Four Hearts and a Friendship w/ Bonus Friendship Stories Chapter 9

MAHALAGA para kay Joy ang araw na ito. Mahalaga para sa kanilang dalawa ni Luc. Pero tanging siya lamang ang nagbigay ng halaga roon ngayong araw. Sa limang taon na sine-celebrate nila iyon, ngayon lang nangyari na naging ganoon kasama ang loob niya tuwing darating ang ika-labing limang araw ng buwan. Sa kabila kasi na minsan ay nagkakaroon siya ng bad day kahit saktong tumatapat iyon sa araw na iyon, ang maisip na magkikita lamang sila ni Luc ay nakakapagpaayos na ng araw niya. Alam kasi niya na may handang makinig sa kanya, makakaramay kahit naging masama ang araw na iyon.

“I’m sorry, Joy. Hindi ko intensyon na makalimutan iyon.”

Immature ba si Joy para saktan ang kaibigan dahil lang sa hindi ito sumipot sa fifth anniversary sana ng friendship day nila? Siguro nga. Pero wala na siyang pakialam. Masyado siyang nasaktan. Ito ang unang beses na nakalimot si Luc. Siguro ay magiging magaan pa sa kanya kung isa lang iyon sa mga buwan. Pero anniversary kung maituturing iyon. Pinagmukha siya nitong tanga sa restaurant na dapat ay kakainan nila ng dinner para makapag-celebrate. Ni hindi man lang nito sinasagot ang mga tawag at text niya. Alalang-alala na siya rito. Maaaring may paliwanag man si Luc sa lahat, masakit pa rin para sa kanya ang nangyari kaya naggawa niya iyon.

“At anong paliwanag mo kung ganoon?”

“Si Ginny. Ngayon lumabas ang resulta ng board exam niya at nag-celebrate kami kasama ng pamilya niya dahil roon.”

Si Ginny. Hindi malaman ni Joy ang kanyang nararamdaman. Masasabi naman niya na masaya siya para kay Luc. Alam kasi niya na masaya ito. Naalala niya kung paano lumiwanag ang mga mata ni Luc kapag ikinukuwento nito sa kanya ang babae.

Masasabi ni Joy na tanggap naman niya si Ginny bilang bagong babae sa buhay ni Luc. Nakilala niya ito at mukha naman itong mabait. Napapasaya rin nito ang kaibigan niya. Sino siya para hindi ito magustuhan? Pero sa kabila noon, ramdam niya na may mali. Hindi niya sigurado kung bakit pero sa kabila ng gusto rin niyang lubos na maging masaya sa piling ng babae na iyon, may masamang pakiramdam siya sa kanyang dibdib. At mas tumindi pa iyon ngayon.

Nagseselos ba siya? Hindi iyon gustong isipin ni Joy. Kaibigan lang siya ni Luc. Anong karapatan niya para magselos sa babae? Aminado rin siya sa sarili na kaibigan lang niya si Luc. Hanggang doon lamang iyon.

Pero bakit ganoon ang nararamdaman niya ngayon?

“Sana ay valid reason iyon, Joy. I’m sorry. Our friendship anniversary slipped my mind. Sobra lang talaga akong nasabik sa balita ni Ginny kaya nakalimutan ko ang tungkol roon.”

Umiling si Joy. Alam niya na mali. May paliwanag ang kaibigan pero hindi niya gustong tanggapin iyon. O siguro hindi niya pa kaya ngayon. Sariwa pa kasi ang sakit. Hindi siya ganoon kabilis makaintindi ng mga bagay. Lalo na at lubos na nasaktan siya. Isama pa ang kondisyon niya sa kung ano nga ba ang nangyayari sa damdamin niya.

“Maaari mo akong tawagan. I-text man lang. Pero wala ni isa kang sinagot sa mga iyon.”

“But I forgot my phone in the office...”

Valid reason iyon `di ba? Pero hindi pa rin matanggap ni Joy.

