GF Trilogy Chapter 19

“DONE?”

Napansin ni Jeanette na nag-igkasan ang mga kilay ni Gelo matapos niyang ibaba ang mga kubyertos at punasan ang kanyang nguso ng table napkin. Nakakatatlo o apat na subo pa lamang yata siya ng pagkain na iniorder roon sa Orange Cup Café pero tinapos na niya ang pagkain.

“Hindi kasi ako kumakain ng heavy meal kapag umaga kaya ilang subo lamang, okay na ako.” Aniya.

Masarap ang chicken caldereta ng Orange Cup Café pero hindi naman niya magawang pilitin ang sarili na ubusin iyon. Ang totoo, gusto pa ng bibig niyang kumain pero ayaw na ng tiyan niya.

“Bakit?” nagtataka pa ding tanong nito. “Breakfast pa naman ang pinakaimportanteng meal sa buong araw.”

“Oo nga. Alam ko naman ‘yun pero hindi na kaya ng tiyan ko. Kapag napapadami ‘yung kain ko, nasusuka na ako.”

“Madami na ba sayo ‘yung tatlong kutsara?” Sumimangot si Gelo. Napangiti naman siya. Kahit ano yatang reaksyon nito, napakagwapo pa din nito.

“Kapag sumubo pa ako ng maski isa, magsusuka na ako.”

“Lagi ka bang ganyan sa lahat ng meal time o tuwing breakfast lang?”

“Sa lahat.”

“Humahapdi ba ang sikmura mo? Gaano kadalas?”

Nag-isip siya saglit. “Hindi naman. Wala akong nararamdaman na ganoon.” Pagtatapat niya.

“Huwag mo nang hintayin na magkaganoon ka. Hihintayin mo pa ba na magka-ulcer ka bago ka kumain ng tama?” Pumalatak ito. Mukhang hindi nito nagustuhan ang hinala. “Malamang na hindi ka kumakain sa oras o kung kumakain man ay konti lang at nagmamadali pa. Kaya ‘yan! Ganyan na nasanay ang tiyan mo na konti lamang ang nailalaman. Dapat kasi, inuuna mo ang pagkain kesa sa iba pang bagay. Iyon ang pinakamahalaga sa tao.” Parang doktor na pagsesermon pa nito. Baka naman nga may back ground ito sa medicine kaya madaming nalalaman? “Alam mo naman siguro na nabubuhay ang tao para kumain.”

“Baligtad!” bulalas niya. “Kumakain ang tao para mabuhay.”

“Tsk. Pareho na rin iyon.” Hindi patatalong giit nito.

Hindi na naman niya napigilan ang mapangiti ng husto. Na-realize niya na para bang hindi naman talaga nakakainis na makipagtalo rito. Ang totoo, nae-enjoy niya ang mga sandali na nagbabatuhan sila ng mga salita. At mami-miss niya iyon kapag bumalik na sila sa Maynila.

Mami-miss niya?

Tama ba ang term na ginamit niya?

Mami-miss o hahanap-hanapin, alin nalang sa dalawa.

“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” Paninita ni Gelo. “Kumain ka ng madalas kahit pakonti-konti lang para makapag-adjust ka ulit sa right daily meal mo. Mamayang alas-diyes, kumain ka ulit maski kaunti. Pati sa tanghalian at sa—”

“Nagpa-register ako sa afternoon team ng mountain trekking. Alas-dose yung call time, siguro mga alas-diyes na ako mag-e-early lunch or magdadala nalang ako ng pagkain.” Putol niya sa pag-i-schedule nito ng pagkain niya.

Teka nga, bakit ba nito ino-orasan ang pagkain niya? Kinder garten ba siya na may oras ang pagkain?

“Sinong kasama mo? Kasama ba si Beatrice?” tanong ni Gelo na parang hindi naman interesado.

‘Bakit? Sasama ka ba kung kasama ang pinsan ko?’

Sumamá yata ang pakiramdam niya sa naisip. Mukhang interesado ito kay Beatrice. At parang hindi niya gusto ang hinala. Nakakaramdam siya ng pinong kurot sa dibdib dahil sa mga naiisip. Ang swerte naman ng pinsan niya. Magdamag na nga iyong kasama ng crush niya tapos ay pinag-iinteresan pa iyon nitong lalaking kaharap niya?

