Hindi ko alam kung saan ipa-park ni Lyndon ang pick-up niya, o kung lalagyan niya ng tarpulin ang ibaba para hindi mabasa ang mga gamit ko. Hindi na ako nag-usisa dahil naramdaman ko ang inis sa kaloob-looban niya. E, kasi naman, bigla na lang nag-collapse ang isang parte ng building, at naipit si Yuli sa ilalim.
Pinagtulungan pa nga nilang buhatin 'yong bloke ng semento para makaalis si Yuli. Naging pahirapan kasi pumutok 'yong light bulb malapit sa area. Kaya ayun, tumawag na si Papa ng ambulansya. Hinatid si Yuli sa ospital. Ngayon, kunot-noong nakaupo sa isang malapad na bato si Lyndon. Nasa malayo ang tingin.
"Lyndon," tawag ko.
Nag-angat siya ng tingin sa akin. "May problema?"
"Wala naman." Naupo ako sa tabi niya. Napatingin tuloy ako sa tinitingnan niya. 'Yong pick-up niya lang pala. Umikhim ako. "Aksidente 'yong nangyari. Uh, 'wag mong sisihin sarili mo."
Bumuntong-hinga siya. "Hindi ko napansin ang crack sa dingding kaya nadisgrasya si Yuli." Nag-angat siya ng tingin sa Larica Building. "No one is allowed to enter that one. Even your father, he will be moved outside."
"Wala naman sigurong kaso kay Papa. Isa pa, sobrang delikado nga kung magpatuloy siya sa pagpasok-labas sa gusaling 'yan."
"He's hardheaded, as you are."
Napatingin ako sa kaniya. "Isusumbong kita kay Papa."
Natawa siya at napailing. "Sumbungera."
Ngumuso ako at humalukipkip. Natahimik kami saglit. Pinagmasdan ko lang ang mga taong sige pa rin sa pagkarga ng mga sako ng semento at pagpapala. May ilan pang kargador na sige sa pagkarga ng mga balde-baldeng isda palampas sa tents. Nilalagay nila sa ice buckets ang mga isda sabay pasok sa truck na nakaparada hindi kalayuan sa puwesto namin.
Bigla na lang umihip ang malamig na hangin. Nagbaba ako ng tingin sa relo. Bahagya ko pa 'yong tinagilid para matanglawan ng ilaw. Natigilan ako. Alas-diyes na ng gabi. Bigla na lang kumalam ang sikmura ko. Napahawak tuloy ako ro'n.
Napansin ko sa gilid ng mata ang pagbaling ni Lyndon sa akin. "Late na at hindi ka pa kumain." Tumayo siya. "Let's go. It's my treat."
Napakamot na lang ako sa pisngi at napatayo. "Okay."
Sinundan ko siya hanggang sa pick-up niya. Pinagbuksan niya ako ng pinto at sinenyasan akong pumasok sa loob. Tumalima ako. Umikot siya sa harap at pumasok sa driver's seat. Nagulat na lang ako nang bigla siyang naghubad ng T-shirt. Nag-iwas ako ng tingin.
Ilang minuto akong nakatingin sa labas ng bintana nang umikhim siya. "I know a place of good foods."
Tumingin ako sa kaniya saglit at nagkibit-balikat. "Bahala ka."
Tiningnan ko sa rearview mirror ang mga gamit ko sa likod ng pick-up. Hays. Sana naman hindi uulan. Ayokong mapunta sa wala ang allowance ko.
"May kainan malapit sa Plaza Indepedencia. I heard they have good cuisine."
"Bukas pa ba? It's late."
Hindi siya sumagot. Pinaandar niya ang pick-up at pinatakbo paalis ng dock area. Hindi na rin ako umimik at hinayaan siyang dalhin ako sa sinasabi niyang kainan.
Sa totoo lang, hindi pa siya okay sa akin, pero dahil may kasunduan kami, susubukan kong maging polite sa kaniya. Alang-alang sa mga gamit ko. Lumabi ako at tumingin sa labas ng bintana.
"Are you often like this?"
Napatingin ako sa gawi niya. "Ano?"
"This. Eating late." Sumulyap siya sa akin bago niliko ang manibela. Tumingin siya ulit sa kalsada. "Masama sa katawan ang pagpapalipas gutom."
"Malaki na 'ko. Kaya ko na sarili ko."
