Napaiim-bagang si Cattleya. Pakiramdam niya ay natraidor siya ni Liam. Pero alam niyang may punto dito sa pagsasabi kay Pierro kung nasaan siya. Hanggang kagabi ay di niya alam kung paano sila maghaharap ni Pierro. Wala siyang ginawa kundi ang tumakbo palayo. Kailangang harapin niya si Pierro at manindigan.
"Kung nandito ka para pilitin ako na bumalik sa Maynila at makipag-deal na naman kay Mr. Ching, forget about it. Kahit tanggalin mo pa ako sa trabaho, hinding-hindi na ako haharap pa sa kanya," aniya sa matatag na boses at sa pagkakataong ito ay tinitigan niya ito nang direkta sa mata.
"Mag-agahan muna tayo. Saka na natin pag-usapan iyan pagkakain natin," sabi nito at tumawag ng room service. Mukhang naka-order na ito kanina bago pa siya gumising dahil ipina-follow up na lang nito ang order. Umupo lang siya sa sofa habang nakahalukipkip.
Pinagmasdan lang niya. Nagsalin ito ng kape sa percolator at inilapag sa harap niya. Mukhang pagod ito pero hindi na ito mukhang mabalasik kumpara nang magkausap sila kanina. Inaasahan nga niya na aatake agad ito tungkol kay Mr. Ching o kaya ay sesermunan agad siya dahil maghapon at magdamag niya itong pinatayan ng telepono. Himala na tahimik ito sa ganito kalaking isyu.
Wala siyang narinig mula dito maliban sa mga tanong kung nagustuhan ba niya ang pagkain o kaya ay kung may gusto pa siyang kainin. Lalo tuloy siyang nagtaka kung anong nangyayari.
Nagkakape na sila matapos ang agahan nang sa wakas ay magsalita ito. "Cattleya, gusto kong humingi ng paumanhin sa naging pagtrato ko sa iyo kahapon."
Tama ba ang narinig niya? "H-Humihingi ka ng sorry sa akin?" Nagha-hallucinate yata siya. Kahit kailan ay hindi pa humingi ng paumanhin si Pierro sa kanya.
"Yes. Naging insensitive ako at sarado ang isip. I just want the results. Di ko man lang pinakinggan ang paliwanag mo kung bakit di mo napapirma ng kontrata si Mr. Ching. Paano kung napahamak ka dahil sa mga sinabi ko? Konsensiya ko pa iyon. Pwede kong sabihin na mainit lang ang ulo ko kahapon at marami akong iniisip pero di pa rin excuse iyon para magbitiw ako ng masasakit na salita sa iyo."
"Kuya…"
"Nai-kwento sa akin ni Liam ang nangyari. Mr. Ching tried to harass you. At inilagay mo lang siya sa tamang lugar. I am so proud of you. Hindi ko rin naman gusto ng corporate prostitution. Hindi na tayo makikipag-transact sa kanya mula ngayon. Kung pwede nga lang maghain ako ng reklamo laban sa kanya para di na siya makapagsagawa ng negosyo dito sa Pilipinas. Di dahil kailangan natin ng kita ay sasamantalahin na niya ang mga kababaihan natin. At lalong di niya magagawa iyon sa pinsan ko," mariin nitong sabi.
"Kuya, hindi ka na galit dahil di ko siya napapirma ng kontrata?"
"No. Galit na ako sa sarili ko dahil di kita pinakinggan." Ginagap nito ang kamay niya. "You are my most valuable staff. Maraming pagkakataon na rin siguro kitang nabalewala. I want you to be tough and competitive. I didn't realize that I am being hard on you. Nasasaktan na pala kita. Mapapatawad mo ba ako?"
"Oo naman, Kuya. Malaking bagay ito para sa akin." Niyakap niya ito at napaluha. "Maraming salamat."
Pakiramdam niya ay napakahalaga niya para dito. Malaking bagay para sa kanya ang paghingi nito ng paumanhin at ang pag-recognize nito sa magagandang nagawa niya.
"Hindi ka sa akin dapat magpasalamat. Kay Liam ka magpasalamat. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko mare-realize ang mga kakulangan ko sa iyo."
"Si Liam?" tanong niya at kumalas ng pagkakayakap dito.
"Siya ang matapang na nagsabi sa akin na nasasaktan na pala kita. Kilala mo naman ako. Kapag nai-point out sa akin ng tauhan ko ang mali ko, tinatanggal ko sa trabaho. Well, this time he is right. Naging unfair ako sa iyo at mali ang pagtrato ko. He is a good man. Nagde-date ba kayong dalawa?" tanong nito.