And come to think of it? Nawala na naman sa isip niya na hanapin ang calling card ni Quelvin at i-save ang number noon sa cellphone niya. Ni hindi na rin niya naiisip ang pagpaplano ng first move para mapalapit sa binata. Magmula pa kagabi ay si Gelo at ang cold treatment nito sa kanya nang maghiwalay sila kaninang madaling araw ang umokupa sa utak niya. Inagaw na yata ni Gelo ang mga oras na dapat ay inilalaan niya sa pag-iisip at pagpapantasya kay Quelvin.

“Ano na, Jeanette? Kasama mo ba ang pinsan mo?” untag sa kanya ni Gelo.

Inirapan at sinimangutan niya ito. “Hindi!” singhal niya sa binata. Nakakainis kasi na mukha itong aligaga sa pagtatanong kung sino ang kasama niya. “Mag-isa akong nagpa-register tutal enjoy na enjoy naman iyon na makasama si Quelvin!”

Pinagdiinan pa niya ang mga huling salita. Sinusubukan kasi niyang saktan ito para naman maisip nito na may ibang pinag-iinteresan ang pinsan niya at wala itong pag-asang umeksena tutal ay kaibigan nito si Quelvin.

Kung sana lang ay maiisip nga nito ang bagay na iyon…

“At nagseselos ka naman?” nakaigkas ang isang kilay na tanong ni Gelo. Hindi niya iyon gaanong naunawaan kaya’t pinagtaasan niya ito ng kilay. “Di ba’t interesado ka sa kaibigan ko? Kaya nga nakipag-deal ka sa pinsan mo para makuha ang number ni Quelvin.”

Napamaang siya. Pagkuway: “Ano bang pakialam mo?”

“Come on, Jeanette. Wala ka namang pag-asa kay Quelvin dahil mukhang si Beatrice ang gusto niya. Hindi niya patutuntungin ang pinsan mo sa float niya kung wala siyang interes dun. Kita mo nga at doon pa niya pinatulog si Beatrice? Kahit sabihin ko na susunduin ko nalang ang pinsan mo para sa security ni Beatrice at para mapanatag ka, hindi pa din siya pumayag. He just assures me that your cousin will be fine while she’s with him.”

Nagusot na ng tuluyan ang mukha ni Jeanette. Bakit ba nababaligtad yata ang bagay na gusto niyang mangyari? She planned to hurt him and make him realized Beatrice wasn’t for him. Pero binabato naman siya ni Gelo ng katulad na strategy.

And it pained her that he wants to fetch her cousin to make sure Beatrice was safe. He was really, really concerned with her cousin. Pero sa kanya ay hindi. Pinagtatawanan pa nga siya nito nang halos mahimatay siya sa takot sa fake giant fish nito!

At kung inaakala nito na magtatagumpay itong papagselosin siya kina Beatrice at Quelvin, well, he needs to think again. Ni wala nga siyang maramdamang paghihinayang na hindi niya na ulit nakaharap si Quelvin. Sa halip, gusto niyang ma-frustrate sa isiping interesado si Gelo kay Beatrice!

“I don’t care.” Pambabalewala niya sa mga pinagsasabi nito.

Pero sa totoo lang ay nagpupuyos ang kanyang dibdib. Hindi dahil nagtagumpay ito sa gusto nito kundi dahil ang sarili niyang damdamin ang nag-traydor sa kanya. Nag-back fire ang plinano niya.

Nagkaroon at nawalan na siya ng boyfriend at ni minsan ay hindi niya naramdaman ang ganoong katinding paghahalo ng pagkainis at… nagseselos ba siya?

No! This can’t be! Hindi siya nagseselos! Hindi siya pwedeng magselos! At hindi pa siya nakaramdam ng matinding selos! Ngayon lang. At sa pinsan pa niya? My God!

Paano ba naman kasi, bakit ganoon nalang nito ihayag sa kanya ang concerned nito sa pinsan niya? Hindi ba nito nakikita na naiinggit at nasasaktan siya? Sa unang beses pa lang silang magkaharap ay kitang-kita na niya kung paano nito ngitian si Beatrice samantalang siya’y pinagtataasan lang nito ng kilay. He even ignored her the first time they’ve met.

“I have to go. Aayusin ko pa ang mga gamit ko na dadalhin sa trekking.” Pamamaalam niyang sinabayan pa ng tayo. “Ikaw na ang bahala sa bill ha?”