“I’m sorry, Joy. I’m really sorry. Hindi ko gusto ang nangyaring ito. Hindi ko gustong isipin na nasaktan kita. At tinatanggap ko ang ginawa mong pananakit sa akin ng dahil roon. Naiintindihan ko. Importante ka sa akin. Importante tayo sa isa’t isa. Importante rin ang araw na ito para sa akin. Nagkamali ako. Pero mapapatawad mo pa rin naman ako `di ba? Umaasa ako. May valid reason naman ako, ah. Please listen to it.”

“H-hindi ganoon kadali ang lahat.” Lalo na at nahihirapan ako sa kondisyon kong ito.

Bakit ako nagkakaganito, Luc? Bakit ako nasasaktan sa kaalamanan na mas mahalaga si Ginny para sa `yo?

Hinawakan ni Luc ang kamay ni Joy. “Pero magagawa mo. You have to, Joy. Lalo na ngayon at may magandang balita pa ako para sa `yo,” nagliwanag ang mukha ng matalik na kaibigan ni Joy. “Kami na ni Ginny, Joy! Girlfriend ko na siya!”

Sa mga sinabing iyon ni Luc ay napabitaw siya sa kamay ni Luc. Isa lang ang ibig sabihin noon. Mas mawawalan na sa kanya ng oras ang kaibigan. Naalala niya noong nililigawan pa lamang nito ang Ginny na iyon ay wala na itong oras sa kanya. Kapag niyaya niya itong lumabas pagkatapos ng trabaho nila ay palaging tumatanggi ito. Madalas kasi ay buong gabi yata na magkatawagan ang mga ito. Kapag weekends naman at pareho silang walang trabaho ay hindi rin niya mayaya si Luc dahil buong araw naman nitong gugulin kay Ginny ang weekend nito.

Wala ng oras para sa kanya si Luc dahil kay Ginny. Hindi iyon ang gusto niya. Hindi ganoon si Luc. Kapag hindi ito abala, palaging nasa kanya ang oras nito. Madalas pa nga ay ito ay ang nagyaya sa kanya na lumabas para aliwin siya. Dahil kay Luc, hindi na ninais pa ni Ginny na humanap ng iba pang malapit na kaibigan. Si Luc ay sobra-sobra na sa isang kaibigan.

Nasanay na siya na palaging nasa tabi niya lamang si Luc. Pero ngayon ay magbabago na ang lahat. Hindi na lang ang ina nito at siya ang babaeng importante sa buhay nito. May mas nakakahigit na sa kanya. Pakiramdam niya ay napakasarili niya upang maramdaman ang mga ganoong bagay pero siguro nga ay tama ang ayaw niyang isipin kanina.

Nagseselos siya.

Namumutla ang mukha na basta na lang nilayasan ni Luc si Joy.

“HINDI tuloy swimming?” mababakas ang lungkot sa mukha ni Gerome nang i-anunsiyo ni Ginny na hindi matutuloy ang pinaplano nilang swimming ngayong araw. Ganoon rin ang iba pang miyembro ng pamilya niya. Pero kung malungkot ang mga ito, mas malungkot si Ginny. Kahit ilang araw pa lamang naman ang nakalilipas simula nang magkita sila ni Luc, na-miss niya ito. Weekend ngayon at umaasa siya pati na rin ang pamilya niya na makakasama ito. Nasanayan na nila iyon. Isama pa na ngayon ay may relasyon na sila. Pero sa unang Sabado ng relasyon nila ay hindi makakarating si Luc. Nagplano pa naman sila na magsi-swimming sila noong nakaraang linggo pero Sabado ng umaga ay natanggap ni Ginny ang tawag ni Luc na hindi ito makakarating.

“May kailangang gawin si Kuya Luc mo, eh. Pero sabi naman niya, kung gusto pa rin natin na ituloy ang swimming, walang problema sa kanya.” Wika ni Ginny sa pamilya.

“Ayaw ko. Gusto ko kasama Kuya Luc! Sabi niya sa akin tuturuan niya ako na mag-swim!” nagtatampong wika ni Gerome.

“Si Kuya Gerard na lang ang tuturo sa `yo mag-swim,” pagpapagaan ni Ginny ng loob sa bunsong kapatid.

