Heavy chapter.
~
Malakas ang ihip ng hangin at mabigat ang buhos ng ulan. Halos ramdam ko ang vibration sa handy umbrella na ginagamit ko. Masyado kasing malawak ang field ng University kaya kanina pa ako nahihirapan sa paglalakad. Maputik na nga ang daan at kahit takot na marumihan ang doll shoes, e, go pa rin.
Pumikit ako nang mariin. Naman. Nasa malayo pa ang gate pero halos basa na ang laylayan ng pencil cut skirt ko. Hay nako. Walang choice kung 'di tumakbo papunta sa gate. Hindi ko na inisip ang tilamsik ng putik tuwing lumalapat ang sapatos ko sa maputik na lupa.
"Hayst!" inis kong bulalas. Nakarating na rin sa wakas!
Tiniklop ko ang payong at pinagpag ang skirt. Ayan. Umabot ang tilamsik ng putik sa dibdib ko. Tuloy, mukha na akong batang yagit.
"Heto, Rishell."
Tumingin ako sa nagsalita. Si Reun. Ngumiti ako at tinanggap ang inabot niyang panyo. "Salamat."
"May bagyo yata. Noong nakaraang araw pa 'tong ulan, a," sabi niya. Tumabi sa akin.
Nag-angat ako ng tingin sa makulimlim na langit. Tuloy-tuloy pa rin ang buhos ng ulan na parang wala yatang planong tumigil. Lumabi ako. "May sundo ka ngayon?" tanong ko.
"Oo. Pero baka na-traffic sa Mandaue."
"Taga-saan ka nga?" tanong ko. Wala naman akong planong mag-usisa pero wala akong maisip na topic.
"Taga-Consolacion."
"Oh? Sa Main ka na sana nag-admission."
Hilaw siyang ngumiti. "Mas gusto ko dito sa Argao. Hometown kasi ni Mama."
"Ah."
Natahimik ulit kami. May ilang estudyante na rin ang sumilong sa waiting shed. Ilang minuto pa at unti-unti na ring nabawasan ang bilang ng mga estudyante. Bigla na lang may humintong kotse sa harapan namin.
"Sige na, Rishell. Ingat ka," paalam ni Reun.
Kumaway lang ako at ngumiti sa kaniya. Tinanaw ko lang ang papalayong kotse. Hayst. Saan na naman nagsusuot si Gerard? Naku, 'wag niyang maidahilan ang traffic. Hindi mabigat ang traffic sa Boljoon. Isa pa, dapat kanina pa siya nagpunta rito.
Dinukot ko ang Xiaomi sa bulsa at tinawagan ang numero ni Gerard. Pero can't be reached. Saan na 'yon?
Naghintay ako ng ilang oras bago nagdesisyong tawagan si Mama. Unang ring pa lang nang sumagot siya. "Joy? Nasa'n ka ngayon?"
"Nasa University pa rin, Ma. Nandiyan ba si Gerard? Hindi ko makontak ang numero niya, e."
"Naaksidente siya. Dinala ng Papa mo sa ospital."
"Ha?" Napatingin ako sa mga estudyanteng tumakbo sa ilaim ng ulan. Papunta sila sa terminal ng jeep sa may kanto. "Sinong susundo sa akin?" tanong ko.
"Eto na nga ba sinasabi ko. Dapat nag-ingat ka. Hindi sana kukunin ng Papa mo ang student permit mo."
Ngumuso ako. "Magji-jeep na lang ako, Ma."
"Sige. Text mo ako kung nakasakay ka na ng jeep. 'Wag mag-cellphone habang bumibiyahe, maliwanag?"
"Yes, Ma."
Binaba niya ang tawag. Tumingin ulit ako sa terminal. Kaunti lang ang nakikita kong jeep sa kanto. Naman. Agawan 'to, e. Walang choice. Tumakbo ako sa ilalim ng ulan. Kaso, bigla na lang kumalas 'yong shoulder bag at nahulog sa putikan. Sheems! Mabilis ko 'yong pinulot at niyakap habang tumatakbo.
Huminto ako nang makita ang pagkahaba-habang pila. Napalabi ako. Agad akong pumila at binuksan ang handy umbrella. I'm sure, aabutin ako ng gabi bago makasakay ng jeep.
Bagot akong naghintay na umusad ang pila. Nagkanda-hatching na nga ako sa pag-iintay. Sinilat ko ang noo. Mukhang magkakalagnat pa ako nito, e.
