Hindi si Liam ang tipo na basta-basta nai-intimidate sa ibang tao kahit gaano pa kataas ang tungkulin. Pero sa nakikita niya ngayon kay Pierro Dantes ay naintindihan na niya kung anong klaseng lalaki ang humubog kay Cattleya. Bagamat isa nang formidable force si Cattleya ay nakatanim ang takot sa intimidating nitong pinsan.
"Nagpapahinga na siya, Sir. Huwag na ninyo siyang abalahin sa ngayon," aniya sa malumanay na boses. "Gusto ba ninyo ng maiinom?" Siya mismo ang tumawag dito para sunduin si Cattleya. Ayaw din niyang mag-alala pa ng todo si Pierro dito at alam niyang lalo lang mapapasama Cattleya kung patatagalin pa nito ang pagharap kay Pierro. Ayaw niyang mangyari iyon.
"Hindi. Si Cattleya lang ang kailangan ko. May oras pa siya para matulog matapos ang kapalpakan niya? Simpleng instruction lang hindi pa magawa. Alam naman niya kung gaano kahalaga ang kontrata namin kay Mr. Ching. Malaking bagay iyon para sa banana plantation. Ito na ang tsansa namin na maka-penetrate ulit sa Chinese market. And what did she do? She blew it!" nagngangalit nitong wika.
Pierro was a tough businessman. Bagamat sa mga pagkakataong nakaharap niya ito ay lagi itong malumanay at madiplomasya lalo na sa pagharap sa mga problema ng club, ngayon lang niya nakita ang intense side nito. Hindi ito papayag na di nasusunod ang mga plano nito. Kung kailangan nitong baligtarin ang mundo ay gagawin nito basta lang magawa nito ang gusto.
"Sir, alam ko na isa lang din ako sa empleyado ninyo. Wala akong kinalaman sa exporting business ninyo. Pero alam ba ninyo kung bakit di niya napapirmahan ang kontrata?" malumanay niyang tanong.
Madilim pa rin ang anyo nito. "Well, she's incompetent. Simpleng pabor lang naman ang hinihingi ni Mr. Ching pero di pa niya pinagbigyan."
Naningkit ang mata niya. "Mr. Ching was asking sexual favors in exchange of the deal. Simple lang ba iyon?" Sa pagkakataong ito ay di na niya naitago ang galit sa boses. Galit siya sa mga lalaking walang respeto sa babae. At nang di pakinggan ni Pierro ang paliwanag ni Cattleya ay parang rin ito naiba kay Mr. Ching, Di man ito maniac pero parang inalisan din nito ng boses ang isang babae samantalang bilang pinsan ni Cattleya ay dapat ipinagtatanggol at dinedepensahan nito ang huli.
"What?" bulalas nito. "Sexual favor. Bakit hindi sinabi ni Cattleya sa akin?"
"Nabigyan ba ninyo siya ng pagkakataong sabihin sa inyo?"
"Well I..."
Hindi na naituloy ni Pierro ang sasabihin. Na-realize din siguro nito ang pagkakamali nito. May mga tao talaga na minsan ay mas mahalaga ang resulta kaysa sa excuse. Kaysa alamin ang problema ay mas mahalaga dito ang resulta. At marahil ay hinasa nito si Cattleya na mag-deliver ng gusto nitong resulta kaysa magbigay ng paliwanag.
Nanikip ang dibdib ni Liam nang maalala ang itsura ni Cattleya nang lumabas mula sa opisina nito. Down na down ito. Para sa isang taong magaling kumontrol ng emosyon, marahil ay breaking point na iyon para kay Cattleya. "Iyak siya ng iyak nang lumabas sa opisina ninyo. Nasaktan siya sa mga sinabi ninyo. Na parang wala siyang silbi at nabalewala ang lahat ng magagandang nagawa niya para sa inyo. Alalahanin ninyo na kaya ako nasa El Mundo dahil sa kanya. She went through lengths just to get my signature on that contract. Kung hindi si Cattleya ang ipinadala ninyo, hindi siya malamang nga hindi ninyo ako makukuha sa El Mundo," paalala niya.
