Sinalubong agad sila Cattleya ng waiter na mukhang kilala na si Liam at idinulot agad sa kanila ang soup at bagong lutong tinapay pag-upo nila. “Simulan mo sa soup. Baka makasama sa iyo kung mabibigla ka sa pagkain.”
Sunud-sunod lang ang subo niya at higop ng soup. Habang tahimik lang din si Liam na umorder ng sarili nitong kape.
“Gusto mo pang kumain?” tanong ng binata nang maubos niya ang soup at tinapay.
Umiling siya at pinunasan ng napkin ang labi niya. “Gusto kong maglakad-lakad. Mukhang sariwa ang hangin sa labas. Sa palagay ko mas gagaan ang pakiramdam ko.”
Pinagbigyan siya ni Liam at inalalayan siya palabas ng restaurant matapos bayaran ng bill. Napapikit siya nang tumama sa mukha niya ang malamig na hangin mula sa lawa. Umupo siya sa isang bench sa gilid ng lawa. Nakatayo naman si Liam sa bench sa tabi niya. She felt better now. Handa na siyang makipagtuos ngayon.
"Alas dos na ako nagising sa kuwarto ko sa hotel. S-Sinong ang naghatid at nag-asikaso sa akin?" Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “N-Napansin ko rin na iba na ang suot kong damit. Sino ang nagbihis sa akin?”
Umangat ang gilid ng labi nito. "Sino sa palagay mo?"
Nanuyo ang lalamunan ng dalaga. Okay. She didn’t want to go there yet. Hindi iyon ang dapat niyang usisain ngayon. Ang mahalaga ay kumpirmahin niya kung anong naging usapan nito at ni Pierro. Trabaho muna bago ang personal niyang dilemma dito. "Ano... Hindi ko maintindihan. Tumawag si Kuya Pierro kaninang umaga. Sabi niya pumapayag ka nang maglaro para sa El Mundo."
"Totoo iyon,” mabilis nitong sagot.
"Hindi kaya lasing ka lang kagabi nang pumayag kang maging parte ng El Mundo?"
"Hindi na ako mukhang lasing ngayon, di ba? At di pa rin nagbabago ang desisyon ko. Gusto ko pa ring pumunta sa Pilipinas at maglaro para sa El Mundo."
"Pero bakit?" tanong niya.
"Anong bakit? Hindi ba hinamon mo ako sa pagalingang uminom ng beer?" amused na sabi nito na parang naaaliw pa sa pinagtatatanong niya.
"Pero tumumba ako kagabi. Nakita ko na lungayngay ka rin pero. Sa ating dalawa mukhang ikaw ang nanalo. Masakit na masakit ang ulo ko ngayon samantalang ikaw mukhang ayos na ayos lang."
Ginagap nito ang kamay niya habang nakatitig sa kanya na parang nang-aakit. She didn’t like him when he was in a seductive mode. No. Not when she was not strong enough. "Inakit mo ako kagabi. I am just a weak man. Weaker because of the alcohol. Kaya wala akong magawa kundi sundin ang lahat ng gusto mo kagabi,” anito sa nang-aakit na boses.
Hinaklit niya ang kamay mula dito. "Anong inakit? Anong malay kong gawin iyon? Hindi ako ang tipo na nang-aakit ng lalaki para makuha ang gusto ko." Well, not blatantly. Hindi naman kasi niya alam kung anong ginagawa niya kapag lasing siya. Tuluyan na siyang nag-panic. Ibinalik niya ang tingin dito. "May ginawa ba ako kagabi habang lasing?" marahan niyang tanong.
Umupo ito sa tabi niya at lalo siyang naging mulat sa init na nagmumula sa katawan nito. "Marami. Maybe that is your last attempt to make me say yes. Dahil hindi mo ako natalo sa inuman. At hindi ka naman nabigo. Nakuha mo ang gusto mo. You made me say yes."
Sunud-sunod ang pag-iling niya. "No. That is not true."
"It is true.” Tinalunton ng daliri nito ang hugis ng mukha niya at kakaibang init ang gumapang sa bawat himaymay ng laman niya. “At ngayong magkakasama na tayo sa Pilipinas, I am sure you will have a great time having your wicked way with me."