"O, abante na! Oslob-Oslob mo dira!" sigaw ng konduktor.
Pumasok ako sa jeep at naupo sa likod ng driver. Huminga ako nang malalim at niyakap ang sarili. Grabe, sobrang lamig. Basa pa ang saya at balikat ko. Tiningnan ko ang ibang pasahero. Wala naman siguro silang reklamo kung basa ako. May ilan naman kasing katulad ko na tumakbo sa ilalim ng ulan.
Inayos ko ang pagkakaupo ako tumingin sa labas ng bintana. Gabi na. Nang nagbaba ako ng tingin sa relo, alas-sais y medya na ng gabi. Hayst. Kumakalam na sikmura ko. Nagbayad na ako ng pamasahe sa konduktor.
Sinandal ko ang ulo sa gilid at pumikit. Bumigat kasi bigla ang talukap ng mata ko. Hindi ko alam na... masama pa lang matulog sa jeep na walang gigising sa 'yo.
Pagmulat ko kasi ng mata, hindi na pamilyar ang daan na tinatahak ng jeep. Sobrang dilim pa at tanging poste ng ilaw at liwanag sa kabahayan sa gilid ng kalsada ang nakita ko sa labas ng bintana. Saan na kaya kami?
Kinalabit ko 'yong babaeng nasa tabi ko. Umikhim ako. "Sa'n na tayo, Miss?"
Kunot-noo siyang tumingin sa gawi ko. At kahit dim ang light sa uluhan ng jeep, nakita ko ang pag-irap niya. "Sa Oslob na. Malapit na sa terminal."
"Ha? Oslob?" Mabilis akong napatingin sa labas. Hala ka! Lumampas na ng Boljoon! "Para kuyaaa!" sigaw ko.
Mabilis namang hininto ni Kuyang drayber ang jeep sa may tabi. Pinagpawisan ako ng malagkit habang bumababa ng jeep. Naman. Saan ako pupulutin nito? Napahinga ako ng malalim nang tumapak ang putikan kong sapatos sa sementado at basang kalsada. Humakbang ako sa gilid at nilibot ang tingin.
Hindi ako pamilyar sa lugar. Sheems!
Walang dumadaang public transport. Puro private vehicles lang. Tapos, 'yong nagliliwanag na covered court lang sa tapat ko ang nagbibigay ng ilaw sa paligid. Sheems talaga. Rishell bakit kasi tulog-tulog ka sa jeep!
Nasa malayo pa 'yong sunod na bahay. Tapos, mga sampung metro pa ang poste ng ilaw kaya natatakot akong maglakad sa madilim na gilid ng kalsada.
May narinig akong halakhakan sa malayo. Sa gilid ng covered court, may puno doon. Tapos sa ilalim ng puno, may bumbilya para magbigay liwanag. Ang nakakatakot, may mga nag-iinuman! Mga tatlong lalaki yata sila tapos malalaki pa ang mga tiyan! Napalunok ako. Dahan-dahan akong naglakad palayo, doon sa mas madilim na parte para hindi ako makita ng mga tambay.
Paulit-ulit akong lumunok at nagpalinga-linga. Sobrang dilim talaga. 'Yong poste ng ilaw lang doon sa malayo ang naging guide ko sa paglalakad. Bahala na. Basta makarating lang doon sa liwanag, 'wag lang sa covered court. Kasi may tambay.
Bigla na lang bumuhos ang ulan. Ano ba 'yan! Basang-basa na ang uniporme ko. Tumutulo na ang ulan sa buhok ko. Napayakap ako sa katawan ko at nilapit pa nang husto ang shoulder bag. Tumakbo na ako papunta sa poste ng ilaw. Hingal akong huminto at nagpalinga-linga na naman sa paligid.
Wala talagang dumadaan sa highway. Tapos, rinig na rinig ko pa 'yong korak ng palaka. Palayan yata 'tong malawak at madilim na lugar sa malayo, na hindi natatanglawan ng liwanag ng poste ng ilaw.
Nakagat ko ang labi. Mabilis kong dinukot sa shoulder bag ang Xiaomi pero nanlaki ang mga mata ko nang makitang nag-crack ang screen.
"Oh no! No!" Mabilis kong hinarang ang tubig ulan, nagbabakasakaling hindi mapasukan ng tubig 'yong crack sa screen.
Paulit-ulit kong pinindot ang power button pero ayaw gumana. Mas dumiin ang kagat ko sa ibabang labi. No, no! Hindi pwede, please!