Sa halip na mag-react sa sinabi niya kay Gerome si Gerard, iba ang sinabi nito. “Nakaka-badtrip naman si Kuya Luc. Excited na ako, eh.”

“Puwede pa rin naman natin ituloy ang swimming---“

“Iba pa rin kapag nandiyan si Kuya Luc,” wika ni Gerard. Kahit ilang sandali pa lamang na nakakasama ng mga ito ang nobyo ay ramdam ni Ginny na iba na talaga ang trato ng mga ito sa kanyang nobyo. Parang parte na talaga ng pamilya nila si Luc na hindi makakaya ng mga itong gumala ng hindi ito kasama dahil hindi iyon buo.

“Huwag na lang natin ituloy, Ginny. May mga susunod na araw pa naman,” wika ng kanyang Tatay. Day-off nito sa trabaho ng araw na iyon kaya perpekto sana ang araw na iyon para gumala. Sumang-ayon naman ang kanyang ina. Pinagbihis na ng mga ito ang dalawa niyang kapatid na nakahanda na sa outing nang biglang magback out si Luc.

Hindi tumalima si Gerard. “Bakit ba daw kasi hindi makakarating si Kuya Luc?”

“May importante siyang kailangang ayusin. Nagkaroon sila ng patgtatamupuhan ng best friend niya at---“

“Best friend? Mas mahalaga pa ba iyon kaysa sa atin? Kaysa sa `yo na girlfriend niya, Ate?”

Hindi nakapagsalita si Ginny. Narinig ng kanyang ama ang pag-uusap nila ng pangalawang kapatid. “Intindihin na lang natin si Luc, Gerard. Napakalapit nila ni Joy. Higit pa sa magkapatid ang turingan nilang dalawa. Nakita ko rin kung paano nagalit si Joy ng gabing nakalimutan ni Luc ang tungkol sa friendship anniversary kuno nila ni Luc nang dahil sa biglaang pagpunta niya rito sa Bulacan para i-celebrate ang pagkapasa ng Ate mo.”

“Friendship anniversary?” sumama ang mukha ni Gerard. “Sinong gumagawa ng mga ganoong bagay? Napakabaduy!”

Ganoon rin ang nasa isip ni Ginny. Pero ayaw na lang niya na mag-isip ng mga masasamang bagay pa tungkol kayna Luc at Joy. Sinusubukan na lang niya na intindihin ang lahat kagaya ng pag-iintindi ng kanyang Tatay sa mga ito.

“Sigurado ka ba talaga na magkaibigan lang ang mga iyon, Ate? Dapat ang mga magkakaibigan, nagkakaintindihan. Isama pa na may valid reason naman si Kuya Luc kaya hindi siya nakapunta. Hindi ko maintindihan ang takbo ng utak ng kaibigan niya. Dapat ay alam ng kaibigan niya na iyon na mas mahalaga ang girlfriend kaysa sa kanya. Ikaw ang mahal. Kaibigan lang siya.”

Hindi gustong pakinggan ni Ginny ang nakababatang kapatid. Kahit na ba naiisip rin niya ang mga bagay na iyon, mas pinili niya na tignan ang parehong bahagi. Mas pinili niya na maging mature sa pag-iisip. Maaaring mas matanda siya kaysa kay Joy para maging mas maayos ang takbo ng isip kaysa dito pero mas mainam na iyon. Alam niya na hindi nagugustuhan ni Luc ang mga pangyayari. Kung mag-iinarte rin siya kagaya ng kaibigan nito, mas mahihirapan lalo ito sa sitwasyon.

Naiintindihan rin ni Ginny na hindi naman maiiwasan sa magkakaibigan ang nagkakatampuhan. May mga kaibigan rin siya at hindi naman lahat ng oras ay masaya. Minsan ay may mga panahon na nagkakagalit rin sila pero naayos rin naman nila iyon. Ganoon rin ang naiisip niya na mangyayari kayna Joy at Luc. Iniintindi na lang niya na naging masakit para kay Joy ang nangyari. Pinag-alala ito ni Luc, pinagmukhang tanga dahil hindi sinipot sa dinner date ng mga ito para i-celebrate ang anniversary na iyon.

