For The Stars Have Sinned (Filipino) Chapter 23

Saan ako nagkulang? May hindi ba ako nasagutan na number? O may instructions bang hindi ko nasunod sa test? Napanguso ako. Bakit? Ginawa ko na lahat pero bakit gano'n?

"Naks. Isang point na lang at papasa ka na sana, Larica."

Mas lalo akong nanlumo. "Yon nga, e! Isang point nalang pero ba't hindi pa binigay?" Masama akong tumingin kay Reun. "Sabihin mo, sinong nag-check nito?"

"Block D siguro."

"Block D?!" Nangunot ang noo ko. Naningkit ang mga mata at marahas akong napabuga ng hangin. "Lagot sa akin sinumang nag-check nito!" Tinaas ko pa ang examination paper.

"Huy, anong plano mo? Baka mapahiya ka lang. Review mo na lang 'yong mali. Heto, papel ni Nemero. Na-perfect niya ang Fluid Mechanics."

"Ha? Perfect score?" Mabilis kong dinampot ang papel na hinahawakan niya at tiningnan ang score. Wow, saan niya napulot ang sagot niya?

Natawa si Reun. "Ayan kasi, Vine pa."

Napasimangot ako. Hindi naman kasalanan ng Vine, e. Kasalanan ko kasi hindi ako nag-aral! Oo na, inaamin ko. Napanguso ako at ni-review ang maling sagot. Walang mali 'yong checker. At talagang seventy-four over hundred ang score ko.

Nakabusangot kong binalik ang papel kay Reun at nalulumong naupo ulit sa upuan ko. Paano na? Napatingin ako sa wall clock. Five minutes na lang at break-time na. Pupuntahan ko na lang si Prof sa Faculty. Hihingi ng pardon. Hayst, finals pa naman 'yong exam!

Mag-isa akong nagpunta sa Faculty. Huminga ako nang malalim at ngumiti. Kailangang masaya akong humarap kay Prof. Dapat cool ka pa rin, Rishell. Okay?

Naglakad ako papasok sa Faculty at tinungo ang desk ni Prof. Kaso natigilan ako nang makita ko si Jamaica. Kausap niya si Prof. Aba, mukhang may problema rin sa score, a? Napangisi ako. Ayan kasi, inaaway ako edi ayan. Nakarma.

Hinintay ko na lang siyang matapos. Nang pumihit siya ay nagtama ang paningin namin. Ngumisi ako sa kaniya pero umirap lang siya sa akin at naglakad palampas. 

Wow, suplada pa rin, ha? Naiiling akong naglakad palapit kay Prof.

Nag-explain lang ako sa kaniya at humingi ng chance. In the end, binigyan niya ako ng special task. Magtungo raw ako sa Education building at mag-sit in ng isang araw sa lecture ng BSED Science B-1. Mag-take ako ng quiz at kapag nakapasa ay bibigyan niya ako ng chance. Pasalamat daw ako at one point lang 'yong kulang sa score ko.

Edi ayun, umuo ako. Siya rin kasi ang Prof ng BSED Science. Same subject pa. Bumuntong-hinga ako. Bahala na nga. Alam kong iskandalosa talaga ako, pero kung hindi tini-trigger ay hindi naman ako mang-aaway. Mahihiya naman siguro si Jamaica na awayin ako sa loob ng klase ng block niya.

"What did he instruct you to do?"

"Sheems!" Napahawak ako sa dibdib at gulat na tiningnan si Jamaica. Nakatayo siya sa gilid ng pinto ng Faculty. Para bang tinambangan ako. "Wag ka nang manggulat!" sita ko sa kaniya.

Tumaas ang kilay niya at humalukipkip. "Ano nga? What did he instruct you to do!"

"Hayst!" Lumingon ako at tiningnan kung may Prof ba. Mabuti na lang at wala. Sinenyasan ko siyang sumunod sa akin. Naningkit ang mga mata niya pero wala namang sinabi. Sumunod siya pagkuwan. Napangisi tuloy ako.

Huminto ako sa likod ng Faculty. Malapit lang din sa Engineering building. Humarap ako kay Jamaica. 

"Makiki-sit in ako sa block mo. Isang araw."

"What?"

"Shhh. 'Wag kang sumigaw." Humalukipkip ako at ngumuso. "Kung napasa ko lang talaga 'yong subject niya, hindi naman ganito ang mangyayari, e."

Ilang segundo siyang masamang nakatitig sa akin bago napabuntong-hinga. "Same. If only I passed that subject, hindi ako makiki-sit in sa block mo."

"Ano?" Nanlaki ang mga mata ko. "Makiki-sit in ka rin? Ano, nag-i-exchange lang tayo?"

Nagkibit-balikat siya. "What's your sched?"

"MWF, 10 A.M. - 12 P.M."

Napairap si Jamaica. "TTH, 2 P.M - 4 P.M."

Napakurap ako at tinimbang ang sinabi niya. Wow, tusong Prof na 'yon! Ibig sabihin ba nito, dalawang araw kaming magiging classmate sa iisang subject? Psst. Napanguso ako. "Two days tayong magkikita."

"I know," inis niyang saad.

Bumuntong-hinga ako at humalukipkip. Nag-iwas ako ng tingin. Gusto kong magpaalam para bumalik sa Architecture Department kaso hindi ko magawang ibukas ang bibig. Parang may pumipigil sa aking magsalita. Hayst. Fine, aaminin kong first time ko siyang nakausap nang mahinahon.

Puro kaya kami bangayan. Dahil tinutuya niya ang pagiging fangirl ko, at tinutuya ko naman siya sa pagiging pakialamera niya. Ngayon lang yata kami nagkasundo.

Ano bang gagawin namin dito? Tatayo lang kami buong maghapon? Hay nako.

