MAY ISASAGOT si Ginny sa tanong ng lalaking nakahuli sa kanya. Pero natatakot siya na kapag nalaman nito ang katayuan niya sa bahay na ito at ang dahilan kung ano ang ginagawa niya sa oras na iyon, alam niya na lagot siya.
Alas tres na nang madaling araw pero dahil nagugutom si Ginny, sinubukan niyang maghanap ng pagkain. Bagong dating lamang siya sa bahay ng mga Delacroix---ang pamilyang matagal-tagal na rin pinagsisilbihan ng kanyang ama bilang driver ng mga ito. Dahil ilang linggo na lang at malapit na siyang mag-board exam, napagdesisyunan ng mga magulang niya na papuntahin na siya sa Maynila. Mahirap kasing mag-self study sa bahay nila sa Bulacan dahil may dalawang kapatid pa siyang mas bata sa kanya. Ang isa pa sa mga iyon ay special child at palaging gusto nito na naririto lang ang atensyon ng mga taong nasa bahay.
Kailangan ni Ginny na mag-concentrate at minungkahi ng kanyang ama na doon muna siya tumuloy sa Maynila. Tumitira ito sa bahay ng employer nito pero mabait naman daw iyon. Nang sabihin ng kanyang Tatay sa amo nito ang tungkol sa sandaling paninirahan niya sa bahay, wala raw atubili na pumayag ang mga ito. Pagkatapos rin naman ng board exam niya ay aalis na rin naman siya roon.
Maayos kay Ginny ang plano. Pero nahihirapan pa rin pala siya na mag-adjust. Paano kasi, sanay siya na kapag nagutom siya, kakain na lang siya basta. Maghahalungkat sa ref nila ng kahit anong makakain para ma-satisfy ang tiyan. Dahil ngayon ay nagse-self study siya, nag-aaral siya kahit madaling araw na. Hindi kasi siya gaanong nakapag-aral kanina nang dumating siya dahil dinaldal siya ng mga kasambahay ng mga Delacroix na lahat ay mababait rin. Importante sa kanya ang bawat araw, lalo na at malapit na ang kanyang board exam. Ginusto niya na magpuyat para mag-aral sa exam. Gusto niyang makasigurado na papasa siya ng board exam. Panganay siya at umaasa nang malaki sa kanya ang pamilya niya. Kapag nakapasa siya, makakuha siya ng trabaho na maganda at makakatulong na siya sa kanyang pamilya. Isama pa na pangarap talaga ni Ginny na maging isang ganap na teacher kaya ganoon na lang ang kanyang paghahangad.
Mali ang ginawa ni Ginny. Aminado naman siya roon. Kay bago-bago pa lang niya rito at anak lamang siya ng isang driver pero ito siya, nagtitingin sa mamahalin at napakaraming laman na pagkain na refrigerator ng mga ito. Dala lang naman iyon ng kanyang gutom pero mali pa rin iyon. Hindi ugaling magsinungaling ni Ginny. Pero hindi niya mapigilan na matigilan at manginig na rin sa kaparehong oras.
Sinubukan ni Ginny na magsalita. Kailangan niya iyon. Isinara niya ang refrigerator saka yumuko dahil hiyang-hiya siya. “S-sorry. Alam ko po na mali dahil naghahanap ako ng pagkain sa oras na ito pero---“
Naputol ang pagsasalita ni Ginny nang bumukas ang ilaw. Bahagya pa siyang nagulat kaya napatingala siya. Nagulat rin siya sa nakita...pero hindi iyon gulat dahil natakot siya. Iyon ang klase ng pagkagulat na nakakatulala. Hindi rin napigilan ni Ginny na mahigit ang hininga.
Nakilala niya ang lalaki. Ito si Luc Delacroix---ang nag-iisang anak ng Half-French Half-Filipino Business Tycoon na si Leonard Delacroix. Ito ang amo ng kanyang ama. Ang lalaking kanina pagdating niya ay sumalubong na sa kanya ang portrait painting sa malaking hall ng bahay na maituturing ng isang mansion.
Ang lalaking nakita lang niya sa portrait ay natigilan na siya. Pero iba pala talaga ang experience kapag nakikita mo sa personal ang tanong iyon. At kakatawang kakaibang experience rin ang nangyari sa puso niya sa pagkakita nila sa isa’t isa. Nag-iiba ang tibok noon. Lumalakas. Dahil ba iyon sa dala pa rin ng takot sa pagkakahuli sa kanya ng lalaki?
O dala iyon ng takot dahil sa sandaling pagkakatinginan nila ng lalaki ay parang nagustuhan yata niya ito?
