ay gusto niyang sabihin kay Liam ang nararamdaman niya. Ayaw na niyang kimkimin dahil pakiramdam niya ay sasabog siya. Sa palagay niya ay mapagkakatiwalaan niya ito. "Si Kuya Pierro kasi... Galit na galit sa akin dahil di ko daw napapirmahan ang kontrata sa isang kliyente namin. Di ko naman na-seal ang contract dahil binastos ako ni Mr. Ching. Pipirmahan lang daw niya ang kontrata kapag may nangyari sa amin. Hindi naman pwede iyon. Kaya binuhusan ko siya ng iced tea at tinuhod ko siya para ipakita na di ubra ang kalokohan niya."
"Dapat lang sa kanya iyon," anito at tinapik ang mesa. "Dapat nga ipinakulong mo pa siya. Kung gusto mo ako pa ang umupak sa tsekwang iyon. Sabihin mo lang sa akin." Isinuntok nito ang kamao sa nakabukang palad.
Umiling siya. "Hindi na kailangan. Hindi naman natuloy ang masamang balak niya sa akin. Baka lalo lang magkagulo. Sa palagay ko naman nakabawi na ako sa kanya pero iyon nga. Hindi naman niya pinirmahan ang kontrata at sa akin nagalit si Kuya Pierro."
"Anong sabi ni Boss?"
"Di na nga niya pinakinggan ang paliwanag ko. Ang mahalaga lang sa kanya ay makuha namin ang deal. At huwag daw akong babalik sa kanya hangga't walang pirma ni Mr. Ching ang kontrata."
"Hindi naman pwede iyon," angal ni Liam. "Baka kung ano na naman ang mangyari sa iyo."
"Ang masakit pa sinabi niya na ayaw niya sa inutil. Sa tinagal-tagal na nagtrabaho ako sa kanya, di ko siya binigo. Kahit mahirap, kahit imposible, kahit labag sa loob ko, ginagawa ko pa rin para i-please siya. Tapos itong deal lang na ito na may dahilan naman kaya di ko nai-seal, parang wala nang halaga ang lahat ng magagandang bagay na nagawa ko para sa kanya. It made me feel so worthless."
Nangilid na naman ang luha sa mata ni Cattleya. Ayaw niyang maging mahina sa harap ni Liam pero nang mga oras na iyon ay di na kayang utusan ng utak niya ang puso niya. She was hurting so bad. Ano pa ba ang mas sasama kapag sinabihan siya ng taong pinakamahalaga sa kanya na wala siyang kwenta?
Ginagap nito ang kamay niya at pinahid ng panyo ang luha niya. "Hindi mo dapat maramdaman iyan. You are not worthless. Sige nga. Kung worthless ka, sa palagay mo ba maglalaro ako sa El Mundo? No. You were so determined to convince me. Nakipaghamunan ka pa talaga ng inuman sa akin para lang mapapirma ako ng kontrata."
Humikbi siya. "At natalo naman ako. And I still owe you one night." Lalo siyang nanlumo. Pakiramdam niya ay mababang klase siyang babae. Na sa huli ay isa lang siyang katawan na gagamitin ng isang lalaki. Kaya marahil ganoon din ang tingin ni Mr. Ching sa kanya.
"Na di ko naman sisingilin. Pang-asar ko lang iyon sa iyo."
Natigagal siya. "What? Biro mo lang iyon? Akala ko..."
Ilang gabi din siyang di nakatulog dahil iniisip niya na anumang oras ay baka singilin nito ang isang gabi nito. She thought he was unscrupulous, a womanizing jerk. Na sinasamantala nito ang kahinaan ang isang babae.
"Akala mo monster ako na ipipilit ang sarili ko sa isang babae? No way. I have more pride than that. Kahit naman luko-luko ako, I still respect you."
Parang matutunaw ang puso ni Cattleya. Sa lahat ng di magandang nangyayari sa araw na iyon kung saan ang mga naka-engkwentro niya ay mga bastos at domineering na mga lalaki, malaking bagay sa kanya na makatagpo ng isang lalaki na magsasabing nirerespeto siya nito.
"Thank you. It really means a lot to me." Ipinaramdam pa rin nito ang worth niya bilang isang babae. Na dapat pa rin siyang irespeto.
Nag-ring ang cellphone at sinagot iyon ni Liam. "Hello, Angel." Biglang napuno ng guilt ang anyo nito. "Yes. I know I promised to train the kids but I'm tied up right now." Saka ito lumingon sa kanya. "Sige. Sa susunod na lang ako babawi. Pasensiya na ulit."
"Ano iyon?" tanong niya matapos makipag-usap sa cellphone nito.
"May training ako dapat sa mga alaga ni Angel. Sabi ko hindi ako pwede."
Tumutulong si Angel sa mga street children na naglalagi sa Luneta area para matuto ng football. Noong una ay si Angel lang ang tumutulong sa mga ito hanggang isama ang mga ito na manood ng game at ipinakilala sa mga player. Nag-pledge di lang ang mga manlalaro ng El Mundo kundi pati na rin ang ibang manlalaro mula sa ibang football club para turuan ang mga ito. Dalawang beses sa isang linggo ay nagsasagawa ng football clinic sila Angel para sa turuan ang mga bata upang mailayo sa masasamang gawain.
"Tumuloy ka na. Okay lang naman ako dito," pagtataboy ni Cattleya at pilit na ngumiti.