"Hindi kita pwedeng iwan. Kailangan mo rin naman ako. May ibang players naman na magtuturo sa kanila." Ginagap nito ang kamay niya. "Kapag iiwan kita, sino na ang makakasama mo?”
Tinitigan niya ang magkahawak niyang kamay. Gusto niya na ganoon lang sila. Na hindi siya nito iiwan. Pero ayaw din naman niyang agawin ang oras nito na para sa mga bata. "Sasama ako sa iyo."
"Sigurado ka? Hindi ka ba babalik sa trabaho para kausapin si Boss?"
Lumabi siya. "Sabi niya huwag akong bumalik sa kanya hangga't walang pirma ni Mr. Ching. May pirma na ba?"
"Wala pa."
Tumayo siya at kinuha ang bag. "Then let's go."
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Kaso… baka mailang ka sa pupuntahan natin." Naka-peach ruffled blouse siya, black square pants at four-inch pumps. Hardly an outfit to watch a football training. Baka mailang sa kanya ang mga batang kalye.
"Walang problema. Magbibihis ako."
LINGON ng lingon si Liam kay Cattleya habang nagmamaneho. Tinatahak na nila ang daan patungong Maynila. "What?" tanong niya dahil naiilang na siya sa katitingin nito.
"You look different. You look younger. Bagay naman sa iyo na simple lang ang damit. Hindi ka nila makikilala."
Niyuko niya ang sarili. "Well, hindi ba bagay sa akin ang blouse at shorts na tig-50 pesos at doll shoes na tig-150?" Kinse minuto ang ginugol niya para makapaghanap ng bargain na damit sa Market Market. Kung wala lang silang pupunta ay mag-e-enjoy talaga siyang mamili ng mga murang damit.
"Sanay lang kami na naka-designer clothes ka. Laging pormal. Laging kagalang-galang," wika nito. "Tipong nakaka-intimidate sa mga ordinaryong tao."
"Part of the image. Pero di ibig sabihin di ako magsusuot ng ganitong damit. Lumaki ako sa bukid. Taon-taon nararanasan namin na umasa sa gamit nang damit dahil lagi kaming binabagyo at nasa evacuation center," kwento niya. Noon ay simple lang ang buhay nila ng magulang niya pero pakiramdam niya ay kumpleto siya. She was loved and cherished.
"And you are a survivor. Nandito ka na ngayon. Nakatayo sa isang posisyon na pangarap lang ng iba. Alam ko na kung anumang pinagdadaanan mo ngayon ay malulusutan mo rin."
Nasa taas nga siya pero pakiramdam niya ay ibinaon siya nang buhay sa lupa. Parang nawalan na siya ng silbi para kay Pierro. It was not a good feeling.
"Ayoko munang isipin iyon. Ayoko munang isipin ang trabaho ko at ang Kuya Pierro." Maya maya pa ay nasa Roxas Boulevard na sila. "Malapit na pala tayo."
Sa isang bakanteng damuhan ng Luneta ginaganap ang football clinic. Sa halip na sa isang football field ay sa isang pampublikong lugar na lang ginawa para di malayuan ang mga bata at ma-encourage din ang ibang tao na ang football ay accessible sa masa. Na kahit saan ay pwedeng maglaro nito. Mae-encourage din ang ibang kabataan na umiwas na lang sa bisyo at maglaro ng football. Kung dati ay sakit ng ulo ang mga batang ito, ngayon ay may disiplina na ang mga ito. Ang iba pa nga ay nagsasanay na para maging pambato ng paaralang pinapasukan sa mga football competition.
Umugong ang kantiyawan nang makita sila ng ibang players na parating. "Liam, bagong babae na naman iyan," kantiyaw ni Jerry.
"Luko-luko! Si Cattleya iyan."
"Ha?" sabay-sabay na usal ng mga ito at di makapaniwala habang pinagmamasdan siya.
Sinaluduhan siya ni Jerry. "Ma'am, di ko kayo nakilala."
"Oo nga," sang-ayon ni Carli. "May date kayo?"
"Hihirit pa. Ang mga bata na lang ang intindihin ninyo." Ihinatid siya ni Liam sa bleacher kung saan naroon din ang ibang fans at nobya ng manlalaro na supportive sa football clinic. Ang iba ay nagdo-donate ng pagkain at minsan ay tamang cheer lang para mapalakas ang loob ng mga bata. "Okay ka lang dito?"