Oo, maganda ang features ng lalaki. Kakaiba kaysa sa mga taong nakilala niya. Kahit kasi one-fourth na lang ang lahi nitong Pranses, litaw pa rin ang lahing banyaga nito. Light brown ang kulay ng mata at buhok nito na may pagkakulot at medyo magulo. Kagaya ng hugis ng karaniwang Caucasian men ang ilong nito---matangos. Ang labi naman nito ay lalong hindi niya mapapalagpas. It was fulsome and it looks so seductive as it was formed in a pucker now. Matangkad rin ang lalaki. Ang natatanging mukhang Pilipino na pampisikal na katangian lang nito ay ang kayumangging balat nito na sa tingin niya ay namana nito sa purong Pilipina na ina.
Shit! Ano bang nangyayari sa akin?
Hindi karaniwang naakit si Ginny sa lalaki. Nagkakagusto man siya ay madalas na artista pa iyon. Mabibilang rin sa kamay ang mga artistang iyon. Hindi niya binibigyang pansin ang kabilang baro dahil na rin mas gusto niya na mag-focus sa pag-aaral at pangarap niya. Pero karapat-dapat naman siguro na bigyang pansin niya ang lalaki. Pagkatapos ng lahat, sa yaman ng pamilya nito ay itinuturing na itong celebrity.
Nakaramdam tuloy nang lubos na panghihinayang si Ginny. Kapag umuuwi ang kanyang ama sa bahay nila tuwing day-off nito, madalas na ikinukuwento nito si Luc at ang pamilya nito. Minsan ay ipinakita sa kanya ng ama ang picture nito kaya nakilala niya si Luc. Pero hindi niya binigyan masyado nang pansin iyon. Nagsisisi siya sa hindi niya pagpansin dahil ngayon lang tuloy niya nakita ito ng personal. Kung sana noon pa, paniguradong inspirado siya sa pag-aaral kung ito ang magiging major crush niya. Siguro ay palagi rin siya na sumasama sa ama para lang makita ng personal si Luc.
“Hindi ang dahilan mo kung bakit ka nasa kusina ang tanong ko,” hindi naman galit ang tinig ng lalaki. Sa katunayan ay unti-unti pang ngumiti ito. Dahil doon, nakita niya ang dalawang biloy nito. Napaka-cute noon na ikinapula ng mukha ni Ginny. Sana nga lamang ay maisip ng lalaki na kaya ganoon ang nangyari sa kanya ay dahil na rin sa napahiya siya.
Para makasigurado, napagdesisyunan na lang ni Ginny na yumuko muli. “Ginny. Anak po ako ni Greg Padilla, iyong isa po sa family driver niyo.”
Tumango-tango si Luc. “So, Ginny. Do you want me to sue you---“
Nanlaki ang mga mata ni Ginny. Napatingala siya muli sa lalaki. Ang sabi ng kanyang ama ay mabait ang pamilya Delacroix. Pero bakit siya kakasuhan nito? Mali ang kanyang ginawa pero ang kasuhan ay napakalaking bagay na. “H-hindi! Huwag niyo po akong kakasuhan. Hindi ko naman po intensyon na magnakaw ng pagkain. Nagugutom lang talaga ako habang nagre-review!”
“I’ll sue you for gluttony. Pero sa tingin mo, may ganoon ba talagang batas sa Pilipinas?” tumawa ang lalaki. “I’m sorry. Relax. Niloloko lang kita.”
Nakahinga nang maluwag si Ginny. “Salamat po, Sir.”
“No problem. Pero puwede bang itigil mo na ang pag-“po” sa akin? I found it disrespectful kaysa sa totoong gamit niyan. For all you know, twenty six years old pa lang ako.”
Tumango si Ginny. “Okay, Sir.”
“At “Luc” na lang ang itawag mo sa akin. It was nice to meet you, Ginny.” lumapit pa ito sa kanya at inilahad ang kamay. Tinanggap iyon ni Ginny. Pero sa kabila ng lahat, hindi pa rin maiwasan ni Ginny na maguluhan. Lumakas na naman ang tibok ng puso niya! Muntik na nga niyang mabawi ang kanyang kamay kay Luc dahil parang nakaramdam siya ng kuryente sa pagdidikit ng mga kamay nila.
Tama ba na isipin ni Ginny na parang nagkakagusto siya sa isang lalaki sa unang pagkikita nila? May ganoon ba talagang klase ng pakiramdam? Maraming gumugulo sa kanya pero umaasa siya na sa pagdaan ng mga araw, magkakaroon rin siya ng kasagutan sa kung ano man ang mga iyon.
TANGHALI na nang maggising si Joy kinabukasan. Agad na nakaramdam siya ng bigat sa kanyang dibdib at alam niya na hindi iyon dahil sa hindi na siya makakapasok pa ng trabaho ngayong araw at hindi siya sanay na maging ganoon. Iyon ay dahil naalala niyang ginawa niya kay Luc kagabi.