Tinampal niya ang daliri nito at umusod palayo dito. "In your dreams. Hindi ako interesado sa iyo. Our relationship will be extremely professional. Subukan mo lang na may gawing masama sa akin. At sa ginawa mo sa akin kagabi, magpasalamat ka na hindi ako magsasampa ng harassment."
Isang malutong na halakhak ang pinakawalan nito. "Harassment? Bakit di mo tanungin sina Bryant at Paula? Sa kotse pa lang, you were already all over me. Ako ang na-harass mo."
Mariing pumikit si Cattleya at kinuyom ang palad. Wala siyang laban. Mukhang may witness ito. Kung bakit kasi wala na siyang maalala sa nangyari kagabi.
Huminga siya ng malalim at dumilat. “Kung anuman ang nangyari kagabi habang lasing ako, huli na iyon! Sa susunod na subukan mo akong pagsamantalahan, di ako mangingiming baliin ang mga buto mo. At wala akong pakialam kung paborito kang player ng pinsan ko. Malilintikan ka sa akin."
Hindi niya alam kung anong extent ang ginawa nito sa kanya. Sigurado naman siya na walang nangyari sa kanila. Pero malay niya kung ano pang nangyari.
"Ikaw ang babae na maganda kapag gising at galit na galit. Mas maganda ka ngayon kaysa lasing ka,” anitong di nawawala ang nanunuksong ngiti sa labi.
Bigla siyang tumayo at inambaan ito ng suntok. "Anong sabi mo?"
Humalakhak muli ito at itinaas ang dalawang kamay. "Relax. Walang nangyari sa atin. Si Paula ang nagbihis sa iyo. At ikaw ang nanalo sa laban natin kaya in-honor ko lang ang kasunduan natin."
Napanganga siya. "Seryoso?"
"Oo. Bumagsak ka nga pero hindi ko naman naubos ang beer ko. Congratulations!"
Saka lang tuluyang nag-sink in sa kanya ang buong scenario. Walang nangyaring kahit ano sa kanila. Hindi rin niya ito inakit. At higit sa lahat ay magiging parte na ito ng El Mundo FC. Mission accomplished na siya. At siya pa ang nanalo sa inuman nila ng beer.
"Totoo nga! Totoo nga!" Niyakap niya ito. "Nanalo ako!"
Tawa siya ng tawa na parang nanalo siya sa lotto. Palapit na siya nang palapit sa pangarap niya na makuha ang lupain ng magulang niya. Malapit na.
"I changed my mind. I like you better when you are in my arms. So where should we celebrate, sweetheart?"
Tumingala si Cattleya para may sabihin kay Liam nang mabitin ang mga salita sa dila niya. Nakatingala siya kay Liam pero parang bumalik siya sa ibang panahon. Nasa loob daw sila ng isang madilim na kotse na may malamlam na ilaw. Nakatingala din siya kay Liam. There was a song playing on the radio. Pamilyar pero di niya mawawaan.
"Know what? Hindi ka naman guwapo. You are annoying much. But there's something about you that makes me want to kiss you." Hinawakan niya ang batok nito at dahan-dahan itong hinila palapit sa kanya.
Napasinghap siya at dali-daling kumalas sa pagkakayakap dito. Hindi niya alam kung nangyari talaga iyon, panaginip lang o imahinasyon niya. Hindi magandang senyales iyon. Ipagpapalagay na lang niyang hindi niya iyon naisip. Buburahin na lang niya sa isipan niya.
Lumayo siya sa lalaki. "K-Kailangan ko nang bumalik sa hotel. Ipapa-book ko pa ang flight ko... natin.. nang magkahiwalay siyempre.” She was stammering and she couldn’t help it. Hanggang ngayon kasi ay di nawawala sa isipan niya ang nag-flash sa utak niya. “Sabihin mo sa akin kung may kailangan ka pa. Ipapadala ko sa iyo ang kontrata in case may additional stipulation ka na gustong idagdag." she tried to make it sound so professional. Pinilit niyang itago ang panginginig niya.
Nagsalubong ang kilay nito. "No celebratory dinner for us tonight?"
Pilit siyang ngumiti. "Go and celebrate with your friends. Ako na ang bahala sa bill. Bye!” Pinara agad niya ang taxi na dumaan at sumakay. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon si Liam na magtanong o humabol.
But it was a party that she won't attend. Ngayon pa lang ay kailangan na niyang dumistansya kay Liam. He was trouble. Big trouble.