Pero ayaw talaga. Bumilis ang tibok ng puso ko at nanlabo ang paningin. Nagpalinga-linga na naman ako sa paligid. Nasaan ba ako? Natatakot na ako. Mama, Papa!
Nanginginig kong binuksan ang shoulder bag at hinalungkay ang loob. Basa ang ilalim. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Tiningnan ko ang wallet ko pero nabasa na ang perang papel doon.
Nag-angat ako ng tingin nang may ilaw na tumama sa mukha ko. May paparating na kotse! Agad akong humakbang sa gitna ng kalsada at hinarang ang sarili.
"Huminto po kayo! Parang awa niyo na!" sigaw ko. Pinikit ko nang mariin ang mga mata dahil nasilaw ako sa liwanag ng headlight.
Narinig ko ang paghinto ng kotse. Nagmulat ako at mabilis na tumakbo palapit sa driver's door. Kinatok ko ang glass window. Bumaba 'yon at nakita ko ang isang lalaking naka-shades. Naka-kunot ang noo. "What do you think you're doing, young woman?" inis niyang tanong sa akin.
Suminghot ako. "U-Uh, Kuya, pwede niyo po ba akong ihatid sa Boljoon? Sa Arbor po, doon po sa El Grande Lat."
"I don't do charity work."
"Ahmm..." Mabilis kong nilabas ang wallet. "N-Nabasa na po kasi ang perang papel ko. B-Baka pwede po akong mag-withdraw kapag napadaan tayo sa ATM."
"No. Don't do that again. You might kill yourself."
Tinaas niya ulit ang salaming bintana ng kotse. Kinatok ko 'yon nang kinatok at lumunok nang ilang ulit. "Kuya, babayaran po kita! Please, 'wag niyo po akong iwan. Kuya!"
Pero hindi siya nakinig. Humarurot ang kotse palayo. Nanginig ang kalamnan ko nang lumakas ang pabugso-bugsong hangin. Hinabol ko ang hininga at muling tumayo sa gilid ng kalsada, naghihintay ng pwedeng hingan ng tulong.
At parang tinutudyo ako dahil nagpatay-sindi ang ilaw ng poste. Naluha ako. Hindi ko alam na ganito ang kahahantungan ko. Sana, sana hindi na lang ako natulog sa jeep. Sana, sana... hindi ko na lang binangga ang kotse. Para hindi ko na kailangan ng sundo. Para hindi ko na kailangang mag-commute.
"M-Ma... P-Pa, natatakot po ako..."
Naupo ako sa maputik na lupa at niyakap ang mga tuhod. Ilang minuto akong nasa gano'ng posisyon nang may marinig akong halakhakan. Papalapit sa puwesto ko. Nag-angat ako ng tingin at tiningnan ang direksyon ng covered court.
Mabigat pa rin ang buhos ng ulan kaya hindi ko masyadong maaninag ang bahaging 'yon. Pinikit-pikit ko pa ang mata para hindi mapasukan ng tubig-ulan ang mata ko.
"Pare, *hik* 'yong syota ni kumpare, sobrang seksi!"
"Talagang Andoy na 'yon, *hik* naka-iskor! Ibang-ibang putahe gabi-gabi."
"Haha! Sinabi mo pa! Rinig ko ang dalawa, pre. Maiingay!"
"Aba'y makinis 'yong babae. Talagang mag-iingay 'yong pare mo!"
Nanlaki ang mga mata ko. Mukhang 'yong mga lasing na tambay sa gilid ng covered court.
"Uy, pre. Tingnan mo, may nakaupo sa ilalim ng poste."
"Aba, babae pre. Sandali."
Narinig ko ang mabibilis na yabag. Papalapit sa puwesto ko. Mabilis kong kinuha ang shoulder bag at nahihintakutang tumakbo papunta palayo.
"T*** pre! Tumatakbo! Mukhang makinis! Bilisan niyo pre!"
Doon na bumuhos ang luha ko kasabay ng pagbigat ng buhos ng ulan. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa akin 'to. Hindi ko alam!
"Pre! Bilisan mo! Malapit na nating maabutan!"
"Sino ang unang makahuli, swerte!"
Napahagulgol ako habang tumatakbo palayo. Napatingala ako sa madilim na langit, tapos nagbaba ng tingin sa harap. Sobrang layo pa ng sunod na bahay. Pero hindi ko alam kung bahay nga 'yon o payag lang.
