Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 21

"Woooh! I love the wind. Hindi mo na kailangan ng aircon sa lugar na ito," sabi ni Cattleya habang hinahangin ang buhok niya. Pinatay niya ang aircon at binuksan ang bintana nang nasa Mendez, Cavite na sila. Malayang pumasok ang hangin at masarap ang hampas ng malamig na hangin sa balat niya.

Humalukipkip si Liam. "Not really a fan of cold weather."

"Himala yata iyan. Tumira ka sa Germany. Sanay ka dapat sa lamig."

"Sanay ako pero di ibig sabihin gusto ang mainit na panahon. Perfect for football or a plunge at the beach. Kaya mas gusto ko dito sa Pilipinas. I belong here. I want to stay here longer." There was fondness in his voice. Ito lang yata ang kilala niyang galing sa ibang bansa na mas gusto ang init ng Pilipinas.

"Kung mas gusto mo dito, bakit di ka nag-decide agad na dito maglaro?" tanong niya. "Kailangan pa kitang hamunin ng inuman ng beer para pumayag ka."

Huminga ito ng malalim. "Let's say that I have bad memories here. May mga bagay na ayaw ko nang balikan." And those memories must have cut him deeply. Bakas ang lungkot sa boses nito.

"Pero nandito ka. Paano ang mga alaalang ayaw mo nang balikan?"

Nakangiti siyang tiningnan ni Liam. Wala na ang kalungkutan sa mata nito. "Hindi pala ako dapat magpapigil sa mga multong kinatatakutan ko. All I need is to step forward and move on. Kapag nalagpasan ko pala ang mga bagay na pumipigil sa akin, I realized that it isn't so bad. May magandang bagay na naghihintay sa akin." Very positive. Mukhang natagpuan na nito ang bagay na nagpapasaya dito.

"Mabuti ka pa." Mayroon lang siya ng ilang sandali para maging malaya. Para gawin ang kung anong bagay na maisip niya. Munting kaligayahan lang sa maikling panahon.

Di nagtagal ay dumating sila sa bulaluhan. Nanuot agad sa ilong niya ang nakakahalinang amoy ng nilagang bulalo. Open ang restaurant na iyon at maraming mga tao. Sa bakanteng mesa sila sa sulok umupo. "Mukhang masarap ang amoy dito. What is bulalo anyway?"

"Pinakuluang buto ng baka."

Kumunot ang noo nito. "Dumayo tayo dito para sa sabaw?" gulat nitong tanong.

"Exciting doon kung paano mo kakainin ang bone marrow ng buto." Kumaway siya sa binatilyong waiter. "Totoy, dalawang order ng bulalo na may gulay, apat na kanin at dalawang mineral water. Salamat."

Luminga-linga si Liam sa mga kumakain. "Hindi ko nai-imagine na kakain ka sa ganitong lugar. Parang mas bagay ka sa eleganteng…"

"Shhh! Don't mention it. Sa ngayon burahin mo sa isip mo kung saan ako madalas kumain. Basta i-enjoy lang natin ang bulalo." Pinagkiskis niya ang palad nang ilapag sa harap niya ang order nila. "Kain na tayo. Kanina pa ako nahihilo sa gutom."

"Marami pala ang isang serving," sabi nito at pinagpalit-palit ang tingin sa mangkok nila. "Bakit dalawa pa ang in-order natin? Mauubos mo ba iyan?"

"Oo naman. Kung hindi mo mauubos ang sa iyo, pwede ko ring kainin iyan," sabi niya at humigop ng sabaw. "Masarap!" Kumuha siya ng gulay at inilagay sa plato niya. Malalaki ang subo niya.

"Parang wala namang bukas kung kumain ka. Di ba strict ang diet mo?"

"It won't hurt that much if I pig out for a day. Gusto ko minsan ng ganito. Walang kokontra kung anong kakainin ko at kung paano ako kakain. Walang masyadong table etiquette." Sunud-sunod ulit ang subo niya. "Nami-miss kong kumain. Now I know how Misagh feels when deprived of food. Kalilimutan mo na ang lahat basta makakain lang. Naiiyak ako sa sarap."

