Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 25

Bakit naman nito sasabihin na nagde-date sila? Friendly date lang naman ito pero pinalalabas nito na higit pa doon ang relasyon nila. Kailangan pa ba nitong magpanggap pati sa harap ni Raiza na kaibigan nila? Hindi naman ito babaeng naghahabol dito.

Ngumiti si Liam at pinisil ang baba niya. "Nakapagtataka pa ba iyon? Matagal nang patay na patay ito sa akin sa Germany pa lang."

"Liam!" saway ni Cattleya dito.

"Pwede naman nating aminin kay Raiza ang totoo. Malapit ka naman kay Raiza. Di na siya iba sa iyo." Tumingin ito kay Raiza. "We enjoy each other's company. Even my mom and dad like her."

"Oh, really?" tanong ni Raiza at tumaas ang kilay.

"Mabait kasi si Tita Eleonor. Inasikaso niya ako nang nasa Germany ako."

"Inasikaso din naman kita doon," sabi ni Liam at idinikit ang pisngi sa kanya. Kung maka-public display of affection naman si Liam, parang gusto na nitong mag-nervous breakdown siya. Nakakainis! Ang lakas nitong magpakilig.

"Maswerte ka pala kung ganoon. Nariyan si Liam at ang parents niya para mag-alaga sa iyo." May bahid ng lungkot sa mga mata nito na may halong inggit. Ano naman ang kaiinggitan nito? Mahal na mahal ito ni Pierro. Lahat ng hilingin nito ay ibinibigay dito. "Alam na ba ni Pierro ang tungkol sa paglabas ninyo?"

"Alam niya." Di niya alam kung anong naiintindihan ni Pierro sa relasyon nila ni Liam nang sunduin siya nito sa Tagaytay. Basta masaya ito na magkasundo na sila ni Liam at nabawasan ang sakit ng ulo nito.

Dinunggol siya ni Raiza. "Ako na lang yata ang di nakakaalam ng tungkol sa inyo.”

Ginagap ni Liam ang kamay niya. “Now you know.”

Maang niya itong tiningnan. Nagpapanggap pa ba si Liam ngayon o hindi na? Baka naman strategy lang nito iyon para magparamdam sa kanya. Sasakyan na lang niya ang pakulo nito tutal kinikilig naman siya. Masarap pala ang ganitong pakiramdam. Hindi siya makapag-concentrate sa game dahil pinakikiramdaman niya si Liam. Ang pagbulong nito sa kanya kapag may napapansin ito sa game o kapag nagkokomentaryo ito. Ang paghawak-hawak ito sa kamay niya at pati na rin ang pag-aasikaso sa kanya.

"I have to go," pagkuwan ay sabi ni Raiza at tumayo.

"Halftime pa lang pero aalis ka na?" tanong ni Cattleya.

"Nag-text kasi si Pierro. Gusto ni Pierro na magkita kami. Susunduin ko na rin si Pierson para makapag-dinner kaming pamilya."

“Isama mo next time sa game si Pierson,” sabi ni Liam. “Nabanggit niya na gusto niyang manood ng game kasama namin at magpapaturo din daw siya ng football sa akin. That would be cool.”

Nangmulagat ang mata ni Raiza. “No! H-Hindi na gustong mag-football ni Pierson. Gusto kong mag-focus siya sa pag-aaral. Siya ang magmamana ng negosyo ni Pierro kaya dapat ngayon pa lang mag-training na siya.”

“Football can build his character,” sabi naman ni Liam. “Saka nasa lahi naman yata ni Pierson ang magaling sa football, Madali siyang matututo.”

“No! Shut up, Liam,” bulalas ni Raiza at biglang tumayo. “Stop putting ideas into my son’s head.” Saka naglakad palayo.

“Anong problema niya?” naguguluhang tanong ni Liam. “Hindi ba nag-football naman si Sir Pierro noong bata pa?”

Bumuntong-hininga si Cattleya. “Di ko rin maintindihan. Siguro nagselos na naman siya sa atensiyong ibinibigay ni Kuya Pierro sa football. Selosa siya kahit dati pa. Baka may pinagdadaanan lang.”

“Oo nga. Ganyan siya noon pa. She’s just fiercer now.”

Tinitigan niya si Liam nang muling magsimula ang game. Hindi normal ang mga reaksyon ni Raiza pagdating kay Pierson. Magkakilala nga ang asawa ng pinsan at ang binata bago pa man dumating ang Kuya Pierro niya sa buhay nito. Gaano ba kalalim ang pagkakaibigan ng mga ito?

