Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 24

"OKAY lang ba sa iyo na ako ang kasama mong manood ng game? Ayaw mo bang samahan ang ibang taga-El Mundo?" tanong ni Cattleya kay Liam nang pumuwesto sila ilang row ang layo mula sa ibang manlalaro ng El Mundo FC. Nasa Emperor Stadium sila sa Taguig kung saan gaganapin ang pagtatapat ng Crescent Football Club at Uno Football Club.

Kontrobersiyal pa nga iyon dahil sa inaabangang pagtatapat nina Joshua mula sa Crescent FC at si Nathaniel na mula sa Uno FC. Magkaribal kasi ang mga ito sa chef ng Goal Sports Bar na si Chef Martinique. Bestfriend ni Martinique ang striker ng Uno FC na si Nathaniel George na may pagtingin dito habang idine-date naman nito ang striker ng Crescent FC na si Van Joshua Sanders. Anong sinabi ng mga telenovela? May ganoon din pala sa football.

"Oo naman. Tutuksuhin lang tayo ng mga iyan kapag sumama tayo sa kanila. Baka mailang ka lang, sabi nito. Nang yayain siya nito na manood ng match ay di na siya tumanggi. Simpleng pasasalamat lang iyon dahil di siya nito iniwan nang panahong kailangan niya ng kaibigan. Kung saan-saan niya ito idinala pero sinakyan lang nito ang trip niya.

Naging masaya din ang buong araw nila ni Liam sa Tagaytay. Nang mapagod sila ay tumuloy sila sa Starbucks na paborito ni Liam dahil sa magandang view ng Taal Lake. Marami silang napag-usapan ni Liam tungkol sa karanasan nito sa pagtira sa Germany at ang paglalaro nito ng football. Lalo niyang nagustuhan ang laro ng football dahil dito. Ibang klaseng respeto ang ibinibigay nito sa laro at sa kapwa manlalaro. Being with Liam was like spending sometime in paradise. Ngayon ay ilalabas na niya ang paraiso niya sa publiko.

"Di naman ako naiilang sa tukso-tukso na iyan. Takot lang ng mga iyan sa akin," sabi ni Cattleya at minulagatan ang mga player na nanunuksong nakatingin sa kanila.

Ginagap nito ang kamay niya. "Dito na lang tayo para isipin nila na nagde-date tayo."

Gusto niyang kiligin sa gesture nito. He was holding her hand in a very public place. Ipinapakita nito sa lahat na siya ang babaeng kumuha sa atensiyon nito nang mga oras nito. Pero di pa rin niya maiwasan na magsuspetsa. Baka naman may ibang motibo si Liam sa pagsasama nila.

"May tinataguan ka bang babae?" tanong niya.

"Ssssh!" saway nito sa kanya.

May ibang babae nga. Lapitin naman talaga ng mga babae ang mga football players. Alam niyang nahihirapan ang mga ito minsan na itaboy o pagsabihan ang iba lalo na kapag sumosobra. At hindi iba si Liam sa mga ito. Di naman ito ang pinakaguwapong football player sa mundo pero isa ito sa pinaka-matindi ang sex appeal. Kapag tumitig pa nga ito ay parang gusto nang matunaw ng panty niya. Parang ngayon. Kaya nga di niya masisisi ang mga babae.

"Poor you. Nahihirapan ka na sigurong i-manage ang mga babaeng may gusto sa iyo," tukso niya. Pabor naman siya kung gamitin man siya nitong human shield. At least hindi siya ang iniiwasan nito. Maliit na pabor lang iyon kumpara sa magagandang bagay na nagawa nito sa kanya.;

"Hindi naman kita idinala dito para magpanggap na girlfriend o kung anuman. Gusto ko lang talaga na ma-enjoy mo ang football," anito at nananatili pa ring hawak ang kamay niya.

"I know. Ma-enjoy ang football nang hindi sanctioned ng pinsan ko. Don't worry. Sa palagay ko interesante ang match na ito lalo na't nakataya ang puso ng isang babae," aniya at kinindatan ito.

"Hindi ko alam na romantic ka pala."

"Hindi naman ako romantic. Kalimutan mo nang nasabi ko iyon," aniya at ibinalik ang tingin sa field.

Ayaw niyang isipin ng mga tao na romantic siya. Nasanay siyang maging praktikal sa nararamdaman niya. Kapag kasi na-in love ang isang tao ay nagtatapon ito ng panahon, oras at emosyon sa isang tao. At minsan ay masyadong mataas ang presyo na nahihirapan na ang isang taong kontrolin ang nararamdaman nito. That could lead to his or her downfall. And she didn't want to fall down.