"Oo. Salamat." May ngiti na sa labi niya nang bumalik si Liam sa ibang players para alamin kung ano ang magiging drill para sa araw na iyon.
"In fairness bagay kayo ni Liam," kinikilig na sabi ni Jaidyleen, ang English teacher ni Angel. Fan kasi ito ni Angel bago naging English teacher nito.
"Anong bagay kami? Wala iyon. Nagkataon lang na wala akong ginagawa at nasa opisina siya ni Kuya Pierro kaya sumama ako dito. Gusto kong malaman kung kailangan pa ng spikes at kung ano pang equipment para makapag-donate kami," palusot niya.
"Nararamdaman ko talaga na may something sa inyo," giit nito at tinitigan siya.
"Huwag ka nang mag-usisa. Baka ikaw ang usisain ko sa inyo ni Angel. Ikaw din," nakataas ang kilay niyang sabi. Bulung-bulungan na kasi ang kakaibang sweetness ng mga ito pero wala namang inaamin na relasyon. Teacher pa rin ito at estudyante si Angel. May code of ethics na maaring malabag.
Ipininid ni Jaidyleen ang bibig. "Wala na akong sinabi."
"Ibig sabihin mas madalas ka na naming makikita na kasama ni Liam?" tanong ni Emcel.
"Ano?" bulalas niya at nilingon ito.
"Ang ibig kong sabihin madalas ka nang makakasama dito sa project na ito," paglilinaw ni Emcel pero nasa mata pa rin nito ang panunukso.
Ngumiti si Cattleya at pinagsalikop ang palad. "Sa palagay ko nga mapapadalas ako dito.
"MUKHANG willing talaga ang mga batang iyon na maglaro ng football," komento ni Cattleya kay Liam habang nagmamaneho palayo ng Luneta. Tapos na ang training para sa araw na ito at siya na ang nagprisinta na ihatid ito sa condo nito.
"Wala silang pakialam kung wala silang suot na sapatos o tsinelas. Kahit nakayapak lang maglalaro sila. Pursigido talaga silang matuto."
"I want to try that next time. Maglaro ng nakayapak. I haven't done that for a long time. Mula nang nasa poder na ako ni Kuya Pierro, lahat ng kilos ko at ayos ko kailangan maganda ang reflection sa imahe niya. Kung ano daw ang nakikita sa akin ng tao ay iyon din ang makikita sa kanya."
"And now?"
"I am trying to be someone who is not associated to Pierro Dantes or his image. Gagawin ko ang gusto ko at pupunta ako kung saan ko gusto."
Parang may nakuha itong clue sa sinabi niya. Nakakunot ang noo nitong tumingin sa labas. "Nasaan na tayo?" tanong nito nang makitang may dagat sa magkabilang tabi ng dinadaanan nila.
"Cavite Expressway."
"Teka nasa labas na tayo ng Metro Manila," naaalarma nitong sabi.
"Tama ka. Ayoko pang umuwi."
"Tinawagan mo na ba si Sir Pierro para sabihin kung saan ka pupunta?" nag-aalala nitong tanong.
Ngumisi siya. "No. I turned off my cellphone. Ayokong makipag-usap sa kanya o kahit na sinong may kinalaman sa trabaho ko."
"Pero mag-aalala siya."
"Masyadong nakaugnay ang bawat aspeto ng buhay ko sa kanya. Susubukan ko namang dumistansiya sa kanya kahit na isang araw. Hindi ba sinabi mo sa akin na kailangan kong i-explore ang mga bagay nang di iniisip si Pierro."
"Pero hindi sa ganitong sitwasyon at hindi sa ganitong paraan. This is childish. Parang nagrerebelde ka sa kanya. Be adult about it," argument nito.
Nanghaba ang nguso niya niya. "I want to be childish. I don't want to be adult about it. After all, I am not Pierro Dantes' cousin or right-hand man right now. I am just a woman exploring the world. At marami akong gustong gawin." Nakikiusap niya itong tiningnan. "Liam, kahit ngayon lang samahan mo ako. May masarap na bulaluhan sa Tagaytay. Di ka pa nakakapunta sa Tagaytay, di ba?"
"Well, hindi pa." Nagkibit-balikat si Liam. "Hindi naman siguro tayo mapapalayo, di ba?"
Sumandal siya at tinapakan ang gas pedal. "Don't worry. Kahit na malayo, I will make sure that it's worth it."