“May Beach Kite Festival mamaya. Mas maganda iyon kesa mag-trekking.” Sabi naman nito na ni hindi siya pinagtangkaang sulyapan man lang.

Ganoon ba ito mangumbinsi? Anong klaseng pangungumbinsi naman iyon? Kung insurance ang iniaalok nito at ganoon lang ito mag-alok, nunca siyang mapakuha nito ng insurance!

“Think about it. Susunduin kita mamayang tanghali sa lobby ng Sands Hotel.”

Nainis siya sa paraan nito ng pag-aalok sa kanyang manood ng beach kite festival. Kung magsalita kasi ito, parang kahit binigyan siya ng panahon na mag-isip, isa lang ang inaasahan at tatanggapin nitong sagot niya—ang pagpayag niya.

“Huwag mo na akong sunduin. Hindi pa ako decided. Pupunta nalang ako dito sa Sun Cove kapag ginusto kong manood.” Sagot nalang niya para matigil na ito.

Walang lingon-likod na iniwan na niya si Gelo. Napakasarap naman yata sa ego nito kung aaminin niyang kalahati pa rin ng dibdib niya ang nagustuhan ang pag-iimbita nitong manood ng kite festival maski may iba na siyang naunang plano. Maigi na ‘yung pa-suspense ang drama niya. Iyon ay kung masu-suspense nga ito. Ano bang malay niya kung wala lang itong masabi kaya nagyaya?

Hmp!

MALAYO na si Jeanette pero tinatanaw pa rin ni Gelo ang dinaanan ng dalaga. Nakakainis naman kasi ang babaeng iyon. Niyaya na nga niyang manood nalang ng beach kite festival pero hayun at mukhang mas pipiliin pa ang mag-trekking. Hindi naman niya ito magawang sapilitang yayain dahil baka mahalata na atat siyang makasama ito mamaya. Maski papaano naman ay pinangangalagaan pa rin niya ang kanyang pride. Baka mas lalo siyang mahirapan kung hantaran kaagad niyang ipakita ang interes niya sa dalaga at basta nalang siya nitong i-reject ng walang pasintabi lalo pa nga’t may iba itong prospect. Kitang-kita naman niyang naimbyerna ito nang ipagdiinan niyang wala itong pag-asa kay Quelvin.

Wala na siyang ibang maisip gawin para himukin itong tantanan na si Quelvin kaya’t pinili nalang niyang saktan ang damdamin nito para magising ito. Pero mukhang wala namang epekto. Ano nang gagawin niya?

At ang lagay pala ay maghihintay siya mamaya sa walang kasiguraduhan. Ayaw magpasundo ni Jeanette para sa panonood ng beach kite festival, paano pala niya malalaman kung darating ito?

‘Grrr! Woman!’

Minsan talaga ay napakahirap pakisamahan ng mga babae… Kung hindi niya lang ito nagugustuhan…

Teka, ano nga ba ang nagustuhan niya kay Jeanette? Aside from he was happy being with her, ano pa ang plus factor at matinong dahilan kung bakit niya ito gusto?

‘Kailangan ba talaga na may dahilan? I just like her. I felt like I was completely happy when we’re together, end of the story.’

Okay, ire-rephrase nalang niya. He was interested with her. Iyon nalang muna.

“Hi, Angelo.”

Napabaling siya sa mga bagong dating. Dalawang blonde. Ang isang seksing blonde ay humalik pa sa kanya. Ang isa ay pinigil niya bago pa man makalapit sa kanya.

“Hailey, Ania, why were you here?”

“Anong klaseng tanong iyan, Gelo?” tugon ni Ania na may American accent. “We’re in a vacation. Two days. At ito ang favorite vacation place ko.”

Bigla nalang kumandong si Hailey sa kanya at ipinulupot ang mga braso sa kanyang batok. Maasim na napangiti siya pero hindi naman siya gaanong nagpahalata. Baka kasi ma-offend ito.

Ito ang ayaw niya sa mga American woman, masyadong liberated. Hailey and Ania were bestfriends kaya’t parating magkasama sa paglalakwatsa. Ibigsabihin, hindi na muna siya muling tatapak sa float ng kapatid niya dahil naririto na si Ania.

Kapag ganoong dumadating si Ania sa Costa Galaxia ay doon ito lumalagi sa float ni Lester. Ayaw naman niyang makipag-share kay Ania kaya hindi siya tumutuntong roon kapag nasa lugar ito.