Napahiyaw ako nang mapadapa ako sa lupa. Dahil nakabuka ang labi, pumasok ang putik sa bibig ko. Nalasahan ko ang mapait na putik na may kasamang maliliit na bato. Mas lalo akong napahagulgol. Gumapang ako hanggang makatayo at mabilis na namang tumakbo.
"M-Mama! P-Papa!" hagulgol ko.
"P*** pre! Sumisigaw!"
"Hindi 'yan! Walang makakarinig sa kaniya. Nasa kabilang kanto pa 'yong sunod na bahay!"
Paika-ika na akong tumakbo. Pero hindi ako sumuko. Mas pinagbuti ko pa. Malinaw ko nang naririnig ang mga yabag ng tatlong lalaki sa likuran ko. Baka ilang metro na lang ang layo nila sa akin.
Mas lumakas ang hangin na may kasamang ulan. Pakiramdam ko, para na akong tatangayin sa lakas niyon. Pero sige pa rin ako sa pagtakbo. Tumatakbo ako na hindi alam kung saan papunta. Ni hindi ko nakikita kung ano ang nasa harap.
Ang sa akin lang, tatakbo ako palayo sa tatlong lalaki. Dinura ko ang putik sa bibig at hingal na binilisan ang takbo. Kumulog at kumidlat. Napadapa ulit ako.
"H-Hindi... k-kailangan kong tumakbo," nahihirapan kong saad.
Gumapang na naman ako hanggang makatayo at tumakbo ulit. Takot ako sa kidlat kaya tuwing lumiliwanag ang langit ay napapatalon ako sa takot at gulat. Pero sige pa rin sa pagtakbo. At ang kinatatakutan ko ay siya rin pa lang tutulong sa akin.
Dahil sa tuwing lumiliwanag ang langit, nakikita ko nang mabuti kung ano ang nasa harap. At hindi na ako nadadapa, mas lalo akong giginahan sa pagtakbo.
At parang tinutulungan ako ng kulog at kidlat dahil minuto-minutong dumadagundong ang langit na parang may nirolyong malaking bato sa itaas, at minuto-minuto rin ang pagguhit ng maliliwanag at mahahabang kidlat na halos umaabot na sa lupa.
At... at napahinto ako.
Mula sa malayo, nakita ko ang kulay asul at pula. Papalapit sa puwesto ko. Dahan-dahang naglandas ang luha sa mga pisngi ko. Napaluhod ako sa putik.
Pagod na ako. Kanina pa ako nadadapa. Kanina pa ako lumulunok ng putik. Kanina pa ako nahihirapan sa paghinga. At kanina pa ako nanginginig sa takot at lamig.
"Pre! Malas! Pulis!"
"Tara na!"
Narinig ko pa ang malulutong na mura ng tatlong lalaki, at ang mga yabag nila palayo. Hanggang sa ang tanging narinig ko na lang ay ang kulog, simoy ng hangin, at korak sa palayan.
Humigpit ang hawak ko sa shoulder bag. Napatingala ako sa langit na paminsan-minsa'y ginuguhitan ng liwanag ng kidlat.
Hindi ko alam pero napaiyak ako. At nagpasalamat. Para kanino? Hindi ko alam. Ang alam ko lang ay gusto kong magpasalamat sa may-ari ng kidlat. Kasi... kasi... tinulungan niya ako.
Naalala ko ang sinabi ng kaklase ko tungkol sa Diyos. Sabi niyang nakikita ng Diyos lahat ng ginagawa ng tao, at pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao para sa kaluwalhatian Niya.
May Diyos kaya? May nabubuhay bang mas higit pa sa mga tao?
Dahan-dahan akong gumapang papunta sa gitna ng sementadong kalsada. Nahiga ako ro'n. Nakatihaya. Pumikit ako at dinama ang patak ng ulan sa balat ko.
Pagod na ako. Pagod na pagod na ako...
"Intoy, may nakahiga sa kalsada. Tawagan mo ang ambulansya. Ngayon na!"
"Si SPO2 Jefferson Estrella 'to. May babaeng nakahiga sa gitna ng kalsada. Baka ginahasa o nasagasaan. Walang malay. Padala kayo ng ambulansya sa Baranggay Masulob-on. Sa may palayan. Sa Oslob. Oo. Hihintayin namin kayo."
May narinig akong yabag papalapit sa puwesto ko. At naramdaman ko ang pagtayo ng taong 'yon sa gilid ko.