She acted childish. Hindi dapat niya hinayaan na pangunahan siya ng mga damdamin niya. Oo, nasaktan siya at kailangan na nasa tabi niya si Luc. Responsibilidad nito bilang matalik na kaibigan niya na damayan siya ano man ang kanyang problema. Pero alam rin niya na abala ngayon si Luc. Pinag-aaralan na nito nang husto ang pamamalakad sa Delacroix Hotels dahil na rin ilang buwan mula ngayon ay magre-resign na ang ama nito bilang presidente at ito ang papalit. Isama pa na malapit nang i-launch ang pinakamalaking proyekto na pinamunuan nito. Abala ito. Pero inistorbo niya ito at hindi pa siya pumayag na hindi pa ito sumama sa kanya.
Wala siya sa tamang pag-iisip kahapon. May excuse man si Joy ay mali pa rin ang kanyang naggawa. And knowing Luc, hindi naman talaga siya nito pababayaan. Pinapahalagahan siya nito nang husto. Hindi ito makakatanggi sa kanya at inabuso niya ito. Dahil sa kanya, alam niya na napuyat ito nang husto dahil puyat rin siya. Naalala niyang hindi ito umalis sa tabi niya hanggang sa hindi pa siya nakakatulog.
Ang unang ginawa ni Joy ng araw na iyon ay ang tawagan si Luc. Kahit na nakita niyang nagpadala ito ng ilang message sa kanya, minabuti niyang sagutin na lang kung ano man iyon sa tawag nito. Panigurado naman na tatanungin rin ni Luc iyon sa kanya sa tawag dahil hindi siya nag-reply sa mga messages nito. Matagal-tagal rin bago nito sinagot ang tawag niya.
“Hey, Joy. Nasa office ako ngayon kaya hindi na kita makayang i-check personally. But I hope you’re fine now.”
“Okay na ako. Salamat nang marami sa `yo,”
“No problem. Ano pa at best friend kita `di ba?” bahagyang ikinagulat ni Joy na parang masigla pa si Luc. Kagaya niya ay puyat ito. Dapat ay pagod ang boses nito. Mababakas naman niya iyon. Pero malayo sa pagod ang boses nito.
“Kahit na. Inabala kaya kita kagabi. Nakakahiya!”
“Naiintindihan ko. Hindi naman miminsan na para kang nawawala sa sarili mo kapag relasyon mo ng Daddy mo ang pinag-uusapan,”
Totoo iyon. Madalas na parang magbe-breakdown siya kapag nagkakaproblema sila ng Daddy niya. Kahit na ba matagal na iyon, hindi pa rin siya immune sa sakit. Parang habang nagtatagal pa, lalo lamang lumalala iyon.
“Pero kahit na. I’m really sorry. Hindi dapat kita inabala ng ganoon, lalo na sa mga panahon ngayon.”
“Ayos lang. Sa tingin ko nga, nakabuti pa para sa akin ang nangyari kagabi. Naging inspired lalo akong magtrabaho.”
Binalot kaagad ng pagtataka si Joy. Naialis rin niya sandali sa tainga ang aparato. Anong sinasabi ni Luc? May nangyari ba rito ng dahil sa kanya? Kailangan ba niya na ikatuwa o ikatakot iyon?
“Anong ibig mong sabihin?”
Ayaw mag-isip ni Joy ng kakaiba. Pero isang dahilan na ang pagtataka niya sa boses nito para maging mapag-usisa siya. May kakaiba. Sinabi nito na inspired ito. And he sounded...in love.
Pero kanino?
“Mamaya na ako magpapaliwanag sa `yo. Medyo mahabang kuwento, eh. Mas maganda rin na pag-usapan ang mga ganitong bagay sa personal. Sa ngayon ay marami pa akong kailangang asikasuhin.”
Pumayag si Joy sa nais ng kaibigan. Pagkatapos ng lahat, naging sobra-sobra na ang pang-iistorbo niya rito kagabi. Kailangan niyang pagbigyan si Luc. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na siya curious sa kung ano man iyon.
Buong hapon na nag-isip si Joy kung ano ang tila itinatago ng kaibigan.
“IT’S WAY too soon, I know this isn’t love, But I need to tell you something. I really really really really really like you. And I want you, do you want me, do you want me, too?”
Hindi mapigilan ni Luc na matawa habang nakikinig siya ng kanta sa radio ng kotse niya habang pauwi ng bahay galing sa opisina. Hindi niya alam kung ano ang titulo ng kantang iyon pero ang lyrics ng kanta ay tila kumakanta rin sa puso niya. Ganoong-ganoon ang nararamdaman niya...at gustong itanong.