"You should eat ahead of time. Kung kagaya nitong hindi pala alam ng ama mo na hindi ka pa kumakain."
"Ngayon lang 'to. Saka, busy kaya ako sa pagbalot ng mga gamit ko."
Sumulyap siya sa akin. Ngumisi siya bago binalik ang tingin sa harap. Napanguso ako. Fine, siya lang pala 'yong busy sa pagbalot. Kumakain lang ako ng brownies sa tabi. Kaya siguro hindi ko naramdaman ang gutom kanina.
"Pero ikaw, hindi ka pa nga kumain," sabi ko. Sabay halukipkip at tumingin ulit sa labas ng bintana.
Hindi siya umimik. Hinintay ko na lang na huminto ang sasakyan sa Plaza. Nakabukas na ang ilaw sa mga poste at kabahayan. Pati na sa mga establishimento. Pinagmasdan ko kung paano mag-flicker ang liwanag sa bintana ng sasakyan tuwing nadadaanan ang mga poste ng ilaw na ilang metro ang layo sa isa't isa.
Ilang minuto pa ang hinintay ko bago dahan-dahang bumagal ang takbo ng kotse. Hanggang huminto sa tapat ng isang bukas na kalinderya. Nangunot ang noo ko at tumingin kay Lyndon. "Yan 'yong sinasabi mong may magandang cuisine?" taka kong tanong.
"Yes."
"Weird." Nangunot ang noo ko. "I thought panget ang luto sa mga karinderya. Jamaica said it though."
"Jamaica? Who's that?"
Napatingin ako sa kaniya at napailing. "Nevermind. Halika na, gutom na ako."
Nauna na akong umibis ng sasakyan. Malakas ang ihip ng malamig na hangin. Nilipad niyon ang buhok ko. Mabilis kong hinuli ang buhok at tinali, sabay lingon kay Lyndon. May kinuha siya mula sa 2nd cabin ng pick-up. Nagkibit-balikat ako at naunang tumawid ng kalsada.
Mabuti na lang at hindi gaanong marami ang sasakyan na dumadaan sa parteng 'to ng Plaza Independencia. Saka, panaka-naka lang ang taong naglalakad sa sidewalk.
Tumayo ako sa harap ng kalinderya at napatingala sa nagliliwanag na 24/7 Joyce Kainan sa itaas. Magandang cuisine? Hmm... lumapit ako sa istante kung saan nakahain ang mga ulam. May kaldero pa sa gilid na sa tingin ko'y kanin ang laman.
Ilang minuto akong nakatayo roon nang maramdaman ko ang presensya ni Lyndon sa gilid ko. Napaikhim ako. "Anong masarap?" tanong ko.
"Fish fillet, balbakuwa, ginaling, nilat-an."
Umasim ang mukha ko sa sinabi niya. "They taste like... what? Saka... ang weird ng pangalan, ha?" Nangunot ang noo ko habang tinititigan ang pinritong isda. "Saan nga riyan 'yong masarap?"
Lumapit sa amin 'yong babaeng naka-apron at may suot na hairnet. Ngumiti siya sa amin at tinanong kung anong order namin. Hinayaan ko si Lyndon na mag-order habang pumasok ako sa loob at naghanap ng magandang puwesto. Naupo ako sa mesa na malapit sa mga pinggan. Mas malinis kasing tingnan kaysa sa ibang mesa.
Dala-dala ni Lyndon ang tray kung saan nakalagay 'yong in-order niya. Kasunod niya 'yong babaeng naka-apron na dala-dala ang kanin. Nilagay ni Lyndon sa mesa ang mga ulam, at nagpasalamat sa babae bago binalik ang tray. Ngumiti lang 'yong babae sabay alis. Naupo si Lyndon sa tapat ko.
"So... explain mo nga. Anong masarap sa kalinderya?" tanong ko.
Ngumiti siya. "Kumain ka na lang."
Nagkibit-balikat na lang ako. Naghain ako ng kanin sa pinggan ko at kumuha ng isang piraso ng fish fillet. 'Yon lang kasi ang pamilyar sa akin. Sumubo ako at tahimik na kumain. Kaso, ilang subo pa ang ginawa ko nang magtanong si Lyndon. "Sa nangyari kanina, bibisita ka pa rin sa Port?"
Lumunok ako. "Wala na akong babalikan doon, e. Saka, nasa pick-up mo na 'yong mga gamit ko. Ano nang gagawin ko sa Port?"