"Naninibago pa rin ako sa iyo. Pero gusto ko ang ganito. Masaya ka. Ngumingiti ka. At wala kang ibang iniisip na nagdadala ng problema sa iyo."

"Tama ka diyan."

"Ako naman ang may problema. Paano pala ang kakainin ang buto?" tanong ni Liam at ibinaling-baling ang buto.

"Ganito ang gagawin mo." Hinawakan niya ang buto at sinungkit ng tinidor ang bone marrow.

Ginaya siya ng lalaki. "Now that's an experience. Masarap pala talaga ang bulalo. Sa susunod nga yayayain ko dito ang mga taga-El Mundo. Even the vegetables are good. Fresh na fresh."

"Malamig sa area na ito at maraming taniman ng gulay kaya kaaani lang ng mga iyan." Maya maya pa ay itinaktak na niya ang buto. "Ganito ang gagawin mo para masimot ang laman sa loob."

"Wala palang nasasayang sa iyo."

"Di dahil nabibili ko na ang lahat ng gusto ko, magsasayang na ako. Napaka-praktikal ako. Di ako magsasayang ng pagkain o gamit dahil pinaghirapan ko pa rin iyon. Iyan ang isa sa natutunan ko sa magulang ko. Magtatampo ang grasya kapag nagsayang ka."

"Pareho pala sila ni Tatay. Gusto din ni Tatay na huwag nagsasayang."

Hinawakan ni Cattleya ang mangkok. "Unahan tayo kung sino ang unang makakaubos ng sabaw?" hamon niya. "Kung sinuman ang manalo, susundin ang gusto ng natalo."

"Sige ba," sabi nito. "Alam ko naman na gusto mo akong talunin dahil natalo kita noong nakaraan."

"Hindi na ako magpapatalo sa pagkakataong ito."

Hinawakan ni Liam ang mangkok. "Ready, set, go!"

Kahit na mainit ang sabaw ay humigop siya mula sa mangkok. Mas relaxed siya sa pagkakataong ito kaysa nang makatunggali niya si Liam sa beer drinking competition. She had no contract to think of. It would be just pure fun. It was a close fight. Sa pagkakataong ito ay siya ang naunang nakaubos.

"Yes! Ako ang nanalo!" aniya at itinaas ang kamay. Nag-enjoy talaga siya. Iyon ang klase ng kaligayahan na di niya nakukuha tuwing kumakain siya sa sosyal na restaurant.

"Matindi ka talaga," iiling-iling na sabi nito.

"Bawi naman ako dahil natalo mo ako sa inuman ng beer," sabi niya. "Akala ko nga noon matatalo na kita."

"Mukha lang akong mabilis malasing pero di naman talaga ako tumutumba. Ganoon lang siguro ang sistema ng katawan ko pero di talaga ako umiinom." Inilabas ng binata ang wallet. "Natalo ako kaya ako na ang magbabayad ng kinain natin."

"Pero ako ang nag-invite sa iyo dito." Inilabas din niya ang wallet niya. "Hindi naman yata ako papayag."

Inabot na nito ang isang libong pisong perang papel sa waiter bago pa siya makahuma. "Ipinatikim mo sa akin ang masarap na bulalo kaya ayos lang."

Mas masarap na ang pakiramdam niya nang lumabas sa bulaluhan. Pero parang bitin pa rin. May hinahanap-hanap pa ang dila niya. "Actually, hindi naman iyan ang gusto kong iutos sa iyo. Coffee naman tayo," sabi ni Cattleya nang papunta na sila sa kotse.

Sa Starbucks Tagaytay sila nagpunta para sa kape nila. Pilit na tinatanaw ni Liam ang Taal Lake sa kadiliman ng gabi. "Sayang di natin makita ang view dahil gabi na," sabi nito habang hinahalo ang hazelnut latte nito. "Sana pala sa umaga tayo nagpunta dito."

