Tatlong malalaking sugat ang nakuha ko sa gabing 'yon. Siguradong magkakapeklat pero hindi ko na inisip. Ang importante ay nakatakas ako. Napabuntong-hinga ako at tiningnan ang nurse na nagdala ng tray ng pagkain.
"Mamayang alas-dose ang susunod na rasyon ng pagkain," sabi niya. Nilagay niya ang tray sa mesa na nasa gilid ng kama. "May kailangan ka pa ba?" dagdag niyang tanong.
Dahan-dahan akong naupo. Dinaluhan niya ako. Nilagyan niya ng unan ang headboard ng clinical bed at doon ako sumandal. Umikhim ako. "Nakontak na ba 'yong parents ko?"
"Hindi pa. Pero sinusubukan ng department na kunin ang database ng cellphone mo. Hindi mo talaga kabisado ang numero ng mga magulang mo?"
Umiling ako. Pero natigilan ako nang may maalala. "Yong kaibigan ko. Kabisado ko ang number niya."
"Mabuti." Kinuha niya ang ballpen at papel na nakasabit sa paanan ng kama. "Isulat mo dito ang number niya. Kapag na-contact ng department, sasabihin naming nandito ka."
"Sige, salamat."
Tinanggap ko ang papel at ballpen. Sinulat ko ang numero ni Tiden. Lumunok ako. Number lang niya ang kabisado ko. Inabot ko ulit sa nurse iyon. Ngumiti siya. "Sabihin mo lang kung anong kailangan mo."
"Uh, nurse? Sinong nagbayad ng ospital bills ko?"
Ngumiti ulit siya. "Si SPO2. Kaya 'wag kang mag-alala. Siya na rin ang tumayong guardian mo. Pero kapag nandito na ang magulang mo, babalik na siya sa presinto."
"Ha? Nandito siya sa ospital?"
Tumango siya. "Nandiyan sa labas ng E.R. Natutulog kaya hindi ko na ginising."
"Ah. Sige, nurse. Maraming salamat." Ngumiti ako sa kaniya.
Nagpaalam na siya at dinaluhan ang ibang pasyente ng E.R. Nagbaba ako ng tingin sa pagkain na dala niya. May sabaw. Akmang hihigop ako nang maalala ko ang putik na nalunok ko kagabi. Naubo ako bigla. Nawalan ako ng gana. Pero kailangan kong kumain.
Pikit-mata kong hinigop ang sabaw at sumubo ng sopas. Iniisip ko na lang si Levi habang nilulunok 'yon. Bigla na lang akong naluha. Napabuntong-hinga ako at pinahid ang luha.
"Miss?"
Nag-angat ako ng tingin. Isang lalaki. May suot siyang uniporme at nahulaan ko nang isa siyang pulis. "H-Hi, po."
Ngumiti siya at naglakad palapit sa akin. Nagbaba siya ng tingin sa tuhod kong puro gasa. "Masakit ba?" tanong niya.
"Medyo."
"Ah. Bakit nandoon ka sa kalsada nang gano'ng oras? Taga saan ka?"
"Taga-Boljoon po. Nakatulog po ako kahapon sa jeep at nagising na nandoon na sa palayan. Bumaba ako. Hindi ko po alam na wala masyadong nagdadaan na public transport sa lugar na 'yon."
"Wala. Hindi 'yon ang main road papuntang Oslob. Mukhang nag-short cut ang drayber ng jeep."
"Siguro nga po."
"Na-contact na ba ang mga magulang mo, Miss?"
Umiling ako. "Hindi ko po mabuksan ang cellphone ko. Baka napasukan ng tubig-ulan. Nag-crack kasi 'yong screen." Natigilan ako nang maalala ang nangyari doong tumatakbo ako papunta sa terminal ng jeep. "Baka nabasag noong nahulog 'yong shoulder bag. Hindi ko matyansa kung may nakausling bato dahil sa putik. Siguro nga, 'yon ang dahilan kung bakit nabasag. Pero kino-contact na po ang kaibigan ko."
"Mabuti. Pero..." Tumitig siya saglit sa akin. "Wala bang masakit sa katawan mo liban sa tuhod?"
Umiling ako. "Hindi po ako nagahasa. Uhm... uh, na... nahulog lang ako sa putik. Tapos... tapos nasugatan lang ako."
Naningkit ang mga mata niya. "Totoo ba 'yan?"
Tumango ako. Hindi ko gustong malaman niya ang totoong nangyari. Gusto kong tumahimik. Kasi kapag nalaman ng mga magulang ko ang nangyari, hindi titigil si Papa sa paghahanap sa mga lalaking 'yon. Ayoko. Gusto kong ibaon sa limot ang nangyaring 'to. Para matahimik na kami. Para matahimik ako.