“Come on, tour us around, Angelo. I’ve missed you so much.”

At muli na naman siyang pinupog ng halik ni Hailey. Nandilat ang mga mata niya at pinanlakihan ng mga mata ang nakamasid lang sa kanilang si Ania. Gusto niya itong tadyakan habang nginingisihan siya. Kapag talaga nasa paligid ito, parati itong nagdadala sa kanya ng sakit ng ulo.

“INTERESADO ka pa din ba sa kanya?”

Nagtatali ng rubber shoes si Jeanette ng marinig ang tanong na iyon ng pinsan. Ang tinutukoy nito ay si Quelvin.

Ngayon nalang ulit sila nagkaharap nito magmula kagabi. Hindi kasi niya ito naabutan ng bumalik ito sa hotel room nila para maligo pagkagaling sa float ni Quelvin. At kaya naman pala ito naroroon ngayon ay dahil nag-away ito at si Quelvin. Kung hindi pa pala magbabangayan ang dalawa ay hindi pa niya makikita maski ang anino ng pinsan. Parang ayaw na yatang maghiwalay ng dalawa magmula pa kagabi.

Subalit sa lahat ng iyon ay wala siyang ibang maramdaman kundi kaligayahan para sa pinsan. Nararamdaman niya na gusto rin nito si Quelvin, hindi pa lamang nito iyon nare-realize.

“Bakit parang ayaw mo?” nanunuksong balik-tanong niya.

“Anong sinasabi mo? Wala akong pakialam kung sinasamba mo man siya.”

In denial pa ang bruha!

Ngumiti siya. Pagkuway may kinuha sa kanyang bag pack. “ Talaga?” nanunuring tanong niya rito. “Sinabi mo eh. Ginawa mo ngang pansuhol sa akin ang contact number niya para lang masundan natin dito si Kirk.” Dagdag pa niya. Gusto niyang makita ang magiging reaksyon nito para makumpirma ang kanyang hinala.

At palagay niya ay hindi naman siya nagkakamali ng mariin nitong ipikit ang mga mata.

“Pero palagay ko, lugi ako.” Lumapit siya rito at iniabot ang calling card ni Quelvin. “Sayo na ulit iyan.” Maluwag sa dibdib na alok niya.

“Bakit mo ibinabalik? May iba ka bang hihilinging kabayaran?” nagtatakang tanong nito.

Umiling si Jeanette. “I’m not interested to him anymore.” At totoo iyon. Napatunayan niya sa sarili ang bagay na iyon nang wala siyang ibang maramdaman kundi kaligayahan matapos makumpirma ang damdamin nito para kay Quelvin.

“At sino na ang bagong apple of the eye mo? Si Gelo?” ito naman ang nanunukso sa kanya ngayon.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Excuse me?”

Ayaw na niyang marinig ang pangalan ng magaling na lalaki matapos niyang makita ang eksena nito at ng babaeng blonde na kahalikan nito kanina. Kung hindi siya nagkakamali, iyon si Ania dahil narinig niyang binanggit ni Gelo ang pangalang iyon nang makalapit ang dalawa. Hindi niya sigurado kung alin ang Ania at alin ang Hailey, pero dahil sa kaalamang si Ania ang nakatuntong na sa float, malamang na ang kahalikan ni Gelo ay siyang si Ania.

Bumalik siya sa pwesto nila ni Gelo para sana sabihing sasama na siya sa panonood ng beach kite festival mamaya pero hayun at matutunghayan lang niyang may kalampungan na itong iba matapos ang ilang sandali na iwan niya ito. At ano ba ang karapatan niyang magmarukolyo? Hindi niya pag-aari si Gelo.

Siguro nga ay karelasyon nito ang Ania na iyon dahil kung hindi, bakit ganoon nalang kung maghalikan sa pampublikong lugar ang dalawa?

“Wala akong pakialam kahit mag-make out pa sila sa mesang iyon! Wala! Wala! Wala! Mag-ano ba kami? Wala naman di ba? Kaya wala talaga akong pakialam.’

“Hindi mo makikita ang bagay na nakikita ng kaharap mo, cous.” Sabi pa nito.

“Ewan ko sayo, Trix.” Hindi niya pinatulan ang panti-trip ng pinsan. Wala lang itong magawa kaya’t kung anu-ano nalang ang pinagsasasabi.

“Saan ka nga pala pupunta?”

