PASADO alas-dos na ng madaling araw nang bumalik sina Gelo at Jeanette sa Galactic Bar. Masyado kasi silang nalibang sa panonood ng mga lamang-dagat sa observation capsule kaya’t ni hindi nila namalayan ang oras.
Oras na pala ng pagsasara ng bar pero naantala iyon dahil sa isang maliit na kaguluhan.
“Ano? Nanuntok si Kirk ng kapwa guest?” Nabibiglang tanong ni Jeanette sa isang crew na nanggaling sa lupon ng mga nagkagulo.
“Kasama niyo po ba iyon Ma’am? Bigla kasing nanuntok nang makipagsayaw ‘yung date niya sa ibang lalaki.” Pagbabalita pa ng crew.
“Sinong date?”
Bigla siyang kinabahan. Nakalimutan na niyang kasama nga pala niya ang pinsang si Beatrice. Ano kaya ang ginawa nito at nagkaganoon si Kirk?
Pero hindi naman ang dalawa ang magkasama…
“Iyon pong matangkad na babae sa tabi niya. May misunderstanding yata at nauwi sa selosan.”
Lumipad bigla ang mga mata ni Jeanette sa tinutukoy ng crew. Pero hindi iyon si Beatrice. At wala din maski ang anino ni Beatrice sa lugar na iyon.
“Nasaan na kaya si Trix?” tanong niya na para lamang sa sarili.
Dali-daling kinontak niya ang pinsan sa cellphone nito pero panay lang ang ring noon. Naalala niyang wala nga palang dalang cellphone ang pinsan kaninang pumunta sila sa Sun Cove. Malayo-layo rin naman ang Earth Cove para kumpirmahin kung nasa hotel room na nila ito.
“Ah, may contact number ba kayo ng hotel sa Earth Cove? Tatawag lang ako sa reception ng hotel.” Baling niyang muli sa crew.
“Ako nalang ang kokontak. Anong hotel ba kayo nag-check in at anong room?” Narinig niyang sabi ng katabi. Naroon pa pala si Gelo na nakalimutan niyang kasama nga pala niya.
“Sands Hotel one, room 408.” Tugon niya.
Mabilis na dinukot nito ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang hotel na tinutukoy niya. Saglit itong nakipag-usap at muli siyang hinarap. “Wala pa daw si Beatrice sa room ninyo.” Nag-aalala na ding tugon ni Gelo.
Nakaramdam siya ng pahapyaw na panibugho. Maliwanag na concerned din si Gelo kay Beatrice. Kahit naman noong unang araw na paghaharap nilang tatlo ay pansin na niya kung gaano ito kagiliw at ka-friendly sa pinsan niya samantalang sa kanya ay nayayamot ito.
“Excuse me lang po,” untag sa kanila ng crew. “Ang hinahanap niyo ba Ma’am eh ‘yung magandang babae na kasama niyo kanina?”
Napabaling bigla si Jeanette sa crew na kausap niya kanina. “Oo. Nakita mo ba siya?”
“Kasama po siya ni Mr. De Luna na lumabas ng bar. Parang nakainitan din ni Sir Quelvin ‘yung si Sir Kirk kaya umalis nalang sila nung babaeng kasama mo.” Pagbabalita pa nito.
Mabilis na napabaling siya kay Gelo. “May number ka ba ni Quelvin? Nakalimutan kong i-save ‘yung number niya kasi kanina lang ibinigay sa akin ni Trix ‘yung calling card ni Quelvin. Naisuksok ko yata sa bag ko.”
Nangunot ang noo ni Gelo. “Paano ka nagkaroon ng calling card ni Quelvin?”
“Eh kasi…” Napakagat-labi siya.
Wala na siyang ibang choice kundi ang ipagtapat rito ang lahat-lahat. Kesa naman sa bumalik pa siya ng Earth Cove para lang hanapin ang pesteng calling card. Afterall, wala naman siguro rito kung anuman ang mga pinaggagagawa niya sa buhay.
“Yung calling card ang naging kapalit na ibinigay sa akin ni Trix para magkaroon kami ng invitation rito sa Costa Galaxia. Yung boss ko kasi, resident dito, at dun ako lumapit para makahingi ng invitation.” Pagsho-short cut niya.
“Sinong boss?”
“Si Mr. Maruki Gonzalo.”
Pumalatak si Gelo. Bakas ang disgusto sa mukha nito pagkabanggit niya sa pangalan ng boss niya.