Itinaas nito ang noo. "Dapat lang na mapapirma ka niya. She get paid for it."
Napailing siya. Mukhang hindi nito naiintindihan kung sino talaga si Cattleya. "Sir, loyal siya sa inyo. Handa siyang gawin ang lahat kahit na walang kapalit. Hindi naman tungkol sa pera iyon. Pagmamahal ang tawag doon, Sir. Pagmamahal ng isang kapamilya."
Kumunot ang noo ang pinsan ni Cattleya. "Anong gusto mong sabihin sa akin?"
"Sana naman maging patas kayo kay Cattleya. Sana protektahan ninyo siya at huwag ninyong hahayaan na may manakit sa kanya. Hindi naman niya kailangan ng special treatment. She wants you to just listen."
Mahabang sandali itong natahimik. Animo'y nag-iisip-isip. "Yes. It's my fault." Bumuntong-hininga ito at isinuklay ang daliri sa buhok. "Mainit ang ulo ko kanina. Wala na akong oras makinig sa mga paliwanag. Nasanay naman ako nang naide-deliver ni Cattleya ang lahat ng hinihingi ko sa kanya nang walang angal at walang excuses."
"Pasensiya na kayo, Sir. Napalapit na rin po sa akin si Cattleya. Mukha lang siyang matatag pero nakakaramdam din po siya. Nasasaktan din."
Pinisil nito ang balikat niya. "Salamat sa pagmamalasakit sa kanya."
"Iiwan ko na siya sa inyo. And give her time to relax, enjoy a bit and fall in love. I think she needs that." Gusto niyang makita si Cattleya na ngumiti nang mas madalas, mag-relax nang di laging iniisip ang trabaho at magmahal. Sa palagay niya ay mas magkakaroon ng kulay ang buhay nito kung mai-in love ito. Sa klase ng loyalty na mayroon ito, sa palagay niya ay magiging maswerte ang sinumang lalaki iyon.
Sayang lang at mukhang di niya matutupad ang pangako niya dito na sabay nilang panonoorin ang pagsikat ng araw.
NANG dumilat si Cattleya ay bumungad sa kanya ang sumisikat na araw sa ibabaw ng view ng Taal Lake. Marahan siyang bumangon at pinagmasdan ang magandang tanawin. Sa unang pagkakataon ay wala siyang inisip na trabaho o pagkakaabalahan. She just dranked into the astounding view. Huminga siya ng malalim. Kailan ba niya ito huling beses na ginawa? Hindi niya matandaan. Wala na siyang masyadong oras na i-appreciate ang kagandahan. Mula nang mapunta siya sa ilalim ni Pierro ay naging praktikal na siya. Appreciating such beauty, even relaxing for a while, was a luxury. Walang oras para magpahinga. Bawat oras sa kanya ay mahalaga. Kailangan laging may ginagawang kapaki-pakinabang.
Mabuti na lang at sinamahan siya ni Liam. Nagtiyaga ito sa company niya. Natutulog pa kaya ito? Dalawa ang kuwarto sa suite. Ayaw daw kasi ni Liam na mailang siya. Very gentlemanly. May tiwala naman siya dito kahit na nasa isang kuwarto lang sila. Alam niyang di nito pagsasamantalahan ang kaligayahan niya pero lalo pa siya nitong pinahanga dahil ipinakita nito kung gaano kataas ang respeto nito sa kanya.
Dali-dali siyang bumaba ng kama at tumakbo sa banyo para ayusan ang sarili. Usapan nila ay sabay silang manonood sa pagsikat ng araw. "Liam!" tawag niya dito at nakita ang isang pigurang nakatayo sa gitna ng living room. "Liam, sa balkonahe natin tingnan ang view habang nag-aagahan."
Namatay ang excitement niya nang ma-realize na hindi si Liam ang nakatayo doon kundi si Pierro. "Kuya, anong ginagawa mo dito? Nasaan si Liam?"
"Umuwi na si Liam. Tinawagan niya ako para sabihin na nandito nga daw kayo sa Tagaytay. Sunduin na daw kita."