Isinukbit na niya ang bag. “Mag-iiwan nalang sana ako ng note pero dahil nandito ka na, sasabihin ko na din. Napaaga ang pagsunod ni Maruki dito sa atin. At hindi niya ako dapat na maabutan dito sa hotel kaya sasama nalang akong mag-trekking.”

Dapat talaga ay ipapa-cancel na niya ang registration niya sa trekking activity para sumama kay Gelo na manood ng kite festival pero dahil sa nakita niya sa pagbabalik niya sa resto at idagdag pang bigla siyang nakatanggap ng tawag mula kay Maruki. At hindi niya nagustuhan ang inihatid nitong balita na pagsunod sa kanila roon sa Costa Galaxia ay itinuloy nalang niya.

Maski papaano ay naiisip na rin naman niya na malamang may hinging kapalit si Maruki sa invitation na hiniling niya rito. At kung hihiling ito ng date ay hinding-hindi niya magagawang ibigay. Kaya maigi pa na umiwas nalang siya. Alam niyang napaka-selfish ng plano niya. Pero mas magiging malala ang sitwasyon kung o-oo nalang siya sa kanyang boss na ni hindi niya kinakitaan ng maski anong bagay na nakalista sa ideal boyfriend niya.

“Ha? Paano ako?” nagpapanic na tanong nito.

“Ikaw? Malaki ka na. Kaya mo na ang sarili mo. Kung ako sayo, atupagin mo nalang ang cold war ninyo ni Quelvin.” Suhestyon niya sa biglaang outburst ng pinsan sa kalagitnaan ng pagmumuni-muni niya.

At dere-deretso na siyang naglakad patungo sa pinto. Kilala siya ng pinsan. Kapag may maisipan siyang gawin ay gagawin niya at walang kahit sinong makakapigil.

Nagulat siya ng sa pagbukas niya ay nabungaran niya si Quelvin.

“O, nandiyan ka pala, Quelvin. Kanina ka pa? Bakit hindi ka kumatok?”

At para pa sa ikakapanatag ng mga naguguluhan niyang buto-buto, hindi na niya naramdaman ang tila paglundag ng puso mula sa kanyang dibdib pagkakita rito. Malaki na ang nagbago. Hindi na tulad ng dati. Hindi niya tuloy mapagpasyahan ngayon kung ituturing na masama o mabuting bagay ang deal nila ng pinsan dahil nauwi rin naman sa wala ang lahat.

Ang isa pang bagay na gusto niyang ikainis ay bakit ganoon ang damdamin niya? Bakit kay bilis lumipat ng pagkagusto niya kay Quelvin patungo kay Gelo?

Oo, nakakahiya man sa kanyang kaluluwa pero tama si Beatrice. Lumipat na ang kanyang atensyon at damdamin sa lalaking nangongolekta ng mga babae. Kung bakit ba naman kasi kahit gaano kasuplado ang Gelo na iyon, hindi pa rin niya maiiwas ang damdamin niya rito. Ganoon ba talaga kadaling ma-develop ang damdamin niya sa lalaki? Unang kita pa lang niya kay Quelvin ay nagka-crush na siya rito. At nang magkaroon sila ng mahaba-habang oras ni Gelo na magkasama at malaman niyang masarap itong maka-bonding maski lagi silang nagtatalakan, bigla-bigla nalang lumipat rito ang pagtinging meron siya para kay Quelvin.

At alam niya sa sarili na mas malalim pa sa naramdaman niya para kay Quelvin ang nararamdaman niya ngayon para kay Gelo. Kaya nga, nang makita niyang may kahalikan itong babae ay parang natuliro siya. Gusto niyang sugudin ang mga iyon, pero bibigyan niya lang ng kahihiyan ang sarili dahil wala naman siyang pakialam. Kaya sa huli, hindi niya mapagpasyahan kung lalayuan ba si Gelo o makikipaglapit rito para agawin ito sa iba pang babae nito.

“Nag-uusap kayo kaya…” Nabitin ang sasabihin ni Quelvin at hindi na iyon nasundan pa.

“Kaya nag-eavesdrop ka nalang.” Prangkang pagsusundo niya sa sinasabi nito. “Nasa loob si Trix. Bahala ka na sa kanya. Lalayas na ako.”

Mabilis na iniwan na niya ang dalawa. Maiiwan na siya ng mga nagte-trekking.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.