“Umungot ka ng invitation kay Gonzalo para lang magkaroon ka ng contact number ni Quelvin?” hindi makapaniwalang tanong nito. “Hindi mo alam ang takbo ng utak ng lalaking iyon pagdating sa babae Jeanette. Sigurado akong may kapalit rin ang pabor na hiningi mo sa kanya.” Pumalatak ito. Hindi maintindihan ni Jeanette kung bakit kailangang mayamot ito sa nalaman. Magkaano-ano ba sila at ano bang pakialam nito sa mga pinaggagagawa niya? “Kung sa akin ka nalang sana lumapit para sa pabor na iyan—”
“Paano naman ako lalapit sayo? E diba hindi naman tayo magkaibigan? Kung tutuusin, wala tayong dapat na pakialam sa isa’t-isa.”
Natigilan ito sa kanyang outburst. Maski siya ay ganoon din nang ma-realize ang kanyang sinabi. Oo, hindi nga sila magkaibigan pero kanina ay halos maglambitin siya sa leeg nito sa pagkakayakap. At halos buong gabi na din silang magkasama, pero hindi naman nga sila magkaibigan!
“Sorry.” Paumanhin niya. “Nasabi ko na, hindi ko na mababawi pa.”
“Tama ka naman nga. Hindi tayo magkaibigan. At wala tayong dapat na pakialam sa isa’t-isa.”
Tumalikod si Gelo sa kanya at muling nagbutingting sa cellphone. Saglit pa at may kausap na ito sa kabilang linya. Halos hindi niya naunawaan ang one sided conversation nito sa kausap. Mas lumalamang kasing tumatakbo sa utak niya ang mga pinakawalan niyang salita at ang huling sinabi ni Gelo.
“Tama ka naman nga. Hindi tayo magkaibigan. At wala tayong dapat na pakialam sa isa’t-isa.”
Ramdam niya ang hinampo sa tinig ng binata. At maski siya ay may hindi tamang nararamdaman sa katotohanang iyon. Wala silang dapat na pakialam sa isa’t-isa pero bakit gusto niya na pakialaman nito ang ginagawa niya at ganoon din siya rito?
“Magkasama raw ang dalawa sa float ni Quelvin. Lasing na si Beatrice at doon na din nakatulog. Bukas nalang daw ihahatid ni Quelvin ang pinsan mo.”
Halos hindi niya naunawaan ang mga sinabi ni Gelo dahil mas nakapokus siya sa tono ng pagsasalita nito. Malamig ang tono ng binata at napakakaswal. Halos tulad noong unang araw na magkaharap sila.
“Tutal naihatid na kita kung saan ko nadisgrasya ang damit mo, wala na sigurong dahilan para magtagal pa ako rito. Magsasara na sila kaya aalis na rin ako.”
Nang tumalikod si Gelo ay dagling napahabol siya rito.
“Anong cluster naroroon ang unit mo?” tanong pa niya matapos makasabay sa paglalakad kay Gelo palayo ng Galactic Bar.
Pinagtaasan siya ng kilay ng binata.
“Para alam ko kung saan ipapadala itong damit na ipinahiram mo sa akin.” Paliwanag niya. Designer clothes kasi iyon at may tag pa nang iabot sa kanya kanina ni Gelo. Halatang bago.
“Sayo na iyan. Madaming pambili ng damit si Ania.” At nagpatiuna na ng paglalakad si Gelo palayo sa kanya.
Napasimangot si Jeanette. Ka-level nga yata talaga ni Gelo ang Ania na iyon para ipamigay lang ang isang mamahaling damit. Palagay niya, katumbas na halaga ng suot niya ngayon ang labindalawa sa mga pinakabago niyang mga damit.
Hindi nga naman kasi siya mayaman kaya nililimusan lamang siya ng designers clothe.
At ano bang pakialam niya kung magmumukha man siyang busabos kung itatapat sa Ania na iyon? Siguro naman ay maliit ang tsansa na makaharap pa niya ang babae. At ano ba kung makaharap man niya o hindi ang babae sa buhay ni Gelo? Wala siyang pakialam!
“Pero kung gusto mo talagang isoli, sige. Puntahan mo nalang ako sa cluster 3, room 329. At huwag mong ipapadala. Ikaw ang magdala.” Narinig niyang pahabol nito at muli nang naglakad palayo.
“Aba’t!”
Ang walanghiya. Napakaarogante na ay napakakuripot pang talaga. Ni hindi man lang nagpabalat-sibuyas na buong-puso nitong ibinibigay sa kanya ang damit.