"Hindi! Paano naman ako makakapag-date?" natatawa niyang wika. "Puro kaya ako trabaho. Alam mo naman na ikaw ang priority ko at ang kompanya."
"You have my blessings if you like him. Pababawasan ko ang trabaho mo kung gusto mong magkaroon ng personal life." Bumuntong-hininga ito. "Masyado akong umasa sa iyo kaya di ko naisip na kailangan mo rin na magkaroon ng sarili mong love life. Basta di mo pababayaan ang trabaho mo."
"Yes. Magsa-shower lang ako at sasama ako sa iyo pabalik ng Manila. Alam ko naman na marami akong naiwang trabaho dahil sa aberya kahapon. Babawi ako," wika niya. Mas excited na siyang pumasok sa trabaho ngayon dahil alam niyang mag-iiba na rin ang relasyon nilang magpinsan.
Pinigilan ni Pierro ang braso niya. "Maiwan ka dito. Mag-relax ka. Kung gusto mo tawagin mo si Liam at mamasyal kayo. Take a day off. I-enjoy mo naman ang mga pinaghirapan mo. Puro ka trabaho. Okay?"
Mukhang matindi ang heart-to-heart talk nina Liam at Pierro. Ngayon lang naging ganito ka-considerate si Pierro sa kanya. Samantalang noon ay walang sinabi ang aliping saguiguilid sa pagtrato nito sa kanya. Kahit bakasyon ay kailangan niyang isipin ang trabaho. Kahit pa nananaginip siya ay kailangan trabaho pa rin ang asikasuhin niya. Mukhang na-realize nito na katulad din siya ng normal na tao. Na kailangan din niya ng kaunting kaligayahan.
Muli niya itong tinawagan. "Maraming salamat, Kuya. Malaking bagay ito para sa akin."
"Oras na para ako naman ang bumawi sa iyo. Mag-enjoy ka."
Nang iwan siya ni Pierro ay excited na tinawagan niya si Liam. "Hello, Liam."
"Kumusta ka na? Okay ka lang diyan? Nagkausap na kayo ni Sir Pierro?" sunud-sunod na tanong nito.
"Oo. At may kasalanan ka sa akin."
"Yes. I know. Tinawagan ko siya. Nag-aalala lang naman ako sa iyo dahil baka lalo lang siyang magalit kapag di niya nalaman kung nasaan ka. Galit ka ba sa akin?"
"Hmp!" sabi lang niya.
"Ano bang kailangan kong gawin para makabawi sa iyo?" nagmamaakawa nitong tanong.
"Bumalik ka dito sa Tagaytay. Samahan mo akong magmukmok. You still owe me a sunsire."
"Fine. Babalik ako diyan. Hintayin mo ako."
Bumalik siya sa banyo para magsepilyo at mag-shower. Katatapos lang niyang magsepilyo nang may kumatok sa pinto. "Sandali!" aniya at binuksan iyon. Nagulat siya nang makita si Liam na nakatayo sa pinto. "Liam, anong ginagawa mo dito? Akala ko umuwi ka na."
Pumasok ito sa loob ng suite. "Paano ako makakauwi kung nag-aalala ako sa iyo? Umalis lang ako sandali para magkasarilinan kayo ni Sir Pierro. Anong sabi niya sa iyo?"
"He apologized. Na-realize daw niya ang mga pagkakamali niya." Hinaplos niya ang pisngi nito. "Thank you, Liam. Kung ako lang, baka hindi maging ganito ang resulta ng lahat. Gumaan talaga ang loob ko lalo na nang mag-sorry sa akin si Kuya Pierro. Mula daw ngayon makikinig na siya sa akin."
"I am glad. Okay na lang lahat sa inyo ng pinsan mo."
Itinaas niya ang dalawang kamay. "And it's my day off. Hindi na siguro tayo makakapanood ng pagsikat ng araw pero pwede pa tayong mamasyal at mag-relax. Si Kuya mismo ang nagsabi na pabalikin daw kita para makasama ko."
Ginagap nito ang mga kamay niya. "Ibig sabihin pinayagan na niyang mag-date tayo?"
Date. Gusto niya ng date. Di pa pala siya nakakaranas ng date. At gusto niyang si Liam ang makasama niyang mag-date. Alam kasi niya na hindi siya mabo-bore.
"Friendly date lang, Liam. Friendly date." Pero sinong makapagsasabi kung anong mangyayari bukas? Kung saan sila mauuwi ni Liam. Pero sa ngayon ay gusto na niya ito. Gustong-gusto.