"Good." Ngumiti na naman siya. "Ayoko nang maulit 'yong nangyari kay Yuli. Nakita mo naman kung gaano kadelikado ang construction site."
"E, bakit si Papa? Labas-masok pa rin sa opisina niya?"
"May ginagawang importante ang Papa mo. Pero sa nangyari, baka tuluyan na niyang lisanin ang opisina. Mahirap na baka mag-collapse ang bahaging 'yon. Kahit pa sabihin nating malayo ang parteng 'yong sa binakbak ng team ko, humihina ang pundasyon ng mga haligi."
Tumango na lang ako at tumahimik. Hindi ko alam kung anong susunod sa sasabihin kaya tinuon ko na lang ang atensyon sa pagkain. Pero nagtanong siya ulit kaya nag-angat ako ng tingin sa kaniya.
"Kanina, wala ka bang dala liban sa paper bag?"
Napakurap ako sa tanong niya. Teka, pati 'yon napansin niya? Nag-iwas ako ng tingin at napaikhim. "May dala akong wallet."
"Pero dala mo lagi ang shoulder bag sa tuwing pumupunta ka sa Port."
Napatingin ulit ako sa kaniya. Naningkit ang mga mata. "Stalker ka ba?"
"Hindi." Natawa siya. "Napansin ko lang."
Ilang segundo ko siyang tinitigan bago napanguso. "May nakatabi ako kanina sa bus. Ninakaw ang shoulder bag ko. Pero binalik ang wallet ko."
Tumunog ang dila niya. "Sinabi ko na. Ganiyan ang mangyayari kapag nagko-commute ka. Sa isang tingin pa lang sa 'yo, halatang may kaya. Mabuti nalang at hindi hold-up."
"Oo na." Bumuntong-hinga ako. "Pero at least mabait. Binalik ang wallet."
Natawa lang siya. "Pambihirang magnanakaw."
Napailing na rin ako at natawa. Oo nga, e. Sinauli ba naman ang wallet ko? Sa pagkakaalam ko, wallet ang puntirya ng mga magnanakaw. One of a kind siguro 'yong isang 'yon.
Dumako ang tingin ko sa entrada ng kalinderya nang may bumili doon. Nagbaba ako ng tingin sa relo. Pasado alas-onse na. Lagot, may klase pa pala ako bukas.
Binilisan ko ang pagkain na siyang napansin ni Lyndon. Umikhim siya. "Why?"
"May klase pa kasi ako bukas, saka sobrang late na. Uuwi pa ako sa Boljoon." Nakagat ko ang labi. "Baka mahirapan ako sa pag-commute."
"Ihahatid na lang kita."
Napatingin ako sa kaniya. "Seryoso ka?"
"Oo. Taga-Boljoon din ako."
"Talaga?"
Natawa siya at napatango. "Taga-Baclayan. Katabi lang 'yon sa Arbor kaya ihahatid na lang kita sa El Grande Lat."
"Oh." Napakurap ako. Naalala ko bigla 'yong usap-usapang krimen doon sa Arbor. Taga-Baclayan 'yong tumistego. Umiling ako at inalis sa isip ang tungkol doon. Ngumiti ako kay Lyndon. "Sige. Mukhang disente ka naman."
Tumaas ang sulok ng labi niya at hindi na umimik. Nagbaba na lang ako ng tingin sa pagkain. Naging tahimik din ang paligid dahil naka-order na 'yong bumili kanina at kasalukuyang kumakain sa kabilang mesa.
Narinig ko tuloy 'yong ingay ng kuliglig. Sa tingin ko nga, may kuliglig sa ilalim ng mesa. Napa-angat ako ng tingin sa labas nang biglang bumuhos ang ulan. Natigilan ako. Hala, 'yong mga gamit ko sa likod ng pick-up!
"Lyndon -"
"Nalagyan ko na nang trapal kanina. Hindi na 'yon mababasa."
Napabuga ako ng hangin. Mabuti nalang.
Pero habang tinititigan ko ang buhos ng ulan sa labas, naalala ko ang gabing 'yon. 'Yong may biglang binaril sa ---
"Rishell."
"H-Ha?"
"Kumain ka na. Lumalamig ang sabaw."
"Ah... o-okay." Ngumiti ako nang pilit at muling nagbaba ng tingin sa pagkain.