Inilapit nito ang labi sa tainga niya. "Its okay to be romantic. It makes you more human."

Naniningkit ang mata niyang tiningnan si Liam. "Ibig sabihin hindi ako tao?"

"Well, you are cold and serious at the same time. Nakaka-intimidate din para sa marami. You are like a cold-hearted machine."

"I have to. Pero di naman nila ako kilala kung sino talaga ako." And having that image served its purpose. Malaki ang tulong sa trabaho niya para igalang siya at katakutan.

"I know. At alam ko naman na marunong ka ring makaramdam. Nagkataon lang na kailangan sa mundong ginagalawan mo. But it won't hurt to smile more. Okay lang na simangutan mo ang iba basta lagi mo akong ngingitian."

"Bakit naman?" Bakit gusto nito na sa kanya lang ito ngumiti.

"Baka kung sinu-sinong ma-in love sa iyo. Mahirap na."

Kung lagi itong ngingitian ni Cattleya, ibig sabihin ay gusto nitong ma-in love sa kanya. Sumirko ang puso niya. Pambihira naman kasi si Liam. Kung anu-anong sinasabi.

Tumayo ang dalaga. "Magre-restroom lang ako."

Kailangan niyang mag-retouch. Mainit sa stadium. Baka oily na siya. And oiliness is next to ugliness. Ayaw niyang magmukhang pangit sa tabi ni Liam. She won't mind if Liam would fall for her. Kung ito ang magiging boyfriend niya ay tiyak na wala siyang magiging problema. They get along just fine. Kung mag-asaran man siya ay magdadagdag lang iyon ng spice sa relasyon nila.

Relasyon? Boyfriend? Natigilan siya sa paglalagay ng powder sa mukha. Bakit umabot na sa ganoon ang takbo ng utak niya? Di ba kanina lang ay sinabi niyang hindi siya romantic? Na ayaw niyang basta-basta magtapon ng emosyon.

Binulabog na naman ni Liam Aramis ang sistema niya pero ayos lang. Hindi ba't gusto niyang maging malaya pati sa nararamdaman niya. She was ready to take on anything. Hindi na niya kailangan pang limitahan ang sarili lalo na pagdating kay Liam.

Pagbalik niya sa bleachers ay natigilan siya nang makita niyang may katabing ibang babae si Liam. Saglit lang siyang nawala ay natabihan na si Liam ng ibang babae. Pambihira! Hindi yata siya papayag nito. Kailangang mapalayas niya ang sinumang babae na gustong dumikit kay Liam.

Pasugod siyang lumapit kay Liam at natigilan nang makilala kung sino ang katabi nito. "Raiza?"

Nagulat ito nang tingalain siya. Tumayo ito at hinalikan siya sa pisngi. "O! Manonood ka rin pala," sabi nito at umupo ulit. "Saan ka nakaupo?"

"Sa kinauupuan mo," aniya sa malamig na boses. Di niya alam kung bakit naiinis siya na naroon si Raiza. Pinagseselosan ba niya ito kahit alam niyang girlfriend ito ng pinsan niya at dati pa naman ito kaibigan ni Liam? Hindi naman ito fangirl na naghahabol kay Liam.

Nanlaki ang mata nito. "Magkasama kayong dalawa?" tanong nito at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ni Liam.

"Yes. Nag-restroom lang ako." Si Liam ang umusod para lagyan ng puwang ang pagitan nito at ni Raiza para sa kanya. Umupo siya at nakadama siya ng comfort na napaghiwalay niya ang mga ito. Saka lang siya ngumiti. "Ikaw? Sinong kasama mo? Ang sabi ni Kuya Pierro may meeting siya sa Intercontinental ngayon. Nandito rin ba si Pierson?"

"Ah, wala akong kasama. Napadaan lang ako dito dahil akala ko may match ang El Mundo. Hindi ko alam na nagde-date pala kayong dalawa ni Liam.."

Nagkibit-balikat siya. "No. It's just a football match."

Tumaas ang balahibo niya nang akbayan siya ni Liam at hilahin siya palapit dito. "Dati pa kami nagde-date. Pasekreto lang at ayaw naming masyadong ipaalam sa iba. Gusto namin walang abala at ayaw naming masyadong pag-uusapan."

Pinanlakihan niya ito ng mata. "Liam!"

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.