"Pero bakit sobrang laki ng mga sugat mo sa tuhod?"
"Kasi p-po, pagkahulog ko sa putik, gumapang ako sa kalsada. Masyadong madilim ang daan, officer. Hindi ko halos makita. Tapos ayaw gumana ng cellphone ko kaya wala akong choice kung hindi gumapang papunta sa hindi maputik na lugar. Hindi ko alam na gitna na pala 'yong ng kalsada."
Ilang segundo siyang nakatitig sa akin. Ngumiti ako nang marahan para ipakita sa kaniyang ayos lang ako. Tumango siya. "Nakita nga ng partner ko ang ilang marka ng dugo sa kalsada kagabi. Pero may mga yapak ng paa ang nakita sa putikan. Kanino 'yon?"
Nanlamig ako bigla pero hindi ko pinahalata sa kaniya. "Siguro akin po, officer. Naalala kong nagpaikot-ikot ako sa putikan bago gumapang. Talagang madilim ang parteng 'yon."
Bumuntong-hinga siya. "Mabuti kung gano'n, Miss. Sana ay mag-ingat ka sa susunod."
"Tatandaan ko po 'yan, officer. Uhm, babayaran ko na lang po 'yong hospital bill na inako -"
"Hindi na. Wag ka nang mag-abala."
"Ah, sige po. Marami pong salamat, officer."
Ngumiti lang siya nang marahan bago nagpaalam na lalabas ng E.R. Napabuga ako ng hangin. Sana, makaabot kina Papa na nandito ako sa ospital. Alam kong nag-aalala na sila sa akin.
Matapos kong kumain ay nahiga ulit ako. Pinikit ko ang mga mata pero 'yong nangyari kagabi ang pumapasok sa isip ko. Napalunok ako at dumilat. Wala naman siguro akong trauma? Natakot lang siguro ako.
Pinikit ko nang mariin ang mga mata at sinubukang matulog. Hanggang sa nagtagumpay ako.
NAGISING ako sa mga boses na nagsasalita. Minulat ko ang mata at tiningnan ang taong kanina pa tanong nang tanong. Si Mama. Namumula ang mukha niya sa inis.
"Sabihin mong walang diperensya ang anak ko, Doc!"
"Misis, wala naman talaga."
"Hindi ako naniniwala! Tingnan niyo nga siya, sobrang dumi! Puro gasa pa ang tuhod niya!"
"Rebecah," pigil ni Papa. Siguro dahil tumataas na ang boses ni Mama. "Pasensya na, Doc. Salamat sa impormasyon."
Nagpaalam ang Doktor. Saktong bumaling sa akin si Mama. Nanlaki ang mga mata niya at mabilis na nakalapit. Tinadtaran niya ako ng tanong. Halos malunod na nga ako, e. Hindi ako makasingit sa mga tanong niya.
Natigil lang siya nang may umikhim. Napatingin sila sa police na tumulong sa akin. Siya na rin ang nag-explain sa mga magulang ko. Hinayaan ko siya. Pagod na akong mag-isip ng palusot.
Nag-usap sila sa labas ng E.R. kaya naiwan akong mag-isa kasama ang iba pang mga pasyente. Mabuti na lang at nakatakip sa area ko ang berdeng mga kurtina. Nakakahiya kasi sa ibang pasyente. Sobrang ingay ni Mama kanina.
Ilang minuto akong naghintay bago may humawi na naman sa kurtina. Pagtingin ko, isang seryosong Tiden ang bumungad sa akin. Tiim bagang pa. "Kumusta ka?" tanong niya.
Akmang uupo ako pero pinigilan niya ako. Ngumiti ako nang marahan. "Salamat ha?"
"Anong nangyari sa 'yo?"
Kinuwento ko sa kaniya ang eksaktong kinuwento ko sa pulis.
"Mag-ingat ka sa susunod," babala niya. Bahagya pang nakakunot ang noo.
Natawa ako. "Oo na. Pero... hindi ba nasa Bohol kayo ngayon?"
Nagkibit-balikat siya. "Bumiyahe ako para kumustahin ka. Nanlamig ako ng ospital ang tumawag sa akin at sinabing nandito ka."
"Ikaw talaga!" Natawa ako. Marahan akong ngumiti kay Tiden. "Salamat ulit. Palagi na lang ikaw ang hinihingan ko ng tulong."
"Ayos lang." Ngumiti siya. "Mas gusto kong sa akin ka hihingi ng tulong. Hindi kita tatanggihan."
"Promise 'yan?" ngiti kong tanong.
Tumango siya. Inabot niya ang kamay ko at bahagyang pinisil. "Pangako."
Ilang segundong naghinang ang mga mata namin at sabay kaming ngumiti sa isa't isa.