Ayaw isipin ni Ginny na mababaw ang bagay na iyon. Alam niya kung gaano kahalaga si Joy kay Luc. Madalas ay ikinukuwento nito sa kanya ang babae noong mga panahon na nagkaroon na siya ng oras na makilala ito. What they had was special. Bata pa lang ang mga ito ay magkaibigan ng mga ito. Kagaya ng sinabi ng kanyang ama, higit pa sa magkapatid ang turingan ng mga ito sa isa’t isa.

Nakilala na ni Ginny si Joy pero mas nakilala niya pa ito sa mga kuwento ni Luc. Ayon rito, kaya naging ganoon na lang daw kalapit ang mga ito sa isa’t isa ay dahil sa sitwasyon ng mga ito. Parehong nag-iisang anak ang mga ito. Wala na rin ina si Joy kaya madalas ay nanghihingi ito ng pag-aaruga sa ina ni Luc na bukal sa loob na ibinibigay ng mga ito. Si Joy rin ang babaeng anak na hindi nagkaroon ng mga ito. Naging malapit ito sa pamilya ni Luc, lalo na nang nagkaroon ng malaking hindi pagkakaunawaan si Joy at ang Daddy nito.

Naisip ni Ginny na kaya ganoon na lang rin ang pagpapahalaga ni Joy kay Luc ay dahil na rin sa ito lang ang taong madalas nitong lapitan. At nang hindi napagbigyan ni Luc ang gusto nito ay ganoon na lang ang pagtatampo nito. Understandable rin naman iyon kung maituturing dahil iyon rin ang unang beses na nangyari iyon sa dalawa.

Mas pinili ni Ginny na intindihin na lamang ang lahat. Pagkatapos ng lahat, nang minsan na nagduda rin naman siya kay Joy ay naintindihan rin siya nito. Hindi niya kailangang magduda kagaya ng ginawa ni Gerard. Kilala niya si Joy. Nagtitiwala siya kay Luc. Magkaibigan lang ang mga ito. Siya ang mahal ni Luc. Isama pa na nauna si Joy sa buhay ni Luc. Dapat ay naiintindihan niya na maganda ang pinagsamahan ng mga ito na hindi puwedeng balewalain na lamang ni Luc at hindi ayusin.

HANGGANG kailan ba tatagal ito? Nasa isip-isip ni Luc. Lunes na naman. Balik trabaho na siya. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin maayos ang relasyon nila ni Joy. Ilang araw na simula nang magtampo ito sa kanya dahil sa nakalimutan niyang usapan nila. Kahit ilang araw na rin niyang sinusuyo ito at ibinigay pa ang libreng araw niya noong weekend na para sana ay kay Ginny at sa pamilya nito ay walang dinulot rin iyon. Ayaw siyang pakinggan ni Joy. Ngayon ay daraan na naman ang weekdays. Magiging abala siya. Mas higit pa sa dati ang magiging pagkaabala niya. Ngayon kasing linggo ay ang grand opening ng pinakamalaking proyekto ng Delacroix Hotels na pinangunahan at pinamunuan niya.

LD Hotels and Casino will be open this week. Part iyon ng chains of hotel nila pero ngayon ay hindi lang basta hotel iyon. Maraming klase ng entertainment ang ibibigay noon kagaya na lamang ng casino. Pero kahit magbubukas na, hindi pa rin ganoon kaayos ang proyekto. May ilan pang problema na natitira---lalo na sa parte ng Marketing ng proyekto.

“Anong ibig mong sabihin na nagback out ang guest natin para sa opening? Hindi puwede iyon. Ngayong linggo na ang pagbubukas ng LD.”

Isang Hollywood star ang inimbitahan nila para maging panauhing pandangal sa event. Ito rin ang magsisilbing endorser ng kanilang Hotel. Ang alam niya ay nakapag-shoot na rin ang mga ito kaya kung sakaling magpapalit pa ay mahihirapan sila. Marami rin ang nag-aabang sa pagdating nito dahil iyon ang unang beses na pupunta ito sa Pilipinas kung saan napakaraming fans nito.