At ano nga bang ipinag-iinarte niya? Ayaw niya sa ideya na nililimusan siya nito ng mamahaling damit pero ayaw niya rin na pumapayag itong isoli niya iyon? Ano ba talaga?
Well, ang totoo, dahilan niya lang na gusto niyang isoli ang damit pero gusto niya lang talagang malaman kung nasaang cluster ang unit nito. Para kung sakaling may pumasok na tipaklong sa utak niya ay dadayuhin niya ito ng… ah, friendly visit? Okay na ba iyon?
Pero hindi nga sila magkaibigan. Sa kanya na nagmula iyon. Paano niya gagawin ang naiisip?
‘Ang hirap kasi sayo, Jeanette! Walang preno ‘yang bibig mo! Hindi ka nag-iisip.’
“SAAN po nagpapa-register ng mountain trekking?”
Maagang nagising kinabukasan si Jeanette. Hindi pa din bumabalik si Beatrice sa hotel room nila. Mukhang napasarap ang pinsan niya sa float ni Quelvin. At tutal ay malamang na natapos na ang misyon nilang magpinsan ay malaya na din niyang magagawa ang pagpapasarap-buhay sa lugar. Inuna niyang mag-bike trail sa Mars Cove nang umagang iyon hanggang sa marating niya ang Saturn Cove kung saan may mga nagho-horse back riding. Sa hindi kalayuan ay may iba’t-ibang registration booth para sa iba’t-ibang forest activity. Dahil malawak ang lugar at mangilan-ngilan lamang ang nag-e-enjoy ng forest activity ay naging napaka-refreshing pa rin ng dating ng Saturn Cove para sa kanya.
“Dun sa pang-apat na booth, Miss.” Tugon ng babaeng napagtanungan niya.
Ito yata ang nangongolekta sa mga bisikleta na ginagamit ng mga nagba-bike trail. Hila-hila kasi nito ang dalawang bike na nakakalat sa paligid at iniwan na yata ng mga nag-renta.
“Okay, salamat.”
Mabilis na nag-pedal si Jeanette patungo sa pang-apat na booth at nagtanong ng reservation.
“Naku, Ma’am! Sa afternoon team na po kayo makakasama. Buo na po kasi ang morning team!” sabi ng nagre-register.
“Okay lang. Ilan ba ang dapat na member ng isang team?” pag-i-inquire pa niya.
“Ten members po. Pang-anim na po kayo sa mga afternoon members. Pero kahit naman po hindi mabuo ang team ng pang afternoon, pagpatak po ng ala-una ay aalis na kayo kasama ng guide.”
“Ah…” Napatango-tango siya.
Mabuti na iyon kesa matapos ang bakasyon niya na hindi nararanasan ang mag-trekking sa bundok na malapit sa Costa Galaxia. May pagka-adbenturista rin siya kaya kahit anong kakaibang activity ay pinapatulan niya.
“Sige, anong oras ba ang call time?” tanong pa niya.
“Twelve po, dapat nandito na kayo para maipon ang mga members. Ala-una po ang alis.”
Matapos ang kaunti pang discussion ng mga mahahalagang detalye sa pagte-trekking ay namaalam na si Jeanette sa naka-assign sa booth. Alas-otso na, kailangan na niyang bumalik sa hotel at baka nakabalik na din si Beatrice. Mamamaalam siya rito sa gagawin niyang pagte-trekking.
Parang bata si Jeanette na excited na nag-pedal pabalik. Hindi na siya makapaghintay sa bagong activity na gagawin niya sa araw na iyon. Nagpaplano pa siya kung anu-ano ang mga bibilhin sa one-stop-shop na dadalhin niya sa trekking activity ng biglang mapa-preno. May bigla kasing sumulpot na bisikleta na pa-krus sa daraanan niya.
“Sorry.”
Nagkaduwetong saad nila ng kabungguan. Nagkagulatan pa sila ng magkakilanlan.
“Nandito ka pala.” Nasabi nalang niya kay Gelo.
“Oo, eh. Open for everyone naman ang iba pang cove sa mga gustong mag-nature tripping.” Kaswal na tugon nito.
“Ah,” Nawalan na ng iba pang sasabihin si Jeanette. Gusto niyang manibago. Ito yata ang unang pagkakataon na nagkabangga sila na hindi nag-aangilan at nagsisinghalan. “Sige, mauna na ako sayo.” Pamamaalam niya.