Tiningnan ko siya sa gilid ng mata. Tapos umikhim ako. 

"Jamaica," tawag ko sa kaniya.

Tumingin siya sa akin. Nagtataka.

Hilaw akong napangiti. "Magkita na lang tayo sa Fluid Mechanics."

"Yeah." Tumango siya at umikhim. "Well, we can talk like civil ones, huh?"

Natawa ako. "Oo nga, e. Pwede naman pala. Ikaw kasi 'tong pakialamera."

"What?" Nangunot ang noo niya. "I hate seeing you drooling over some idols. That's why I always talk to you in that manner."

Tumaas naman ang kilay ko sa sinabi niya. "Ba't mo naman hate?"

"Because..." Nag-iwas siya ng tingin. "My little sister died because of them."

Natigilan ako sa sinabi niya. Namatay dahil sa idol? Nangunot ang noo ko. "... nagpakamatay?"

"No. Someone stabbed her during a concert."

Napakurap ako. "Sinaksak? Pinaimbestigahan niyo ba?"

Tumingin siya sa saglit sa akin bago nag-iwas ng tingin. Nakita ko pa kung paano manubig ang mga mata niya. 

"Y-Yes. But they can't trace the suspect. And... and walang motibo para masaksak siya." Suminghot si Jamaica. "They said it was an accident, but how come an accident if she was stabbed three times!"

Nahigit ko ang hininga. Tatlong saksak pero sinabing walang motibo? Napakurap-kurap ako. Nangunot ang noo ko at umikhim. "Kaninong... concert?"

Mariin siyang tumingin sa akin at huminga nang malalim. "Vine."

Napaatras ako. Vine? Sa concert ng Vine nangyari? Paanong -- pero hindi kailanman binalita na may sinasaksak habang nagko-concert ang Vine!

Parang nabasa niya ang iniisip ko kaya nagsalita siya. "She was seen outside the concert venue. Two blocks away. Sa isang madilim na eskinita kaya walang nakakita sa kaniya habang naghihingalo. I just know that she was stabbed during the concert because of the text message she sent me."

"Text message?"

"Yes. It says... help. It hurts."

Nangunot ang noo ko. "How come nalaman mong nasa loob siya ng concert venue?"

"She recorded a video of Vine. Just three minutes before a text message entered my inbox."

Napahinga ako nang malalim. "Maraming pwedeng mangyari sa three minutes na 'yon. Pwedeng lumabas siya saglit, o kaya sumama sa kakilala saglit."

Umiling-iling si Jamaica. "In the video, it was too crowded. She can't go outside in the span of three minutes."

"Then, paanong nangyaring sinaksak siya na hindi napapansin ng mga tao sa paligid?"

Nagulat ako nang tuloy-tuloy na naglandas ang luha niya sa pisngi. "You know how crowded it is during a concert." Lumunok siya. "The autopsy found out that she was dr*gged. Ec*tasy and coca*ne. Maybe... maybe she..." Pumikit nang mariin si Jamaica. "Maybe she kissed that person, and by doing that, the person secretly stabbed her. Hindi na nangialam ang mga tao dahil baka akala nila, magkakilala ang dalawa."

"At hindi siya sumigaw ng tulong?"

Nagbaba ng tingin si Jamaica. "Not only those dr*gs, but the authorities found some evidence that she was paralyzed. She was injected two dr*gs at the same time! How can they do that to her?" nanghihinang bulong niya.

"If she was paralyzed, paano siya nakapag-text sa 'yo?" taka kong tanong.

Nag-angat ng tingin si Jamaica sa akin. Horror is in her eyes. Lumunok siya at napahinga nang malalim. "Just... just ten minutes after the first message, another text message entered my inbox. And it says... Don't tell mommy, ate."

Nangunot ang noo ko. Don't tell mommy, ate? 

Napalunok ako nang may mapagtanto. "Dead end ang imbestigasyon dahil walang ebidensyang makapagtuturo sa suspect. Sinabi mo rin na wala kayong makitang motibo sa pagsaksak sa kapatid mo. At... sa tingin ko, hindi alam ng magulang mo ang tungkol sa text message dahil hindi mo sinabi sa kanila." Huminga ako nang malalim. "Kaya hindi mo sinabi sa kanila dahil nag-text siyang 'wag ipagsabi sa iba?"

Nakagat niya ang labi at napahagulgol. Nataranta ako. Hindi ko inasahang iiyak siya nang ganiyan sa harap ko. Hindi siya 'yong tipong hahagulgol sa harap ng kahit na sino!

Umiling-iling siya. "No... n-no. She's not the one who used her phone to send me those messages."

"Anong ibig mong sabihin?"

"She never address Mommy because she calls our Mom as Nanay. And she will never address me ate because she calls me Sis." Mariin siyang tumitig sa akin. "It's the killer who texted me, Rishell," diin niyang bulong sa akin. "And a genius perhaps. Binura niya ang text message sa inbox ng phone ng kapatid ko. Walang mahanap na ibang fingerprint sa mga gamit ng little sister ko. At walang nahanap sa autopsy na nanlaban ang kapatid ko! It's as if... she was willing to be stab by that killer. Kaya... kaya mahirap ipagpatuloy ang imbestigasyon kung ganiyang parang willing ang biktima! And I know that those officers? They think that it was a suicide. But I know that it was not!"

"J-Jamaica..."

Naluha na naman siya. "And what's even crazier?" Pagak siyang natawa. "It all happened two months ago."

Two months ago? Nahigit ko ang hininga.

Dalawang buwan na rin nang pumutok ang balita tungkol sa nawawalang biktima sa Boljoon. May... may koneksyon ba ang dalawang pangyayari? Or it was just a coincidence?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.