“Sorry, Sir. Hindi na daw po talaga magbabago ang isip ni Mr. Smith,” hinging paumanhin ng marketing manager.

Puputok na yata ang ulo ni Luc. Pambihira! Pinoproblema niya nang malaki ang relasyon nila ng kaibigan at iyon, malaki pa rin ang poproblemahin niya sa opisina. Nailabas na ang balita na si Mr. Liam Smith ang magiging endorser nila. Kung babaguhin pa nila iyon, marami ang magtataka. Marami ang mag-iisip na baka hindi nagustuhan ni Mr. Smith ang business kaya nagback out na lang ito. Hindi rin kasi nagbigay ng dahilan si Mr. Smith kung bakit ganoon.

“Kung ganoon, paano na `yan? Napakahirap ng maghagilap ng maaaring maging guest at endorser sa panahon na ito.” Gusto ng magtaas ng boses ni Luc. Napakahirap kumalma sa panahong ito. Kailangan nila ng bigating guest at endorser. Hindi basta-bastang business iyon. At marami na silang kakompitensiya kaya kailangan nilang gumawa ng magandang marketing strategy. Ang paghahanap ng pagkakaguluhan na endorser ang naisip nila dahil kapag ganoon, paniguradong pagkakaguluhan rin ang business na gagawin nila.

“May naisip po ang team, Sir. Napag-alaman po kasi namin na kasalukuyan na nasa bansa si Mr. Matteo Busby at---“

“Ang international British-Filipino super model?” gustong mapasimangot ni Luc. Kilala naman si Matteo Busby. Pero madalas na damit ang mino-model nito. “Bigyan mo ako ng magandang paliwanag kung bakit iyon ang naisip ng team,”

“Kagaya ni Mr. Liam Smith, pinagkakaguluhan rin si Mr. Busby. Hindi iilang beses na pumunta siya sa Pilipinas at kapag dumarating siya rito, lahat ng mga hotels na pinupuntahan nito ay palaging napupuno. Lahat ng mga tao ay umaasa na makakasilay ng personal sa modelo. Isa pa, bilang international model, iba’t ibang bansa ang napupuntahan ni Mr. Busby. If we have him in contract, hindi lang ang LD Hotels and Casino ang puwede niyang i-endorse, Sir. Puwede pa rin po natin na palawakin ang contract niya. He can have the endorsement of our other hotels outside the Philippines. Sikat at kilala rin naman po siya sa ibang bansa. Kung sakali man na pumunta siya sa isa sa mga bansa kung saan nakatayo ang isa natin na hotels, we can have him in that branch of ours. It would be a good marketing strategy not just for our new hotel and as well to the others hotel.”

Hindi pa gaanong kumbinsado si Luc sa sinabi ng marketing manager. Kilala naman niya ang Matteo Busby na iyon. Tama rin ang mga impormasyon na sinabi sa kanya ng marketing manager. Kilala at sikat ito. Hindi siya mahilig umidolo ng mga tao, lalo na ng mga modelo. Pero dahil kay Joy, nakilala niya nang husto si Matteo.

Simula nang sumikat si Matteo Busby limang taon na ang nakararaan, fan na nito si Joy. Madalas kapag may mga bagong endorsement ito, kahit sa ibang bansa ay ikukuwento pa nito sa kanya kahit wala siyang interes rito. Maraming endorsement na naggawa si Matteo sa Pilipinas at lahat ng produktong ginagawaan nito ng ganoon ay talaga namang nagiging matagumpay. Ang huli niyang balita na naging endorsement nito ay isang pasikat pa lamang na restaurant. Ngayon ay kasing-lakas na ng Jollibee ang restaurant na iyon dahil lang sa endorsement na iyon ni Matteo. Ganoon kalakas ang kalaki.

Maaari niyang ikonsidera si Matteo. May punto ang Marketing Manager. Pero nang maisip ang dahilan kung bakit nakilala niya nang husto si Matteo Busby ay napatango si Luc sa Marketing Manager.

Bukod sa pagiging endorser ng hotel, sa tingin niya ay may iba pang pakinabang para sa kanya ang Matteo Busby na iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.