Hindi na rin niya maunawaan kung ano ba ang kakaibang damdamin na nabubungkal sa kanyang pagkatao ngayong kaharap na naman niya si Gelo? Nitong nakaraang gabi, halos hindi siya nakatulog dahil sa pag-iisip sa huli nilang eksena nito. Wala namang masyadong kakaiba sa mga huling sandali na magkasama sila ng binata. Pero may pakiramdam siya na may hindi tama. May hindi tama sa mga pinakawalan nilang mga salita na naging dahilan kung bakit naging malamig at kaswal ang treatment nila ni Gelo sa isa’t-isa. Kahit pa sabihing hindi kaaya-aya na palagi silang nagsisinghalan at nagbabangayan tuwing magkasama, parang gusto pa rin niya na ganoon sila kesa sa ganito na magkibuan-dili. Daig pa kasi nila ang may malaking pader sa gitna at nagpapakiramdaman sa mga ikikilos at sasabihin ng bawat isa.
At nakaka-frustrate iyon! Para sa kanya ay hindi normal ang ganoon! Hindi masaya kapag ganoon!
‘CHANCE ko na!’
Gustong sapakin ni Gelo ang sarili. Kaya nga siya maagang nagpakalat-kalat sa paligid ay para sundan at alamin ang schedule ni Jeanette para sa araw na iyon. Hindi naman kasi ito pumunta sa unit niya tulad ng inaasahan niya kaya wala siyang ibang magagawa kundi siya ang magpaka-stalker rito, makita lamang ito.
Wala siyang hilig sa nature tripping at hindi niya rin hilig ang magbisikleta. Ayaw niya ring mag-trekking. Pero lahat ng iyon ay ginagawa niya ngayon, para lang masubaybayan si Jeanette. Nagpa-register din siya sa booth ng mga magte-trekking para lang masigurong hindi siya mahihiwalay sa magiging team ni Jeanette.
At pagkatapos noon, pinag-aralan niya kung saan pwedeng lumabas si Jeanette sa tinatahak nitong landas habang nagbibisikleta para maipakita na niya ang existence niya. Mukha kasing hindi nito napapansin o wala lang talaga itong pakialam na may sumusunod-sunod rito.
And when they finally bumped to each other, nagkunwari siyang nagulat na makita ito. But it feels like there was an invisible wall between them. Hindi na ito nagmamaldita sa kanya pero hindi naman niya gusto na cold and dry ito. Mas gusto pa yata niya na awayin nalang siya nito para kahit paano ay may dahilan kung bakit kailangan nilang harapin ang isa’t-isa.
Napakahirap para sa kanya na hindi ito makita at makaharap. At nakakainis rin ang ideya na wala itong pakialam sa kanya. Wala ni katiting. Dahil ang mga mata, ang puso at ang utak nito ay na kay Quelvin. Kung pilipitin kaya niya ang leeg nito para sa kanya nalang mapunta ang lahat ng atensyon nito?
No way. He would never hurt a woman. Ginagalang niya ang mga tulad ni Jeanette gaano man iyon nakakainis at nakakairita.
Okay, naiinis at naiirita siya kay Jeanette but at the same time ay gusto niya ito. Pwede palang mangyari ang magkataliwas na bagay sa iisang pagkakataon. Iyon kasi ang nangyayari sa kanya. Maski pa sitahin niya ang sarili sa kung anong ginagawa niya ngayon ay hindi niya pa rin mabigyang katwiran na mali iyon. Palaging tama ang pananaw niya sa pakikipaglapit kay Jeanette maski may iba itong nagugustuhan.
Nagugustuhan pa lang naman ni Jeanette. Pwede pa niyang agawin ang atensyon nito hangga’t hindi pa ito tuluyang umiibig kay Quelvin.
“Nag-breakfast ka na ba? Baka gusto mong sumabay?”
Napahinto sa tangkang pag-pedal si Jeanette at manghang napabaling kay Gelo. He was uneasy and tense. Paano kung tumanggi ito? Ilang segundo pa lang siyang naghihintay sa magiging pagsagot ni Jeanette, pakiwari niya’y aatakihin na siya sa puso sa tila pinakamatagal na sandali ng kanyang buhay. Ang bawat segundo ay tila katumbas ng taon dahil hindi siya sigurado kung magpapaunlak ba ito matapos ang sinabi nito kagabi bago sila maghiwalay ng landas.
“Of course! Basta ba libre mo.”
Nakahinga siya ng maluwag at napangiti.