"Bakit?" tanong ni Liam nang mahuli siyang nakatitig dito.

Ipinilig niya ang ulo. "Wala."

"Naguguwapuhan ka sa akin. Oo alam ko na."

Umingos siya. "Ibang klase ka talaga. Kapal lang."

"Iyon naman ang nagustuhan mo sa akin."

Wala naman sigurong ibang namagitan dito at kay Raiza. Wala siyang dapat na alalahanin. Basta ie-enjoy niya ang company ng binata.

HALOS ayaw nang bitiwan ni Eleonor si Cattleya mula nang sunduin nila ito at ang ama ni Liam na si Bert sa airport. Tumuloy sila sa Maxim Hotel na di kalayuan sa Ninoy Aquino International Airport. Bakas sa mga mata ng mag-asawa ang saya na sa wakas ay nakabalik na ang mga ito sa Pilipinas. And this time, she would stay for good.

"Cattleya, mabuti naman at sumama ka sa pagsundo sa akin. Natutuwa akong makita ka kasama ni Liam. Alam ko naman na busy ka sa dami ng trabaho mo," sabi nito habang papasok sila sa restaurant para maghapunan.

Tinapik niya ang braso nitong nakakawit sa kanya. "Hindi ko po palalampasin ang pagkakataong ito. Gusto ko pong i-welcome kayo sa pagbabalik ninyo sa Pilipinas. Matagal na po ninyong pangarap ito ni Tito Bert."

"Tama ka. At hindi magkakatotoo ang pangarap kong manatili na dito kung hindi dahil sa iyo,” sabi ni Bert na nakasakay sa wheelchair at tulak-tulak ni Liam.

"Tatay, akala ko ba dahil sa akin," singit ni Liam.

Sinimangutan nito si Liam. "Kundi pa nakipaghamunan ng pagalingan sa pag-inom ng beer si Cattleya sa iyo, hindi ka pa makukumbinsing sumama sa El Mundo. Kaya nga gustong-gusto ko ang batang ito. Gusto ko ito na ang maging asawa mo."

Biglang tinutop ni Cattleya ang labi at kunwa'y umubo. Asawa? Asawa agad? Nagde-date pa lang sila. "Friendly" date. Sumagi sa isip niya na pwede niyang maging boyfriend si Liam pero hindi ang pag-aasawa. Hindi pa naman ganoon ka-advance ang takbo ng utak niya.

"Nanay, baka naman kayo pa ang pumikot sa akin para kay Cattleya," biro ni Liam ito.

"Bakit naman hindi? At least alam ko sa matinong babae ka mauuwi. Maganda siya, matalino, mabait at disente," puri ni Eleonor sa kanya.

Tinapik niya ang kamay ni Eleonor. "Pwede pa rin naman po ninyo akong ituring na anak ni Tito Bert kahit na hindi ko boyfriend si Liam."

Ayaw niyang ma-pressure si Liam. Ayaw niyang mahaluan ng iba ang magandang pagkakaibigan nila. Baka sa katutulak ni Eleonor sa kanila ay dumistansiya ito sa kanya. Ayaw naman niyang mangyari iyon.

"Siyempre iba pa rin kapag ikaw ang pinakasalan ng anak ko. Kayo ang magma-manage ng mga lupaing naipundar ko. Iyon ang mamanahin ng magiging mga apo ko," sabi ni Bert na mukhang buo na ang plano sa isipan nito.

Ihinain na ng waiter ang order nila na in-order na ni Liam kanina pa habang nasa hotel suite sila ni Eleonor bago sila bumaba. "Liam, basta isama mo si Cattleya sa Davao kapag dumalaw ka," ungot pa rin nito.

"Kung gusto po ba niya," sabi ni Liam at kumindat sa kanya.

"Siyempre naman po. Kundi ninyo naitatanong laki po ako sa bukid. Kung may panahon lang po talaga gusto kong mag-relax sa probinsiya," sagot ni Cattleya at nakadama ng excitement. Isang bakasyon kasama si Liam… at ang pamilya nito. Wala siyang iisiping trabaho. Ie-enjoy lang niya ang company ng mga ito na parang parte siya ng isang pamilya.

"Mag-aani tayo ng mangoosteen at durian. Magugustuhan mo ang farm ko," sabi ni Bert.

Narinig niya ang matinis na boses ng batang lalaki sa likuran nila. "Tita Catt! Tito Liam! Are you on a date?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.