Kay Ginny.
At nasasabik na siyang makita ito ngayong araw.
Kahit abala si Luc sa trabaho, hindi mawala-wala sa isip niya si Ginny. At dahil doon, sa kabila ng puyat kay Joy kagabi, masigla pa rin siya. At ngayon na dapat ay talagang pagod na pagod na siya, ang maisip lang na maaari niyang makita si Ginny ay nagpalakas sa enerhiya niya. Gusto niyang makita muli ang magandang mukha nito na kanina pa ginugulo sa magandang paraan ang isipan niya.
Kaya naman nang makauwi siya ng bahay ay dumiretso kaagad siya sa kusina. Umaasa siya na dahil doon sila unang nagkita ay naroroon rin si Ginny. Hindi naman siya nagkamali. Hindi pa man siya tuluyan na nakakapasok ay nakita na niya ito roon. Nakikipagkuwentuhan ito sa iba pa nilang mga kasambahay.
Nakaramdam na kaagad ng contentment si Luc makita lang niya ang mukha ni Ginny. Hindi kagaya kagabi, maayos na ang mukha nito. Nakapuyod ng maayos ang may kahabaan na buhok nito at naka-simpleng outfit lang ito---isang T-shirt at itim na leggings. Walang kahit anong kolerete. Natural na natural. Kagaya ng gusto niya sa isang babae...
Natigilan si Luc sa naisip. Kagaya ng gusto sa isang babae? Wala siyang pamantayan pagdating sa mga babae. Ang gusto lang niya sa isang tao ay malinis. Pero kahit kagabi ay magulo ang itsura ni Ginny, nasabi pa rin niya na maganda ito. Ngayon ay nagkaroon na siya ng pamantayan?
O baka naman wala talaga. Tanging ang pamantayan lang niya sa isang babae ay si Ginny. Ang kung sino ito.
God, he felt so love sick.
Hindi ganitong lalaki si Luc. May mga naging crush na rin naman siyang babae pero hindi ganito kalala ang naramdaman niya sa mga iyon. Kakakilala lang nila ni Ginny kagabi at hindi pa nga ganoong nagtagal ang pag-uusap nila. And to think na si Ginny ay anak lang ng driver nila. Pero hindi na rin iyon mahalaga. Hindi siya matapobre. Ganoon rin ang mga magulang niya. Kung sakaling sundin niya ang nararamdaman kay Ginny, walang magiging problema. Sa parte niya. Hindi nga lang niya sigurado kay Ginny. Pero gusto niya na umasa na magiging maayos ang lahat.
Nag-joke ang isang kasambahay nila na ikinatawa ng lahat, lalo na ng particular na babaeng pinapanood niya. Mas lalong natigilan si Luc. Ngayon, gusto na rin niya ang boses nito. Gusto niya ang tunog ng tawa nito. Gusto niya ang mukha nito habang tumatawa. Parang pinapatigil noon ang buong mundo niya. Parang gusto na lang rin niya na makitawa kahit hindi naman talaga niya naintindihan ang joke dahil naka-focus lang siya sa pagsilip kay Ginny mula sa hindi naisarang pinto ng kusina.
Dahil sa mga nararamdaman ni Luc ngayon, nagkaroon siya ng isang konklusyon sa lahat: Gusto niya ang lahat kay Ginny.
Napangiti si Luc sa naisip. Wala siyang maramdaman na masama. Kahit pakiramdam niya ay lovesick siya, hindi siya nandidiri hindi kagaya ng ibang lalaki. Hindi siya nako-corny-han. Sa totoo lang, gusto niya ang pakiramdam kagaya ng pagkagusto niya kay Ginny.
Nasa ganoong kondisyon si Luc nang may narinig siyang boses sa kanyang likod.
“Sir Luc, ano po ang sinisilip-silip niyo diyan?”
Nagulat si Luc, lalo na nang makilala niya ang boses na iyon. Boses iyon ni Manong Greg na sinabi sa kanya ni Ginny kagabi na ama nito. Pakiramdam niya ay isa siyang teenager boy na nahuli ng ama nito na may ginagawang masama. At dahil sa pagkagulat ni Luc, nawalan siya ng balanse.
Sinubukan ni Luc na humanap ng pagkakapitan at ang unang nahagip ng kamay niya ay ang pinto sa kanyang harapan. Pero dahil hindi naman nakalapat iyon, lalo lang siyang napahamak sa kanyang naggawa.
Natagpuan na lang ni Luc ang sarili na pagkatapos niyang manghuli ng tingin mula sa pagsilip sa bahagyang nakabukas na pinto, ngayon ay nanghuhuli na siya ng isda sa sahig.