"Pwede naman nating hintayin ang pagsikat ng araw," aniya at sinimsim ang Arabic coffee niya.

Nanlalaki ang mata nito nang lingunin siya. "S-Sandali. Hihintayin natin? Ang ibig sabihin wala kang plano na umuwi? Anong oras na…"

Huminga ng malalim ang dalaga. "Ayoko pa talagang umuwi." Inabot niya dito ang susi ng kotse niya. "Kung gusto mo mauna ka nang umuwi. Dito lang ako basta." Isinampa niya ang paa sa upuan at saka ito pinagmasdan. Hindi pa rin nito kinuha ang susi. "Okay lang naman sa akin. Kukunin ko na lang ang kotse ko sa condo mo bukas."

"No. I am staying. Di naman kita pwedeng iwan dito. Pero hindi tayo pwedeng dito lang sa café magdamag. Hindi ka magiging komportable dito." Tumayo ito. "Come. Maghanap tayo ng hotel or cottage."

Sa Tagaytay Country Inn sila tumuloy. Isang suite ang kinuha nila na may dalawang kuwarto at may magandang view ng Taal Lake. "Masarap panoorin ang pagsikat ng araw mula dito," sabi niya at umupo sa carpeted na sahig. "Parang ayokong matulog." Humikab siya.

Umupo ito sa tabi niya at kinabig ang ulo niya sa balikat nito. "See? Inaantok ka na. Magpahinga ka na. Masyadong maraming nangyari sa araw na ito. Your body can only take so much."

"Ayoko pa. I just want to spend more time with you. Gusto kong maramdaman na di ako mag-isa. Kaya ko namang mag-isa pero nang sabi mo sasamahan mo ako, saka ko na-realize kung gaano kalungkot ang mag-isa. Na mas masarap pala na may kasama ka at nakakausap." Parang sa unang beses sa loob ng mahabang panahon ay nakaramdam siya. Liam made her feel. She felt more human than a robot.

Hinaplos nito ang buhok niya. "Matulog ka na. Hindi kita iiwanan."

"Promise?" tanong niya habang unti-unting pumipikit ang mata niya.

"Promise."

HINDI inaalis ni Liam ang tingin sa mukha ni Cattleya habang natutulog. Nakatulog na ito habang nakasandig sa kanya at nakasalampak sa carpet. Siya na ang nagdala dito sa kuwarto nito para maging mas komportable ang pagtulog nito.

Mukha itong isang mandirigma na napagod sa pakikibaka. She was a fighter. She had been dealing with challenges everyday, every waking moment of her life. Walang ipinagkaiba sa mundo niya bilang isang football player. Subalit mas mataas ang mga expectations dito ng ibang tao at higit na mas mataas pa ang expectations na inilaan nito sa sarili nito.

Sa araw nito ay nadiskubre niya ang isang bahagi nito. Kung gaano ito ka-loyal sa mga taong mahal nito. Dahil sa loyalty na iyon ay ni-reinvent nito ang sarili nito. At sa bagong mundong ginagalawan nito ay kailangan nitong isantabi ang mga bagay na nagpapasaya dito para sa mga bagay na iniisip nito na mas mahalaga.

Alam niyang naging masaya ito sa araw na iyon pero alam niyang di ito lubusang magiging masaya hangga't di nito hinaharap ang mga problemang tinatakasan nito. Hindi ito pwedeng tumakas habambuhay.

Nabulabog ang katahimikan sa malakas na katok mula sa pinto. Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kanya si Pierro. Matiim ang anyo nito at tuloy-tuloy na pumasok sa suite. "Nasaan si Cattleya? Kanina ko pa siya tinawagan pero pinatayan niya ako ng cellphone. Kung saan-saan lang siya pala nagpunta at nagpapakasarap. Anong gusto niyang palabasin ngayon?"

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.